Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 103

Ang Pag-ibig ng Diyos

Awit ni David.

103 Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko;
    at lahat ng nasa loob ko,
    purihin ang kanyang banal na pangalan!
Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko,
    at huwag mong kalimutan ang lahat niyang mga biyaya—
na siyang nagpapatawad ng lahat mong mga kasamaan;
    na siyang nagpapagaling ng lahat mong karamdaman,
na siyang tumutubos ng iyong buhay sa Hukay:
    na siyang nagpuputong sa iyo ng habag at tapat na pagmamahal,
na siyang bumubusog sa iyong nasa ng mga mabubuting bagay;
    anupa't nababago na gaya ng sa agila ang iyong kabataan.

Ang Panginoon ay nagsasagawa ng mga matuwid na gawa
    at katarungan sa lahat ng naaapi.
Kanyang ipinaalam ang kanyang mga daan kay Moises,
    ang kanyang mga gawa sa mga anak ni Israel.
Ang(A) Panginoon ay mahabagin at mapagbiyaya,
    hindi magagalitin at sa tapat na pag-ibig ay sagana.
Hindi siya laging makikipaglaban,
    ni pananatilihin ang kanyang galit magpakailanman.
10 Hindi niya tayo pinakikitunguhan ayon sa ating mga kasalanan,
    ni ginantihan tayo nang ayon sa ating mga kasamaan.
11 Sapagkat kung paanong ang mga langit ay mataas kaysa lupa,
    ang kanyang tapat na pag-ibig sa mga natatakot sa kanya ay gayon kadakila!
12 Kung gaano ang layo ng silangan sa kanluran,
    gayon inilayo niya sa atin ang ating mga pagsuway.
13 Kung paanong ang ama ay nahahabag sa mga anak niya,
    gayon nahahabag ang Panginoon sa mga natatakot sa kanya.
14 Sapagkat ang ating kalagayan ay kanyang nalalaman,
    naaalala niya na tayo'y alabok.

15 Tungkol sa tao, ang kanyang mga araw ay parang damo,
    siya'y lumalagong gaya ng bulaklak sa parang;
16 ito'y dinaanan ng hangin, at ito'y naglaho,
    at ang mga lugar niyon ay hindi na nalalaman.
17 Ngunit ang tapat na pag-ibig ng Panginoon ay mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan
    para sa mga natatakot sa kanya,
    at ang kanyang katuwiran ay hanggang sa mga anak ng mga anak,
18 sa mga nag-iingat ng tipan niya,
    at sa nakakaalalang gawin ang mga utos niya.

19 Itinatag ng Panginoon ang kanyang trono sa mga kalangitan,
    at naghahari sa lahat ang kanyang kaharian.
20 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong mga anghel niya;
    kayong mga makapangyarihan sa kalakasan na gumaganap ng kanyang salita,
    na nakikinig sa tinig ng kanyang salita!
21 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat ng hukbo niya;
    kayong mga lingkod niya na nagsisigawa ng kanyang kalooban!
22 Purihin ninyo ang Panginoon, lahat ng kanyang mga gawa,
    sa lahat ng dako ng kanyang kapamahalaan.
Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko.

Mga Awit 114-115

114 Nang(A) lumabas ang Israel at sa Ehipto ay nagmula,
    ang sambahayan ni Jacob mula sa bayang may kakaibang wika,
ang Juda ay naging kanyang santuwaryo,
    ang Israel ay kanyang sakop.

Ang(B) dagat ay tumingin at tumakas,
    ang Jordan ay umatras.
Ang mga bundok ay nagsiluksong mga tupang lalaki ang kagaya,
    ang mga burol na parang mga batang tupa.
Anong karamdaman mo, O dagat, upang tumakas ka?
    O Jordan, upang umurong ka?
O mga bundok, na kayo'y nagsisiluksong mga tupang lalaki ang kagaya?
    O mga burol, na parang mga batang tupa?

Mayanig ka, O lupa, sa harapan ng Panginoon,
    sa harapan ng Diyos ni Jacob;
na(C) ginawang tipunan ng tubig ang malaking bato,
    na bukal ng tubig ang hasaang bato.

Ang Isang Tunay na Diyos

115 Huwag sa amin, O Panginoon, huwag sa amin, kundi sa iyong pangalan ay ibigay ang karangalan,
    dahil sa iyong tapat na pag-ibig, at dahil sa iyong katapatan!
Bakit sasabihin ng mga bansa,
    “Nasaan ngayon ang kanilang Diyos?”

Ang aming Diyos ay nasa mga langit,
    kanyang ginagawa ang anumang kanyang kagustuhan.
Ang(D) kanilang mga diyus-diyosan ay pilak at ginto,
    gawa ng mga kamay ng mga tao.
Sila'y may mga bibig, ngunit hindi nagsasalita;
    may mga mata, ngunit hindi sila nakakakita.
Sila'y may mga tainga, ngunit hindi sila nakakarinig;
    may mga ilong, ngunit hindi sila nakakaamoy.
Mayroon silang mga kamay, ngunit hindi sila nakakadama,
    may mga paa, ngunit hindi nakakalakad,
    at hindi gumagawa ng tunog sa kanilang lalamunan.
Ang mga gumawa sa kanila ay kagaya nila;
    gayundin ang lahat ng nagtitiwala sa kanila.

O Israel, sa Panginoon ay magtiwala ka!
    Kanilang saklolo at kanilang kalasag siya.
10 O sambahayan ni Aaron, sa Panginoon ay magtiwala kayo!
    Siya ang kanilang kalasag at saklolo.
11 Kayong natatakot sa Panginoon, sa Panginoon ay magtiwala kayo!
    Siya ang kanilang kalasag at saklolo.

12 Inalaala tayo ng Panginoon; tayo'y kanyang pagpapalain;
    ang sambahayan ni Israel ay kanyang pagpapalain;
    ang sambahayan ni Aaron ay kanyang pagpapalain;
13 pagpapalain(E) niya ang mga natatakot sa Panginoon,
    ang mababa kasama ang dakila.

14 Paramihin nawa kayo ng Panginoon,
    kayo at ang inyong mga anak!
15 Pagpalain nawa kayo ng Panginoon,
    siya na gumawa ng langit at lupa!

16 Ang mga langit ay mga langit ng Panginoon;
    ngunit ang lupa ay kanyang ibinigay sa mga anak ng mga tao.
17 Ang patay ay hindi pumupuri sa Panginoon,
    ni sinumang bumababa sa katahimikan.
18 Ngunit aming pupurihin ang Panginoon
    mula sa panahong ito hanggang sa walang hanggan.
Purihin ang Panginoon!

Deuteronomio 8:1-3

Isang Mabuting Lupain na Aangkinin

“Inyong maingat na gawin ang lahat ng utos na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito upang kayo'y mabuhay at dumami, at makapasok at angkinin ang lupain na ipinangako ng Panginoon sa inyong mga ninuno.

At iyong alalahanin ang lahat ng paraan ng pagpatnubay sa iyo ng Panginoon mong Diyos nitong apatnapung taon sa ilang, upang kanyang pagpakumbabain ka, at subukin ka, upang malaman kung ano ang nasa iyong puso, kung iyong tutuparin ang kanyang mga utos o hindi.

Ikaw(A) ay pinagpakumbaba niya nang ginutom ka niya, at pinakain ka niya ng manna, na hindi mo nakilala, ni hindi nakilala ng iyong mga ninuno, upang kanyang maipaunawa sa iyo na hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ng Panginoon.

Colosas 1:1-14

Pagbati

Si Pablo, na apostol ni Cristo-Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, at si Timoteo na ating kapatid,

Sa mga banal at tapat na mga kapatid kay Cristo na nasa Colosas: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama.

Pasasalamat para sa mga Taga-Colosas

Lagi kaming nagpapasalamat sa Diyos na Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, sa aming pananalangin para sa inyo,

sapagkat nabalitaan namin ang inyong pananampalataya kay Cristo Jesus, at ang pag-ibig ninyo sa lahat ng mga banal,

dahil sa pag-asa na nakalaan para sa inyo sa langit, na inyong narinig noong una sa salita ng katotohanan, ang ebanghelyo,

na dumating sa inyo. Gayundin naman kung paanong ito ay namumunga at lumalago sa buong sanlibutan, ay gayundin naman sa inyo, mula nang araw na inyong marinig at maunawaan ang biyaya ng Diyos sa katotohanan.

Ito(A) ay inyong natutunan kay Epafras na aming minamahal na kapwa alipin. Siya ay isang tapat na lingkod ni Cristo alang-alang sa inyo,[a]

at siya rin namang sa amin ay nagpahayag ng inyong pag-ibig sa Espiritu.

Kaya't mula nang araw na aming marinig ito, hindi kami tumigil ng pananalangin para sa inyo at sa paghiling na kayo'y punuin ng kaalaman ng kanyang kalooban sa buong karunungan at pagkaunawang espirituwal,

10 upang kayo'y lumakad nang nararapat sa Panginoon, na lubos na nakakalugod sa kanya, namumunga sa bawat gawang mabuti, at lumalago sa pagkakilala sa Diyos.

11 Nawa'y palakasin kayo sa buong kapangyarihan, ayon sa kalakasan ng kanyang kaluwalhatian, para sa lahat ng katatagan at pagtitiyaga na may galak;

12 na nagpapasalamat sa Ama, na ginawa niya tayong karapat-dapat na makabahagi sa mana ng mga banal sa kaliwanagan.

13 Iniligtas niya tayo sa kapangyarihan ng kadiliman at inilipat tayo sa kaharian ng kanyang minamahal na Anak,

14 na(B) sa kanya ay mayroon tayong katubusan, na siyang kapatawaran ng mga kasalanan.[b]

Juan 6:30-33

30 Sinabi naman nila sa kanya, “Ano ngayon ang tanda na iyong ginagawa na aming makikita upang sumampalataya kami sa iyo? Ano ang iyong ginagawa?

31 Ang(A) aming mga ninuno ay kumain ng manna sa ilang, gaya ng nasusulat, ‘Kanyang binigyan sila ng tinapay na galing sa langit upang kanilang makain.’”

32 Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay na galing sa langit kundi ang aking Ama ang nagbibigay sa inyo ng tunay na tinapay na galing sa langit.

33 Sapagkat ang tinapay ng Diyos ay ang bumababang mula sa langit at nagbibigay ng buhay sa sanlibutan.

Juan 6:48-51

48 Ako ang tinapay ng buhay.

49 Kumain ng manna sa ilang ang inyong mga ninuno, at sila'y namatay.

50 Ito ang tinapay na bumababang galing sa langit, upang ang sinumang makakain nito ay hindi mamatay.

51 Ako ang tinapay na buháy na bumabang galing sa langit. Kung ang sinuman ay kumain ng tinapay na ito, siya'y mabubuhay magpakailanman, at ang tinapay na aking ibibigay sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001