Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 119:49-72

ZAIN.

49 Alalahanin mo ang iyong salita sa lingkod mo,
    na doo'y pinaasa mo ako.
50 Ito'y aking kaaliwan sa aking kapighatian,
    na ang iyong pangako ang nagbibigay sa akin ng buhay.
51 Ganap akong pinagtatawanan ng mapagmataas na tao,
    gayunma'y hindi ako humihiwalay sa kautusan mo.
52 Aking inalaala ang mga batas mo nang una,
    O Panginoon, at ako'y naaaliw.
53 Maalab na galit ang humawak sa akin,
    dahil sa masasama na tumalikod sa iyong kautusan.
54 Ang iyong mga tuntunin ay naging aking mga awit
    sa bahay ng aking paglalakbay.
55 O Panginoon, aking naalala sa gabi ang iyong pangalan,
    at sinunod ko ang iyong kautusan.
56 Ito ang tinamo ko,
    sapagkat aking iningatan ang mga tuntunin mo.

CHETH.

57 Ang Panginoon ay aking bahagi;
    aking ipinangangako na tutuparin ang iyong mga salita.
58 Aking hinihiling ang iyong biyaya nang buong puso ko;
    mahabag ka sa akin ayon sa iyong pangako.
59 Inisip ko ang mga lakad ko,
    at ibinalik ko ang aking mga paa sa iyong mga patotoo.
60 Ako'y nagmamadali at hindi naaantala
    na sundin ang iyong mga utos.
61 Pinuluputan ako ng mga panali ng masama;
    hindi ko nalimutan ang iyong kautusan.
62 Sa hatinggabi ay babangon ako upang ikaw ay purihin,
    dahil sa iyong mga matuwid na tuntunin.
63 Ako'y kasama ng lahat na natatakot sa iyo,
    at ng mga tumutupad ng mga tuntunin mo.
64 O Panginoon, ang lupa ay punô ng tapat na pag-ibig mo,
    ituro mo sa akin ang mga tuntunin mo!

TETH.

65 Ginawan mo ng mabuti ang iyong lingkod,
    O Panginoon, ayon sa iyong salita.
66 Turuan mo ako ng mabuting pagpapasiya at kaalaman;
    sapagkat ako'y sumampalataya sa iyong kautusan.
67 Bago ako nagdalamhati ay naligaw ako;
    ngunit ngayo'y tinutupad ko ang salita mo.
68 Ikaw ay mabuti, at gumagawa ng mabuti;
    ituro mo sa akin ang iyong mga tuntunin.
69 Ang mayabang ay kumatha ng kabulaanan laban sa akin,
    ngunit aking tutuparin ang iyong mga tuntunin ng buong puso ko.
70 Ang puso nila ay matabang gaya ng sebo;
    ngunit ako'y natutuwa sa kautusan mo.
71 Mabuti sa akin na pinapagpakumbaba ako;
    upang aking matutunan ang mga tuntunin mo.
72 Ang kautusan ng iyong bibig ay higit na mabuti sa akin
    kaysa libu-libong pirasong ginto at pilak.

Mga Awit 49

Sa Punong Mang-aawit. Awit ng mga Anak ni Kora.

49 Pakinggan ninyo ito, kayong lahat na mga bayan!
    Pakinggan ninyo, kayong lahat na nananahan sa daigdig,
maging mababa at mataas,
    mayaman at dukha na magkakasama!
Ang aking bibig ay magsasalita ng karunungan;
    ang pagbubulay-bulay ng aking puso ay magiging pang-unawa.
Ikikiling ko ang aking pandinig sa isang kawikaan,
    ipapaliwanag ko sa tunog ng alpa ang aking palaisipan.

Bakit ako matatakot sa mga panahon nang kaguluhan,
    kapag pinaliligiran ako ng mga umuusig sa akin ng kasamaan,
mga taong nagtitiwala sa kanilang kayamanan,
    at ipinaghahambog ang kasaganaan ng kanilang mga kayamanan?
Tunay na sa anumang paraan ay walang taong makakatubos sa kanyang kapatid,
    ni ibigay sa Diyos ang kabayaran ng kanyang buhay.
Sapagkat ang pantubos sa kanyang kaluluwa ay mahal,
    at dapat siyang huminto magpakailanman,
na siya'y patuloy na mabuhay magpakailanman,
    na siya'y huwag makakita ng kabulukan.

10 Oo, makikita niya na maging mga pantas ay namamatay,
    ang mangmang at ang hangal ay parehong dapat mamatay
    at ang kanilang kayamanan sa iba'y iiwan.
11 Ang kanilang libingan ay kanilang mga tahanan magpakailanman,
    kanilang mga lugar na tirahan sa lahat ng salinlahi;
    tinatawag nila ang kanilang mga lupain ayon sa kanilang sariling mga pangalan.
12 Ngunit ang tao'y hindi mananatili sa kanyang karangalan,
    siya'y gaya ng mga hayop na namamatay.

13 Ito ang daan noong mga hangal,
    at noong mga iba na pagkatapos nila ay sumasang-ayon sa kanilang salita. (Selah)

14 Gaya ng mga tupa ay para sa Sheol sila nakatalaga,
    ang kamatayan ay magiging pastol nila,
at ang kanilang kagandahan ay mapapasa sa Sheol upang matunaw,
    at ang kanilang anyo ay maaagnas;
    ang Sheol ang kanilang magiging tahanan.
15 Ngunit tutubusin ng Diyos ang aking kaluluwa mula sa kapangyarihan ng Sheol,
    sapagkat ako'y tatanggapin niya. (Selah)

16 Huwag kang matakot kapag may yumaman,
    kapag ang kaluwalhatian ng kanyang bahay ay lumalago.
17 Sapagkat kapag siya'y namatay ay wala siyang madadala,
    ang kanyang kaluwalhatian ay hindi bababang kasunod niya.
18 Bagaman habang siya'y nabubuhay ay binabati niya ang kanyang sarili,
    at bagaman ang tao'y tumatanggap ng papuri kapag siya'y gumawa ng mabuti para sa sarili,
19 siya'y paroroon sa salinlahi ng kanyang mga magulang;
    na hindi sila makakakita ng liwanag kailanman.
20 Taong nasa karangalan, subalit hindi nakakaunawa,
    ay gaya ng mga hayop na namamatay.

Mga Awit 53

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Mahalath. Isang Maskil ni David.

53 “Walang(A) Diyos,” sinasabi ng pusong hangal.
Sila'y masasama at gumagawa ng kasamaang karumaldumal,
    wala isa mang gumagawa ng mabuti.

Ang Diyos ay tumutunghay mula sa langit sa mga anak ng mga tao,
    upang tingnan kung may sinumang matalino,
    na naghahanap sa Diyos.

Silang lahat ay tumalikod; sila'y pawang masasama,
    walang sinumang gumagawa ng mabuti,
    wala, wala kahit isa.

Wala bang kaalaman ang mga gumagawa ng kasamaan?
    Sila na kumakain ng aking bayan na tila sila'y kumakain ng tinapay,
    at hindi tumatawag sa Diyos?

Doon sila'y nasa matinding takot,
    na kung saan ay walang dapat ikatakot.
Sapagkat ikinalat ng Diyos ang mga buto nilang kumukubkob laban sa iyo,
sila'y inilagay mo sa kahihiyan, sapagkat itinakuwil sila ng Diyos.

O, nawa'y ang pagliligtas para sa Israel ay dumating mula sa Zion!
    Kapag ibinalik ng Diyos ang kapalaran ng kanyang bayan,
    magagalak ang Jacob at matutuwa ang Israel.

Genesis 16:1-14

Si Hagar at si Ismael

16 Si Sarai na asawa ni Abram ay hindi nagkaanak sa kanya; at siya'y may isang alilang babae na taga-Ehipto, na ang pangalan ay Hagar.

Sinabi ni Sarai kay Abram, “Ako'y hinadlangan ng Panginoon na magkaanak. Sumiping[a] ka sa aking alilang babae; marahil ay magkakaanak ako sa pamamagitan niya.” At pinakinggan ni Abram ang sinabi ni Sarai.

Kaya't pagkaraan ng sampung taong paninirahan ni Abram sa lupain ng Canaan, kinuha ni Sarai na asawa ni Abram si Hagar na taga-Ehipto, na kanyang alila, at ibinigay kay Abram na kanyang asawa upang maging asawa niya.

Siya'y sumiping kay Hagar at naglihi; at nang makita ni Hagar na siya'y naglihi, tiningnan niya na may paghamak ang kanyang panginoong babae.

At sinabi ni Sarai kay Abram, “Mapasaiyo nawa ang kasamaang ginawa sa akin, ibinigay ko ang aking alila sa iyong kandungan; at nang kanyang makita na siya'y naglihi ay hinamak ako sa kanyang paningin. Ang Panginoon ang humatol sa akin at sa iyo.”

Subalit sinabi ni Abram kay Sarai, “Ang iyong alila ay nasa iyong kapangyarihan. Gawin mo sa kanya ang mabuti sa iyong paningin.” Pinagmalupitan siya ni Sarai at si Hagar ay tumakas.

Natagpuan siya ng anghel ng Panginoon sa tabi ng isang bukal sa ilang, sa bukal na nasa daang patungo sa Shur.

At sinabi niya, “Hagar, alila ni Sarai, saan ka nanggaling at saan ka pupunta?” At kanyang sinabi, “Ako'y tumatakas kay Sarai na aking panginoon.”

Sinabi sa kanya ng anghel ng Panginoon, “Magbalik ka sa iyong panginoon, at pasakop ka sa kanyang mga kamay.”

10 Sinabi din sa kanya ng anghel ng Panginoon, “Pararamihin kong lubos ang iyong binhi, at sila'y hindi mabibilang dahil sa karamihan.”

11 At sinabi sa kanya ng anghel ng Panginoon, “Ngayon, ikaw ay nagdadalang-tao at manganganak ng isang lalaki. Ang itatawag mo sa kanyang pangalan ay Ismael, sapagkat pinakinggan ng Panginoon ang iyong dalamhati.”

12 Siya'y magiging isang taong gaya ng mailap na asno, ang kanyang kamay laban sa lahat, at ang kamay ng lahat ay laban sa kanya; at habang nabubuhay ay kalaban ng lahat niyang mga kapatid.

13 Kaya't kanyang pinangalanan ang Panginoon na nagsalita sa kanya, “Ikaw ay Diyos na nakakakita;”[b] sapagkat sinabi niya, “Talaga bang nakita ko ang Diyos at nanatiling buháy pagkatapos na makita siya?”

14 Kaya't pinangalanan ang balong iyon na Balon ng Nabubuhay na Nakakakita sa Akin;[c] ito'y nasa pagitan ng Kadesh at Bered.

Mga Hebreo 9:15-28

15 Kaya't siya ang tagapamagitan ng isang bagong tipan, upang ang mga tinawag ay tumanggap ng pangako na pamanang buhay na walang hanggan. Yamang naganap ang isang kamatayan na tumutubos sa kanila mula sa mga pagsalangsang sa ilalim ng unang tipan.

16 Sapagkat kung saan mayroong tipan, ang kamatayan ng gumawa niyon ay dapat matiyak.

17 Sapagkat ang isang tipan ay pinagtitibay sa kamatayan, yamang ito'y walang bisa habang nabubuhay pa ang gumawa ng tipan.

18 Kaya't maging ang unang tipan ay hindi pinagtibay ng walang dugo.

19 Sapagkat(A) nang sabihin ni Moises ang bawat utos sa buong bayan ayon sa kautusan, kumuha siya ng dugo ng baka at ng mga kambing, na may tubig at mapulang balahibo at isopo, at winisikan niya ang aklat at gayundin ang buong bayan,

20 na sinasabi, “Ito ang dugo ng tipan na iniutos ng Diyos sa inyo.”

21 Sa(B) gayunding paraan, ang tabernakulo at ang lahat ng mga kasangkapang ginagamit sa banal na pagsamba ay pinagwiwisikan niya ng dugo.

22 Sa(C) katunayan, sa ilalim ng kautusan, halos lahat ng mga bagay ay nililinis ng dugo, at kung walang pagdanak ng dugo ay walang kapatawaran ng mga kasalanan.

Ang Sakripisyong Nag-aalis ng Kasalanan

23 Kaya't kailangan na ang mga sinipi mula sa mga bagay sa kalangitan ay linisin ng mga ito, ngunit ang mga bagay sa sangkalangitan ay sa pamamagitan ng higit na mabubuting handog kaysa mga ito.

24 Sapagkat si Cristo ay hindi pumasok sa santuwaryo na ginawa ng mga kamay ng tao na mga kahalintulad lamang ng mga tunay na bagay, kundi sa mismong langit, upang dumulog ngayon sa harapan ng Diyos para sa atin.

25 Hindi upang ihandog na paulit-ulit ang kanyang sarili, gaya ng pinakapunong pari na pumapasok sa Dakong Banal taun-taon na may dalang dugo na hindi mula sa kanya,

26 sapagkat kung gayon ay kailangan siyang paulit-ulit na maghirap mula pa nang lalangin ang sanlibutan. Subalit ngayon, minsanan siyang nahayag sa katapusan ng panahon para sa pag-aalis ng mga kasalanan sa pamamagitan ng pag-aalay ng kanyang sarili.

27 At yamang itinakda sa mga tao ang mamatay na minsan, at pagkatapos nito ay ang paghuhukom,

28 ay(D) gayundin naman si Cristo, na inihandog na minsan upang dalhin ang mga kasalanan ng marami, ay magpapakita sa ikalawang pagkakataon, hindi upang harapin ang kasalanan, kundi upang iligtas ang mga sabik na naghihintay sa kanya.

Juan 5:19-29

Ang Kapangyarihan ng Anak

19 Kaya't sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi makakagawa ng anuman ang Anak sa kanyang sarili kundi ang nakikita niyang ginagawa ng Ama. Sapagkat ang lahat ng mga bagay na kanyang ginagawa ay siya ring ginagawa ng Anak.

20 Sapagkat minamahal ng Ama ang Anak, at sa kanya'y ipinapakita ang lahat ng mga bagay na kanyang ginagawa, at lalong dakilang mga gawa kaysa mga ito ang ipapakita niya sa kanya upang kayo'y mamangha.

21 Sapagkat kung paanong ibinabangon ng Ama ang mga patay at sila'y binubuhay, gayundin naman binubuhay ng Anak ang sinumang nais niya.

22 Ang Ama'y hindi humahatol sa kanino mang tao, kundi ipinagkaloob niya sa Anak ang buong paghatol;

23 upang parangalan ng lahat ang Anak, na gaya rin ng kanilang pagpaparangal sa Ama. Ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Ama na sa kanya'y nagsugo.

24 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang nakikinig ng aking salita at sumasampalataya sa kanya na nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan, at hindi darating sa kahatulan kundi lumipat na sa buhay mula sa kamatayan.

25 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, dumarating ang oras at ngayon na nga, na maririnig ng patay ang tinig ng Anak ng Diyos at ang makarinig ay mabubuhay.

26 Sapagkat kung paanong ang Ama ay may buhay sa kanyang sarili, ay pinagkalooban din niya ang Anak na magkaroon ng buhay sa kanyang sarili.

27 At siya'y binigyan niya ng kapangyarihang humatol sapagkat siya'y Anak ng Tao.

28 Huwag ninyong ipagtaka ito, sapagkat dumarating ang oras na ang lahat ng nasa libingan ay makakarinig ng kanyang tinig,

29 at(A) magsisilabas, ang mga gumawa ng mabuti ay tungo sa pagkabuhay na muli sa buhay, at ang mga gumawa ng masama ay tungo sa pagkabuhay na muli sa kahatulan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001