Book of Common Prayer
Sa Punong Mang-aawit. Awit ng mga Anak ni Kora.
85 Panginoon, ikaw ay naging mabuti sa iyong lupain,
ibinalik mo ang kayamanan ng Jacob.
2 Pinatawad mo ang kasamaan ng iyong bayan,
pinatawad mo ang lahat nilang kasalanan. (Selah)
3 Inalis mo ang lahat ng poot mo,
tumalikod ka sa bangis ng galit mo.
4 O Diyos ng aming kaligtasan, muli mo kaming panumbalikin,
at alisin mo ang iyong galit sa amin.
5 Magagalit ka ba sa amin magpakailanman?
Ipagpapatuloy mo ba ang iyong galit sa lahat ng salinlahi?
6 Hindi ba kami ay muling bubuhayin mo,
upang ang iyong bayan ay magalak sa iyo?
7 O Panginoon, ipakita mo sa amin ang iyong tapat na pagsuyo,
at ipagkaloob mo sa amin ang pagliligtas mo.
8 Aking papakinggan kung ano ang sasabihin ng Diyos na Panginoon,
sapagkat siya'y magsasalita ng kapayapaan sa kanyang bayan
at sa kanyang mga banal, ngunit huwag silang muling manumbalik sa kahangalan.
9 Tunay na ang kanyang pagliligtas ay malapit sa kanila na natatakot sa kanya;
upang ang kaluwalhatian ay manahan sa aming lupain.
10 Magsasalubong ang tapat na pag-ibig at katapatan,
ang katuwiran at kapayapaan ay maghahalikan.
11 Bubukal sa lupa ang katotohanan,
at tumitingin mula sa langit ang katuwiran.
12 Oo, ibibigay ng Panginoon kung ano ang mabuti;
at ang ating lupain ay magbibigay ng kanyang ani.
13 Mangunguna sa kanya ang katuwiran,
at ang kanyang mga yapak ay gagawing daan.
Awit ng mga Anak ni Kora. Isang Awit.
87 Ang kanyang saligan ay nasa mga banal na bundok,
2 minamahal ng Panginoon ang sa Zion na mga pintuan,
higit kaysa lahat ng kay Jacob na tahanan.
3 Maluluwalhating bagay ang ibinabalita tungkol sa iyo,
O lunsod ng Diyos. (Selah)
4 Kabilang sa mga nakakakilala sa akin ay binabanggit ko si Rahab at ang Babilonia,
narito, ang Filistia at Tiro, kasama ng Etiopia—
“Ang isang ito ay ipinanganak doon.”
5 At tungkol sa Zion ay sasabihin,
“Ang isang ito at ang isang iyon ay ipinanganak sa kanya;”
sapagkat mismong ang Kataas-taasan ang magtatatag sa kanya.
6 Ang Panginoon ay magbibilang habang kanyang itinatala ang mga bayan,
“Ang isang ito ay ipinanganak doon.” (Selah)
7 Ang mga mang-aawit at mananayaw ay kapwa nagsasabi,
“Lahat ng aking mga bukal ay nasa iyo.”
Maskil(A) ni Etan na Ezrahita.
89 Aking aawitin ang iyong tapat na pag-ibig magpakailanman, O Panginoon,
sa pamamagitan ng aking bibig ay ipahahayag ko sa lahat ng salinlahi ang katapatan mo.
2 Sapagkat aking sinabi, ang tapat na pag-ibig ay matatatag kailanman,
itatag mo sa mga langit ang iyong katapatan.
3 “Ako'y nakipagtipan sa aking hinirang,
ako'y sumumpa kay David na aking lingkod:
4 ‘Ang(B) mga binhi mo'y itatatag ko magpakailanman,
at aking itatayo ang iyong trono para sa lahat ng salinlahi.’” (Selah)
5 Purihin nawa ng langit ang iyong mga kahanga-hangang gawa, O Panginoon,
ang katapatan mo sa kapulungan ng mga banal!
6 Sapagkat sino sa langit ang maihahambing sa Panginoon?
Sino sa mga nilalang sa langit ang gaya ng Panginoon,
7 isang Diyos na kinatakutan sa kapulungan ng mga banal,
dakila at kakilakilabot kaysa lahat ng nasa palibot niya?
8 O Panginoong Diyos ng mga hukbo,
sino ang makapangyarihang gaya mo, O Panginoon?
Ang iyong katapatan ay nakapaligid sa iyo.
9 Iyong pinamumunuan ang pagngangalit ng dagat;
kapag tumataas ang mga alon nito, ang mga iyon ay pinatatahimik mo.
10 Iyong dinurog ang Rahab na tulad sa pinatay,
pinangalat mo ng iyong makapangyarihang bisig ang iyong mga kaaway.
11 Ang langit ay iyo, maging ang lupa ay iyo,
ang sanlibutan at ang lahat ng narito ay itinatag mo.
12 Ang hilaga at ang timog ay iyong nilalang,
ang Tabor at ang Hermon ay magalak na nagpuri sa iyong pangalan.
13 Ikaw ay may makapangyarihang bisig;
malakas ang iyong kamay, mataas ang iyong kanang kamay.
14 Ang katuwiran at katarungan ang mga saligan ng iyong trono,
ang tapat na pag-ibig at katapatan ay nagpapauna sa iyo.
15 Mapalad ang bayan na nakakaalam ng masayang sigaw,
na nagsisilakad sa liwanag ng iyong mukha, O Panginoon;
16 na nagagalak sa iyong pangalan sa buong araw;
at itinaas sa pamamagitan ng iyong katuwiran.
17 Sapagkat ikaw ang kaluwalhatian ng kanilang lakas,
sa pamamagitan ng iyong kagandahang-loob ang aming tambuli ay itinaas.
18 Sapagkat ang aming kalasag ay mula sa Panginoon,
ang aming hari sa Banal ng Israel.
19 Nang una ay nagsalita ka sa pangitain sa iyong mga tapat na lingkod, at iyong sinabi,
“Aking ibinigay ang tulong sa isang makapangyarihan;
aking itinaas ang isang hinirang mula sa bayan.
20 Si(C) David na aking lingkod ay aking natagpuan,
ng aking banal na langis siya ay aking pinahiran,
21 na sa pamamagitan niya ang aking kamay ay maitatatag,
ang bisig ko rin ang magpapalakas sa kanya.
22 Hindi siya malilinlang ng kaaway;
ni hindi siya masasaktan ng masama.
23 Dudurugin ko ang kanyang mga kaaway sa harapan niya,
at ibubuwal ko ang mga napopoot sa kanya.
24 Ang aking pagtatapat at taimtim na pag-ibig ay magiging kanya,
at sa pangalan ko'y matataas ang sungay niya.
25 Aking itatatag ang kanyang kamay sa dagat,
at ang kanyang kanang kamay sa mga ilog.
26 Siya'y dadaing sa akin, ‘Ikaw ay Ama ko,
Malaking Bato ng aking kaligtasan at Diyos ko.’
27 Gagawin(D) ko siyang panganay,
ang pinakamataas sa mga hari sa lupa.
28 Iingatan ko para sa kanya magpakailanman ang pag-ibig kong tapat,
at ang tipan ko para sa kanya magiging matatag.
29 Aking itatatag ang kanyang lahi magpakailanman,
at ang kanyang trono na gaya ng mga araw ng langit.
14 At nangyari nang umalis ang bayan sa kanilang mga tolda upang tumawid sa Jordan, nasa unahan ng bayan ang mga pari na nagdadala ng kaban ng tipan.
15 Nang dumating sa Jordan ang mga may dala ng kaban, at ang mga paa ng mga pari na nagdadala ng kaban ay nabasa sa gilid ng tubig, (sapagkat inaapawan ng Jordan ang lahat nitong pampang sa buong panahon ng pag-aani,)
16 ang tubig na bumababa mula sa itaas ay tumigil, at naging isang bunton na malayo sa Adam, ang bayang nasa tabi ng Zaretan, samantalang ang umaagos tungo sa dagat ng Araba, na Dagat ng Asin ay ganap na nahawi. At ang bayan ay tumawid sa tapat ng Jerico.
17 Ang mga pari na nagdadala ng kaban ng tipan ng Panginoon ay panatag na tumayo sa tuyong lupa sa gitna ng Jordan, samantalang ang buong Israel ay dumaan sa tuyong lupa hanggang sa nakatawid sa Jordan ang buong bansa.
Inilagay ang mga Batong Alaala
4 At nangyari, nang ganap nang nakatawid sa Jordan ang buong bansa, sinabi ng Panginoon kay Josue,
2 “Kumuha ka ng labindalawang lalaki sa bayan, isa sa bawat lipi,
3 at iutos ninyo sa kanila, ‘Kumuha kayo ng labindalawang bato mula rito sa gitna ng Jordan, mula sa dakong matatag na tinatayuan ng mga paa ng mga pari at dalhin ninyo at ilapag sa dakong tinigilan ninyo sa gabing ito.’”
4 Kaya't tinawag ni Josue ang labindalawang lalaki na kanyang inihanda sa mga anak ni Israel, isang lalaki sa bawat lipi.
5 At sinabi ni Josue sa kanila, “Dumaan kayo sa harapan ng kaban ng Panginoon ninyong Diyos sa gitna ng Jordan. Pasanin ng bawat isa sa inyo ang isang bato sa kanyang balikat, ayon sa bilang ng mga lipi ng mga anak ni Israel;
6 upang ito'y maging isang tanda sa gitna ninyo, na kapag itinanong ng inyong mga anak sa panahong darating, ‘Anong kahulugan sa inyo ng mga batong ito?’
7 Inyo ngang sasabihin sa kanila, sapagkat ang tubig ng Jordan ay nahawi sa harapan ng kaban ng tipan ng Panginoon; nang iyon ay dumaan sa Jordan ay nahawi ang tubig ng Jordan; at ang mga batong ito ay magiging alaala sa mga anak ni Israel magpakailanman.”
Lumakad sa Liwanag
5 Kaya kayo'y tumulad sa Diyos, gaya ng mga anak na minamahal,
2 at(A) lumakad kayo sa pag-ibig, gaya ng pag-ibig ni Cristo sa atin at ibinigay ang kanyang sarili para sa atin bilang handog at alay sa Diyos upang maging samyo ng masarap na amoy.
3 Ngunit ang pakikiapid, ang lahat ng karumihan, o kasakiman, ay huwag sanang mabanggit sa inyo, gaya ng nararapat sa mga banal.
4 Gayundin ang karumihan at hangal na pagsasalita, o mga pagbibiro na di-nararapat, kundi ang pagpapasalamat.
5 Sapagkat inyong nalalaman na bawat mapakiapid, o mahalay, o sakim, na sumasamba sa mga diyus-diyosan, ay walang mamanahin sa kaharian ni Cristo at ng Diyos.
6 Huwag kayong padaya sa mga salitang walang katuturan, sapagkat dahil sa mga bagay na ito'y dumarating ang galit ng Diyos sa mga anak ng pagsuway.
7 Kaya't huwag kayong makibahagi sa kanila;
8 sapagkat kayo'y dating kadiliman, subalit ngayon ay liwanag sa Panginoon. Lumakad kayong gaya ng mga anak ng liwanag—
9 (sapagkat ang bunga ng liwanag ay nasa lahat ng mabuti, matuwid at katotohanan)
10 na inaalam kung ano ang kalugud-lugod sa Panginoon.
11 At huwag kayong makibahagi sa mga gawa ng kadiliman na walang ibubunga, kundi inyong ilantad ang mga ito.
12 Sapagkat ang mga bagay na palihim nilang ginagawa ay kahiya-hiyang sabihin,
13 subalit ang lahat ng mga bagay na inilantad sa pamamagitan ng liwanag ay nakikita,
14 sapagkat anumang bagay na nakikita ay liwanag. Kaya't sinasabi, “Gumising ka, ikaw na natutulog, at bumangon mula sa mga patay, at si Cristo ay magliliwanag sa iyo.”
15 Kaya't maging maingat kayo sa inyong paglakad, hindi gaya ng mga mangmang, kundi gaya ng marurunong,
16 na(B) sinasamantala ang panahon, sapagkat ang mga araw ay masasama.
17 Kaya't huwag kayong maging mga hangal, kundi unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon.
18 Huwag kayong magpakalasing sa alak, na ito ay labis na kahalayan, kundi mapuno kayo ng Espiritu.
19 Kayo'y(C) magsalita sa isa't isa sa mga awit at mga himno at mga awiting espirituwal, na sa inyong mga puso ay nag-aawitan at gumagawa ng himig sa Panginoon,
20 laging nagpapasalamat sa lahat ng mga bagay sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, sa Diyos na ating Ama.
Pinagaling ni Jesus ang Isang Bulag
9 Sa kanyang paglalakad, nakita niya ang isang lalaking bulag mula pa sa kanyang pagkapanganak.
2 Tinanong siya ng kanyang mga alagad, “Rabi, sino ang nagkasala, ang taong ito, o ang kanyang mga magulang, kaya siya'y ipinanganak na bulag?”
3 Sumagot si Jesus, “Hindi dahil sa ang taong ito'y nagkasala, o ang kanyang mga magulang man, kundi upang mahayag sa kanya ang mga gawa ng Diyos.”
4 Kailangan nating[a] gawin ang mga gawa niyong nagsugo sa akin,[b] samantalang araw pa. Dumarating ang gabi, na walang taong makakagawa.
5 Habang(A) ako'y nasa sanlibutan, ako ang ilaw ng sanlibutan.”
6 Nang masabi niya ang mga bagay na ito, siya'y dumura sa lupa, at gumawa ng putik mula sa dura, at pinahiran ng putik ang mga mata ng lalaki.
7 At sinabi sa kanya, “Humayo ka, maghugas ka sa imbakan ng tubig ng Siloam” (na ang kahulugan ay Sinugo). Humayo nga siya at naghugas at bumalik na nakakakita.
8 Kaya't ang mga kapitbahay at ang mga nakakita sa kanya nang una, na siya'y pulubi, ay nagsabi, “Hindi ba ito ang nakaupo noon at nagpapalimos?”
9 Sinabi ng iba, “Siya nga.” Ang sabi ng iba, “Hindi, subalit kamukha niya.” Sinabi niya, “Ako nga iyon.”
10 Kaya't sinabi nila sa kanya, “Paanong nabuksan ang iyong mga mata?”
11 Sumagot siya, “Ang taong tinatawag na Jesus ay gumawa ng putik, at pinahiran ang aking mga mata, at sinabi sa akin, ‘Pumunta ka sa Siloam, at maghugas ka.’ Kaya't ako'y umalis at naghugas, at nagkaroon ako ng paningin.”
12 Sinabi nila sa kanya, “Saan siya naroon?” Sinabi niya, “Hindi ko alam.”
Espirituwal na Pagkabulag
35 Nabalitaan ni Jesus na siya'y pinalayas nila at nang kanyang makita siya, ay sinabi niya, “Sumasampalataya ka ba sa Anak ng Tao?”[a]
36 Sumagot siya, “Sino ba siya, Ginoo, upang ako'y sumampalataya sa kanya?”
37 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Siya'y nakita mo na, at siya ang nakikipag-usap sa iyo.”
38 Sinabi niya, “Panginoon, sumasampalataya ako.” At siya'y sumamba sa kanya.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001