Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 38

Awit ni David, para sa handog pang-alaala.

38 O Panginoon, sa pagkagalit mo ay huwag mo akong sawayin,
    ni sa iyong pagkapoot ay huwag mo akong supilin!
Sapagkat ang iyong mga palaso sa akin ay tumimo,
    at pumisil sa akin ang kamay mo.

Walang kaginhawahan sa aking laman
    dahil sa iyong kapootan;
walang kalusugan sa aking mga buto
    dahil sa aking kasalanan.
Sapagkat ang mga kasamaan ko ay nakarating sa ibabaw ng aking ulo,
    ang mga iyon ay gaya ng isang pasan na napakabigat para sa akin.

Ang aking mga sugat ay mabaho at nagnanana,
    dahil sa aking kahangalan.
Ako'y yukong-yuko at nakabulagta,
    ako'y tumatangis buong araw.
Sapagkat nag-iinit ang aking mga balakang,
    at walang kaginhawahan sa aking laman.
Nanghihina at bugbog ako;
    ako'y dumaing dahil sa bagabag ng aking puso.

Panginoon, lahat ng aking inaasam ay batid mo;
    ang aking hinagpis ay hindi lingid sa iyo.
10 Ang aking puso ay kakaba-kaba, ang aking lakas ay kinakapos,
    at ang liwanag ng aking paningin, sa akin ay nawala din.
11 Ang aking mga kaibigan at mga kasamahan ay walang malasakit sa aking kapighatian,
    at nakatayong napakalayo ang aking kamag-anakan.
12 Yaong mga nagtatangka sa aking buhay ay naglagay ng kanilang mga bitag,
    silang nagsisihanap ng aking ikapapahamak ay nagsasalita ng pagkawasak,
    at nag-iisip ng kataksilan sa buong araw.

13 Ngunit ako'y gaya ng taong bingi, hindi ako nakakarinig;
    gaya ng taong pipi na hindi nagbubuka ng kanyang bibig.
14 Oo, ako'y gaya ng tao na hindi nakakarinig,
    at walang pangangatuwiran sa aking bibig.

15 Ngunit sa iyo ako naghihintay, O Panginoon,
    ikaw, O Panginoon kong Diyos ang siyang tutugon.
16 Sapagkat aking sinabi, “Huwag mo lamang hayaang sila'y magalak laban sa akin,
    na laban sa akin ay nagmamataas kapag ang paa ko ay nadudulas!”

17 Sapagkat ako'y malapit nang matumba,
    at ang aking kirot ay nasa akin tuwina.
18 Ipinahahayag ko ang aking kasamaan;
    ako'y punô ng kabalisahan dahil sa aking kasalanan.
19 Yaong aking mga kaaway na walang kadahilanan ay makapangyarihan,
    at marami silang napopoot sa akin na wala sa katuwiran.
20 Silang gumaganti ng kasamaan sa aking kabutihan,
    ay aking mga kaaway sapagkat sinusunod ko ang kabutihan.

21 O Panginoon, huwag mo akong pabayaan;
    O Diyos ko, huwag mo akong layuan!
22 Magmadali kang ako'y tulungan,
    O Panginoon, aking kaligtasan!

Mga Awit 119:25-48

DALETH.

25 Dumidikit sa alabok ang kaluluwa ko;
    muli mo akong buhayin ayon sa iyong salita.
26 Nang ipahayag ko ang aking mga lakad, sinagot mo ako;
    ituro mo sa akin ang mga tuntunin mo!
27 Ipaunawa mo sa akin ang daan ng mga panuntunan mo,
    at aking bubulay-bulayin ang kahanga-hangang mga gawa mo.
28 Ang kaluluwa ko'y natutunaw dahil sa kalungkutan;
    palakasin mo ako ayon sa iyong salita!
29 Ilayo mo sa akin ang mga maling daan;
    at malugod na ituro mo sa akin ang iyong kautusan!
30 Ang daan ng katapatan ay pinili ko,
    ang mga tuntunin mo'y inilagay ko sa harapan ko.
31 Ako'y kumapit sa iyong mga patotoo, O Panginoon;
    sa kahihiyan ay ilayo mo ako!
32 Ako'y tatakbo sa daan ng mga utos mo,
    kapag iyong pinalaki ang puso ko!

HE.

33 Ituro mo sa akin, O Panginoon, ang daan ng iyong mga batas,
    at ito'y aking iingatan hanggang sa wakas.
34 Bigyan mo ako ng pang-unawa upang aking maingatan ang kautusan mo,
    at akin itong susundin ng buong puso ko.
35 Akayin mo ako sa landas ng mga utos mo,
    sapagkat aking kinaluluguran ito.
36 Ikiling mo ang aking puso sa iyong mga patotoo,
    at huwag sa pakinabang.
37 Ilayo mo ang aking mga mata sa pagtingin sa walang kabuluhan;
    at bigyan mo ako ng buhay sa iyong mga daan.
38 Pagtibayin mo ang iyong pangako sa lingkod mo,
    na para sa mga natatakot sa iyo.
39 Ilayo mo ang kahihiyan na aking kinatatakutan;
    sapagkat ang mga batas mo'y mainam.
40 Ako'y nasasabik sa iyong mga panuntunan,
    bigyan mo ako ng buhay sa iyong katuwiran.

VAU.

41 O Panginoon, paratingin mo rin sa akin ang iyong tapat na pagsuyo,
    ang iyong pagliligtas ayon sa iyong pangako;
42 sa gayo'y may maisasagot ako sa mga taong sa aki'y umaalipusta,
    sapagkat ako'y nagtitiwala sa iyong salita.
43 At huwag mong lubos na kunin ang salita ng katotohanan mula sa bibig ko,
    sapagkat ako'y umasa sa mga batas mo.
44 Lagi kong susundin ang iyong kautusan,
    magpakailanpaman.
45 At lalakad ako na may kalayaan;
    sapagkat aking hinanap ang iyong mga panuntunan.
46 Magsasalita rin ako tungkol sa iyong mga patotoo sa harapan ng mga hari,
    at hindi ako mapapahiya.
47 At ako'y natutuwa sa iyong mga utos,
    na aking iniibig.
48 Itataas ko ang aking mga kamay sa iyong mga utos, na iniibig ko,
    at ako'y magbubulay-bulay sa mga batas mo.

Genesis 9:18-29

Si Noe at ang Kanyang mga Anak

18 Ang mga anak ni Noe na lumabas sa daong ay sina Sem, Ham, at Jafet. Si Ham ay siyang ama ni Canaan.

19 Ang mga ito ang tatlong mga anak ni Noe at sa kanila nagmula ang lahat ng tao sa lupa.

20 Si Noe ay isang magbubukid at siyang pinakaunang nagtanim ng ubasan.

21 Uminom siya ng alak at nalasing at siya'y nakahigang hubad sa loob ng kanyang tolda.

22 At nakita ni Ham na ama ni Canaan ang kahubaran ng kanyang ama, at isinaysay sa kanyang dalawang kapatid na nasa labas.

23 Kumuha sina Sem at Jafet ng isang balabal, inilagay sa balikat nilang dalawa, lumakad ng paatras, at tinakpan ang kahubaran ng kanilang ama. At ang mukha nila ay patalikod, at hindi nila nakita ang kahubaran ng kanilang ama.

24 Nagising si Noe sa kanyang pagkalasing, at nalaman ang ginawa sa kanya ng kanyang bunsong anak.

Ang Sumpa Kay Canaan

25 At kanyang sinabi,

“Sumpain si Canaan!
    Siya'y magiging alipin ng mga alipin sa kanyang mga kapatid.”

26 At sinabi niya,

“Purihin ang Panginoon, ang Diyos ni Sem!
    At si Canaan ay magiging alipin niya.
27 Palawakin ng Diyos si Jafet,
    at siya'y titira sa mga tolda ni Sem;
    at si Canaan ay magiging alipin niya.”

28 Nabuhay si Noe ng tatlong daan at limampung taon pagkaraan ng baha.

29 Ang lahat ng naging araw ni Noe ay siyamnaraan at limampung taon. At siya ay namatay.

Mga Hebreo 6:1-12

Ang Panganib ng Pagtalikod

Kaya't iwan na natin ang mga unang simulain ng aral ni Cristo, at tayo'y magpatuloy sa kasakdalan, na huwag nating muling ilagay ang saligan ng pagsisisi mula sa mga patay na gawa at pananampalataya sa Diyos,

ng aral tungkol sa mga bautismo,[a] pagpapatong ng mga kamay, muling pagkabuhay ng mga patay, at ng walang hanggang paghuhukom.

At ating gagawin ito, kung ipahihintulot ng Diyos.

Sapagkat hindi mangyayari na ang mga dating naliwanagan na, at nakalasap ng kaloob ng kalangitan, at mga naging kabahagi ng Espiritu Santo,

at nakalasap ng kabutihan ng salita ng Diyos, at ng mga kapangyarihan ng panahong darating,

at pagkatapos ay tumalikod ay muling panumbalikin sa pagsisisi, yamang sa kanilang sarili ay muli nilang ipinapako sa krus ang Anak ng Diyos, at itinataas sa kahihiyan.

Sapagkat ang lupang umiinom ng ulang madalas na pumapatak sa kanya, at tinutubuan ng mga halamang angkop doon na dahil sa kanila ito ay binungkal, ay tumatanggap ng pagpapalang mula sa Diyos.

Subalit(A) kung ito'y tinutubuan ng mga tinik at dawag, ito ay walang kabuluhan at malapit nang sumpain, at ang kanyang kahihinatnan ay ang pagkasunog.

Ngunit, mga minamahal, kami ay lubos na naniniwala sa mga mabubuting bagay tungkol sa inyo, at sa mga bagay na may kinalaman sa kaligtasan, bagama't kami ay nagsasalita ng ganito.

10 Sapagkat ang Diyos ay hindi masama; hindi niya kaliligtaan ang inyong gawa at ang pag-ibig na inyong ipinakita sa kanyang pangalan, sa inyong paglilingkod sa mga banal, gaya ng ginagawa ninyo ngayon.

11 At nais namin na ang bawat isa sa inyo ay magpakita ng gayunding sigasig upang inyong malaman ang ganap na katiyakan ng pag-asa hanggang sa katapusan;

12 upang kayo'y huwag maging mga tamad, kundi mga taga-tulad kayo sa kanila na sa pamamagitan ng pananampalataya at ng pagtitiis ay nagmamana ng mga pangako.

Juan 3:22-36

Si Jesus at si Juan na Tagapagbautismo

22 Pagkatapos ng mga bagay na ito, si Jesus at ang kanyang mga alagad ay pumunta sa lupain ng Judea. Doon ay nanatili siyang kasama nila at nagbabautismo.

23 Nagbabautismo rin si Juan sa Enon na malapit sa Salim, sapagkat doo'y maraming tubig. Ang mga tao'y pumunta roon at nabautismuhan.

24 Sapagkat(A) si Juan ay hindi pa ipinapasok sa bilangguan.

25 Noon ay nagkaroon ng isang pagtatalo ang mga alagad ni Juan at ang isang Judio tungkol sa paglilinis.

26 Sila'y lumapit kay Juan, at sa kanya'y sinabi, “Rabi, iyong kasama mo sa kabila ng Jordan na iyong pinatotohanan ay nagbabautismo at ang lahat ay lumalapit sa kanya.”

27 Sumagot si Juan, “Hindi makakatanggap ng anuman ang isang tao, malibang ito'y ipinagkaloob sa kanya mula sa langit.

28 Kayo(B) mismo ay aking mga saksi na sinabi kong, ‘Hindi ako ang Cristo, kundi ako'y sinugong una sa kanya.’

29 Ang babaing ikakasal ay para sa lalaking ikakasal. Ngunit ang kaibigan ng lalaking ikakasal na nakatayo at nakikinig sa kanya ay lubos na nagagalak dahil sa tinig ng lalaking ikakasal. Kaya't ang kaligayahan kong ito ay ganap na.

30 Siya'y kailangang tumaas, nguni't ako'y kailangang bumaba.”[a]

Siya na Mula sa Langit

31 Ang nanggagaling sa itaas ay mataas sa lahat, ang galing sa lupa ay taga-lupa nga, at nagsasalita tungkol sa mga bagay sa lupa; ang nanggagaling sa langit ay mataas sa lahat.

32 Nagpapatotoo siya ng kanyang nakita at narinig, ngunit walang taong tumatanggap ng kanyang patotoo.

33 Ang tumatanggap ng kanyang patotoo ay nagpapatunay[b] dito na ang Diyos ay totoo.

34 Sapagkat siya na sinugo ng Diyos ay nagsasalita ng mga salita ng Diyos, sapagkat hindi niya sinusukat ang pagbibigay niya ng Espiritu.

35 Minamahal(C) ng Ama ang Anak at inilagay sa kanyang kamay ang lahat ng mga bagay.

36 Ang sumasampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan; ngunit ang hindi sumusunod sa Anak ay hindi makakakita ng buhay, kundi ang poot ng Diyos ay nananatili sa kanya.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001