Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
Levitico 17

Ang batas tungkol sa pagpapatay ng mga hayop.

17 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

Iyong salitain kay Aaron, at sa kaniyang mga anak, at sa lahat ng mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Ito ang iniutos ng Panginoon, na sinasabi,

Sinomang tao sa sangbahayan ni Israel, (A)na pumatay ng baka, o kordero, o kambing sa loob ng kampamento, o pumatay sa labas ng kampamento,

At hindi dinala sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan, upang ihandog na pinaka alay sa Panginoon, sa harap ng tabernakulo ng Panginoon: ay dugo ang ipararatang sa taong yaon; siya'y nagbubo ng dugo; (B)at ang taong yaon: ay ihihiwalay sa kaniyang bayan:

Upang ang mga anak ni Israel ay magdala ng kanilang mga hain, na inihahain sa kalawakan ng parang, sa makatuwid baga'y upang kanilang dalhin sa Panginoon, sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan, sa saserdote, at ihain sa Panginoon na mga pinaka handog tungkol sa kapayapaan.

At (C)iwiwisik ng saserdote ang dugo sa ibabaw ng dambana ng Panginoon, sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan, at susunugin ang taba na pinakamasarap na amoy sa Panginoon.

At huwag na nilang ihahain ang kanilang mga hain (D)sa mga kambing na lalake na kanilang (E)pinanaligan. Magiging palatuntunan nga magpakailan man sa kanila sa buong panahon ng kanilang lahi.

At sasabihin mo sa kanila, Sinomang tao sa sangbahayan ni Israel, o sa mga taga ibang bayan na nakikipamayan sa kanila, (F)na naghandog ng handog na susunugin o hain,

(G)At hindi dinala sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan, upang ihain sa Panginoon: ay ihihiwalay nga ang taong yaon sa kaniyang bayan.

Ang dugo ay hindi dapat kanin.

10 (H)At sinomang tao sa sangbahayan ni Israel o sa mga taga ibang bayan na nakikipamayan sa kanila, na kumain ng anomang dugo, (I)ay aking itititig ang aking mukha laban sa taong yaon na kumain ng dugo, at ihihiwalay ko sa kaniyang bayan.

11 (J)Sapagka't ang buhay ng laman ay nasa dugo; (K)at aking ibinigay sa inyo sa ibabaw ng dambana upang itubos sa inyong mga kaluluwa: (L)sapagka't ang dugo'y siyang tumutubos dahil sa buhay.

12 Kaya't aking sinabi sa mga anak ni Israel, Sinoman sa inyo ay huwag kakain ng dugo, ni ang taga ibang bayan na nakikipamayan sa inyo ay huwag kakain ng dugo.

13 At sinomang tao sa mga anak ni Israel, o sa mga taga ibang bayan na nakikipamayan sa kanila na manghuli ng hayop o ng ibon na makakain; (M)ay ibubuhos niya ang dugo niyaon (N)at tatabunan ng lupa.

14 (O)Sapagka't tungkol sa buhay ng lahat ng laman, ang dugo nga niyan ay gaya rin ng buhay niyan. Kaya't sinabi ko sa mga anak ni Israel, Huwag kayong kakain ng dugo ng anomang laman: sapagka't ang buhay ng buong laman ay ang kaniyang dugo: sinomang kumain niyan ay ihihiwalay.

15 (P)At yaong lahat na kumain ng namamatay sa sarili o (Q)nilapa ng mga ganid, maging sa mga tubo sa lupain o sa mga taga ibang bayan, ay maglalaba ng kaniyang mga damit, (R)at maliligo sa tubig, at magiging karumaldumal hanggang sa hapon: kung magkagayon ay magiging malinis.

16 Datapuwa't kung di niya labhan, ni paliguan ang kaniyang laman, (S)ay tataglayin nga niya ang kaniyang kasamaan.

Mga Awit 20-21

Panalangin upang magtagumpay sa kaaway. Sa Pangulong Manunugtog. Awit ni David.

20 Ang Panginoon ay sumasagot sa iyo sa araw ng kabagabagan;
(A)Itaas ka sa mataas ng pangalan ng Dios ni Jacob;
Saklolohan ka mula sa (B)santuario,
At palakasin ka mula sa (C)Sion;
Alalahanin nawa ang lahat ng iyong mga handog,
At tanggapin niya ang iyong mga haing sinunog; (Selah)
(D)Pagkalooban ka nawa ng nais ng iyong puso,
At tuparin ang lahat ng iyong payo.
Kami ay (E)magtatagumpay sa iyong pagliligtas,
At (F)sa pangalan ng aming Dios ay aming itataas ang aming mga watawat:
Ganapin nawa ng Panginoon ang lahat ng iyong mga hingi.
Talastas ko ngayon na inililigtas ng Panginoon ang (G)kaniyang pinahiran ng langis;
Sasagutin niya siya mula sa kaniyang banal na langit
Ng pangligtas na kalakasan ng kaniyang kanang kamay.
(H)Ang iba ay tumitiwala sa mga karo, at ang iba ay sa mga kabayo:
(I)Nguni't babanggitin namin ang pangalan ng Panginoon naming Dios.
Sila'y nangakasubsob at buwal:
Nguni't kami ay nakatindig at nakatayo na matuwid.
Magligtas ka, Panginoon:
Sagutin nawa kami ng Hari pagka kami ay nagsisitawag.

Pagpapasalamat sa pagliligtas. Sa Pangulong Manunugtog. Awit ni David.

21 Ang hari ay magagalak sa iyong kalakasan, Oh Panginoon;
At (J)sa iyong pagliligtas gaano kalaki ang ikagagalak niya!
Ibinigay mo sa kaniya (K)ang nais ng kaniyang puso,
At hindi mo ikinait ang hiling ng kaniyang mga labi. (Selah)
(L)Sapagka't iyong sinalubong siya ng mga kapalaran na kabutihan:
Iyong pinuputungan ng isang (M)putong na dalisay na ginto ang kaniyang ulo.
Siya'y humingi ng (N)buhay sa iyo, iyong binigyan siya;
(O)Pati ng kahabaan ng mga kaarawan magpakailan pa man.
Ang kaniyang kaluwalhatian ay (P)dakila sa iyong pagliligtas:
Karangalan at kamahalan ay inilalagay mo sa kaniya.
Sapagka't ginagawa mo siyang pinakamapalad magpakailan man:
(Q)Iyong pinasasaya siya ng kagalakan sa iyong harapan.
Sapagka't ang hari ay tumitiwala sa Panginoon,
At sa kagandahang-loob ng Kataastaasan ay (R)hindi siya makikilos.
Masusumpungan ng iyong kamay ang lahat ng iyong mga kaaway:
Masusumpungan ng iyong kanan yaong mga nangagtatanim sa iyo.
(S)Iyong gagawin sila na gaya ng mainit na hurno sa panahon ng iyong galit.
Sasakmalin sila ng Panginoon sa kaniyang poot,
At susupukin sila ng (T)apoy.
10 (U)Ang kanilang bunga ay iyong lilipulin mula sa lupa,
At ang kanilang binhi ay mula sa gitna ng mga anak ng mga tao.
11 Sapagka't sila'y nagakala ng kasamaan laban sa iyo:
Sila'y nagpanukala ng lalang na hindi nila maisasagawa.
12 Sapagka't iyong patatalikurin sila,
(V)Ikaw ay maghahanda ng iyong mga bagting ng busog laban sa mukha nila.
13 Mataas ka, Oh Panginoon, sa iyong kalakasan:
Sa gayo'y aming aawitin at pupurihin ang iyong kapangyarihan.

Mga Kawikaan 31

Ang paalaala ng isang ina sa hari.

31 Ang mga salita ng haring (A)Lemuel; ang sanggunian na itinuro sa kaniya ng kaniyang ina.
Ano anak ko? at ano, Oh (B)anak ng aking bahay-bata?
At ano, Oh anak ng aking mga panata?
(C)Huwag mong ibigay ang iyong kalakasan sa mga babae,
O ang iyo mang mga lakad (D)sa lumilipol ng mga hari.
(E)Hindi sa mga hari, Oh Lemuel, hindi sa mga hari ang paginom ng alak;
Ni sa mga pangulo man, na magsabi, Saan nandoon ang matapang na alak?
(F)Baka sila'y uminom, at makalimotan ang kautusan,
At humamak ng kahatulan sa sinomang nagdadalamhati.
(G)Bigyan mo ng matapang na inumin siya na handang manaw,
At ng alak ang mapanglaw na loob.
Uminom siya at limutin niya ang kaniyang kahirapan,
At huwag nang alalahanin pa ang kaniyang karalitaan.
(H)Bukhin mo ang iyong bibig sa pipi,
(I)Sa bagay ng lahat ng naiwang walang kandili.
Bukhin mo ang iyong bibig, (J)humatol ka ng katuwiran,
At mangasiwa ka ng kahatulan sa dukha at mapagkailangan.

Ang mabuting babae.

10 (K)Isang mabait na babae sinong makakasumpong?
Sapagka't ang kaniyang halaga ay higit na makapupo kay sa mga rubi.
11 Ang puso ng kaniyang asawa ay tumitiwala sa kaniya,
At siya'y hindi kukulangin ng pakinabang.
12 Gumagawa siya ng mabuti sa kaniya at hindi kasamaan
Lahat ng mga kaarawan ng kaniyang buhay.
13 Siya'y humahanap ng balahibo ng tupa at lino,
At gumagawang kusa ng kaniyang mga kamay.
14 Siya'y parang mga sasakyang dagat ng kalakal;
Nagdadala siya ng kaniyang pagkain mula sa malayo.
15 Siya'y bumabangon naman samantalang gabi pa,
At (L)nagbibigay ng pagkain sa kaniyang sangbahayan,
At ng kanilang gawain sa kaniyang alilang babae.
16 Kaniyang minamasdan ang bukid at binibili:
Sa pamamagitan ng kaniyang kamay ay nagtatanim siya ng ubasan.
17 Binibigkisan niya ang kaniyang mga balakang ng kalakasan,
At nagpapalakas ng kaniyang mga bisig.
18 Kaniyang namamalas na ang kaniyang kalakal ay makikinabang:
Ang kaniyang ilaw ay hindi namamatay sa gabi.
19 Kaniyang itinangan ang kaniyang mga kamay sa panulid,
At ang kaniyang mga kamay ay humahawak ng panghabi.
20 (M)Iginagawad niya ang kaniyang kamay sa dukha:
Oo, iniaabot niya ang kaniyang mga kamay sa mapagkailangan.
21 Hindi niya ikinatatakot ang kaniyang sangbahayan sa niebe;
Sapagka't ang boo niyang sangbahayan ay nakapanamit ng mapulang mapula.
22 Gumagawa siya sa ganang kaniya ng mga unang may burda;
Ang kaniyang pananamit ay mainam na kayong lino at ng kayong kulay ube.
23 Ang kaniyang asawa ay (N)kilala (O)sa mga pintuang-bayan,
Pagka siya'y nauupo sa kasamahan ng mga matanda ng lupain.
24 Gumagawa siya ng mga kasuutang kayong lino at ipinagbibili;
At nagbibigay ng mga pamigkis sa mga mangangalakal.
25 Kalakasan at kamahalan at siyang kaniyang suot.
At kaniyang tinatawanan ang panahong darating.
26 Binubuka niya ang kaniyang bibig na may karunungan;
At ang kautusan ng kagandahang-loob ay nasa kaniyang dila.
27 Kaniyang tinitignang mabuti ang mga lakad ng kaniyang sangbahayan,
At hindi kumakain ng tinapay ng katamaran.
28 Nagsisibangon ang kaniyang mga anak, at tinatawag siyang mapalad;
Gayon din ang kaniyang asawa, at pinupuri siya niya, na sinasabi:
29 Maraming anak na babae ay nagsisigawang may kabaitan,
Nguni't ikaw, ay humihigit sa kanilang lahat.
30 Ang lingap ay magdaraya, at ang kagandahan ay walang kabuluhan:
Nguni't ang babae na natatakot sa Panginoon, ay siya'y pupurihin.
31 Bigyan ninyo siya ng bunga ng kaniyang mga kamay;
At purihin siya ng kaniyang mga gawa sa mga pintuang-bayan.

1 Timoteo 2

Una-una nga sa lahat ng mga bagay, ay iniaaral ko na (A)manaing, manalangin, mamagitan, at magpasalamat na patungkol sa lahat ng mga tao;

Ang mga hari at (B)ang lahat ng nangasa mataas na kalagayan; upang tayo'y mangabuhay na tahimik at payapa sa buong kabanalan at kahusayan.

Ito'y (C)mabuti at nakalulugod sa paningin (D)ng Dios na ating Tagapagligtas;

Na siyang (E)may ibig na ang lahat ng mga tao'y mangaligtas, at (F)mangakaalam ng katotohanan.

Sapagka't may isang Dios at (G)may (H)isang Tagapamagitan sa Dios at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus,

Na ibinigay (I)ang kaniyang sarili na pangtubos sa lahat; na pagpapatotoong mahahayag (J)sa sariling kapanahunan;

Na dito'y itinalaga ako na tagapangaral at (K)apostol (sinasabi ko ang katotohanan, hindi ako nagsisinungaling), (L)guro sa mga Gentil sa pananampalataya at katotohanan.

Ibig ko ngang ang mga tao'y magsipanalangin (M)sa bawa't dako, na iunat ang mga (N)kamay na banal, na walang galit at pakikipagtalo.

Gayon din naman, na (O)ang mga babae ay magsigayak ng mahinhing damit na may katimtiman at hinahon; hindi ng mahalagang hiyas ng buhok, at ginto o perlas o damit na mahalaga;

10 Kundi (P)(siyang nararapat sa mga babae na magpakabanal) sa pamamagitan ng mabubuting gawa.

11 Ang babae'y magaral na tumahimik na may buong pagkapasakop.

12 Nguni't hindi ko ipinahihintulot na (Q)ang babae ay magturo, ni magkaroon ng pamumuno sa lalake, kundi tumahimik.

13 Sapagka't si Adam ay siyang unang (R)nilalang, saka si Eva;

14 At si Adam ay hindi nadaya, kundi (S)ang babae nang madaya ay nahulog sa pagsalangsang;

15 Nguni't ililigtas siya sa pamamagitan ng panganganak, kung sila'y magsisipamalagi sa pananampalataya at pagibig at sa pagpapakabanal na may hinahon.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978