Book of Common Prayer
Awit(A) ni David, nang siya'y nagkunwaring baliw sa harapan ni Abimelec, kaya't pinalayas siya nito, at siya'y umalis.
34 Pupurihin ko ang Panginoon sa lahat ng panahon;
ang pagpuri sa kanya ay sasaaking bibig nang patuloy.
2 Nagmamapuri sa Panginoon ang aking kaluluwa,
marinig nawa ng mapagpakumbaba at magsaya.
3 O kasama kong dakilain ninyo ang Panginoon,
at magkasama nating itaas ang kanyang pangalan!
4 Hinanap ko ang Panginoon, at ako'y kanyang sinagot,
at iniligtas niya ako sa lahat ng aking mga takot.
5 Sila'y tumingin sa kanya, at naging makinang,
at ang kanilang mga mukha ay hindi mapapahiya kailanman.
6 Ang abang taong ito ay dumaing, at ang Panginoon sa kanya'y nakinig,
at iniligtas siya sa lahat niyang mga ligalig.
7 Ang anghel ng Panginoon ay nagbabantay
sa palibot ng mga natatakot sa kanya, at inililigtas sila.
8 O(B) inyong subukan at tingnan na mabuti ang Panginoon!
Maligaya ang tao na sa kanya'y nanganganlong.
9 O matakot kayo sa Panginoon, kayong kanyang mga banal,
sapagkat ang mga natatakot sa kanya ay hindi magkukulang!
10 Ang mga batang leon ay nagkukulang at nagugutom;
ngunit silang humahanap sa Panginoon sa mabuting bagay ay hindi nagsasalat.
11 Halikayo, mga anak, pakinggan ninyo ako,
ang takot sa Panginoon ay ituturo ko sa inyo.
12 Sinong(C) tao ang nagnanasa ng buhay,
at naghahangad ng maraming araw, upang magtamasa ng mabuti?
13 Ingatan mo ang iyong dila mula sa masama,
at ang iyong mga labi sa pagsasalita ng pandaraya.
14 Lumayo ka sa kasamaan, at ang mabuti'y iyong gawin;
hanapin mo ang kapayapaan at ito'y iyong habulin.
15 Ang mga mata ng Panginoon ay sa matuwid nakatitig,
at sa kanilang daing, bukas ang kanyang pandinig.
16 Ang mukha ng Panginoon ay laban sa mga gumagawa ng masama,
upang tanggalin ang alaala nila sa lupa.
17 Kapag ang matuwid ay humingi ng saklolo, ang Panginoon ay nakikinig,
at inililigtas sila sa lahat nilang mga gulo.
18 Ang Panginoon ay malapit sa may pusong wasak,
at inililigtas ang mga may bagbag na diwa.
19 Marami ang kapighatian ng matuwid;
ngunit inililigtas siya ng Panginoon sa lahat ng mga iyon.
20 Lahat(D) nitong mga buto ay iniingatan niya,
sa mga iyon ay hindi nababali ni isa.
21 Ang masama ay papatayin ng kasamaan,
at ang mga napopoot sa matuwid ay hahatulan.
22 Tinutubos ng Panginoon ang buhay ng mga lingkod niya;
walang hahatulan sa sinumang nanganganlong sa kanya.
Awit ng Papuri.
33 Magalak kayo sa Panginoon, O kayong matutuwid.
Ang pagpupuri ay nababagay sa matuwid.
2 Purihin ninyo ang Panginoon sa pamamagitan ng lira,
gumawa kayo ng himig sa kanya sa may sampung kuwerdas na alpa!
3 Awitan ninyo siya ng bagong awit;
tumugtog na may kahusayan sa mga kuwerdas, na may sigaw na malalakas.
4 Sapagkat ang salita ng Panginoon ay makatuwiran,
at lahat niyang mga gawa ay ginawa sa katapatan.
5 Ang katuwiran at katarungan ay kanyang iniibig,
punô ng tapat na pag-ibig ng Panginoon ang daigdig.
6 Sa pamamagitan ng salita ng Panginoon ay ginawa ang mga langit;
at lahat ng mga hukbo nila sa pamamagitan ng hinga ng kanyang bibig.
7 Kanyang tinipon ang mga tubig ng dagat na gaya sa isang bunton;
inilagay niya ang mga kalaliman sa mga imbakan.
8 Matakot nawa sa Panginoon ang sandaigdigan,
magsitayo nawang may paggalang sa kanya ang lahat ng naninirahan sa sanlibutan!
9 Sapagkat siya'y nagsalita at iyon ay naganap,
siya'y nag-utos, at iyon ay tumayong matatag.
10 Dinadala ng Panginoon sa wala ang payo ng mga bansa;
kanyang binibigo ang mga panukala ng mga bayan.
11 Ang payo ng Panginoon kailanman ay nananatili,
ang mga iniisip ng kanyang puso sa lahat ng salinlahi.
12 Mapalad ang bansa na ang Diyos ay ang Panginoon;
ang bayan na kanyang pinili bilang kanyang mana!
13 Mula sa langit ang Panginoon ay nakatanaw,
lahat ng anak ng mga tao ay kanyang minamasdan.
14 Mula sa kanyang dakong tahanan ay nakatingin siya
sa lahat ng naninirahan sa lupa,
15 siya na sa mga puso nilang lahat ay humuhugis,
at sa lahat nilang mga gawa ay nagmamasid.
16 Ang isang hari ay hindi inililigtas ng kanyang napakaraming kawal;
ang isang mandirigma ay hindi inililigtas ng kanyang makapangyarihang lakas.
17 Ang kabayong pandigma ay walang kabuluhang pag-asa para sa tagumpay,
at hindi ito makapagliligtas sa pamamagitan ng kanyang makapangyarihang lakas.
18 Tunay na ang mata ng Panginoon ay nasa kanila na natatakot sa kanya,
sa kanila na umaasa sa tapat na pag-ibig niya,
19 upang kanyang mailigtas ang kaluluwa nila mula sa kamatayan,
at sa taggutom ay panatilihin silang buháy.
20 Naghihintay sa Panginoon ang aming kaluluwa;
siya ang aming saklolo at panangga.
21 Oo, ang aming puso ay nagagalak sa kanya,
sapagkat kami ay nagtitiwala sa banal na pangalan niya.
22 Sumaamin nawa ang iyong tapat na pag-ibig, O Panginoon,
kung paanong kami ay umaasa sa iyo.
Pananakot ni Jezebel
19 Isinalaysay ni Ahab kay Jezebel ang lahat ng ginawa ni Elias, at kung paanong kanyang pinatay ng tabak ang lahat ng mga propeta.
2 Nang magkagayo'y nagpadala si Jezebel ng sugo kay Elias na nagsasabi, “Gayundin ang gawin sa akin ng mga diyos, at higit pa, kung hindi ko gagawin ang buhay mo na gaya ng buhay ng isa sa kanila bukas sa mga ganitong oras.”
3 Kaya't siya'y natakot; bumangon siya at umalis upang iligtas ang kanyang buhay at dumating sa Beer-seba na sakop ng Juda, at iniwan ang kanyang lingkod doon.
4 Ngunit(A) siya'y naglakbay ng isang araw patungo sa ilang at dumating at umupo sa lilim ng isang punungkahoy. Siya'y humiling na siya'y mamatay na sana, na nagsasabi, “Sapat na; ngayon, O Panginoon, kunin mo ang aking buhay sapagkat hindi ako mas mabuti kaysa aking mga ninuno.”
5 Siya'y nahiga at natulog sa ilalim ng punungkahoy na enebro; kinalabit siya ng isang anghel, at sinabi sa kanya, “Bumangon ka at kumain.”
6 Siya'y tumingin, at nasa kanyang ulunan ang isang munting tinapay na niluto sa nagbabagang bato, at isang bangang tubig. Siya'y kumain, uminom at muling nahiga.
7 Ang anghel ng Panginoon ay nagbalik sa ikalawang pagkakataon, at kinalabit siya, at sinabi, “Bumangon ka at kumain; kung hindi, ang paglalakbay ay magiging napakahirap para sa iyo.”
8 Siya nga'y bumangon, kumain, uminom, at humayo na taglay ang lakas mula sa pagkaing iyon sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi hanggang sa Horeb na bundok ng Diyos.
Pagkakaisa sa Katawan ni Cristo
4 Kaya't ako na bilanggo sa Panginoon ay nagsusumamo sa inyo na kayo'y lumakad ng nararapat sa pagkatawag na sa inyo'y itinawag,
2 na(A) may lubos na kapakumbabaan at kaamuan, may pagtitiyaga, na magparaya sa isa't isa sa pag-ibig;
3 na nagsisikap na mapanatili ang pagkakaisa ng Espiritu sa buklod ng kapayapaan.
4 May isang katawan at isang Espiritu, kung paanong tinawag kayo sa isang pag-asa ng pagkatawag sa inyo,
5 isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bautismo,
6 isang Diyos at Ama ng lahat, na siyang nasa ibabaw ng lahat, at sumasa lahat, at nasa lahat.
7 Subalit sa bawat isa sa atin ay ibinigay ang biyaya ayon sa sukat ng kaloob ni Cristo.
8 Kaya't(B) sinasabi,
“Nang umakyat siya sa itaas ay dinala niyang bihag ang pagkabihag,
at nagbigay siya ng mga kaloob sa mga tao.”
9 (Nang sabihing, “Umakyat siya,” anong ibig sabihin nito, kundi siya'y bumaba rin sa mas mababang bahagi ng lupa?
10 Ang bumaba ay siya ring umakyat sa kaitaasan ng sangkalangitan upang kanyang mapuspos ang lahat ng mga bagay.)
11 Pinagkalooban niya ang iba na maging mga apostol, ang iba'y propeta, ang iba'y ebanghelista, at ang iba'y pastor at mga guro;
12 upang ihanda ang mga banal sa gawain ng paglilingkod, sa ikatitibay ng katawan ni Cristo,
13 hanggang makarating tayong lahat sa pagkakaisa ng pananampalataya, at sa ganap na pagkakilala sa Anak ng Diyos, hanggang maging taong may sapat na gulang, hanggang sa sukat ng ganap na kapuspusan ni Cristo.
14 Tayo'y huwag nang maging mga bata, na tinatangay-tangay ng mga alon at dinadala-dala ng bawat hangin ng aral, sa pamamagitan ng pandaraya ng mga tao, sa pamamagitan ng kanilang mga katusuhan sa paraang mapandaya.
15 Kundi humahawak sa katotohanan na may pag-ibig, lumago tayong lahat sa kanya, na siyang ulo, samakatuwid ay si Cristo,
16 na(C) sa kanya ang buong katawan na nakalapat na mabuti at nagkakaisa sa pamamagitan ng bawat litid, ayon sa paggawa sa sukat ng bawat bahagi ay nagpapalaki sa katawan tungo sa ikatitibay ng sarili sa pag-ibig.
Pinakain ni Jesus ang Limang Libo(A)
6 Pagkatapos ng mga bagay na ito, pumunta si Jesus sa kabilang pampang ng dagat ng Galilea, na siya ring Dagat ng Tiberias.
2 Sumusunod sa kanya ang napakaraming tao sapagkat nakita nila ang mga tanda na ginagawa niya sa mga maysakit.
3 Umakyat si Jesus sa bundok at doo'y naupo siya na kasama ng kanyang mga alagad.
4 Malapit na noon ang Paskuwa na pista ng mga Judio.
5 Itinanaw ni Jesus ang kanyang mga mata, at nang makita niya ang napakaraming taong lumalapit sa kanya ay sinabi niya kay Felipe, “Saan tayo makakabili ng tinapay, upang makakain ang mga taong ito?”
6 Ito'y sinabi niya upang siya'y subukin sapagkat nalalaman niya sa kanyang sarili kung ano ang gagawin niya.
7 Sumagot sa kanya si Felipe, “Hindi magkakasiya sa kanila ang dalawang daang denariong[a] tinapay, upang makakain ng kaunti ang bawat isa.”
8 Si Andres, na kapatid ni Simon Pedro, isa sa kanyang mga alagad ay nagsabi sa kanya,
9 “May isang batang lalaki rito na mayroong limang tinapay na sebada at dalawang isda, subalit gaano na ang mga ito sa ganito karaming mga tao?”
10 Sinabi ni Jesus, “Paupuin ninyo ang mga tao.” Madamo sa dakong iyon, kaya't umupo ang mga lalaki na may limang libo ang bilang.
11 Kinuha ni Jesus ang mga tinapay at nang makapagpasalamat ay ipinamahagi niya sa mga nakaupo. Binigyan din sila ng mga isda hanggang gusto nila.
12 Nang sila'y mabusog ay sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Tipunin ninyo ang mga pinagputul-putol na lumabis upang walang anumang masayang.”
13 Kaya't kanilang tinipon ang mga ito at nakapuno ng labindalawang kaing ng mga pinagputul-putol na limang tinapay na sebada na lumabis sa mga kumain.
14 Nang makita ng mga tao ang tandang ginawa niya ay kanilang sinabi, “Totoong ito nga ang propeta na darating sa sanlibutan.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001