Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 31

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.

31 Sa iyo, O Panginoon, ako'y humahanap ng kanlungan;
    huwag mong hayaang ako'y mapahiya kailanman;
    iligtas mo ako sa pamamagitan ng iyong katuwiran!
Ikiling mo ang iyong pandinig sa akin;
    iligtas mo ako agad!
Maging batong kanlungan ka nawa sa akin,
    isang matibay na muog upang ako'y iligtas.

Oo, ikaw ang aking malaking bato at aking tanggulan;
    alang-alang sa iyong pangalan ako'y iyong akayin at patnubayan.
Alisin mo ako sa bitag na kanilang lihim na inilagay para sa akin;
    sapagkat ikaw ang aking kalakasan.
Sa(A) iyong kamay ay ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu,
    O Panginoon, tapat na Diyos, tinubos mo ako.

Kinapopootan ko ang mga nagpapahalaga sa mga walang kabuluhang diyus-diyosan,
    ngunit nagtitiwala ako sa Panginoon.
Ako'y matutuwa at magagalak dahil sa iyong tapat na pag-ibig,
    sapagkat nakita mo ang aking kapighatian,
    iyong binigyang-pansin ang aking mga kahirapan,
at hindi mo ako ibinigay sa kamay ng kaaway;
    inilagay mo ang aking mga paa sa dakong malawak.

Maawa ka sa akin, O Panginoon, sapagkat ako'y nasa kahirapan;
    ang aking mata ay namumugto dahil sa kapanglawan,
    gayundin ang aking kaluluwa at katawan.
10 Sapagkat ang aking buhay ay pagod na sa lungkot,
    at ang aking mga taon sa paghihimutok;
dahil sa aking kasalanan, lakas ko'y nauubos,
    at ang aking mga buto ay nanghihina.

11 Sa lahat kong mga kaaway, ako ang tampulan ng pagkutya,
    lalung-lalo na sa aking mga kapwa,
sa aking mga kakilala ay bagay na kinasisindakan,
    yaong mga nakakakita sa akin sa lansangan sa aki'y naglalayuan.
12 Ako'y lumipas na sa isip gaya ng isang patay;
    ako'y naging gaya ng isang basag na sisidlan.
13 Oo, aking naririnig ang bulungan ng marami—
    kakilabutan sa bawat panig!—
habang sila'y magkakasamang nagpapanukala laban sa akin,
    habang sila'y nagsasabwatan upang buhay ko'y kunin.

14 Ngunit nagtitiwala ako sa iyo, O Panginoon,
    sinasabi ko, “Ikaw ang aking Diyos.”
15 Ang aking mga panahon ay nasa iyong kamay;
    iligtas mo ako sa mga umuusig sa akin at sa kamay ng aking mga kaaway!
16 Sa iyong lingkod, mukha mo nawa'y magliwanag,
    iligtas mo ako ng iyong pag-ibig na tapat!
17 Huwag mong hayaang malagay ako sa kahihiyan, O Panginoon,
    sapagkat sa iyo ako'y nananawagan,
hayaang malagay ang masasama sa kahihiyan,
    na magsitahimik nawa sila sa Sheol.
18 Mapipi nawa ang mga sinungaling na labi,
    na walang pakundangang nagsasalita
    laban sa matuwid nang may kapalaluan at paglait.

19 O napakasagana ng kabutihan mo,
    na iyong inilaan para sa mga natatakot sa iyo,
at ginawa para doon sa nanganganlong sa iyo,
    sa lihim na dako ng iyong harapan, sila'y iyong ikubli!
20 Sa iyong harapan ay palihim mo silang ikinubli
    sa mga banta ng mga tao;
ligtas mo silang iniingatan sa lilim ng iyong tirahan
    mula sa palaaway na mga dila.

21 Purihin ang Panginoon,
    sapagkat kahanga-hanga niyang ipinakita sa akin ang kanyang kagandahang-loob
    sa isang lunsod na nakubkob.
22 Tungkol sa akin, sa pagkatakot ay aking sinabi,
    “Ako ay inilayo mula sa iyong paningin.”
Gayunma'y pinakinggan mo ang mga tinig ng aking mga daing,
    nang ako'y dumaing sa iyo.

23 Ibigin ninyo ang Panginoon, kayong lahat niyang mga banal!
    Iniingatan ng Panginoon ang tapat,
    ngunit lubos niyang ginagantihan ang gumagawa na may kapalaluan.
24 Kayo'y magpakalakas, at magpakatapang ang inyong puso,
    kayong lahat na umaasa sa Panginoon!

Mga Awit 35

Panalangin para sa Saklolo

35 Makipagtunggali ka, O Panginoon, sa kanila na nakikipagtunggali sa akin;
    lumaban ka sa kanila na lumalaban sa akin.
Humawak ka ng kalasag at ng panangga,
    at sa pagtulong sa akin ay tumindig ka!
Ihagis mo ang sibat at diyabelin
    laban sa mga nagsisihabol sa akin!
Sabihin mo sa aking kaluluwa,
    “Ako'y iyong kaligtasan!”

Mapahiya nawa at mawalan ng dangal
    sila na umuusig sa aking buhay!
Nawa'y mapaurong at malito sila
    na laban sa akin at nagbabalak ng masama!
Maging gaya nawa sila ng ipa sa harapan ng hangin,
    na ang anghel ng Panginoon ang nagtataboy sa kanila!
Nawa'y maging madilim at madulas ang daan nila,
    na ang anghel ng Panginoon ang humahabol sa kanila!

Sapagkat walang kadahilanang ikinubli nila ang kanilang bitag na sa akin ay laan,
    walang kadahilanang naghukay sila para sa aking buhay.
Dumating nawa sa kanila nang di namamalayan ang kapahamakan!
At ang patibong na ikinubli nila ang sa kanila'y bumitag;
    mahulog nawa sila doon upang mapahamak!

Kung gayo'y sa Panginoon magagalak ang aking kaluluwa,
    na sa kanyang pagliligtas ay nagpapasaya.
10 Lahat ng aking mga buto ay magsasabi,
    Panginoon, sino ang iyong kagaya?
Ikaw na nagliligtas ng mahina
    mula sa kanya na totoong malakas kaysa kanya,
    ang mahina at nangangailangan mula sa nanamsam sa kanya?

11 Mga saksing may masamang hangarin ay nagtatayuan;
    tinatanong nila ako ng mga bagay na di ko nalalaman.
12 Sa aking kabutihan, iginanti ay kasamaan,
    ang aking kaluluwa ay namamanglaw.
13 Ngunit ako, nang sila'y may sakit,
    ay nagsuot ako ng damit-sako;
    dinalamhati ko ang aking sarili ng pag-aayuno,
Sa dibdib ko'y nanalanging nakayuko ang ulo,
14     ako'y lumakad na tila baga iyon ay aking kaibigan o kapatid,
ako'y humayong gaya ng tumatangis sa kanyang ina
    na nakayukong nagluluksa.

15 Ngunit sa aking pagkatisod, sila'y nagtipon na natutuwa,
    sila'y nagtipun-tipon laban sa akin,
mga mambubugbog na hindi ko kilala
    ang walang hintong nanlait sa akin.
16 Gaya ng mga walang diyos na nanunuya sa pista,
    kanilang pinagngangalit sa akin ang mga ngipin nila.

17 Hanggang kailan ka titingin, O Panginoon?
    Iligtas mo ang aking kaluluwa sa kanilang mga pagpinsala,
    ang aking buhay mula sa mga leon!
18 At ako'y magpapasalamat sa iyo sa dakilang kapulungan;
    sa gitna ng napakaraming tao kita'y papupurihan.
19 Huwag(A) nawang magalak sa akin yaong sinungaling kong mga kaaway;
    at huwag nawang ikindat ang mata ng mga napopoot sa akin nang walang kadahilanan.
20 Sapagkat sila'y hindi nagsasalita ng kapayapaan,
    kundi laban doon sa mga tahimik sa lupain
    ay kumakatha sila ng mga salita ng kabulaanan.
21 Kanilang ibinubuka nang maluwang ang bibig nila laban sa akin;
kanilang sinasabi: “Aha, aha,
    nakita iyon ng mga mata namin!”

22 Iyong nakita ito, O Panginoon; huwag kang tumahimik,
    O Panginoon, huwag kang lumayo sa akin!
23 Kumilos ka, at gumising ka para sa aking karapatan,
    Diyos ko at Panginoon ko, para sa aking ipinaglalaban!
24 Ipagtanggol mo ako, O Panginoon, aking Diyos,
    ayon sa iyong katuwiran;
    at dahil sa akin huwag mo silang hayaang magkatuwaan!
25 Huwag mo silang hayaang magsabi sa sarili nila,
    “Aha, iyan ang aming kagustuhan!”
Huwag silang hayaang magsabi, “Aming nalulon na siya.”

26 Mapahiya nawa sila at malitong magkakasama
    silang nagagalak sa aking kapahamakan!
Madamitan nawa sila ng kahihiyan at kawalang-dangal
    silang laban sa akin ay nagyayabang!

27 Silang nagnanais na ako'y mapawalang-sala
    ay sumigaw sa kagalakan at magsaya,
    at sa tuwina'y sabihin,
“Dakila ang Panginoon,
    na nalulugod sa kapakanan ng kanyang lingkod!”
28 Kung gayo'y isasaysay ng aking dila ang iyong katuwiran
    at ang iyong kapurihan sa buong araw.

Genesis 11:27-12:8

Ang Sambahayan ni Terah

27 Ito ang mga lahi ni Terah. Naging anak ni Terah sina Abram, Nahor, at Haran; at naging anak ni Haran si Lot.

28 Unang namatay si Haran kaysa sa kanyang amang si Terah sa lupaing kanyang tinubuan, sa Ur ng mga Caldeo.

29 At nagsipag-asawa sina Abram at Nahor. Ang pangalan ng asawa ni Abram ay Sarai, at ang pangalan ng asawa ni Nahor ay Milca, na anak na babae ni Haran na ama nina Milca at Iscah.

30 At si Sarai ay baog; siya'y walang anak.

31 Isinama ni Terah si Abram na kanyang anak, at si Lot na anak ni Haran, na anak ng kanyang anak, at si Sarai na kanyang manugang na asawa ni Abram na kanyang anak at sama-samang umalis sa Ur ng mga Caldeo upang magtungo sa lupain ng Canaan. Dumating sila sa Haran, at nanirahan doon.

32 At ang mga naging araw ni Terah ay dalawandaan at limang taon, at namatay si Terah sa Haran.

Ang Pagtawag ng Diyos kay Abraham

12 Sinabi(A) ng Panginoon kay Abram, “Umalis ka sa iyong lupain, sa iyong mga kamag-anak, sa bahay ng iyong ama, at pumunta ka sa lupaing ituturo ko sa iyo.

Gagawin kitang isang malaking bansa, ikaw ay aking pagpapalain, gagawin kong dakila ang iyong pangalan, at ikaw ay magiging isang pagpapala.

Pagpapalain(B) ko ang magbibigay ng pagpapala sa iyo, at susumpain ko ang mga susumpa sa iyo; at sa pamamagitan mo ang lahat ng angkan sa lupa ay pagpapalain.”

Kaya't umalis si Abram ayon sa sinabi sa kanya ng Panginoon, at si Lot ay sumama sa kanya. Si Abram ay may pitumpu't limang taong gulang nang umalis siya sa Haran.

Isinama ni Abram si Sarai na kanyang asawa, at si Lot na anak ng kanyang kapatid, at ang lahat ng pag-aaring kanilang natipon at ang mga taong kanilang nakuha sa Haran; at umalis sila upang pumunta sa lupain ng Canaan at nakarating sila roon.

Dumaan sa lupain si Abram hanggang sa lugar ng Shekem, sa punong ensina ng More. Noon, ang mga Cananeo ay nasa lupaing iyon.

Nagpakita(C) ang Panginoon kay Abram, at sinabi, “Ibibigay ko ang lupaing ito sa iyong lahi.”[a] At siya'y nagtayo roon ng isang dambana sa Panginoon na nagpakita sa kanya.

Mula roon ay lumipat siya sa bundok na nasa silangan ng Bethel, at doon niya itinayo ang kanyang tolda, na nasa kanluran ang Bethel, at nasa silangan ang Ai. Siya'y nagtayo roon ng dambana sa Panginoon, at tinawag ang pangalan ng Panginoon.

Mga Hebreo 7:1-17

Ang Pagkapari ni Melquizedek

Itong(A) si Melquizedek, hari ng Salem, pari ng Kataas-taasang Diyos, ang siyang sumalubong kay Abraham sa pagbabalik niya galing sa paglipol sa mga hari at siya'y kanyang binasbasan,

at sa kanya ay ibinahagi ni Abraham ang ikasampung bahagi ng lahat. Una, ang kahulugan ng kanyang pangalan ay hari ng katuwiran; ikalawa, siya rin ay hari ng Salem, na ang kahulugan ay hari ng kapayapaan.

Walang ama, walang ina, walang talaan ng angkan, ni walang pasimula ng mga araw o katapusan ng buhay, subalit ginawang katulad ng Anak ng Diyos, siya ay nananatiling pari magpakailanman.

Talagang napakadakila ang taong ito! Maging si Abraham na patriyarka ay nagbigay sa kanya ng ikasampung bahagi ng mga samsam.

At(B) ang mga anak ni Levi na tumanggap ng katungkulang pari ay mayroong utos ayon sa kautusan na maglikom ng ikasampung bahagi mula sa taong-bayan, samakatuwid ay sa kanilang mga kapatid, bagaman ang mga ito ay mga nagmula sa balakang ni Abraham.

Ngunit ang taong ito na hindi mula sa kanilang lahi ay tumanggap ng mga ikasampung bahagi mula kay Abraham, at binasbasan ang tumanggap ng mga pangako.

Hindi mapapabulaanan na ang nakabababa ay binabasbasan ng nakatataas.

At dito, ang mga taong may kamatayan ay tumatanggap ng ikasampung bahagi, subalit sa kabilang dako ay ang isa na pinatutunayang nabubuhay.

Maaaring sabihin na maging si Levi, na siyang tumatanggap ng mga ikasampung bahagi ay nagbayad ng ikasampung bahagi sa pamamagitan ni Abraham,

10 sapagkat siya'y nasa mga balakang pa ng kanyang ninuno nang siya'y salubungin ni Melquizedek.

Ang Paring Tulad ni Melquizedek

11 Ngayon, kung may kasakdalan sa pamamagitan ng pagkapari ng mga Levita, (sapagkat batay dito ay tinanggap ng bayan ang kautusan), ano pa ang karagdagang pangangailangan upang lumitaw ang isa pang pari, ayon sa pagkapari ni Melquizedek, sa halip na ayon sa pagkapari ni Aaron?

12 Sapagkat nang palitan ang pagkapari ay kailangan din namang palitan ang kautusan.

13 Sapagkat ang tinutukoy ng mga bagay na ito ay kabilang sa ibang angkan, na doon ang sinuma'y hindi naglingkod sa dambana.

14 Sapagkat maliwanag na ang ating Panginoon ay nagmula sa Juda at tungkol sa liping iyon ay walang sinabing anuman si Moises tungkol sa mga pari.

15 At ito ay lalo pang naging maliwanag nang lumitaw ang ibang pari, na kagaya ni Melquizedek,

16 na naging pari, hindi ayon sa itinatakda ng batas na ukol sa laman, kundi ayon sa kapangyarihan ng isang buhay na hindi mapupuksa.

17 Sapagkat(C) pinatotohanan,

“Ikaw ay pari magpakailanman,
    ayon sa pagkapari ni Melquizedek.”

Juan 4:16-26

16 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Umalis ka na! Tawagin mo ang iyong asawa at bumalik ka rito.”

17 Ang babae ay sumagot sa kanya, “Wala akong asawa.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Tama ang sabi mo, ‘Wala akong asawa;’

18 sapagkat nagkaroon ka na ng limang asawa, at ang kinakasama mo ngayon ay hindi mo asawa. Totoo ang sinabi mong ito.”

19 Sinabi sa kanya ng babae, “Ginoo, nakikita kong ikaw ay isang propeta.

20 Sumamba ang aming mga ninuno sa bundok na ito; ngunit sinasabi ninyo na ang lugar na dapat pagsambahan ng mga tao ay sa Jerusalem.”

21 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Babae, maniwala ka sa akin na darating ang oras na inyong sasambahin ang Ama, hindi sa bundok na ito o sa Jerusalem.

22 Sinasamba ninyo ang hindi ninyo nakikilala. Sinasamba namin ang nakikilala namin sapagkat ang kaligtasan ay mula sa mga Judio.

23 Subalit dumarating ang oras at ngayon na nga, na sasambahin ng mga tunay na sumasamba ang Ama sa espiritu at katotohanan, sapagkat hinahanap ng Ama ang gayong mga sumasamba sa kanya.

24 Ang Diyos ay espiritu, at ang mga sumasamba sa kanya ay kailangang sumamba sa espiritu at katotohanan.”

25 Sinabi ng babae sa kanya, “Nalalaman ko na darating ang Mesiyas (ang tinatawag na Cristo). Pagdating niya, ay ipahahayag niya sa amin ang lahat ng mga bagay.”

26 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ako nga iyon na kumakausap sa iyo!”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001