Book of Common Prayer
Sa Punong Mang-aawit: sa Saliw ng mga Plauta. Awit ni David.
5 Dinggin mo ang aking mga salita, O Panginoon,
pakinggan mo ang aking panaghoy.
2 Pakinggan mo ang tunog ng aking daing,
hari ko at Diyos ko;
sapagkat sa iyo ako'y nananalangin.
3 O Panginoon, sa umaga ang tinig ko'y iyong pinapakinggan;
sa umaga'y naghahanda ako para sa iyo, at ako'y magbabantay.
4 Sapagkat ikaw ay hindi isang Diyos na nalulugod sa kasamaan;
ang kasamaan ay hindi mo kasamang naninirahan.
5 Ang hambog ay hindi makakatayo sa iyong harapan,
kinapopootan mo ang lahat ng mga gumagawa ng kasamaan.
6 Iyong lilipulin sila na nagsasalita ng mga kasinungalingan;
kinasusuklaman ng Panginoon ang mamamatay-tao at manlilinlang.
7 Ngunit ako, sa pamamagitan ng kasaganaan ng iyong wagas na pag-ibig,
ay papasok sa iyong bahay;
at sa iyo'y may takot na sasamba sa templo mong banal.
8 Patnubayan mo ako, O Panginoon, sa iyong katuwiran
dahil sa aking mga kaaway;
tuwirin mo ang iyong daan sa aking harapan.
9 Sapagkat(A) walang katotohanan sa kanilang bibig;
ang kanilang puso ay pagkawasak,
ang kanilang lalamunan ay isang bukas na libingan,
sa pamamagitan ng kanilang dila ay nanlilinlang.
10 O Diyos, ipapasan mo sa kanila ang kanilang pagkakasala,
sa kanilang sariling mga balak ay hayaan mong mabuwal sila,
dahil sa marami nilang mga pagsuway, sila'y iyong palayasin,
sapagkat silang laban sa iyo ay suwail.
11 Ngunit hayaan mong magalak ang lahat ng nanganganlong sa iyo,
hayaan mo silang umawit sa kagalakan
at sila nawa'y ipagsanggalang mo,
upang dakilain ka ng mga umiibig sa pangalan mo.
12 O Panginoon, sapagkat iyong pinagpapala ang tapat,
na gaya ng isang kalasag ay tinatakpan mo siya ng paglingap.
Sa Punong Mang-aawit: sa Saliw ng Instrumentong may Kuwerdas; ayon sa Sheminith. Awit ni David.
6 O(B) Panginoon, huwag mo akong sawayin sa iyong kagalitan,
ni sa iyong pagkapoot, ako ay parusahan man.
2 Maawa ka sa akin, O Panginoon; sapagkat ako'y nanghihina;
O Panginoon, pagalingin mo ako; sapagkat nanginginig ang aking mga buto.
3 Ang aking kaluluwa ay nababagabag ding mainam.
Ngunit ikaw, O Panginoon, hanggang kailan?
4 Bumalik ka, O Panginoon, iligtas mo ang aking buhay;
iligtas mo ako alang-alang sa iyong tapat na pagmamahal.
5 Sapagkat sa kamatayan ay hindi ka naaalala;
sa Sheol naman ay sinong sa iyo ay magpupuri pa?
6 Sa aking pagdaing ako ay napapagod na,
bawat gabi ay pinalalangoy ko ang aking higaan,
dinidilig ko ang aking higaan ng aking mga pagluha.
7 Ang aking mga mata dahil sa dalamhati ay namumugto,
ito'y tumatanda dahil sa lahat ng mga kaaway ko.
8 Lumayo(C) kayo sa akin, kayong lahat na gumagawa ng kasamaan,
sapagkat ang tinig ng aking pagtangis ay kanyang pinakinggan.
9 Narinig ng Panginoon ang aking pagdaing;
tinatanggap ng Panginoon ang aking panalangin.
10 Lahat ng kaaway ko'y mapapahiya at mababagabag na mainam;
sila'y babalik, at kaagad na mapapahiya.
Panalangin para sa Katarungan
10 Bakit ka nakatayo sa malayo, O Panginoon?
Bakit ka nagtatago kapag magulo ang panahon?
2 Sa kapalaluan ay mainit na hinahabol ng masama ang dukha;
mahuli nawa sila sa binalangkas nilang mga pakana.
3 Sapagkat ipinagmamalaki ng masama ang nais ng kanyang puso,
sinusumpa at tinatalikuran ang Panginoon ng taong sakim sa patubo.
4 Sa kapalaluan ng kanyang mukha, ang masama ay hindi naghahanap sa kanya;
lahat niyang iniisip ay, “Walang Diyos.”
5 Ang kanyang mga lakad sa lahat ng panahon ay umuunlad,
malayo sa kanyang paningin ang iyong mga hatol na nasa itaas;
tungkol sa lahat niyang mga kaaway, kanyang tinutuya silang lahat.
6 Iniisip niya sa kanyang puso, “Hindi ako magagalaw;
sa buong panahon ng salinlahi ay hindi ako malalagay sa kaguluhan.”
7 Ang(A) kanyang bibig ay punô ng pagsumpa, pang-aapi at panlilinlang,
sa ilalim ng kanyang dila ay kalikuan at kasamaan.
8 Siya'y nakaupo sa mga tagong dako ng mga nayon;
sa mga kubling dako ang walang sala ay ipinapapatay,
ang kanyang mga mata ay palihim na nagmamatyag sa walang kakayahan.
9 Siya'y lihim na nagbabantay na parang leon sa kanyang lungga;
siya'y nag-aabang upang hulihin ang dukha,
sinusunggaban niya ang dukha kapag kanyang nahuli siya sa lambat niya.
10 Siya ay gumagapang, siya'y yumuyuko,
at ang sawing-palad ay bumabagsak sa kanyang mga kuko.
11 Sinasabi niya sa kanyang puso, “Ang Diyos ay nakalimot,
ikinubli niya ang kanyang mukha, hindi niya ito makikita kailanman.”
12 O Panginoon, O Diyos, itaas mo ang iyong kamay, bumangon ka;
huwag mong kalilimutan ang nagdurusa.
13 Bakit tinatalikuran ng masama ang Diyos,
at sinasabi sa kanyang puso, “Hindi mo ako hihingan ng sulit?”
14 Iyong nakita; oo, iyong namamasdan ang kaguluhan at pagkayamot,
upang iyong mailagay ito sa mga kamay mo;
itinalaga ng sawing-palad ang sarili sa iyo;
sa mga ulila ikaw ay naging saklolo.
15 Baliin mo ang bisig ng masama at gumagawa ng kasamaan;
hanapin mo ang kanyang kasamaan hanggang sa wala kang matagpuan.
16 Ang Panginoon ay hari magpakailanpaman,
mula sa kanyang lupain ang mga bansa ay mapaparam.
17 O Panginoon, iyong maririnig ang nasa ng maamo;
iyong palalakasin ang kanilang puso, iyong papakinggan ng iyong pandinig
18 upang ipagtanggol ang mga naaapi at ulila,
upang hindi na makapanakot pa ang taong mula sa lupa.
Sa Punong Mang-aawit. Mula kay David.
11 Sa Panginoon ay nanganganlong ako; paanong sa akin ay nasasabi mo,
“Tumakas ka na gaya ng ibon sa mga bundok;
2 sapagkat binalantok ng masama ang pana,
iniakma na nila ang kanilang palaso sa bagting,
upang ipana sa kadiliman
sa may matuwid na puso,
3 kung ang mga saligan ay masira,
matuwid ba'y may magagawa?”
4 Ang Panginoon ay nasa kanyang banal na templo,
ang trono ng Panginoon ay nasa langit;
ang kanyang mga mata ay nagmamasid,
ang mga talukap ng kanyang mata ay sumusubok
sa mga anak ng mga tao.
5 Sinusubok ng Panginoon ang matuwid at ang masama,
at kinapopootan ng kanyang kaluluwa ang nagmamahal sa karahasan.
6 Sa masama ay magpapaulan siya ng mga baga ng apoy; apoy at asupre
at hanging nakakapaso ang magiging bahagi ng kanilang saro.
7 Sapagkat ang Panginoon ay matuwid;
minamahal niya ang mga gawang matuwid;
ang kanyang mukha ay mamamasdan ng matuwid.
Nagkasala ang Tao
3 Ang(A) ahas nga ay higit na tuso kaysa alinman sa mga mailap na hayop sa parang na nilikha ng Panginoong Diyos. Sinabi niya sa babae, “Sinabi ba ng Diyos, ‘Huwag ninyong kakainin ang mula sa alinmang punungkahoy sa halamanan?’”
2 At sinabi ng babae sa ahas, “Makakain namin ang bunga ng mga punungkahoy sa halamanan;
3 subalit sinabi ng Diyos, ‘Huwag ninyong kakainin ang bunga ng punungkahoy na nasa gitna ng halamanan; huwag din ninyo itong hihipuin, kundi kayo'y mamamatay.’”
4 Subalit sinabi ng ahas sa babae, “Tiyak na hindi kayo mamamatay.
5 Sapagkat nalalaman ng Diyos na kapag kayo'y kumain noon ay mabubuksan ang inyong mga mata, at kayo'y magiging kagaya ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.”
6 Kaya't nang makita ng babae na ang bunga ng punungkahoy ay mabuting kainin, nakakalugod sa paningin, na dapat nasain upang maging matalino, siya ay pumitas ng bunga nito at kinain ito; at binigyan din niya ang kanyang asawa na kasama niya, at siya'y kumain.
7 At parehong nabuksan ang kanilang mga mata, at nalaman nilang sila'y mga hubad. Magkasama silang nagtahi ng mga dahon ng puno ng igos, at kanilang ginawang panakip.
8 Narinig nila ang tinig ng Panginoong Diyos na lumalakad sa halamanan sa malamig na bahagi ng maghapon. Nagtago ang lalaki at ang kanyang asawa sa Panginoong Diyos sa mga punungkahoy sa halamanan.
9 Tinawag ng Panginoong Diyos ang lalaki at sa kanya'y sinabi, “Saan ka naroon?”
10 Sinabi niya, “Narinig ko ang iyong tinig sa halamanan at ako'y natakot, sapagkat ako'y hubad; at ako'y nagtago.”
11 At sinabi niya, “Sinong nagsabi sa iyong ikaw ay hubad? Kumain ka ba ng bunga ng punungkahoy, na iniutos ko sa iyong huwag mong kainin?”
12 Sinabi ng lalaki, “Ang babaing ibinigay mo na aking makakasama ang nagbigay sa akin ng bunga ng punungkahoy at ito'y aking kinain.”
13 Sinabi(B) ng Panginoong Diyos sa babae, “Ano itong iyong ginawa?” Sinabi ng babae, “Dinaya ako ng ahas, at ako'y kumain.”
Ang Diyos ay Naggawad
14 Sinabi ng Panginoong Diyos sa ahas,
“Sapagkat ginawa mo ito
ay isinumpa ka nang higit sa lahat ng hayop,
at nang higit sa bawat mailap na hayop sa parang;
ang iyong tiyan ang ipanggagapang mo,
at alabok ang iyong kakainin
sa lahat ng mga araw ng iyong buhay.
15 Maglalagay(C) ako sa iyo at sa babae ng pagkapoot sa isa't isa,
at sa iyong binhi at sa kanyang binhi.
Ito ang dudurog ng iyong ulo,
at ikaw ang dudurog ng kanyang sakong.”
16 Sinabi niya sa babae,
“Pararamihin ko ang paghihirap mo sa iyong paglilihi;
manganganak kang may paghihirap,
ngunit ang iyong pagnanais ay para sa iyong asawa,
at siya ang mamumuno sa iyo.”
17 At(D) kay Adan ay kanyang sinabi,
“Sapagkat nakinig ka sa tinig ng iyong asawa,
at kumain ka ng bunga ng punungkahoy
na aking iniutos sa iyo na,
‘Huwag kang kakain niyon,’
sumpain ang lupa dahil sa iyo.
Kakain ka mula sa kanya sa pamamagitan ng iyong mabigat na paggawa sa lahat ng mga araw ng iyong buhay;
18 mga tinik at dawag ang sisibol doon para sa iyo,
at kakain ka ng tanim sa parang.
19 Sa pawis ng iyong mukha
ay kakain ka ng tinapay,
hanggang ikaw ay bumalik sa lupa;
sapagkat diyan ka kinuha.
Ikaw ay alabok
at sa alabok ka babalik.”
20 Tinawag ng lalaki ang kanyang asawa na Eva[a] sapagkat siya ang naging ina ng lahat ng mga nabubuhay.
21 At iginawa ng Panginoong Diyos si Adan at ang kanyang asawa ng mga kasuotang balat at sila'y dinamitan.
Pinalayas sina Adan at Eva sa Halamanan
22 Sinabi(E) ng Panginoong Diyos, “Tingnan ninyo, ang tao'y naging parang isa sa atin, na nakakakilala ng mabuti at ng masama; at ngayon, baka iunat ang kanyang kamay at pumitas din ng bunga ng punungkahoy ng buhay, at kumain, at mabuhay magpakailanman.”
23 Kaya't pinalayas siya ng Panginoong Diyos sa halamanan ng Eden upang kanyang bungkalin ang lupaing pinagkunan sa kanya.
24 At kanyang itinaboy ang lalaki; at inilagay sa silanganan ng halamanan ng Eden ang mga kerubin at ang isang nagniningas na tabak na umiikot, upang bantayan ang daang patungo sa punungkahoy ng buhay.
Ang Dakilang Kaligtasan
2 Kaya't dapat nating pag-ukulan ng higit pang pansin ang mga bagay na ating narinig, baka tayo'y matangay na papalayo.
2 Sapagkat kung ang salita na ipinahayag sa pamamagitan ng mga anghel ay may bisa, at ang bawat paglabag at pagsuway ay tumanggap ng kaukulang parusa,
3 paano nga tayo makakatakas, kung ating pababayaan ang ganito kadakilang kaligtasan? Ito ay ipinahayag noong una sa pamamagitan ng Panginoon, at pinatunayan sa atin ng mga nakarinig sa kanya,
4 na pawang pinatotohanan din ng Diyos sa pamamagitan ng mga tanda at ng mga kababalaghan at iba't ibang himala at ng mga kaloob ng Espiritu Santo, na ipinamahagi ayon sa kanyang kalooban.
Naging Dakila sa Pagiging Hamak
5 Sapagkat hindi ipinasakop ng Diyos[a] sa mga anghel ang sanlibutang darating, na siya naming sinasabi,
6 Ngunit(A) may nagpatunay sa isang dako, na sinasabi,
“Ano ang tao upang siya'y iyong alalahanin?
O ang anak ng tao upang siya'y iyong pagmalasakitan?
7 Siya'y ginawa mong mababa kaysa mga anghel nang sandaling panahon;
siya'y pinutungan mo ng kaluwalhatian at ng karangalan,
at siya'y inilagay mo sa ibabaw ng mga gawa ng iyong mga kamay.[b]
8 Ipinasakop mo ang lahat ng bagay sa ilalim ng kanyang mga paa.”
Nang masakop niya ang bawat bagay, wala siyang iniwan na hindi niya nasasakop. Ngunit ngayon ay hindi pa natin nakikitang nasasakop niya ang lahat ng mga bagay,
9 kundi nakikita natin si Jesus, na sa sandaling panahon ay ginawang mababa kaysa mga anghel, na dahil sa pagdurusa ng kamatayan ay pinutungan ng kaluwalhatian at karangalan, upang sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos ay maranasan niya ang kamatayan alang-alang sa lahat.
10 Sapagkat nararapat na ang Diyos,[c] na para sa kanya at sa pamamagitan niya ay nagkaroon ng lahat ng mga bagay, sa pagdadala ng maraming anak tungo sa kaluwalhatian, ay gawing sakdal ang tagapagtatag ng kanilang kaligtasan sa pamamagitan ng mga pagdurusa.
Ang Patotoo ni Juan na Tagapagbautismo(A)
19 Ito ang patotoo ni Juan nang suguin ng mga Judio ang mga pari at mga Levita mula sa Jerusalem upang siya'y tanungin, “Sino ka ba?”
20 Siya'y nagpahayag at hindi ikinaila kundi sinabing, “Hindi ako ang Cristo.”
21 Siya'y(B) kanilang tinanong, “Kung gayo'y, ikaw ba si Elias?” At sinabi niya, “Hindi ako.” “Ikaw ba ang propeta?” At siya'y sumagot, “Hindi.”
22 Sinabi nila sa kanya, “Sino ka ba? Bigyan mo kami ng isasagot sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili?”
23 Sinabi(C) niya, “Ako ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang na lugar, ‘Tuwirin ninyo ang daan ng Panginoon, gaya ng sinabi ng propeta Isaias.’”
24 Sila'y mga sugo buhat sa mga Fariseo.
25 Siya'y tinanong nila, “Kung gayo'y bakit ka nagbabautismo, kung hindi ikaw ang Cristo, o si Elias, o ang propeta?”
26 Sila'y sinagot ni Juan, “Ako'y nagbabautismo sa tubig; sa gitna ninyo'y may isang nakatayo na hindi ninyo kilala,
27 na pumaparitong kasunod ko at hindi ako karapat-dapat magkalag ng panali ng kanyang sandalyas.”
28 Ang mga bagay na ito'y nangyari sa Betania, sa kabilang ibayo ng Jordan, na pinagbabautismuhan ni Juan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001