Book of Common Prayer
Awit ni David. Awit sa Pagtatalaga ng Templo.
30 Dadakilain kita, O Panginoon, sapagkat ako'y iyong iniahon,
at hindi hinayaang ako'y pagtawanan, ng aking mga kaaway.
2 O Panginoon kong Diyos, humingi ako sa iyo ng saklolo,
at ako ay pinagaling mo.
3 O Panginoon, kaluluwa ko'y iniahon mula sa Sheol,
iyong iningatan akong buháy upang huwag akong bumaba sa Hukay.
4 Magsiawit kayo ng papuri sa Panginoon, kayong kanyang mga banal,
at magpasalamat kayo sa kanyang banal na pangalan.
5 Sapagkat ang kanyang galit ay sandali lamang,
at ang kanyang paglingap ay panghabang buhay.
Maaaring magtagal nang magdamag ang pag-iyak,
ngunit sa kinaumagahan ay dumarating ang galak.
6 Tungkol sa akin, sinabi ko sa panahon ng aking kasaganaan,
“Hindi ako matitinag kailanman.”
7 Sa pamamagitan ng iyong paglingap, O Panginoon,
ginawa mong matibay ang aking bundok;
ikinubli mo ang iyong mukha, ako ay natakot.
8 Ako'y dumaing sa iyo, O Panginoon;
at sa Panginoon ay nanawagan ako:
9 “Anong pakinabang mayroon sa aking dugo,
kung ako'y bumaba sa Hukay?
Pupurihin ka ba ng alabok?
Isasaysay ba nito ang iyong katapatan?
10 O Panginoon, sa aki'y maawa ka, pakinggan mo ako!
Panginoon, nawa'y tulungan mo ako.”
11 Iyong ginawang sayaw para sa akin ang pagtangis ko;
hinubad mo ang aking damit-sako,
at binigkisan mo ako ng kagalakan,
12 upang luwalhatiin ka ng aking kaluluwa at huwag manahimik.
O Panginoon kong Diyos, ako'y magpapasalamat sa iyo magpakailanman.
Awit ni David. Isang Maskil.
32 Mapalad(A) siya na pinatawad ang pagsuway,
na ang kasalanan ay tinakpan.
2 Mapalad ang tao na hindi pinaparatangan ng kasamaan ng Panginoon,
at sa kanyang espiritu ay walang pandaraya.
3 Nang hindi ko ipinahayag ang aking kasalanan, nanghina ang aking katawan
sa pamamagitan ng aking pagdaing sa buong araw.
4 Sa araw at gabi ay mabigat sa akin ang iyong kamay,
ang aking lakas ay natuyong gaya ng sa init ng tag-araw. (Selah)
5 Kinilala ko ang aking kasalanan sa iyo,
at hindi ko ikinubli ang aking kasamaan;
aking sinabi, “Ipahahayag ko ang aking paglabag sa Panginoon;”
at iyong ipinatawad ang bigat ng aking kasalanan. (Selah)
6 Kaya't ang bawat isang banal
ay manalangin sa iyo;
sa panahong matatagpuan ka, tunay na sa pagragasa ng malaking tubig,
siya'y hindi nila aabutan.
7 Ikaw ay aking dakong kublihan;
iniingatan mo ako sa kaguluhan;
pinalibutan mo ako ng mga awit ng kaligtasan. (Selah)
8 Aking ipapaalam at ituturo sa iyo ang daan na dapat mong lakaran.
Papayuhan kita na ang aking mga mata ay nakatitig sa iyo.
9 Huwag kayong maging gaya ng kabayo o ng mola na walang unawa,
na ang gayak ay may busal at pamingkaw upang sila'y pigilin
na kung wala ito, sila'y hindi lalapit sa iyo.
10 Marami ang paghihirap ng masasama;
ngunit tapat na pag-ibig ay nakapalibot sa kanya na sa Panginoon ay nagtitiwala.
11 Magsaya kayo sa Panginoon, at magalak kayong matutuwid,
at sumigaw sa kagalakan, kayong lahat na matutuwid sa puso!
IKALAWANG AKLAT
Sa Punong Mang-aawit. Isang Maskil ng mga Anak ni Kora.
42 Kung paanong ang usa ay nananabik sa batis na umaagos,
gayon nananabik ang aking kaluluwa sa iyo, O Diyos.
2 Ang aking kaluluwa ay nauuhaw sa Diyos,
sa buháy na Diyos,
kailan ako makakarating at makikita
ang mukha ng Diyos?
3 Ang aking mga luha ay naging aking pagkain araw at gabi,
habang ang mga tao sa akin ay nagsasabi,
“Nasaan ang iyong Diyos?”
4 Ang mga bagay na ito ay aking naaalala,
habang sa loob ko ay ibinubuhos ko ang aking kaluluwa:
kung paanong ako'y sumama sa karamihan,
at sa paglakad sa bahay ng Diyos, sila'y aking pinatnubayan,
na may awit ng pagpupuri at sigaw ng kagalakan,
napakaraming tao na nagdiriwang ng kapistahan.
5 Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
Bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat siya'y muling pupurihin ko,
dahil sa kaligtasan mula sa kanyang harapan.
6 O Diyos ko, ang aking kaluluwa ay nanlulumo sa loob ko;
kaya't aking naaalala ka
mula sa lupain ng Jordan at ng Hermon,
mula sa Bundok ng Mizhar.
7 Ang kalaliman ay tumatawag sa kalaliman
sa hugong ng iyong matataas na talon.
Lahat ng iyong alon at iyong malalaking alon
sa akin ay tumabon.
8 Kapag araw ay inuutusan ng Panginoon ang kanyang tapat na pag-ibig,
at sa gabi ay kasama ko ang kanyang awit,
isang panalangin sa Diyos ng aking buhay.
9 Sinasabi ko sa Diyos na aking malaking bato:
“Bakit kinalimutan mo ako?
Bakit ako'y tumatangis sa paghayo
dahil sa kalupitan ng kaaway ko?”
10 Tulad ng pagkadurog ng aking mga buto,
ang aking mga kaaway, tinutuya ako,
habang patuloy nilang sinasabi sa akin,
“Nasaan ang Diyos mo?”
11 Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
At bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat siya'y muling pupurihin ko,
ang tulong sa aking harapan, at Diyos ko.
43 O Diyos, pawalang-sala mo ako, at ang aking usapin ay ipagtanggol mo
laban sa isang bayang masama;
iligtas mo ako sa mga taong hindi makatarungan at mandaraya.
2 Sapagkat ikaw ang Diyos na aking kalakasan,
bakit mo ako itinakuwil?
Bakit ako lalakad na tumatangis
dahil sa kaaway kong malupit?
3 O suguin mo ang iyong liwanag at iyong katotohanan;
patnubayan nawa ako ng mga iyon,
dalhin nawa nila ako sa iyong banal na bundok,
at sa iyong tirahan!
4 Kung magkagayo'y pupunta ako sa dambana ng Diyos,
sa Diyos na aking malabis na kagalakan;
at pupurihin kita ng alpa,
O Diyos, aking Diyos.
5 Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
At bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat ikaw ay muling pupurihin ko,
ang tulong sa aking harapan, at Diyos ko.
9 Si Abram ay patuloy na naglakbay hanggang sa Negeb.[a]
Si Abram sa Ehipto
10 Nagkagutom sa lupain kaya't bumaba si Abram sa Ehipto upang manirahan doon sapagkat mahigpit ang taggutom sa lupain.
11 Nang siya'y malapit na sa Ehipto, sinabi niya kay Sarai na kanyang asawa, “Alam kong ikaw ay isang babaing maganda sa paningin;
12 at kapag nakita ka ng mga Ehipcio ay kanilang sasabihin, ‘Ito'y kanyang asawa;’ at ako'y kanilang papatayin, subalit hahayaan ka nilang mabuhay.
13 Sabihin(A) mong ikaw ay aking kapatid upang ako'y mapabuti dahil sa iyo, at upang ang buhay ko'y makaligtas dahil sa iyo.”
14 Nang dumating si Abram sa Ehipto, nakita ng mga Ehipcio na ang babae ay napakaganda.
15 Nang makita siya ng mga pinuno ng Faraon, siya'y kanilang pinuri kay Faraon, at dinala ang babae sa bahay ng Faraon.
16 At pinagpakitaan niya ng magandang loob si Abram dahil kay Sarai at nagkaroon si Abram ng mga tupa, baka, lalaking asno, aliping lalaki at alilang babae, babaing asno, at mga kamelyo.
17 Subalit pinahirapan ng Panginoon ang Faraon at ang kanyang sambahayan ng malubhang salot dahil kay Sarai na asawa ni Abram.
18 Tinawag ng Faraon si Abram, at sinabi, “Ano itong ginawa mo sa akin? Bakit hindi mo sinabi sa akin na siya'y iyong asawa?
19 Bakit mo sinabing, ‘Siya'y aking kapatid?’ na anupa't siya'y aking kinuha upang maging asawa. Kaya't ngayon, narito ang iyong asawa. Siya'y kunin mo at umalis ka.”
20 At nag-utos ang Faraon sa mga tao tungkol sa kanya, at siya'y kanilang inihatid sa daan, ang kanyang asawa, at ang lahat ng kanyang pag-aari.
Naghiwalay sina Abram at Lot
13 Umahon sa Negeb mula sa Ehipto si Abram, ang kanyang asawa, dala ang lahat ng kanyang pag-aari, at si Lot.
18 Sa kabilang dako, mayroong pagpapawalang-bisa sa naunang utos, sapagkat ito ay mahina at walang pakinabang
19 (sapagkat ang kautusan ay walang pinasasakdal), sa gayon ay ipinapakilala ang isang higit na mabuting pag-asa, na sa pamamagitan nito ay lumalapit tayo sa Diyos.
20 At iyon ay mayroong panunumpa. Yaong nang una ay naging pari ay nagsimula sa kanilang katungkulan na walang panunumpa,
21 ngunit(A) ang isang ito ay naging pari na may panunumpa,
“Nanumpa ang Panginoon at hindi siya magbabago ng kanyang isip,
‘Ikaw ay pari magpakailanman.’”
22 Sa gayon, si Jesus ay naging tagapanagot ng isang higit na mabuting tipan.
23 Marami sa bilang ang dating mga pari, sapagkat sila'y hinadlangan ng kamatayan upang makapagpatuloy sa panunungkulan.
24 Subalit hawak niya ang pagiging pari magpakailanman, sapagkat siya ay nagpapatuloy magpakailanman.
25 Dahil dito, siya'y may kakayahang iligtas nang lubos ang mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, yamang lagi siyang nabubuhay upang mamagitan para sa kanila.
26 Sapagkat nararapat na tayo'y magkaroon ng gayong Pinakapunong Pari, banal, walang sala, walang dungis, hiwalay sa mga makasalanan, at ginawang lalong mataas kaysa mga langit.
27 Hindi(B) gaya ng ibang mga pinakapunong pari, hindi niya kailangang maghandog ng alay araw-araw, una para sa kanyang sariling mga kasalanan, at saka para sa mga kasalanan ng bayan; ito'y ginawa niyang minsan magpakailanman nang kanyang ihandog ang kanyang sarili.
28 Sapagkat hinihirang ng kautusan bilang mga pinakapunong pari ang mga taong may kahinaan, ngunit ang salita ng panunumpa na dumating na kasunod ng kautusan ay humirang sa Anak na ginawang sakdal magpakailanman.
27 Nang oras na iyon ay dumating ang kanyang mga alagad. Sila'y nagtaka na siya'y nakikipag-usap sa isang babae, subalit walang nagsabi, “Ano ang gusto mo?” o, “Bakit ka nakikipag-usap sa kanya?”
28 Kaya't iniwan ng babae ang kanyang banga ng tubig at pumunta sa lunsod, at sinabi sa mga tao,
29 “Halikayo, tingnan ninyo ang isang tao na nagsabi sa akin ng lahat ng mga bagay na aking ginawa. Ito na nga kaya ang Cristo?”
30 Lumabas sila sa lunsod, at pumunta sa kanya.
31 Samantala, hinimok siya ng kanyang mga alagad, “Rabi, kumain ka.”
32 Subalit sinabi niya sa kanila, “Ako'y may pagkain na hindi ninyo nalalaman.”
33 Kaya't sinabi ng mga alagad sa isa't isa, “May nagdala kaya sa kanya ng pagkain?”
34 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang pagkain ko ay ang gawin ang kalooban ng nagsugo sa akin at tapusin ang kanyang gawain.
35 Hindi ba sinasabi ninyo, ‘May apat na buwan pa at darating na ang pag-aani?’ Ngunit sinasabi ko sa inyo, masdan ninyo ang inyong paligid[a] at inyong tingnan ang mga bukid na mapuputi na upang anihin.
36 Ang umaani ay tumatanggap ng upa, at nagtitipon ng bunga para sa buhay na walang hanggan, upang ang naghahasik at ang umaani ay magkasamang magalak.
37 Sapagkat dito'y totoo ang kasabihan, ‘Isa ang naghahasik, at iba ang umaani.’
38 Kayo'y sinugo ko upang anihin ang hindi ninyo pinagpaguran; iba ang nagpagod at kayo'y pumasok sa kanilang pinagpaguran.”
39 At marami sa mga Samaritano sa lunsod na iyon ang sumampalataya sa kanya dahil sa sinabi ng babae, na nagpatotoo, “Sinabi niya sa akin ang lahat ng mga bagay na aking ginawa.”
40 Kaya nang dumating sa kanya ang mga Samaritano, nakiusap sila sa kanya na manatili sa kanila; at siya'y nanatili roon ng dalawang araw.
41 At marami pang sumampalataya sa kanya dahil sa kanyang salita.
42 Sinabi nila sa babae, “Ngayo'y sumampalataya kami, hindi dahil sa iyong sinabi, sapagkat kami mismo ay nakarinig at nalalaman naming ito nga ang Tagapagligtas ng sanlibutan.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001