Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 66-67

Sa Punong Mang-aawit. Isang Awit. Isang Salmo.

66 Magkaingay kayong may kagalakan sa Diyos, buong lupa;
    awitin ninyo ang kaluwalhatian ng kanyang pangalan;
    gawin ninyong maluwalhati ang pagpupuri sa kanya!
Inyong sabihin sa Diyos, “Kakilakilabot ang iyong mga gawa!
    Dahil sa kadakilaan ng iyong kapangyarihan, ang iyong kaaway ay pakunwaring susunod sa iyo.
Sasamba sa iyo ang buong mundo;
aawit sila ng papuri sa iyo,
aawit ng mga papuri sa pangalan mo.” (Selah)

Halikayo at tingnan ang ginawa ng Diyos:
    siya'y kakilakilabot sa kanyang mga gawa sa gitna ng mga tao.
Kanyang(A) ginawang tuyong lupa ang dagat;
    ang mga tao'y tumawid sa ilog nang naglalakad.
Doon ay nagalak kami sa kanya,
    siya'y namumuno sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan magpakailanman;
    ang kanyang mga mata ay nagbabantay sa mga bansa—
huwag itaas ng mga mapaghimagsik ang mga sarili nila. (Selah)

O purihin ninyo ang aming Diyos, kayong mga bayan,
    ang tinig ng pagpupuri sa kanya ay hayaang mapakinggan,
na umaalalay sa amin kasama ng mga buháy,
    at hindi hinayaang madulas ang aming mga paa.
10 Sapagkat ikaw, O Diyos, ang sumubok sa amin;
    sinubok mo kami na gaya ng pagsubok sa pilak.
11 Iyong inilagay kami sa lambat;
    nilagyan mo ng malupit na pasan ang aming mga balikat.
12 Hinayaan mong sakyan ng mga tao ang aming mga ulo;
    kami ay dumaan sa apoy at sa tubig;
at dinala mo kami sa kasaganaan.

13 Ako'y papasok sa iyong bahay na may dalang mga handog na susunugin,
    ang mga panata ko sa iyo ay aking tutuparin,
14 na sinambit ng aking mga labi,
    at ipinangako ng aking bibig, nang ako ay nasa pagkaligalig.
15 Hahandugan kita ng mga handog na sinusunog na mga pinataba,
    na may usok ng handog na tupa;
ako'y maghahandog ng mga toro at mga kambing. (Selah)

16 Kayo'y magsiparito at inyong dinggin, kayong lahat na natatakot sa Diyos,
    at ipahahayag ko kung ano ang kanyang ginawa para sa aking kaluluwa.
17 Ako'y dumaing sa kanya ng aking bibig,
    at siya'y pinuri ng aking dila.
18 Kung iningatan ko ang kasamaan sa aking puso,
    ang Panginoon ay hindi makikinig.
19 Ngunit tunay na nakinig ang Diyos;
    kanyang dininig ang tinig ng aking panalangin.

20 Purihin ang Diyos,
    sapagkat hindi niya tinanggihan ang aking panalangin
    ni inalis ang kanyang tapat na pag-ibig sa akin!

Sa Punong Mang-aawit: sa instrumentong may kuwerdas. Isang Salmo. Isang Awit.

67 Ang Diyos nawa'y mahabag sa atin at tayo'y pagpalain,
    at pagliwanagin nawa niya ang kanyang mukha sa atin, (Selah)
upang ang iyong daan ay malaman sa lupa,
    ang iyong pagliligtas sa lahat ng mga bansa.
Purihin ka nawa ng mga bayan, O Diyos;
    purihin ka nawa ng lahat ng mga bayan!

Ang mga bansa nawa'y magalak at umawit sa kagalakan,
    sapagkat iyong hahatulan na may katarungan ang mga bayan,
    at ang mga bansa sa lupa ay papatnubayan. (Selah)
Purihin ka nawa ng mga bayan, O Diyos;
    purihin ka nawa ng lahat ng mga bayan.

Nagbigay ng kanyang bunga ang lupa;
    ang Diyos, ang ating Diyos, sa atin ay nagpala;
Ang Diyos ang sa amin ay nagpala;
    matakot sa kanya ang lahat ng mga dulo ng lupa!

Ezekiel 3:4-11

At sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, humayo ka, pumunta ka sa sambahayan ni Israel, at magsalita ka ng aking mga salita sa kanila.

Sapagkat ikaw ay hindi isinugo sa isang bayan na may ibang wika at may mahirap na salita, kundi sa sambahayan ni Israel—

hindi sa maraming bayan na may ibang wika at may mahirap na salita, na ang mga salita ay hindi mo mauunawaan. Tunay na kung suguin kita sa mga iyon, papakinggan ka nila.

Ngunit hindi ka papakinggan ng sambahayan ni Israel; sapagkat ayaw nila akong pakinggan: sapagkat ang buong sambahayan ni Israel ay may matigas na noo at may mapagmatigas na puso.

Narito, aking pinapagmatigas ang iyong mukha laban sa kanilang mga mukha, at ang iyong noo laban sa kanilang mga noo.

Ginawa kong batong matigas kaysa batong kiskisan ang iyong ulo. Huwag mo silang katakutan o manghina man sa kanilang paningin, sapagkat sila'y isang mapaghimagsik na sambahayan.”

10 Bukod dito'y sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, lahat ng aking mga salita na aking sasabihin sa iyo ay tanggapin mo sa iyong puso, at pakinggan mo ng iyong mga pandinig.

11 Humayo ka, pumaroon ka sa mga bihag, sa iyong mga mamamayan at sabihin mo sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos’; pakinggan man nila o hindi.”

Mga Gawa 10:34-44

Nangaral si Pedro

34 Nagsimulang magsalita(A) si Pedro at kanyang sinabi, “Tunay ngang nauunawaan ko na walang kinikilingan ang Diyos,

35 kundi sa bawat bansa ang sinumang may takot sa kanya at gumagawa ng matuwid ay kalugud-lugod sa kanya.

36 Nalalaman ninyo ang salita na kanyang ipinadala sa mga anak ni Israel, na ipinangangaral ang magandang balita ng kapayapaan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo—siya'y Panginoon ng lahat,

37 nalalaman ninyo na ipinahayag ang salitang iyon sa buong Judea, simula sa Galilea, pagkatapos ng bautismo na ipinangaral ni Juan:

38 kung paanong si Jesus na taga-Nazaret ay binuhusan ng Diyos ng Espiritu Santo at ng kapangyarihan; kung paanong naglibot siya na gumagawa ng mabuti, at nagpapagaling ng lahat ng mga pinahihirapan ng diyablo, sapagkat kasama niya ang Diyos.

39 Mga saksi kami sa lahat ng mga bagay na ginawa niya sa lupain ng Judea, at sa Jerusalem. Siya'y kanila ring pinatay nang kanilang ibitin siya sa isang punungkahoy.

40 Siya'y muling binuhay ng Diyos sa ikatlong araw, at siya'y hinayaang mahayag;

41 hindi sa buong bayan, kundi sa amin na hinirang ng Diyos bilang mga saksi na kumain at uminom na kasalo niya, pagkatapos na siya'y mabuhay mula sa mga patay.

42 Sa ami'y ipinagbilin niya na mangaral sa mga tao at sumaksi na siya ang itinalaga ng Diyos na maging hukom ng mga buháy at ng mga patay.

43 Siya ang pinatotohanan ng lahat ng mga propeta, na ang bawat sumasampalataya sa kanya ay makakatanggap ng kapatawaran sa mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang pangalan.”

Ipinagkaloob ang Espiritu sa mga Hentil

44 Samantalang sinasabi pa ni Pedro ang mga salitang ito, bumaba ang Espiritu Santo sa lahat ng nakikinig ng salita.

Mga Awit 118

Panalangin ng Pasasalamat dahil sa Tagumpay

118 O(A) magpasalamat kayo sa Panginoon, sapagkat siya'y mabuti;
    ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman.

Sabihin ngayon ng Israel,
    “Ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman.”
Sabihin ngayon ng sambahayan ni Aaron,
    “Ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman.”
Sabihin ngayon ng mga natatakot sa Panginoon,
    “Ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman.”

Tumawag ako sa Panginoon mula sa aking pagkabalisa,
    sinagot ako ng Panginoon, at inilagay ako sa maluwag na dako.
Ang(B) Panginoon ay para sa akin, hindi ako matatakot.
    Anong magagawa ng tao sa akin?
Ang Panginoon ay kakampi ko, kasama ng mga tumutulong sa akin,
    ako'y titinging may pagtatagumpay sa mga napopoot sa akin.
Higit na mabuti ang manganlong sa Panginoon
    kaysa magtiwala sa tao.
Higit na mabuti ang manganlong sa Panginoon
    kaysa magtiwala sa mga pinuno.

10 Pinalibutan ako ng lahat ng mga bansa;
    sa pangalan ng Panginoon, tiyak na pupuksain ko sila.
11 Pinalibutan nila ako, oo, pinalibutan nila ako,
    sa pangalan ng Panginoon, sila ay tiyak na pupuksain ko.
12 Pinalibutan nila akong gaya ng mga pukyutan,
    sila'y nasunog na parang apoy ng mga dawagan;
    sa pangalan ng Panginoon sila'y tiyak na pupuksain ko.
13 Itinulak mo ako nang malakas, anupa't ako'y malapit nang mabuwal,
    ngunit tinulungan ako ng Panginoon.
14 Ang(C) Panginoon ay aking awit at kalakasan,
    at siya'y naging aking kaligtasan.

15 Ang tunog ng masayang sigawan at kaligtasan ay nasa mga tolda ng matuwid:
“Ang kanang kamay ng Panginoon ay gumagawang may katapangan,
16     ang kanang kamay ng Panginoon ay parangalan,
    ang kanang kamay ng Panginoon ay gumagawang may katapangan!”
17 Hindi ako mamamatay, kundi mabubuhay,
    at ang mga gawa ng Panginoon ay isasalaysay.
18 Pinarusahan akong mabuti ng Panginoon;
    ngunit hindi niya ako ibinigay sa kamatayan.

19 Buksan ninyo sa akin ang mga pintuan ng katuwiran;
    upang ako'y makapasok doon
    at makapagpasalamat sa Panginoon.

20 Ito ang pintuan ng Panginoon;
    ang matuwid ay papasok doon.

21 Ako'y magpapasalamat sa iyo sapagkat sinagot mo ako
    at ikaw ay naging kaligtasan ko.
22 Ang(D) (E) batong itinakuwil ng mga nagtayo,
    ay naging panulok na bato.
23 Ito ang gawa ng Panginoon;
    ito ay kagila-gilalas sa ating mga mata.
24 Ito ang araw na ang Panginoon ang gumawa,
    tayo'y magalak at matuwa.
25 O(F) Panginoon, ipinapakiusap namin sa iyo, ikaw ay magligtas!
    O Panginoon, ipinapakiusap namin sa iyo, magsugo ka ng kaginhawahan.

26 Mapalad(G) siya na dumarating sa pangalan ng Panginoon!
    Pinupuri ka namin mula sa bahay ng Panginoon.
27 Ang Panginoon ay Diyos, at binigyan niya kami ng liwanag!
Talian ninyo ang hain ng mga panali,
    sa mga sungay ng dambana.
28 Ikaw ay aking Diyos, at ako'y magpapasalamat sa iyo;
    ikaw ay aking Diyos, ikaw ay pupurihin ko.
29 O magpasalamat kayo sa Panginoon, sapagkat siya'y mabuti,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman!

Juan 21:15-22

Inatasan si Pedro

15 Pagkatapos nilang makapag-almusal, sinabi ni Jesus kay Simon Pedro, “Simon, anak ni Juan, minamahal mo ba ako nang higit kaysa mga ito?” Sinabi niya sa kanya, “Opo, Panginoon, nalalaman mo na minamahal kita.” Sinabi ni Jesus[a] sa kanya, “Pakainin mo ang aking mga kordero.”

16 Sa ikalawang pagkakataon ay sinabi niya sa kanya, “Simon, anak ni Juan, minamahal mo ba ako?” Sinabi niya sa kanya, “Opo, Panginoon; nalalaman mo na minamahal kita.” Sinabi niya sa kanya, “Alagaan mo ang aking mga tupa.”

17 Sinabi niya sa kanya sa ikatlong pagkakataon, “Simon, anak ni Juan, minamahal mo ba ako?” Nalungkot si Pedro sapagkat tatlong ulit nang sinabi sa kanya, “Minamahal mo ba ako?” At sinabi niya sa kanya, “Panginoon, nalalaman mo ang lahat ng mga bagay. Nalalaman mo na minamahal kita.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Pakainin mo ang aking mga tupa.

18 Katotohanang sinasabi ko sa iyo, nang ikaw ay bata pa, binibigkisan mo ang iyong sarili at lumalakad ka kung saan mo ibig; ngunit pagtanda mo'y iuunat mo ang iyong mga kamay, at bibigkisan ka ng iba, at dadalhin ka kung saan hindi mo ibig.”

19 Ito'y sinabi niya upang ipahiwatig kung sa anong kamatayan luluwalhatiin niya ang Diyos. At pagkatapos nito ay sinabi niya sa kanya, “Sumunod ka sa akin.”

Si Jesus at ang Ibang Alagad

20 Pagtalikod(A) ni Pedro, nakita niya ang alagad na minamahal ni Jesus na sumusunod. Siya rin iyong nakahilig na malapit kay Jesus sa hapunan at nagsabi, “Panginoon, sino ang magkakanulo sa iyo?”

21 Nang makita siya ni Pedro ay sinabi niya kay Jesus, “Panginoon, at paano naman ang taong ito?”

22 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung ibig kong siya'y manatili hanggang sa ako'y dumating ay ano nga sa iyo? Sumunod ka sa akin.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001