Book of Common Prayer
Ang Tunay na Pagsamba
Awit ni Asaf.
50 Ang Makapangyarihan, ang Diyos na Panginoon,
ay nagsalita at tinatawag ang lupa
mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog niyon.
2 Mula sa Zion na kasakdalan ng kagandahan,
nagliliwanag ang Diyos.
3 Ang aming Diyos ay dumarating at hindi siya tatahimik;
nasa harapan niya ang apoy na tumutupok,
at malakas na bagyo sa kanyang palibot.
4 Siya'y tumatawag sa langit sa kaitaasan,
at sa lupa upang hatulan niya ang kanyang bayan:
5 “Tipunin mo sa akin ang aking mga banal,
yaong nakipagtipan sa akin sa pamamagitan ng alay!”
6 Ang langit ay nagpapahayag ng kanyang katuwiran;
sapagkat ang Diyos ay siyang hukom! (Selah)
7 “Makinig, O aking bayan, at magsasalita ako,
O Israel, ako'y magpapatotoo laban sa iyo.
Ako'y Diyos, Diyos mo.
8 Hindi kita sinasaway dahil sa iyong mga handog;
laging nasa harapan ko ang iyong mga handog na sinusunog.
9 Hindi ako tatanggap ng baka mula sa iyong bahay,
ni ng kambing na lalaki sa iyong mga kawan.
10 Sapagkat bawat hayop sa gubat ay akin,
ang hayop sa libong mga burol.
11 Nakikilala ko ang lahat ng mga ibon sa mga bundok;
at ang lahat ng mga gumagala sa parang ay akin.
12 “Kung ako'y gutom, sa iyo ay hindi ko sasabihin,
sapagkat ang sanlibutan at ang lahat ng narito ay akin.
13 Kumakain ba ako ng laman ng mga toro,
o umiinom ng dugo ng mga kambing?
14 Mag-alay sa Diyos ng pasasalamat na alay,
at tuparin mo ang iyong mga panata sa Kataas-taasan;
15 at tumawag ka sa akin sa araw ng kabagabagan;
ililigtas kita, at luluwalhatiin mo ako.”
16 Ngunit sa masama ay sinabi ng Diyos:
“Anong karapatan mo upang ipahayag ang aking mga tuntunin,
o ilagay ang aking tipan sa iyong bibig?
17 Sapagkat ang disiplina ay kinapopootan mo,
at iyong iwinawaksi ang aking mga salita sa likuran mo.
18 Kapag nakakakita ka ng magnanakaw, ikaw ay natutuwa sa kanya,
at sumasama ka sa mga mangangalunya.
19 “Ibinibigay mo sa iyong bibig ang malayang paghahari ng kasamaan,
at ang iyong dila ay kumakatha ng pandaraya.
20 Ikaw ay umuupo at nagsasalita laban sa iyong kapatid;
iyong sinisiraan ang anak ng iyong sariling ina.
21 Ang mga bagay na ito ay iyong ginawa, at ako'y nanahimik;
iniisip mong ako'y gaya mo.
Ngunit ngayo'y sinasaway kita, at ipinapataw ang paratang sa harapan mo.
22 “Kayong nakakalimot sa Diyos, tandaan ninyo ito,
baka kayo'y aking pagluray-lurayin at walang magligtas sa inyo!
23 Ang naghahandog ng alay ng pasasalamat ay nagpaparangal sa akin;
sa kanya na nag-aayos ng kanyang lakad
ang pagliligtas ng Diyos ay ipapakita ko rin!”
Panalangin(A) upang Ingatan
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Huwag Wasakin. Miktam ni David, nang magsugo si Saul, at kanilang bantayan ang bahay upang patayin siya.
59 Iligtas mo ako sa aking mga kaaway, O Diyos ko,
mula sa mga nag-aalsa laban sa akin, sa itaas ay ilagay mo ako.
2 Iligtas mo ako sa mga gumagawa ng kasamaan,
at iligtas mo ako sa mga taong sa dugo ay uhaw.
3 Narito, sapagkat pinagtatangkaan ang aking buhay;
ang mga taong mababagsik laban sa akin ay nagsasama-sama.
Hindi dahil sa aking pagsuway o sa aking kasalanan man, O Panginoon,
4 sila'y tumatakbo at naghahanda sa di ko kasalanan.
Ikaw ay bumangon, tulungan mo ako, at iyong masdan!
5 Ikaw, O Panginoong Diyos ng mga hukbo, na Diyos ng Israel.
Gumising ka upang iyong parusahan ang lahat ng mga bansa;
huwag mong patatawarin ang sinumang may kataksilang nagpakana ng masama. (Selah)
6 Tuwing hapon ay bumabalik sila,
tumatahol na parang aso,
at nagpapagala-gala sa lunsod.
7 Narito, sila'y nanunungayaw sa pamamagitan ng kanilang bibig;
mga tabak ay nasa kanilang mga labi—
sapagkat sinasabi nila, “Sinong makikinig sa amin?”
8 Ngunit ikaw, O Panginoon, ay pinagtatawanan mo sila,
iyong tinutuya ang lahat ng mga bansa.
9 Dahil sa kanyang kalakasan, babantayan kita,
sapagkat ikaw, O Diyos ay muog ko.
10 Ang aking Diyos sa kanyang tapat na pag-ibig ay sasalubong sa akin;
ipinahihintulot ng aking Diyos na ako'y tumingin na may pagtatagumpay sa aking mga kaaway.
11 Huwag mo silang patayin, baka makalimot ang aking bayan;
pangalatin mo sila sa pamamagitan ng iyong kapangyarihan, at ibaba mo sila,
O Panginoon na kalasag namin!
12 Dahil sa kasalanan ng kanilang bibig, at sa mga salita ng kanilang mga labi,
masilo nawa sila sa kanilang kapalaluan,
dahil sa sumpa at sinalita nilang kasinungalingan.
13 Pugnawin mo sila sa poot,
pugnawin mo sila hanggang sa sila'y wala na,
upang malaman ng tao na ang Diyos ang namumuno sa Jacob,
hanggang sa mga wakas ng lupa. (Selah)
14 Bawat hapon ay bumabalik sila,
na tumatahol na parang aso
at pagala-gala sa lunsod.
15 Sila'y gumagala upang may makain,
at tumatahol kapag hindi sila nabusog.
16 Ngunit aking aawitin ang iyong kalakasan;
oo, aking aawiting malakas sa umaga ang iyong tapat na pag-ibig,
sapagkat ikaw ay naging aking muog,
at kanlungan sa araw ng aking kapighatian.
17 O aking kalakasan, aawit ako ng mga papuri sa iyo,
sapagkat ikaw, O Diyos, ay muog ko,
ang Diyos na nagpapakita sa akin ng tapat na pagsuyo.
Sa(B) Punong Mang-aawit: ayon sa Shushan Eduth. Miktam ni David; para sa pagtuturo; nang siya ay makipaglaban kay Aramharain at Aram-zobah, at nang patayin ni Joab sa kanyang pagbabalik ang 12,000 Edomita sa Libis ng Asin.
60 O Diyos, kami ay iyong tinalikuran, winasak mo kami.
Ikaw ay nagalit; O ibalik mo kami.
2 Iyong niyanig ang lupain, iyong ibinuka;
kumpunihin mo ang mga sira niyon, sapagkat ito'y umuuga.
3 Pinaranas mo ng mahihirap na mga bagay ang iyong bayan;
binigyan mo kami ng alak na inumin na nagpasuray sa amin.
4 Naglagay ka ng watawat para sa mga natatakot sa iyo,
upang ito'y mailantad dahil sa katotohanan. (Selah)
5 Upang ang iyong minamahal ay mailigtas,
bigyan ng tagumpay sa pamamagitan ng iyong kanang kamay at sagutin mo kami.
6 Nagsalita ang Diyos sa kanyang santuwaryo,
“Ako'y magsasaya, aking hahatiin ang Shekem,
at aking susukatin ang Libis ng Sucot.
7 Ang Gilead ay akin, ang Manases ay akin;
ang Efraim din ay helmet ng ulo ko,
ang Juda ay aking setro.
8 Ang Moab ay aking hugasan;
sa Edom ay ihahagis ko ang aking sandalyas;
Filistia, dahil sa akin, sumigaw ka ng malakas.”
9 Sinong magdadala sa akin sa lunsod na may kuta?
Sinong papatnubay sa akin hanggang sa Edom?
10 Hindi mo ba kami tinalikuran, O Diyos?
At hindi ka ba hahayo, O Diyos, na kasama ng aming mga hukbo?
11 O pagkalooban mo kami ng tulong laban sa kaaway,
sapagkat walang kabuluhan ang tulong ng tao!
12 Kasama ng Diyos ay gagawa kaming may katapangan;
sapagkat siya ang tatapak sa aming mga kaaway.
Panalangin ng Pasasalamat dahil sa Tagumpay
118 O(A) magpasalamat kayo sa Panginoon, sapagkat siya'y mabuti;
ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman.
2 Sabihin ngayon ng Israel,
“Ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman.”
3 Sabihin ngayon ng sambahayan ni Aaron,
“Ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman.”
4 Sabihin ngayon ng mga natatakot sa Panginoon,
“Ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman.”
5 Tumawag ako sa Panginoon mula sa aking pagkabalisa,
sinagot ako ng Panginoon, at inilagay ako sa maluwag na dako.
6 Ang(B) Panginoon ay para sa akin, hindi ako matatakot.
Anong magagawa ng tao sa akin?
7 Ang Panginoon ay kakampi ko, kasama ng mga tumutulong sa akin,
ako'y titinging may pagtatagumpay sa mga napopoot sa akin.
8 Higit na mabuti ang manganlong sa Panginoon
kaysa magtiwala sa tao.
9 Higit na mabuti ang manganlong sa Panginoon
kaysa magtiwala sa mga pinuno.
10 Pinalibutan ako ng lahat ng mga bansa;
sa pangalan ng Panginoon, tiyak na pupuksain ko sila.
11 Pinalibutan nila ako, oo, pinalibutan nila ako,
sa pangalan ng Panginoon, sila ay tiyak na pupuksain ko.
12 Pinalibutan nila akong gaya ng mga pukyutan,
sila'y nasunog na parang apoy ng mga dawagan;
sa pangalan ng Panginoon sila'y tiyak na pupuksain ko.
13 Itinulak mo ako nang malakas, anupa't ako'y malapit nang mabuwal,
ngunit tinulungan ako ng Panginoon.
14 Ang(C) Panginoon ay aking awit at kalakasan,
at siya'y naging aking kaligtasan.
15 Ang tunog ng masayang sigawan at kaligtasan ay nasa mga tolda ng matuwid:
“Ang kanang kamay ng Panginoon ay gumagawang may katapangan,
16 ang kanang kamay ng Panginoon ay parangalan,
ang kanang kamay ng Panginoon ay gumagawang may katapangan!”
17 Hindi ako mamamatay, kundi mabubuhay,
at ang mga gawa ng Panginoon ay isasalaysay.
18 Pinarusahan akong mabuti ng Panginoon;
ngunit hindi niya ako ibinigay sa kamatayan.
19 Buksan ninyo sa akin ang mga pintuan ng katuwiran;
upang ako'y makapasok doon
at makapagpasalamat sa Panginoon.
20 Ito ang pintuan ng Panginoon;
ang matuwid ay papasok doon.
21 Ako'y magpapasalamat sa iyo sapagkat sinagot mo ako
at ikaw ay naging kaligtasan ko.
22 Ang(D) (E) batong itinakuwil ng mga nagtayo,
ay naging panulok na bato.
23 Ito ang gawa ng Panginoon;
ito ay kagila-gilalas sa ating mga mata.
24 Ito ang araw na ang Panginoon ang gumawa,
tayo'y magalak at matuwa.
25 O(F) Panginoon, ipinapakiusap namin sa iyo, ikaw ay magligtas!
O Panginoon, ipinapakiusap namin sa iyo, magsugo ka ng kaginhawahan.
26 Mapalad(G) siya na dumarating sa pangalan ng Panginoon!
Pinupuri ka namin mula sa bahay ng Panginoon.
27 Ang Panginoon ay Diyos, at binigyan niya kami ng liwanag!
Talian ninyo ang hain ng mga panali,
sa mga sungay ng dambana.
28 Ikaw ay aking Diyos, at ako'y magpapasalamat sa iyo;
ikaw ay aking Diyos, ikaw ay pupurihin ko.
29 O magpasalamat kayo sa Panginoon, sapagkat siya'y mabuti,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman!
15 At(A) nanganak si Hagar ng isang lalaki kay Abram at ang itinawag ni Abram sa kanyang anak na ipinanganak ni Hagar ay Ismael.
16 Si Abram ay walumpu't anim na taon nang ipanganak ni Hagar si Ismael sa kanya.
Pagtutuli ang Tanda ng Tipan
17 Nang si Abram ay siyamnapu't siyam na taon, ang Panginoon ay nagpakita kay Abram, at sa kanya'y nagsabi, “Ako ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat! Lumakad ka sa harapan ko, at maging walang kapintasan;
2 at ako'y makikipagtipan sa iyo at ikaw ay aking labis na pararamihin.”
3 At nagpatirapa si Abram, at sinabi ng Diyos sa kanya,
4 “Para sa akin, ito ang aking pakikipagtipan sa iyo: Ikaw ang magiging ama ng maraming bansa.
5 Ang(B) pangalan mo ay hindi na tatawaging Abram,[a] kundi Abraham ang magiging pangalan mo; sapagkat ikaw ay ginawa kong ama ng maraming bansa.
6 Ikaw ay gagawin kong mayroong napakaraming anak at magmumula sa iyo ang mga bansa; at magbubuhat sa iyo ang mga hari.
7 Aking(C) itatatag ang aking tipan sa iyo at sa iyong binhi kahit sa iyong pagkamatay sa buong lahi nila, isang tipang walang hanggan, upang maging Diyos mo at ng iyong binhi.
8 At(D) ibibigay ko sa iyo at sa iyong binhi pagkamatay mo ang lupaing kung saan ka ngayon ay isang dayuhan, ang buong lupain ng Canaan bilang pag-aaring walang hanggan; at ako ang magiging Diyos nila.”
9 Sinabi ng Diyos kay Abraham, “At tungkol sa iyo, iingatan mo ang aking tipan, ikaw at ang iyong binhi pagkamatay mo sa buong lahi nila.
10 Ito(E) ang aking tipan na inyong iingatan, ang tipan natin at ng iyong binhi pagkamatay mo: Ang bawat lalaki sa inyo ay tutuliin.
11 Inyong tutuliin ang balat ng inyong maselang bahagi, at ito ang magiging tanda ng aking tipan sa inyo.
12 Sa inyong buong lahi, bawat lalaking may gulang na walong araw sa inyo ay tutuliin, maging ang aliping ipinanganak sa inyong bahay, o ang binili ng salapi sa sinumang taga-ibang lupa na hindi sa iyong lahi.
13 Ang aliping ipinanganak sa bahay at ang binili ng iyong salapi ay dapat tuliin; at ang aking tipan ay makikita sa iyong laman bilang tipang walang hanggan.
14 Ang sinumang lalaking hindi tuli, na hindi tinuli ang balat ng maselang bahagi ay ititiwalag sa kanyang bayan; sinira niya ang aking tipan.”
10 Yamang ang kautusan ay anino lamang ng mabubuting bagay na darating, at hindi ang tunay na larawan ng mga bagay na ito, kailanman ay hindi nito mapapasakdal ang mga lumalapit sa pamamagitan ng gayunding mga alay na laging inihahandog taun-taon.
2 Sapagkat kung di gayon, hindi ba sana ay itinigil nang ihandog ang mga iyon? Kung ang mga sumasamba na nalinis nang minsan, sana ay hindi na sila nagkaroon pa ng kamalayan sa kasalanan.
3 Ngunit sa pamamagitan ng mga handog na ito ay may pagpapaalala ng mga kasalanan taun-taon.
4 Sapagkat hindi maaaring mangyari na ang dugo ng mga toro at ng mga kambing ay makapag-alis ng mga kasalanan.
5 Kaya't(A) pagdating ni Cristo[a] sa sanlibutan ay sinabi niya,
“Hindi mo nais ang alay at handog,
ngunit ipinaghanda mo ako ng isang katawan;
6 sa mga handog na sinusunog at sa mga handog para sa mga kasalanan
ay hindi ka nalugod.
7 Kaya't sinabi ko, ‘Narito, ako'y dumating upang gawin ang iyong kalooban, O Diyos,’
sa balumbon ng aklat ay nasusulat tungkol sa akin.”
8 Nang sabihin niya sa itaas na, “Hindi mo ibig at hindi mo rin kinalugdan ang alay at mga handog, at mga buong handog na sinusunog at mga alay para sa kasalanan” na inihahandog ayon sa kautusan,
9 pagkatapos ay idinagdag niya, “Narito, ako'y dumating upang gawin ang iyong kalooban.” Inalis niya ang una, upang maitatag ang ikalawa,
10 at sa pamamagitan ng kalooban niya tayo'y ginawang banal sa pamamagitan ng pag-aalay ng katawan ni Cristo minsan magpakailanman.
Mga Patotoo kay Jesus
30 “Hindi ako makakagawa ng anuman mula sa aking sarili. Humahatol ako ayon sa aking naririnig, at ang paghatol ko'y matuwid, sapagkat hindi ko hinahanap ang aking sariling kalooban kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.
31 Kung ako'y nagpapatotoo para sa aking sarili, ang patotoo ko ay hindi totoo.
32 Iba ang nagpapatotoo para sa akin at alam ko na ang patotoo niya para sa akin ay totoo.
33 Kayo'y(A) nagpadala ng sugo kay Juan, at siya'y nagpatotoo sa katotohanan.
34 Hindi sa tinatanggap ko ang patotoong mula sa tao, subalit sinasabi ko ang mga bagay na ito upang kayo'y maligtas.
35 Siya ang ilawang nagniningas at lumiliwanag, at ninais ninyong kayo'y magalak sumandali sa kanyang liwanag.
36 Subalit mayroon akong patotoo na lalong dakila kaysa kay Juan. Ang mga gawaing ibinigay sa akin ng aking Ama upang ganapin, ang mga gawaing ito na aking ginagawa ay nagpapatotoo tungkol sa akin na ako'y sinugo ng Ama.
37 Ang(B) Ama na nagsugo sa akin ay siyang nagpatotoo tungkol sa akin. Kailanma'y hindi ninyo narinig ang kanyang tinig, o hindi ninyo nakita ang kanyang anyo.
38 At walang salita niya na nananatili sa inyo sapagkat hindi kayo sumasampalataya sa kanyang sinugo.
39 Sinasaliksik ninyo ang mga kasulatan sapagkat iniisip ninyo na sa mga iyon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan; at iyon ang nagpapatotoo tungkol sa akin.
40 Subalit ayaw ninyong lumapit sa akin upang kayo'y magkaroon ng buhay.
41 Hindi ako tumatanggap ng kaluwalhatiang mula sa mga tao.
42 Subalit nalalaman ko na ang pag-ibig ng Diyos ay wala sa inyo.
43 Naparito ako sa pangalan ng aking Ama at hindi ninyo ako tinanggap. Kung iba ang pumarito sa kanyang sariling pangalan, iyon ang inyong tatanggapin.
44 Paano kayo mananampalataya gayong tumatanggap kayo ng kaluwalhatian mula sa isa't isa at hindi ninyo hinahanap ang kaluwalhatiang mula sa tanging Diyos?
45 Huwag ninyong isiping paparatangan ko kayo sa Ama. May isang nagpaparatang sa inyo, si Moises, siya na inyong inaasahan.
46 Sapagkat kung kayo'y sumasampalataya kay Moises ay sasampalataya kayo sa akin, sapagkat siya'y sumulat tungkol sa akin.
47 Ngunit kung hindi kayo naniniwala sa kanyang mga sinulat ay paano kayong maniniwala sa aking mga salita?”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001