Book of Common Prayer
ALEPH.
119 Mapalad silang sakdal ang landas,
na sa kautusan ng Panginoon ay lumalakad!
2 Mapalad silang nag-iingat ng kanyang mga patotoo,
na hinahanap siya ng buong puso,
3 na hindi rin gumagawa ng kasamaan,
kundi lumalakad sa kanyang mga daan.
4 Iniutos mo ang iyong mga tuntunin,
upang masikap naming sundin.
5 O maging matatag nawa ang pamamaraan ko
sa pag-iingat ng mga tuntunin mo!
6 Kung gayo'y hindi ako mapapahiya,
yamang itinuon ko sa lahat ng iyong mga utos ang aking mga mata.
7 Pupurihin kita ng may matuwid na puso,
kapag aking natutunan ang matutuwid mong mga batas.
8 Aking tutuparin ang mga tuntunin mo;
O huwag mong ganap na talikuran ako!
BETH.
9 Paano pananatilihing dalisay ng kabataan ang kanilang daan?
Sa pamamagitan ng pag-iingat nito ayon sa iyong salita.
10 Hinanap kita nang buong puso ko;
O huwag nawa akong maligaw sa mga utos mo!
11 Iningatan ko ang iyong salita sa aking puso,
upang huwag akong magkasala laban sa iyo.
12 Purihin ka, O Panginoon;
ituro mo sa akin ang iyong mga tuntunin!
13 Ipinahahayag ng mga labi ko
ang lahat ng mga batas ng bibig mo.
14 Ako'y nagagalak sa daan ng iyong mga patotoo,
gaya ng lahat ng kayamanan.
15 Ako'y magbubulay-bulay sa mga tuntunin mo,
at igagalang ang mga daan mo.
16 Ako'y magagalak sa iyong mga tuntunin;
hindi ko kalilimutan ang iyong salita.
GIMEL.
17 Gawan ng mabuti ang iyong lingkod,
upang mabuhay ako, at sundin ang salita mo.
18 Buksan mo ang aking mga mata upang makita ko,
ang kahanga-hangang mga bagay sa kautusan mo.
19 Ako'y isang dayuhan sa lupain,
huwag mong ikubli ang mga utos mo sa akin.
20 Ang puso ko'y nadudurog sa pananabik
sa lahat ng panahon sa mga batas mo.
21 Iyong sinasaway ang mga walang galang,
ang mga sinumpa na lumalayo sa iyong mga utos.
22 Ang paglibak at pagkutya sa akin ay alisin mo,
sapagkat iningatan ko ang iyong mga patotoo.
23 Bagaman ang mga pinuno ay umuupong nagsasabwatan laban sa akin;
ang lingkod mo'y magbubulay-bulay sa iyong mga tuntunin.
24 Aking kasiyahan ang iyong mga patotoo,
ang mga iyon ay aking mga tagapayo.
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Sheminith. Awit ni David.
12 Panginoon, sapagkat wala ng sinumang banal, kami ay tulungan mo,
sapagkat ang mga tapat ay naglaho na sa gitna ng mga anak ng mga tao.
2 Bawat isa ay nagsasalita ng kabulaanan sa kanyang kapwa,
sila'y nagsasalitang may mapanuyang mga labi at may pusong mandaraya.
3 Nawa'y putulin ng Panginoon ang lahat ng mapanuyang mga labi,
ang dila na gumagawa ng malaking pagmamalaki,
4 ang mga nagsasabi, “Sa pamamagitan ng aming dila ay magtatagumpay kami,
ang aming mga labi ay nasa amin; sino ang panginoon namin?”
5 “Sapagkat ang dukha ay inagawan, sapagkat dumaraing ang nangangailangan,
titindig na ako ngayon,” sabi ng Panginoon;
“Ilalagay ko siya sa kaligtasang kanyang minimithi.”
6 Ang mga salita ng Panginoon ay mga dalisay na salita,
gaya ng pilak na sinubok sa hurno sa lupa,
na pitong ulit na dinalisay.
7 O Panginoon, sila ay iyong iingatan,
iingatan mo sila mula sa salinlahing ito magpakailanman.
8 Gumagala ang masasama sa bawat dako,
kapag ang kasamaan ay naitataas sa gitna ng mga anak ng mga tao.
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
13 O Panginoon, hanggang kailan? Kalilimutan mo ba ako magpakailanman?
Hanggang kailan mo ikukubli ang iyong mukha sa akin?
2 Hanggang kailan ako kukuha ng payo sa aking kaluluwa,
at magkaroon ng kalungkutan sa aking puso buong araw?
Hanggang kailan magtatagumpay ang aking kaaway laban sa akin?
3 O Panginoon kong Diyos, bigyang-pansin at sagutin mo ako,
ang aking mga mata'y paliwanagin mo, baka sa kamatayan matulog ako;
4 baka sabihin ng aking kaaway, “Laban sa kanya, ako'y nagtagumpay;”
sapagkat ako'y nayayanig; baka magalak ang aking kaaway.
5 Ngunit ako'y nagtiwala sa tapat mong paglingap,
sa iyong pagliligtas, puso ko'y magagalak.
6 Ako'y aawit sa Panginoon,
sapagkat ako'y pinakitunguhan niya na may kasaganaan.
Sa Punong Mang-aawit. Mula kay David.
14 Sinasabi(A) ng hangal sa kanyang puso, “Walang Diyos.”
Sila'y masasama, sila'y gumagawa ng kasuklamsuklam na mga gawa;
walang gumagawa ng mabuti.
2 Ang Panginoon ay nakadungaw mula sa langit sa mga anak ng mga tao,
upang tingnan kung may sinumang kumikilos na may talino,
na hinahanap ang Diyos.
3 Silang lahat ay naligaw, sila ay pare-parehong naging masasama;
walang sinumang gumagawa ng mabuti,
wala kahit isa.
4 Hindi ba alam ng lahat ng gumagawa ng kasamaan,
na siyang kumakain sa aking bayan gaya ng kanilang pagkain ng tinapay,
at hindi tumatawag sa Panginoon?
5 Sa malaking pagkasindak sila'y malalagay,
sapagkat ang Diyos ay kasama ng salinlahi ng mga banal.
6 Ang panukala ng dukha sa kahihiyan ay ilalagay mo,
ngunit ang Panginoon ang kanyang saklolo.
7 Ang pagliligtas para sa Israel ay manggaling nawa mula sa Zion!
Kapag ang kayamanan ng kanyang bayan ay ibinalik ng Panginoon,
magagalak si Jacob, at matutuwa ang Israel.
Sina Cain at Abel
4 At nakilala ng lalaki si Eva na kanyang asawa, at siya'y naglihi at ipinanganak si Cain, at sinabi, “Nagkaanak ako ng lalaki sa tulong ng Panginoon.”
2 Kasunod nito ay ipinanganak niya ang kanyang kapatid na si Abel. Si Abel ay tagapag-alaga ng mga tupa at si Cain ay magbubungkal ng lupa.
3 Sa paglipas ng panahon ay nagdala si Cain ng isang handog sa Panginoon mula sa mga bunga ng lupa.
4 Nagdala(A) rin si Abel ng mga panganay ng kanyang kawan, ang taba ng mga iyon. At pinahalagahan ng Panginoon si Abel at ang kanyang handog,
5 subalit hindi niya pinahalagahan si Cain at ang kanyang handog. Galit na galit si Cain, at nagngitngit[a] ang kanyang mukha.
6 Sinabi ng Panginoon kay Cain, “Bakit ka nagalit at bakit nagngitngit[b] ang iyong mukha?
7 Kung ikaw ay gumawa ng mabuti, hindi ka ba tatanggapin? At kung hindi ka gumawa ng mabuti, ang kasalanan ang nag-aabang sa pintuan. Ikaw ang nais nito, subalit kailangang madaig mo ito!”
Ang Pagpatay kay Abel
8 Sinabihan(B) ni Cain ang kanyang kapatid na si Abel, at nangyari nang sila'y nasa parang, tumindig si Cain laban kay Abel na kanyang kapatid, at ito'y kanyang pinatay.
9 At sinabi ng Panginoon kay Cain, “Nasaan si Abel na iyong kapatid?” At sinabi niya, “Aywan ko! Ako ba'y tagapagbantay ng aking kapatid?”
10 Sinabi(C) niya, “Ano ang ginawa mo? Ang tinig ng dugo ng iyong kapatid ay dumadaing sa akin mula sa lupa.
11 Ngayo'y sinumpa ka mula sa lupa. Ibinuka ng lupa ang bibig nito upang tanggapin ang dugo ng iyong kapatid mula sa iyong kamay.
12 Kapag binungkal mo ang lupa, ito ay di na muling magbibigay sa iyo ng kanyang lakas. Ikaw ay magiging palaboy at pagala-gala sa lupa.”
13 At sinabi ni Cain sa Panginoon, “Ang parusa sa akin ay higit kaysa makakaya ko.
14 Ako ngayo'y itinataboy mo mula sa ibabaw ng lupa, at ako'y maikukubli sa iyong mukha. Ako'y magiging palaboy at pagala-gala, sinumang makakita sa akin ay papatayin ako.”
15 At sinabi sa kanya ng Panginoon, “Hindi! Sinumang pumatay kay Cain ay pitong ulit na gagantihan.” At nilagyan ng Panginoon ng isang tanda si Cain upang huwag siyang patayin ng sinumang makakita sa kanya.
16 At umalis si Cain sa harapan ng Panginoon at nanirahan sa lupain ng Nod, sa silangan ng Eden.
11 Sapagkat ang gumagawang banal at ang mga ginawang banal ay pawang nagmula sa isa. Dahil dito'y hindi nahihiya si Jesus[a] na tawagin silang mga kapatid,
12 na(A) sinasabi,
“Ipahahayag ko ang iyong pangalan sa aking mga kapatid,
sa gitna ng kapulungan ay aawitan kita ng mga himno.”
13 At(B) muli,
“Ilalagak ko ang aking pagtitiwala sa kanya.”
At muli,
“Narito ako at ang mga anak na ibinigay sa akin ng Diyos.”
14 Kaya, yamang ang mga anak ay nakibahagi sa laman at dugo, at siya man ay nakibahagi rin sa mga bagay na ito, upang sa pamamagitan ng kamatayan ay kanyang mapuksa ang may kapangyarihan sa kamatayan, samakatuwid ay ang diyablo,
15 at mapalaya silang lahat na dahil sa takot sa kamatayan sa buong buhay nila ay nasa ilalim ng pagkaalipin.
16 Sapagkat(C) maliwanag na hindi ang mga anghel ang kanyang tinutulungan, kundi ang kabilang sa binhi ni Abraham.
17 Kaya't kailangang siya ay maging kagaya ng kanyang mga kapatid sa lahat ng mga bagay, upang siya ay maging isang maawain at tapat na pinakapunong pari sa mga bagay na nauukol sa Diyos, upang gumawa ng handog na pantubos sa mga kasalanan ng mga tao.
18 Palibhasa'y nagtiis siya sa pagkatukso, siya'y makasasaklolo sa mga tinutukso.
Ang Kordero ng Diyos
29 Kinabukasan, nakita ni Juan si Jesus na lumalapit sa kanya, at kanyang sinabi, “Narito ang Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan!
30 Siya yaong aking sinasabi, ‘Kasunod ko'y dumarating ang isang lalaki na higit pa sa akin,[a] sapagkat siya'y nauna sa akin.
31 Hindi ko siya nakilala, dahil dito'y naparito ako na nagbabautismo sa tubig upang siya'y mahayag sa Israel.”
32 Nagpatotoo si Juan, “Nakita ko ang Espiritu na bumababang tulad sa isang kalapati na buhat sa langit at dumapo sa kanya.
33 Hindi ko siya nakilala subalit ang nagsugo sa akin upang magbautismo sa tubig ay nagsabi sa akin, ‘Ang nakita mong babaan ng Espiritu at manatili sa kanya, ay siya ang nagbabautismo sa Espiritu Santo.’
34 Aking nakita at pinatotohanan kong ito ang Anak ng Diyos.”
Ang Unang mga Alagad ni Jesus
35 Kinabukasan, muling naroon si Juan kasama ng dalawa sa kanyang mga alagad.
36 At kanyang tiningnan si Jesus samantalang siya'y naglalakad at sinabi, “Narito ang Kordero ng Diyos!”
37 Narinig siya ng dalawang alagad na nagsalita nito, at sila'y sumunod kay Jesus.
38 Paglingon ni Jesus at nakita silang sumusunod ay sinabi niya sa kanila, “Ano ang inyong hinahanap?” At sinabi nila sa kanya, “Rabi (na kung isasalin ang kahulugan ay Guro), saan ka nakatira?”
39 Sinabi niya sa kanila, “Halikayo at tingnan ninyo.” Pumunta nga sila at nakita kung saan siya nakatira; at sila'y nanatiling kasama niya nang araw na iyon. Noon ang oras ay mag-iikasampu.[b]
40 Ang isa sa dalawang nakarinig ng pagsasalita ni Juan, at sumunod sa kanya, ay si Andres na kapatid ni Simon Pedro.
41 Una niyang natagpuan ang kanyang kapatid na si Simon, at sa kanya'y sinabi, “Natagpuan na namin ang Mesiyas”—na kung isasalin ay Cristo.
42 Kanyang dinala si Simon kay Jesus. Siya'y tiningnan ni Jesus at sinabi, “Ikaw ay si Simon na anak ni Juan. Tatawagin kang Cefas”—(na kung isasalin ang kahulugan ay Pedro.)
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001