Book of Common Prayer
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
19 Nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Diyos ang kalangitan,
at ang mga gawa ng kanyang kamay ay inihahayag ng kalawakan.
2 Sa araw-araw ay nagsasalita,
at gabi-gabi ay nagpapahayag ng kaalaman.
3 Walang pananalita o mga salita man;
ang kanilang tinig ay hindi narinig.
4 Ngunit(A) lumalaganap sa buong lupa ang kanilang tinig,
at ang kanilang mga salita ay hanggang sa dulo ng daigdig.
Sa kanila ay naglagay siya ng tolda para sa araw,
5 na dumarating na gaya ng kasintahang lalaki na papalabas sa kanyang silid,
at nagagalak gaya ng malakas na tao na tumatakbo sa takbuhan.
6 Ang kanyang pagsikat ay mula sa dulo ng mga langit,
at sa mga dulo niyon ay ang kanyang pagligid,
at walang bagay na nakukubli sa kanyang init.
Ang Kautusan ng Diyos
7 Ang kautusan ng Panginoon ay sakdal,
na nagpapanauli ng kaluluwa;
ang patotoo ng Panginoon ay tiyak,
na nagpapatalino sa kulang sa kaalaman.
8 Ang mga tuntunin ng Panginoon ay matuwid,
na nagpapagalak sa puso;
ang utos ng Panginoon ay dalisay,
na nagpapaliwanag ng mga mata.
9 Ang pagkatakot sa Panginoon ay malinis,
na nananatili magpakailanman:
ang mga kahatulan ng Panginoon ay totoo
at lubos na makatuwiran.
10 Higit na dapat silang naisin kaysa ginto,
lalong higit kaysa maraming dalisay na ginto;
higit ding matamis kaysa pulot
at sa pulot-pukyutang tumutulo.
11 Bukod dito'y binalaan ang iyong lingkod sa pamamagitan nila;
sa pagsunod sa mga iyon ay may dakilang gantimpala.
12 Sinong makakaalam ng kanyang mga kamalian?
Patawarin mo ako sa mga pagkakamaling di nalalaman.
13 Ilayo mo rin ang iyong lingkod sa mga mapangahas na pagkakasala.
Huwag mong hayaang ang mga iyon ay magkaroon ng kapangyarihan sa akin!
Kung gayo'y magiging matuwid ako,
at magiging walang sala sa malaking paglabag.
14 Nawa'y ang mga salita ng bibig ko, at ang pagbubulay-bulay ng aking puso
ay maging katanggap-tanggap sa paningin mo,
O Panginoon, ang aking malaking bato at manunubos ko.
18 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon
na lumikha ng langit
(siya ay Diyos!),
na nag-anyo ng lupa at gumawa niyon,
(na kanyang itinatag;
hindi niya ito nilikha na sira,
ito ay kanyang inanyuan upang tirhan!):
“Ako ang Panginoon, at wala nang iba.
19 Ako'y hindi nagsalita ng lihim,
sa dako ng lupain ng kadiliman;
hindi ko sinabi sa lahi ni Jacob,
‘Hanapin ninyo ako nang walang kabuluhan.’
Akong Panginoon ay nagsasalita ng katuwiran,
ako'y nagpapahayag ng mga bagay na matuwid.
Ang Diyus-diyosan at ang Panginoon
20 “Kayo'y magtipon at pumarito,
magsilapit kayong magkakasama, kayong mga nakaligtas sa mga bansa!
Sila'y walang kaalaman
na nagdadala ng kanilang kahoy na larawang inanyuan,
at nananalangin sa diyos
na hindi makapagliligtas.
21 Kayo'y magpahayag at maglahad;
oo, magsanggunian silang magkakasama!
Sinong nagsabi nito nang unang panahon?
Sinong nagpahayag niyon nang una?
Hindi ba ako, na Panginoon?
At walang Diyos liban sa akin,
isang matuwid na Diyos at Tagapagligtas;
walang iba liban sa akin.
22 “Kayo'y bumaling sa akin, at kayo'y maliligtas,
lahat ng dulo ng lupa!
Sapagkat ako'y Diyos, at walang iba liban sa akin.
23 Aking(A) isinumpa sa aking sarili,
mula sa aking bibig ay lumabas sa katuwiran,
ang isang salita na hindi babalik:
‘Na sa akin ay luluhod ang bawat tuhod,
bawat dila ay susumpa.’
24 “Kanyang sasabihin sa Panginoon lamang,
ang katuwiran at kalakasan,
iyon ang sasabihin tungkol sa akin;
sa kanya'y magsisiparoon ang mga tao,
at ang lahat ng nagagalit sa kanya ay mapapahiya.
25 Sa Panginoon ang lahat ng anak ng Israel
ay aariing-ganap at luluwalhatiin.”
4 bagama't ako'y may dahilang magtiwala rin sa laman. Kung ang iba ay may dahilang magtiwala sa laman, ay lalo na ako:
5 tinuli(A) nang ikawalong araw, mula sa lahi ng Israel, mula sa lipi ni Benjamin, isang Hebreo na isinilang ng Hebreo; tungkol sa kautusan, ay Fariseo,
6 tungkol(B) sa sigasig, ay taga-usig ng iglesya; ayon sa katuwirang nasa kautusan ay walang kapintasan.
7 Gayunman ang mga bagay na sa akin ay naging pakinabang, ay inari kong kalugihan, alang-alang kay Cristo.
8 Higit pa roon, ang lahat ng mga bagay ay inaari kong kalugihan dahil sa higit na kahalagahan na makilala si Cristo Jesus na Panginoon ko. Alang-alang sa kanya'y tiniis ko ang kalugihan ng lahat ng mga bagay, at inari kong basura lamang, upang makamit ko si Cristo,
9 at ako'y matagpuan sa kanya, na walang sarili kong katuwiran na mula sa kautusan, kundi ang katuwiran sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, ang katuwirang buhat sa Diyos na batay sa pananampalataya;
10 upang makilala ko siya, at ang kapangyarihan ng kanyang muling pagkabuhay at ang pakikisama sa kanyang mga kahirapan, na ako'y matulad sa kanya sa kanyang kamatayan,
11 upang aking makamit sa anumang paraan ang muling pagkabuhay mula sa mga patay.
LAMED.
89 Magpakailanman, O Panginoon,
ang iyong salita ay natatag sa langit.
90 Nananatili sa lahat ng salinlahi ang iyong katapatan;
iyong itinatag ang lupa, at ito'y nananatiling matibay.
91 Sila'y nananatili sa araw na ito ayon sa itinakda mo,
sapagkat lahat ng bagay ay mga lingkod mo.
92 Kung ang kautusan mo'y hindi ko naging katuwaan,
namatay na sana ako sa aking kalungkutan.
93 Hindi ko kailanman kalilimutan ang mga tuntunin mo;
sapagkat sa pamamagitan ng mga iyon ay binigyan mo ako ng buhay.
94 Ako'y iyo, iligtas mo ako,
sapagkat aking hinanap ang mga tuntunin mo,
95 Ang masama'y nag-aabang upang patayin ako,
ngunit aking kinikilala ang iyong mga patotoo.
96 Aking nakita ang hangganan ng lahat ng kasakdalan;
ngunit ang utos mo'y totoong malawak.
MEM.
97 O, mahal na mahal ko ang iyong kautusan!
Ito'y siya kong binubulay-bulay sa buong araw.
98 Ginawa akong higit na marunong kaysa aking mga kaaway ng mga utos mo,
sapagkat ito'y laging kasama ko.
99 Ako'y may higit na pang-unawa kaysa lahat ng aking mga guro,
sapagkat aking binubulay-bulay ang iyong mga patotoo.
100 Ako'y nakakaunawa ng higit kaysa nakatatanda,
sapagkat aking iningatan ang iyong mga salita.
101 Sa lahat ng masamang lakad ay pinigil ko ang mga paa ko,
upang aking masunod ang salita mo.
102 Ako'y hindi lumihis sa mga batas mo,
sapagkat tinuruan mo ako.
103 Napakatamis ang iyong mga salita sa panlasa ko;
higit na matamis kaysa pulot sa bibig ko!
104 Sa pamamagitan ng iyong mga tuntunin ay nagkaroon ako ng kaunawaan;
kaya't kinapopootan ko ang bawat huwad na daan.
NUN.
105 Ilawan sa aking mga paa ang salita mo,
at liwanag sa landas ko.
106 Ako'y sumumpa at pinagtibay ko,
na aking tutuparin ang matutuwid na mga batas mo.
107 Ako'y lubos na nagdadalamhati,
muli mo akong buhayin, O Panginoon, ayon sa iyong salita.
108 O Panginoon, ang aking handog na pagpupuri ay tanggapin mo,
at ituro mo sa akin ang mga batas mo.
109 Patuloy kong hawak sa kamay ko ang aking buhay,
gayunma'y hindi ko kinalilimutan ang iyong kautusan.
110 Ang masama ay naghanda ng bitag para sa akin,
gayunma'y hindi ako lumihis sa iyong mga alituntunin.
111 Ang mga patotoo mo'y aking mana magpakailanman;
sa aking puso, ang mga ito'y kagalakan.
112 Ikiniling ko ang aking puso upang ganapin ang iyong mga batas,
magpakailanman, hanggang sa wakas.
Tinawag si Saulo(A)
9 Samantala, si Saulo na may masidhing pagbabanta ng kamatayan laban sa mga alagad ng Panginoon ay pumunta sa pinakapunong pari.
2 Humingi siya sa pinakapunong pari[a] ng mga sulat para sa mga sinagoga sa Damasco upang kung siya'y makatagpo ng sinumang kabilang sa Daan, mga lalaki o mga babae, ay dadalhin niya silang nakagapos sa Jerusalem.
3 Sa kanyang paglalakbay, dumating siya sa malapit sa Damasco, biglang kumislap sa palibot niya ang isang liwanag mula sa langit.
4 Bumagsak siya sa lupa at nakarinig ng isang tinig na sa kanya'y nagsasabi, “Saulo, Saulo, bakit mo ako inuusig?”
5 Sinabi niya, “Sino ka, Panginoon?” At siya'y sumagot, “Ako si Jesus na iyong inuusig.
6 Tumindig ka at pumasok sa lunsod, at sasabihin sa iyo ang dapat mong gawin.”
7 Ang mga taong naglalakbay na kasama niya ay hindi makapagsalita, sapagkat naririnig nila ang tinig ngunit walang nakikitang sinuman.
8 Tumindig si Saulo mula sa lupa; at pagmulat ng kanyang mga mata, ay wala siyang makita; kaya't kanilang inakay siya sa kamay at ipinasok siya sa Damasco.
9 Sa loob ng tatlong araw, siya'y walang paningin at hindi kumain ni uminom man.
10 Noon ay may isang alagad sa Damasco na ang pangalan ay Ananias. Sinabi sa kanya ng Panginoon sa isang pangitain, “Ananias.” At sinabi niya, “Narito ako, Panginoon.”
11 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Tumindig ka at pumunta sa lansangang tinatawag na Tuwid. Ipagtanong mo sa bahay ni Judas ang isang lalaking taga-Tarso na ang pangalan ay Saulo. Sa sandaling ito'y nananalangin siya,
12 at nakita niya sa pangitain ang isang lalaking ang pangalan ay Ananias na pumapasok, at ipinapatong ang kanyang mga kamay sa kanya upang muli niyang tanggapin ang kanyang paningin.”
13 Ngunit sumagot si Ananias, “Panginoon, nabalitaan ko mula sa marami ang tungkol sa lalaking ito, kung gaano katindi ang kasamaang ginawa niya sa iyong mga banal sa Jerusalem;
14 at siya'y may pahintulot mula sa mga punong pari na gapusin ang lahat ng mga tumatawag sa iyong pangalan.”
15 Ngunit sinabi sa kanya ng Panginoon, “Pumunta ka sapagkat siya'y isang kasangkapang pinili ko upang dalhin ang aking pangalan sa harapan ng mga Hentil at ng mga hari, at ng mga anak ni Israel;
16 sapagkat ipapakita ko sa kanya kung gaano karaming bagay ang dapat niyang tiisin alang-alang sa aking pangalan.”
17 Kaya't umalis si Ananias at pumasok sa bahay. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay kay Saulo[b] at sinabi niya, “Kapatid na Saulo, isinugo ako ng Panginoong Jesus na nagpakita sa iyo sa daan sa iyong pagpunta rito upang muli mong tanggapin ang iyong paningin, at mapuspos ka ng Espiritu Santo.”
18 Agad nalaglag mula sa kanyang mata ang bagay na parang mga kaliskis, at nakakita siyang muli. At siya'y tumayo at binautismuhan,
19 at pagkatapos kumain ay muli siyang lumakas. Sa loob ng ilang araw ay kasama siya ng mga alagad na nasa Damasco.
Ang Pangangaral ni Saulo sa Damasco
20 Agad niyang ipinangaral sa mga sinagoga si Jesus, na sinasabing siya ang Anak ng Diyos.
21 Lahat nang nakarinig sa kanya ay namangha, at nagsabi, “Hindi ba ito ang lalaking pumuksa sa Jerusalem sa mga tumatawag sa pangalang ito? At naparito siya para sa layuning ito, upang sila'y dalhing nakagapos sa harap ng mga punong pari.”
22 Ngunit lalo pang naging makapangyarihan sa pangangaral si Saulo, at kanyang nilito ang mga Judio na naninirahan sa Damasco sa pagpapatunay na si Jesus ang Cristo.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001