Book of Common Prayer
Awit ni David.
37 Huwag kang mabalisa dahil sa masasama,
huwag kang managhili sa mga masama ang gawa!
2 Sapagkat gaya ng damo sila'y dagling maglalaho,
at gaya ng luntiang halaman, sila'y matutuyo.
3 Magtiwala ka sa Panginoon, at gumawa ka ng kabutihan;
upang ikaw ay makapanirahan sa lupain at magtamasa ng katiwasayan.
4 Sa Panginoon ikaw ay magpakaligaya,
at ang mga nasa ng iyong puso sa iyo'y ibibigay niya.
5 Ipagkatiwala mo ang iyong lakad sa Panginoon;
magtiwala ka sa kanya, at siya'y gagawa.
6 Ang iyong pagiging walang-sala ay pakikinangin niyang gaya ng liwanag,
at ang iyong pagiging matuwid na gaya ng katanghaliang-tapat.
7 Ikaw ay manahimik sa Panginoon, at matiyaga kang maghintay sa kanya:
huwag kang mabalisa sa gumiginhawa sa lakad niya,
dahil sa taong nagsasagawa ng masamang pakana.
8 Iwasan mo ang pagkagalit, at ang poot ay iyong talikdan!
Huwag kang maghimutok, ito'y maghahatid lamang sa kasamaan.
9 Sapagkat ang masasama ay tatanggalin;
ngunit ang naghihintay sa Panginoon ay magmamana ng lupain.
10 Gayunma'y sandali na lamang, at ang masama ay mawawala na;
kahit tingnan mong mabuti ang kanyang lugar, siya ay wala roon.
11 Ngunit(A) mamanahin ng maaamo ang lupain,
at masisiyahan ang kanilang sarili sa lubos na kasaganaan.
12 Ang masama ay nagpapakana laban sa matuwid,
at ang mga ngipin nito sa kanya'y pinagngangalit;
13 ngunit pinagtatawanan ng Panginoon ang masama,
sapagkat kanyang nakikita na dumarating ang araw niya.
14 Hinuhugot ng masama ang tabak at ang kanilang mga pana ay iniaakma,
upang ang dukha at nangangailangan ay pabagsakin,
upang ang mga lumalakad nang matuwid ay patayin;
15 ang kanilang tabak ay tatarak sa sariling puso nila,
at mababali ang kanilang mga pana.
16 Mas mainam ang kaunti na mayroon ang matuwid na tao,
kaysa kasaganaan ng maraming taong lilo.
17 Sapagkat ang mga bisig ng masasama ay mababali;
ngunit inaalalayan ng Panginoon ang matuwid.
18 Nalalaman ng Panginoon ang mga araw ng mga walang kapintasan,
at ang kanilang mana ay mananatili magpakailanman.
19 Hindi sila mapapahiya sa panahon ng kasamaan;
sa mga araw ng taggutom ay mayroon silang kasaganaan.
20 Ngunit ang masama ay mamamatay,
ang mga kaaway ng Panginoon ay gaya ng luwalhati ng mga pastulan,
sila'y nawawala—gaya ng usok sila'y napaparam.
21 Ang masama ay humihiram, at hindi makapagbayad,
ngunit ang matuwid ay bukas-palad at nagbibigay;
22 sapagkat ang mga pinagpala ng Panginoon ay magmamana ng lupain;
ngunit ang mga sinumpa niya ay tatanggalin.
23 Ang mga lakad ng isang tao ay ang Panginoon ang nagtatatag;
at siya'y nasisiyahan sa kanyang lakad;
24 bagaman siya'y mahulog, hindi siya lubos na mabubuwal,
sapagkat ang Panginoon ang aalalay sa kanyang kamay.
25 Ako'y naging bata, at ngayo'y matanda na;
gayunma'y hindi ko nakita na ang matuwid ay pinabayaan,
ni ang kanyang mga anak ay namamalimos ng tinapay.
26 Siya ay laging mapagbigay at nagpapahiram;
at ang kanyang mga anak ay nagiging pagpapala.
27 Lumayo ka sa masama at gumawa ka ng mabuti;
upang sa magpakailanman ikaw ay manatili.
28 Sapagkat iniibig ng Panginoon ang katarungan,
hindi niya pababayaan ang kanyang mga banal.
Sila'y iingatan magpakailanman,
ngunit ang mga anak ng masama ay ititiwalag.
29 Mamanahin ng matuwid ang lupain,
at maninirahan doon magpakailanman.
30 Ang bibig ng matuwid ay nangungusap ng karunungan,
at ang kanyang dila ay nagsasalita ng katarungan.
31 Ang kautusan ng kanyang Diyos sa puso niya'y taglay,
hindi nadudulas ang kanyang mga hakbang.
32 Inaabangan ng masama ang matuwid na tao,
at pinagsisikapang patayin niya ito.
33 Hindi siya iiwan ng Panginoon sa kanyang kamay,
ni hahayaan siyang maparusahan kapag siya'y nahatulan.
34 Hintayin mo ang Panginoon, at ingatan ang kanyang daan,
at itataas ka niya upang manahin mo ang lupain;
ang pagkawasak ng masama ay iyong pagmamasdan.
35 Nakakita ako ng masama at marahas na tao,
na lumalaganap na gaya ng sariwang punungkahoy sa kanyang lupang tinubuan.
36 Muli akong dumaan at, narito, wala na siya;
kahit hinanap ko siya, hindi na siya makita.
37 Tandaan mo ang taong walang kapintasan, at ang matuwid ay iyong masdan,
sapagkat may hinaharap para sa taong may kapayapaan.
38 Ngunit ang mga sumusuway ay sama-samang pupuksain;
ang susunod na lahi ng masama ay puputulin.
39 Ang kaligtasan ng matuwid ay mula sa Panginoon;
siya ang kanilang kanlungan sa magulong panahon.
40 At sila'y tinutulungan at pinalalaya ng Panginoon;
kanyang pinalalaya sila mula sa masama, at inililigtas sila,
sapagkat sila'y nanganganlong sa kanya.
Ang Tore ng Babel
11 Noon, ang buong lupa ay iisa ang wika at magkakatulad ang salita.
2 Sa kanilang paglalakbay sa silangan, nakatagpo sila ng isang kapatagan sa lupain ng Shinar, at sila'y tumira doon.
3 At sinabi nila sa isa't isa, “Halikayo! Tayo'y gumawa ng mga tisa at ating lutuing mabuti.” At ang kanilang bato ay tisa at alkitran ang kanilang semento.
4 Sinabi nila, “Halikayo! Magtayo tayo ng isang lunsod at isang tore na ang taluktok nito ay hanggang sa langit, at gumawa tayo ng pangalan para sa ating mga sarili, baka tayo magkawatak-watak sa ibabaw ng buong lupa.”
5 Bumaba ang Panginoon upang tingnan ang lunsod at ang tore na itinayo ng mga anak ng mga tao.
6 At sinabi ng Panginoon, “Tingnan ninyo, sila'y iisang bayan at may isang wika; at ito ay pasimula pa lamang ng kanilang gagawin, at ngayon, walang makakapigil sa anumang kanilang binabalak gawin.
7 Halikayo! Tayo'y bumaba at ating guluhin ang kanilang wika, upang hindi nila maunawaan ang pananalita ng bawat isa.”
8 Kaya't ikinalat sila ng Panginoon mula roon sa ibabaw ng buong lupa, at huminto sila sa pagtatayo ng lunsod.
9 Kaya't ang ipinangalan dito ay Babel, sapagkat doon ay ginulo ng Panginoon ang wika ng buong lupa, at mula roon ay ikinalat sila ng Panginoon sa ibabaw ng buong lupa.
Ang Katiyakan ng Pangako ng Diyos
13 Nang mangako ang Diyos kay Abraham, palibhasa'y walang sinumang higit na dakila na kanyang panunumpaan, siya ay nanumpa sa kanyang sarili,
14 na(A) sinasabi, “Tiyak na pagpapalain at pararamihin kita.”
15 Kaya't si Abraham,[a] nang makapaghintay na may pagtitiis, ay tumanggap ng pangako.
16 Nanunumpa ang mga tao sa harap ng higit na mataas sa kanila, at ang sumpang binitawan bilang katibayan ay nagwawakas ng bawat usapin.
17 Gayundin naman, sa pagnanais ng Diyos na maipakita sa mga tagapagmana ng pangako na hindi maaaring mabago ang kanyang pasiya, pinagtibay niya ito sa pamamagitan ng isang sumpa;
18 upang sa pamamagitan ng dalawang bagay na di-mababago, na dito'y hindi maaaring magsinungaling ang Diyos, tayong nagtungo sa kanlungan ay magkaroon ng higit na katiyakang panghawakan ang pag-asang nakalagay sa harapan natin.
19 Taglay(B) natin ito bilang isang tiyak at matibay na angkla ng kaluluwa, isang pag-asa na pumapasok sa loob ng santuwaryo, sa kabila ng tabing,
20 na(C) doo'y naunang pumasok para sa atin si Jesus, na naging pinakapunong pari magpakailanman ayon sa pagkapari ni Melquizedek.
Si Jesus at ang Babaing Samaritana
4 Nang malaman ni Jesus[a] na nabalitaan ng mga Fariseo na siya ay gumagawa at nagbabautismo ng mas maraming alagad kaysa kay Juan,
2 (kahit hindi nagbabautismo si Jesus, kundi ang kanyang mga alagad)
3 umalis siya sa Judea at muling bumalik sa Galilea.
4 Subalit kailangang dumaan siya sa Samaria.
5 Sumapit(A) siya sa isang lunsod ng Samaria na tinatawag na Sicar, malapit sa bahagi ng lupang ibinigay ni Jacob kay Jose na kanyang anak.
6 Naroon ang balon ni Jacob. Nang pagod na si Jesus sa kanyang paglalakbay, naupo siya sa tabi ng balon. Noon ay malapit nang magtanghaling-tapat.
7 Dumating ang isang babaing Samaritana upang umigib ng tubig. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Bigyan mo ako ng inumin.”
8 Sapagkat ang kanyang mga alagad ay pumunta sa lunsod upang bumili ng pagkain.
9 Sinabi(B) sa kanya ng babaing Samaritana, “Paanong nangyari na ikaw na isang Judio, ay humihingi ng maiinom sa akin na isang babaing Samaritana? (Sapagkat hindi nakikisama ang mga Judio sa mga Samaritano.)[b]
10 Sumagot si Jesus, “Kung nalalaman mo ang kaloob ng Diyos, at kung sino ang sa iyo'y nagsasabi, ‘Bigyan mo ako ng inumin;’ ikaw ay hihingi sa kanya, at ikaw ay bibigyan niya ng tubig na buháy.”
11 Sinabi sa kanya ng babae, “Ginoo, wala kang pansalok ng tubig, at malalim ang balon. Saan ka ngayon kukuha ng tubig na buháy?
12 Higit ka bang dakila kaysa sa aming amang si Jacob na sa ami'y nagbigay ng balon, at dito'y uminom siya, pati ang kanyang mga anak, at ang kanyang mga hayop?”
13 Sumagot si Jesus sa kanya, “Ang bawat uminom ng tubig na ito ay muling mauuhaw,
14 subalit ang sinumang umiinom ng tubig na aking ibibigay ay hindi na mauuhaw magpakailanman. Ang tubig na aking ibibigay sa kanya ay magiging isang bukal ng tubig tungo sa buhay na walang hanggan.
15 Sinabi sa kanya ng babae, “Ginoo, bigyan mo ako ng tubig na ito upang ako'y hindi na mauhaw o pumarito pa upang umigib.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001