Book of Common Prayer
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
20 Ang Panginoon ay sumasagot sa iyo sa araw ng kaguluhan!
Ang pangalan ng Diyos ni Jacob ang magtataas sa iyo!
2 Nawa'y saklolohan ka niya mula sa santuwaryo,
at alalayan ka mula sa Zion!
3 Maalala nawa niya ang lahat mong mga handog,
at tanggapin niya ang iyong mga handog na sinusunog! (Selah)
4 Nawa'y ang nais ng iyong puso ay ipagkaloob niya sa iyo,
at tuparin ang lahat ng mga panukala mo!
5 Kami'y magagalak sa iyong pagliligtas,
at sa pangalan ng aming Diyos ay aming itataas ang aming mga watawat!
Ganapin nawa ng Panginoon ang kahilingan mong lahat!
6 Ngayo'y nalalaman ko na tutulungan ng Panginoon ang kanyang pinahiran ng langis;
sasagutin niya siya mula sa kanyang banal na langit
na may makapangyarihang pagtatagumpay sa pamamagitan ng kanyang kanang kamay.
7 Ipinagmamalaki ng ilan ang mga karwahe, at ang iba ay ang mga kabayo;
ngunit ipinagmamalaki namin ang pangalan ng Panginoon naming Diyos.
8 Sila'y mabubuwal at guguho,
ngunit kami ay titindig at matuwid na tatayo.
9 Bigyan ng tagumpay ang hari, O Panginoon,
sagutin nawa kami kapag kami ay tumatawag.
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
21 Ang hari ay nagagalak, O Panginoon, sa iyong kalakasan,
at sa iyong pagliligtas ay napakalaki ng kanyang kagalakan!
2 Ang nais ng kanyang puso, sa kanya'y iyong ipinagkaloob,
at ang hiling ng kanyang mga labi ay di mo ipinagdamot. (Selah)
3 Sapagkat sinasalubong mo siya ng mabubuting pagpapala,
pinuputungan mo siya ng koronang dalisay na ginto sa ulo niya.
4 Siya'y humingi sa iyo ng buhay, sa kanya'y iyong ibinigay,
haba ng mga araw magpakailanman.
5 Sa pamamagitan ng iyong pagliligtas dakila ang kanyang kaluwalhatian,
ipinagkakaloob mo sa kanya, karangalan at kamahalan.
6 Oo, ginagawa mo siyang pinakamapalad magpakailanman;
iyong pinasasaya siya ng kagalakan sa iyong harapan.
7 Sapagkat ang hari ay nagtitiwala sa Panginoon,
at sa pamamagitan ng tapat na pag-ibig ng Kataas-taasan ay hindi siya matitinag.
8 Matatagpuan ng iyong kamay ang lahat ng iyong mga kaaway;
ang mga napopoot sa iyo'y masusumpungan ng iyong kanang kamay.
9 Gagawin mo silang gaya ng mainit na pugon
kapag ikaw ay lumitaw.
Sasakmalin sila ng Panginoon sa kanyang kagalitan;
at sa apoy sila'y malulusaw.
10 Pupuksain mo ang kanilang bunga mula sa mundo,
at ang kanilang binhi ay mula sa mga anak ng mga tao.
11 Kapag laban sa iyo sila'y magbalak ng kasamaan,
kapag sila'y nagpakana ng masama, hindi sila magtatagumpay.
12 Sapagkat iyong patatalikurin sila,
iyong iaakma sa kanilang mga mukha ang iyong mga pana.
13 Mataas ka, O Panginoon, sa iyong kalakasan!
Aming aawitin at pupurihin ang iyong kapangyarihan.
Awit ni David.
110 Sinabi(A) ng Panginoon sa aking panginoon:
“Umupo ka sa aking kanan,
hanggang sa aking gawing tuntungan ng iyong paa ang iyong mga kaaway.”
2 Iuunat ng Panginoon ang setro ng iyong kalakasan mula sa Zion.
Mamuno ka sa gitna ng mga kaaway mo!
3 Kusang-loob na ihahandog ng iyong bayan
sa araw ng iyong kapangyarihan
sa kagandahan ng kabanalan.
Mula sa bukang-liwayway ng umaga,
ang iyong kabataan ay darating sa iyo na hamog ang kagaya.
4 Sumumpa(B) ang Panginoon, at hindi magbabago ang kanyang isipan,
“Ikaw ay pari magpakailanman ayon sa pagkapari ni Melquizedek.”
5 Ang Panginoon ay nasa iyong kanang kamay;
dudurugin niya ang mga hari sa araw ng kanyang poot.
6 Siya'y maglalapat ng hatol sa mga bansa,
kanyang pupunuin sila ng mga bangkay;
wawasakin niya ang mga pinuno sa kalaparan ng lupa.
7 Siya'y iinom sa batis sa tabi ng daan;
kaya't ang kanyang ulo ay kanyang itataas.
116 Minamahal ko ang Panginoon, sapagkat kanyang dininig
ang aking tinig at aking mga hiling.
2 Sapagkat ikiniling niya ang kanyang pandinig sa akin,
kaya't ako'y tatawag sa kanya habang ako'y nabubuhay.
3 Ang bitag ng kamatayan ay pumalibot sa akin,
ang mga hapdi ng Sheol ay nagsihawak sa akin:
ako'y nagdanas ng pagkabahala at pagkadalamhati.
4 Nang magkagayo'y sa pangalan ng Panginoon ay tumawag ako:
“O Panginoon, isinasamo ko sa iyo, iligtas mo ang buhay ko!”
5 Mapagbiyaya at matuwid ang Panginoon,
oo, ang Diyos namin ay maawain.
6 Iniingatan ng Panginoon ang mga taong karaniwan;
ako'y naibaba at iniligtas niya ako.
7 Bumalik ka sa iyong kapahingahan, O kaluluwa ko;
sapagkat pinakitunguhan ka na may kasaganaan ng Panginoon.
8 Sapagkat iniligtas mo ang aking kaluluwa sa kamatayan,
ang mga mata ko sa mga luha,
ang mga paa ko sa pagkatisod;
9 Ako'y lalakad sa harapan ng Panginoon
sa lupain ng mga buháy.
10 Ako'y(A) naniwala nang aking sinabi,
“Lubhang nahihirapan ako;”
11 sinabi ko sa aking pangingilabot,
“Lahat ng tao ay sinungaling.”
12 Ano ang aking isusukli sa Panginoon
sa lahat niyang kabutihan sa akin?
13 Aking itataas ang saro ng kaligtasan,
at tatawag sa pangalan ng Panginoon,
14 tutuparin ko ang aking mga panata sa Panginoon,
sa harapan ng lahat ng kanyang bayan.
15 Mahalaga sa paningin ng Panginoon
ang kamatayan ng kanyang mga banal.
16 O Panginoon, ako'y iyong lingkod;
ako'y iyong lingkod, anak ng iyong lingkod na babae;
iyong kinalag ang aking mga gapos.
17 Ako'y mag-aalay sa iyo ng handog ng pasasalamat,
at tatawag sa pangalan ng Panginoon.
18 Tutuparin ko ang aking mga panata sa Panginoon,
sa harapan ng lahat ng kanyang bayan;
19 sa mga bulwagan ng bahay ng Panginoon,
sa gitna mo, O Jerusalem.
Purihin ang Panginoon!
Bilang Pagpupuri sa Panginoon
117 Purihin(B) ang Panginoon, kayong lahat na mga bansa!
Dakilain ninyo siya, kayong lahat na mga bayan!
2 Sapagkat dakila ang kanyang tapat na pag-ibig sa atin;
at ang katapatan ng Panginoon ay nananatili magpakailanman.
Purihin ang Panginoon!
Si Noe at ang Kanyang mga Anak
9 Ito(A) ang mga lahi ni Noe. Si Noe ay lalaking matuwid at walang kapintasan noong kapanahunan niya. Si Noe ay lumakad na kasama ng Diyos.
10 Nagkaanak si Noe ng tatlong lalaki: sina Sem, Ham, at Jafet.
11 At naging masama ang daigdig sa harapan ng Diyos at ang lupa ay napuno ng karahasan.
12 Nakita ng Diyos na ang daigdig ay naging masama sapagkat pinasama ng lahat ng tao ang kanilang gawa sa lupa.
13 At sinabi ng Diyos kay Noe, “Ipinasiya ko nang wakasan ang lahat ng laman sapagkat ang lupa ay napuno ng karahasan nila. Ngayon, sila ay aking lilipuling kasama ng lupa.
14 Gumawa ka ng isang daong na yari sa kahoy na gofer. Gumawa ka ng mga silid sa daong at pahiran mo ito ng alkitran sa loob at labas.
15 Gagawin mo ito sa ganitong paraan: ang haba ng sasakyan ay tatlong daang siko, ang luwang ay limampung siko, at ang taas ay tatlumpung siko.
16 Gagawa ka ng isang bintana sa sasakyan at tapusin mo ito ng isang siko sa dakong itaas. Ilalagay mo ang pintuan ng sasakyan sa kanyang tagiliran. Gagawin mo ito na may una, ikalawa at ikatlong palapag.
17 Ako'y magpapadagsa ng baha ng tubig sa ibabaw ng lupa upang lipulin ang lahat ng laman na may hininga ng buhay sa ilalim ng langit. Ang lahat na nasa lupa ay mamamatay.
18 Ngunit itatatag ko ang aking tipan sa iyo. Ikaw ay sasakay sa daong, ikaw, ang iyong mga anak na lalaki, ang iyong asawa, at ang mga asawa ng iyong mga anak na kasama mo.
19 At sa bawat nabubuhay sa lahat ng laman at magsasakay ka sa loob ng daong ng dalawa sa bawat uri upang maingatan silang buháy na kasama mo. Dapat ay lalaki at babae ang mga ito.
20 Sa mga ibon ayon sa kanilang uri, sa mga hayop ayon sa kanilang uri, sa bawat gumagapang sa lupa ayon sa kanilang uri, dalawa sa bawat uri ang isasama mo upang ang mga iyon ay manatiling buháy.
21 At magbaon ka ng lahat na pagkain at imbakin mo, at magiging pagkain para sa inyo at para sa kanila.”
22 Gayon(B) ang ginawa ni Noe; ginawa niya ang ayon sa lahat ng iniutos sa kanya ng Diyos.
4 Kaya't habang nananatiling bukas ang pangakong makapasok sa kanyang kapahingahan, mag-ingat tayo na baka sinuman sa inyo ay hindi makaabot doon.
2 Sapagkat dumating sa atin ang magandang balita, gaya rin naman sa kanila, ngunit hindi nila pinakinabangan ang pangangaral na narinig nila, sapagkat hindi sila naging kalakip sa pamamagitan ng pananampalataya ng mga taong nakarinig.
3 Sapagkat(A) tayong sumasampalataya ay pumapasok sa kapahingahang iyon, gaya ng sinabi ng Diyos,[a]
“Gaya ng aking isinumpa sa aking pagkagalit,
sila'y hindi papasok sa aking kapahingahan,”
bagama't ang mga gawa niya mula nang itatag ang sanlibutan ay natapos na.
4 Sapagkat(B) sa isang dako ay sinabi niya ang ganito tungkol sa ikapitong araw, “At nagpahinga ang Diyos nang ikapitong araw sa lahat ng kanyang mga gawa.”
5 At(C) sa dakong ito ay muling sinabi, “Sila'y hindi papasok sa aking kapahingahan.”
6 Kaya't yamang nananatiling bukas para sa ilan upang makapasok doon, at ang mga pinangaralan ng magandang balita nang una ay hindi nakapasok dahil sa pagsuway,
7 siya(D) ay muling nagtakda ng isang araw, “Ngayon,” na pagkatapos ng ilang panahon ay sinabi sa pamamagitan ni David, gaya ng sinabi noong una,
“Ngayon, kung marinig ninyo ang kanyang tinig,
huwag ninyong papagmatigasin ang inyong mga puso.”
8 Sapagkat(E) kung sila ay nabigyan ni Josue ng kapahingahan, hindi na sana nagsalita ang Diyos tungkol sa ibang araw pagkatapos ng mga ito.
9 Kaya't may natitira pang isang pamamahingang Sabbath para sa bayan ng Diyos.
10 Sapagkat(F) ang pumasok sa kanyang kapahingahan ay nagpahinga rin sa kanyang mga gawa, gaya ng Diyos sa kanyang mga gawa.
11 Kaya't magsikap tayong pumasok sa kapahingahang iyon, upang huwag mabuwal ang sinuman sa pamamagitan ng gayong halimbawa ng pagsuway.
12 Sapagkat ang salita ng Diyos ay buháy, mabisa, at higit na matalas kaysa alin mang tabak na may dalawang talim, at tumatagos hanggang sa pinaghihiwalayan ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at ng utak sa buto, at may kakayahang kumilala ng mga pag-iisip at mga hangarin ng puso.
13 At walang nilalang na nakukubli sa harapan niya, kundi ang lahat ng mga bagay ay hubad at hayag sa mga mata niya na ating pagsusulitan.
Nilinis ni Jesus ang Templo(A)
13 Malapit(B) na noon ang Paskuwa ng mga Judio, at umahon si Jesus patungo sa Jerusalem.
14 Natagpuan niya sa templo ang mga nagtitinda ng mga baka, mga tupa, mga kalapati, at ang mga nagpapalit ng salapi na nakaupo.
15 Gumawa siya mula sa mga lubid ng isang panghagupit at itinaboy niya silang lahat papalabas sa templo kasama ang mga tupa at mga baka. Ibinuhos din niya ang salapi ng mga mamamalit, at itinaob ang kanilang mga mesa.
16 Sa mga nagtitinda ng mga kalapati ay sinabi niya, “Alisin ninyo rito ang mga bagay na ito; huwag ninyong gawing bahay-pamilihan ang bahay ng aking Ama.”
17 Naalala(C) ng kanyang mga alagad na nasusulat, “Ang sigasig para sa iyong bahay ang tutupok sa akin.”
18 Ang mga Judio ay sumagot sa kanya, “Anong tanda ang maipapakita mo sa amin sa paggawa mo ng mga bagay na ito?”
19 Sinagot(D) sila ni Jesus, “Gibain ninyo ang templong ito at aking itatayo sa loob ng tatlong araw.”
20 Sinabi ng mga Judio, “Apatnapu't anim na taon ang pagtatayo ng templong ito, at itatayo mo sa loob ng tatlong araw?”
21 Subalit siya'y nagsasalita tungkol sa templo ng kanyang katawan.
22 Kaya't nang siya ay muling bumangon mula sa mga patay, naalala ng kanyang mga alagad na sinabi niya ito. At naniwala sila sa kasulatan at sa salitang sinabi ni Jesus.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001