Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 104

Bilang Pagpupuri sa Manlalalang

104 Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko!
    O Panginoon kong Diyos, napakadakila mo!
Karangalan at kamahalan ang kasuotan mo,
    na siyang bumabalot ng liwanag sa iyo na parang bihisan;
na gaya ng tabing ay nag-unat ng kalangitan;
    na siyang naglalagay ng mga biga ng kanyang mga matataas na silid sa tubig;
na ginawang kanyang karwahe ang mga ulap,
    na sumasakay sa mga pakpak ng hangin,
na(A) ginagawa niyang mga sugo ang mga hangin,
    at kanyang mga tagapangasiwa ay nagliliyab na apoy.

Iyong inilagay ang lupa sa kanyang saligan,
    upang ito'y huwag mayanig kailanman.
Tinakpan mo ito ng kalaliman na tila isang bihisan;
    ang tubig ay tumatayo sa itaas ng mga bundok.
Sa iyong pagsaway ay tumakbo sila,
    sa ugong ng iyong kulog ay nagsitakas sila.
Ang mga bundok ay bumangon, lumubog ang mga libis,
    sa dakong pinili mo para sa kanila.
Ikaw ay naglagay ng hangganan na hindi nila dapat daanan,
    upang ang lupa ay hindi na nila muling matakpan.

10 Siya'y nagsusugo ng mga bukal sa mga libis;
    ang mga iyon ay umagos sa pagitan ng mga bundok,
11 kanilang binibigyan ng inumin ang bawat hayop sa parang;
    pinapawi ng mailap na asno ang kanilang pagkauhaw.
12 Sa tabi nila ay nagkaroon ng kanilang tahanan ang mga ibon sa himpapawid;
    sila'y nagsisiawit sa mga sanga.
13 Mula sa iyong mga matataas na silid ay dinidilig mo ang mga bundok;
    sa bunga ng iyong mga gawa ang lupa'y busog.

14 Iyong pinalalago para sa mga hayop ang damo,
    at ang pananim upang sakahin ng tao,
upang siya'y makapagbigay ng pagkain mula sa lupa,
15     at ng alak upang pasayahin ang puso ng tao,
ng langis upang paliwanagin ang kanyang mukha,
    at tinapay upang palakasin ang puso ng tao.
16 Ang mga punungkahoy ng Panginoon ay busog,
    ang mga sedro sa Lebanon na kanyang itinanim.
17 Sa mga iyon ay gumagawa ng kanilang mga pugad ang mga ibon;
    ang tagak ay mayroong kanyang bahay sa puno ng igos.
18 Ang matataas na bundok ay para sa maiilap na kambing;
    ang malalaking bato ay kanlungan ng mga kuneho.
19 Ginawa mo ang buwan upang takdaan ang mga panahon;
    nalalaman ng araw ang kanyang panahon ng paglubog.
20 Itinatalaga mo ang kadiliman at ito'y nagiging gabi;
    nang ang lahat ng mga halimaw sa gubat ay gumagapang.
21 Umuungal ang mga batang leon para sa kanilang biktima,
    na naghahanap ng kanilang pagkain mula sa Diyos.
22 Kapag ang araw ay sumisikat sila'y nagsisialis,
    at humihiga sa kanilang mga yungib.
23 Ang tao ay humahayo sa kanyang gawain,
    at sa kanyang paggawa hanggang sa kinahapunan.

24 O Panginoon, napakarami ng iyong mga gawa!
    Sa karunungan ay ginawa mo silang lahat,
    ang lupa ay punô ng iyong mga nilalang.
25 Nariyan ang dagat, malaki at maluwang,
    na punô ng mga bagay na di mabilang,
    ng maliit at malaking bagay na may buhay.
26 Doon(B) nagsisiyaon ang mga sasakyang-dagat,
    at ang Leviatan na iyong nilikha upang doon ay maglibang.

27 Lahat ng ito sa iyo ay naghihintay,
    upang mabigyan sila sa tamang panahon ng kanilang pagkain.
28 Iyong ibinibigay sa kanila, ito ay kanilang tinitipon;
    iyong ibinubukas ang iyong kamay, sila'y napupuno ng mabubuting bagay.
29 Iyong ikinukubli ang iyong mukha, sila'y nangangamba;
    iyong inalis ang kanilang hininga, sila'y namamatay,
    at nagsisibalik sa kanilang pagiging alabok.
30 Iyong isinusugo ang iyong Espiritu, sila'y nalilikha,
    at iyong binabago ang balat ng lupa.

31 Manatili nawa ang kaluwalhatian ng Panginoon kailanman;
    magalak nawa ang Panginoon sa kanyang mga gawa,
32 na siyang tumitingin sa lupa at ito'y nayayanig,
    na humihipo sa mga bundok at ito'y umuusok!
33 Aawit ako sa Panginoon habang ako'y nabubuhay;
    ako'y aawit ng papuri sa aking Diyos, habang ako'y nabubuhay.
34 Maging kalugud-lugod nawa sa kanya ang aking pagbubulay-bulay,
    para sa akin, ako'y magagalak sa Panginoon.
35 Malipol nawa ang mga makasalanan sa lupa,
    at mawala nawa ang masama.
O kaluluwa ko! Purihin ang Panginoon.
Purihin ang Panginoon!

Isaias 61:1-9

Balita ng Kaligtasan

61 Ang(A) (B) Espiritu ng Panginoong Diyos ay sumasaakin;
    sapagkat hinirang[a] ako ng Panginoon
upang ipangaral ang mabuting balita sa inaapi
    kanyang sinugo ako upang magpagaling ng mga bagbag na puso,
upang magpahayag ng kalayaan sa mga bihag,
    at buksan ang bilangguan sa mga bilanggo;
upang(C) ihayag ang kalugud-lugod na taon ng Panginoon,
    at ang araw ng paghihiganti ng ating Diyos;
    upang aliwin ang lahat ng tumatangis;
upang pagkalooban sila na tumatangis sa Zion—
    upang bigyan sila ng putong na bulaklak sa halip na mga abo,
sa halip na pagtangis ay langis ng kagalakan,
    sa halip na lupaypay na diwa ay damit ng kapurihan,
upang sila'y matawag na mga punungkahoy ng katuwiran,
    ang pananim ng Panginoon, upang siya'y bigyan ng kaluwalhatian.
Kanilang itatayong muli ang mga sinaunang naguho,
    kanilang ibabangon ang mga dating giba,
kanilang kukumpunihin ang mga lunsod na sira,
    na sa maraming salinlahi ay nagiba.

At tatayo ang mga dayuhan at pakakainin ang inyong mga kawan,
    at magiging inyong mga tagapag-araro ang mga dayuhan at manggagawa sa ubasan.
Ngunit kayo'y tatawaging mga pari ng Panginoon,
    tatawagin kayo ng mga tao bilang mga tagapaglingkod ng ating Diyos,
kayo'y kakain ng kayamanan ng mga bansa,
    at sa kanilang kaluwalhatian ay magmamapuri kayo.
Magtatamo kayo ng dalawang bahagi sa halip na kahihiyan,
    sa halip na paghamak ay magagalak kayo sa inyong kapalaran;
kaya't sa inyong lupain ay dalawang bahagi ang aariin ninyo,
    walang hanggang kagalakan ang mapapasa inyo.

Sapagkat akong Panginoon ay umiibig sa katarungan,
    kinapopootan ko ang pagnanakaw at handog na sinusunog;
at aking tapat na ibibigay sa kanila ang kanilang gantimpala,
    at ako'y makikipagtipan sa kanila ng walang hanggan.
At ang kanilang mga lahi ay makikilala sa gitna ng mga bansa,
    at ang kanilang supling sa gitna ng mga bayan;
lahat ng nakakakita sa kanila ay kikilalanin sila,
    na sila ang bayang pinagpala ng Panginoon.

Galacia 3:23-29

23 Ngunit bago dumating ang pananampalataya, nabibilanggo tayo at binabantayan sa ilalim ng kautusan, hanggang sa ang pananampalataya ay ipahayag.

24 Kaya't ang kautusan ay naging ating tagasupil hanggang sa dumating si Cristo, upang tayo'y ariing-ganap sa pamamagitan ng pananampalataya.

25 Subalit ngayong dumating na ang pananampalataya, tayo ay wala na sa ilalim ng tagasupil.

26 Sapagkat kay Cristo Jesus, kayong lahat ay mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya.

27 Sapagkat ang lahat na sa inyo na binautismuhan kay Cristo ay ibinihis si Cristo.

28 Walang Judio o Griyego, walang alipin o malaya, walang lalaki o babae, sapagkat kayong lahat ay iisa kay Cristo Jesus.

29 At(A) kung kayo'y kay Cristo, kayo nga'y mga binhi ni Abraham, mga tagapagmana ayon sa pangako.

Galacia 4:4-7

Subalit nang dumating ang ganap na kapanahunan, isinugo ng Diyos ang kanyang Anak, na ipinanganak ng isang babae, at ipinanganak sa ilalim ng kautusan,

upang(A) tubusin ang mga nasa ilalim ng kautusan, upang matanggap natin ang pagkupkop bilang mga anak.

At sapagkat kayo'y mga anak, isinugo ng Diyos ang Espiritu ng kanyang Anak sa ating[a] mga puso, na sumisigaw, “Abba,[b] Ama!”

Kaya't hindi ka na alipin kundi anak; at kung anak, ay tagapagmana.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001