M’Cheyne Bible Reading Plan
Handog sa paglilinis ng ketongin.
14 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 Ito ang magiging kautusan tungkol sa may ketong, sa kaarawan ng kaniyang paglilinis, (A)siya'y dadalhin sa saserdote:
3 At ang saserdote ay lalabas sa kampamento; at titingnan ng saserdote, at, narito, kung ang salot na ketong ay gumaling sa may ketong;
4 Ay ipagutos nga ng saserdote na ikuha siya na lilinisin, ng dalawang ibong malinis na buháy, at (B)kahoy na cedro, at (C)grana, at (D)hisopo;
5 At ipaguutos ng saserdote, na patayin ang isa sa mga ibon, sa isang sisidlang lupa sa ibabaw ng tubig na umaagos.
6 Tungkol sa ibong buháy, ay kaniyang kukunin at ang kahoy na cedro, at ang grana at ang hisopo, at babasain pati ng ibong buháy, sa dugo ng ibong pinatay sa ibabaw ng tubig na umaagos:
7 At (E)iwiwisik niya na makapito doon sa kaniya na lilinisin sa ketong, (F)at ipakikilalang malinis, at pawawalan ang ibong buháy sa kalawakan ng parang.
8 At siya na lilinisin ay maglalaba ng kaniyang mga suot, at magaahit ng lahat niyang buhok, at maliligo sa tubig; at magiging malinis: at pagkatapos ay papasok sa kampamento, (G)datapuwa't tatahan sa labas ng kaniyang tolda na pitong araw.
9 At mangyayaring sa ikapitong araw, ay muling magaahit ng lahat niyang buhok, sa kaniyang ulo, at sa kaniyang baba, at sa kaniyang kilay, na anopa't aahitin niya ang lahat niyang buhok; at kaniyang lalabhan ang kaniyang mga suot, at kaniyang paliliguan ang kaniyang laman sa tubig, at magiging malinis.
10 At sa ikawalong araw ay kukuha siya ng dalawang korderong lalake na walang kapintasan, at ng isang korderong babae ng unang taon na walang kapintasan, (H)at ng isang handog na harina na tatlong ikasangpung bahagi ng isang epa[a] ng mainam na harina na hinaluan ng langis, at ng isang log[b] na langis.
11 At ihaharap ang taong lilinisin ng saserdoteng naglilinis sa kaniya, at gayon din ang mga bagay na yaon, sa harap ng Panginoon, sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan:
12 At kukuha ang saserdote ng isa sa mga korderong lalake at ihahandog na pinaka handog sa pagkakasala, at ng log ng langis, (I)at aalugin na pinaka handog na inalog sa harap ng Panginoon:
13 At papatayin ang korderong lalake (J)sa pinagpapatayan ng handog dahil sa kasalanan at ng handog na susunugin, sa dako ng santuario: sapagka't (K)kung paanong ang handog dahil sa kasalanan ay sa saserdote, gayon din ang handog dahil sa pagkakasala; bagay ngang kabanalbanalan:
14 At ang saserdote ay kukuha sa dugo ng handog dahil sa pagkakasala, at ilalagay ng saserdote (L)sa pingol ng kanang tainga niyaong lilinisin, at sa daliring hinlalaki ng kaniyang kanang kamay, at sa daliring hinlalaki ng kaniyang kanang paa;
15 At kukuha ang saserdote sa log ng langis, at ibubuhos sa ibabaw ng palad ng kaniyang kaliwang kamay:
16 At itutubog ng saserdote ang kanang daliri niya sa langis na nasa kaniyang kaliwang kamay, at magwiwisik siyang makapito ng langis ng kaniyang daliri sa harap ng Panginoon:
17 At sa lumabis sa langis na nasa kaniyang kamay, ay maglalagay ang saserdote sa ibabaw ng pingol ng kanang tainga niyaong lilinisin, at sa daliring hinlalaki ng kaniyang kanang kamay at sa daliring hinlalaki ng kaniyang kanang paa, sa ibabaw ng dugo ng dahil sa pagkakasala:
18 At ang labis sa langis na nasa kamay ng saserdote, ay ilalagay nito sa ulo niyaong lilinisin: (M)at itutubos sa kaniya ng saserdote sa harap ng Panginoon.
19 At ihahandog ng saserdote ang handog dahil sa kasalanan, at itutubos sa kaniya, na lilinisin dahil sa kaniyang karumihan; at pagkatapos ay papatayin ang handog na susunugin:
20 At ihahandog ng saserdote ang handog na susunugin at (N)ang handog na harina sa ibabaw ng dambana: at itutubos sa kaniya ng saserdote, at siya'y magiging malinis.
21 (O)At kung siya'y dukha at ang kaniyang kaya ay hindi aabot, ay kukuha nga siya ng isang korderong lalake na handog dahil sa pagkakasala, na aalugin upang itubos sa kaniya, at ng ikasampung bahagi ng isang epa na mainam na harina, na hinaluan ng langis na pinaka handog na harina, at ng isang log ng langis;
22 (P)At ng dalawang batobato o ng dalawang inakay ng kalapati, kung alin ang aabutin ng kaniyang kaya; at ang isa'y magiging handog dahil sa kasalanan, at ang isa'y handog na susunugin.
23 (Q)At sa ikawalong araw ay kaniyang dadalhin sa saserdote sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan upang gamitin sa kaniyang paglilinis sa harap ng Panginoon.
24 (R)At kukunin ng saserdote ang korderong handog dahil sa pagkakasala at ang log ng langis, at aalugin ng saserdote na pinaka handog na inalog sa harap ng Panginoon.
25 At kaniyang papatayin ang korderong handog dahil sa pagkakasala, (S)at kukuha ang saserdote ng dugo ng handog dahil sa pagkakasala, at ilalagay sa pingol ng kanang tainga niyaong lilinisin, at sa daliring hinlalaki ng kaniyang kanang kamay, at sa daliring hinlalaki ng kaniyang kanang paa:
26 At magbubuhos ang saserdote ng langis sa ibabaw ng palad ng kaniyang kaliwang kamay:
27 At makapitong magwiwisik ang saserdote ng kaniyang kanang daliri, ng langis na nasa kaniyang kaliwang kamay, sa harap ng Panginoon:
28 At maglalagay ang saserdote ng langis na nasa kaniyang kamay, sa pingol ng kanang tainga niyaong lilinisin, at sa daliring hinlalaki ng kaniyang kanang kamay, at sa daliring hinlalaki ng kaniyang kanang paa, sa ibabaw ng pinaglagyan ng dugong handog dahil sa pagkakasala:
29 At ang labis ng langis na nasa kamay ng saserdote ay ilalagay niya sa ulo niyaong lilinisin, upang itubos sa kaniya sa harap ng Panginoon.
30 At kaniyang ihahandog ang isa sa (T)mga batobato o sa mga inakay ng kalapati, kung alin ang kaniyang kaya;
31 Kung alin ang abutin ng kaniyang kaya, na ang isa'y handog dahil sa kasalanan, at ang isa'y handog na susunugin, pati ng handog na harina: at itutubos ng saserdote doon sa malilinis sa harap ng Panginoon.
32 Ito ang kautusan tungkol sa may salot na ketong, na ang kaniyang kaya ay hindi abot (U)sa nauukol sa kaniyang paglilinis.
33 At sinalita ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, na sinasabi,
Ang paglilinis ng mga bahay na may sakit.
34 (V)Pagka kayo'y nakapasok na sa lupain ng Canaan, na ibibigay kong pagaari sa inyo, at ako'y naglagay ng salot na ketong sa alin mang bahay sa lupain ninyong inaari;
35 Ay yayaon ang may-ari ng bahay at magbibigay alam sa saserdote, na sasabihin, (W)Tila mandin mayroong parang salot sa bahay:
36 At ipaguutos ng saserdote na alisan ng laman ang bahay bago pumasok ang saserdote na kilalanin ang tila salot, upang ang lahat na nasa bahay ay huwag mahawa: at pagkatapos ay papasok ang saserdote upang tingnan ang bahay:
37 At titingnan ang salot, at kung makita ngang ang tila salot ay nasa mga panig ng bahay na may ukit na namemerde, o namumula at tila malalim kaysa panig;
38 Ay lalabas nga ang saserdote sa bahay hanggang sa pintuan ng bahay at ipasasara ang bahay na pitong araw:
39 At babalik ang saserdote sa ikapitong araw, at titingnan: at, narito, kung makita ngang kumalat ang salot sa mga panig ng bahay;
40 Ay ipaguutos nga ng saserdote na bunutin ang mga batong kinaroonan ng tila salot at ipatatapon sa labas ng bayan sa dakong karumaldumal:
41 At ipakakayas ang palibot ng loob ng bahay, at ang argamasang inalis na kinayas ay itatapon sa labas ng bayan sa dakong karumaldumal:
42 At magsisikuha ng ibang mga bato, at ihahalili sa mga batong yaon, at magsisikuha ng ibang argamasa at siyang ihahaplos sa mga panig ng bahay.
43 At kung muling bumalik ang tila salot, at sumibol sa bahay, pagkatapos na mabunot ang mga bato; at pagkatapos makayas ang bahay, at pagkatapos na mahaplusan ng argamasa;
44 Ay papasok nga ang saserdote at titingnan, at, narito, kung makita ngang ang salot ay kumalat sa bahay ay (X)ketong na nakakahawa sa bahay; ito'y karumaldumal.
45 At gigibain niya ang bahay na yaon, ang mga bato at ang mga kahoy, at ang lahat ng argamasa ng bahay; ay dadalhin sa labas ng bayan sa dakong karumaldumal.
46 Bukod dito'y ang pumasok sa bahay na yaon ng buong panahong nasasara ay magiging karumaldumal hanggang sa hapon.
47 At ang mahiga sa bahay na yaon ay maglalaba ng kaniyang mga suot; at ang kumain sa bahay na yaon ay maglalaba ng kaniyang mga suot.
48 At kung papasok ang saserdote, at, narito, kung hindi nga kumalat ang salot sa bahay, pagkatapos na nahaplusan ng argamasa; ay ipakikilala nga ng saserdote na malinis ang bahay, sapagka't gumaling sa salot.
49 At upang linisin ang bahay ay kukuha ng (Y)dalawang ibon, at ng kahoy na cedro, at ng grana, at ng hisopo:
50 At papatayin ang isa sa mga ibon sa isang sisidlang lupa sa ibabaw ng tubig na umaagos:
51 At kukunin niya ang kahoy na cedro, at ang hisopo, at ang grana, at ang ibong buháy, at babasain sa dugo ng ibong pinatay, at sa tubig na umaagos, at wiwisikang makapito ang bahay:
52 At kaniyang lilinisin ng dugo ng ibon ang bahay at ng agos ng tubig, at ng ibong buháy at ng kahoy na cedro, at ng hisopo, at ng grana:
53 Datapuwa't pawawalan ang ibong buháy sa labas ng bayan, sa kalawakan ng parang: gayon tutubusin ang bahay: at magiging malinis.
54 Ito ang kautusan tungkol sa sarisaring salot na ketong (Z)at sa tina,
55 (AA)At sa ketong ng suot, (AB)at ng bahay.
56 (AC)At sa pamamaga at sa langib, at sa pantal na makintab:
57 Upang ituro kung kailan karumaldumal, at kung kailan malinis: ito ang kautusan tungkol sa ketong.
Panalangin laban sa mga manlulupig. Panalangin ni David.
17 Dinggin mo ang matuwid, Oh Panginoon, pakinggan mo ang aking daing;
Ulinigin mo ang aking panalangin, na hindi lumalabas sa mga magdarayang labi.
2 Manggaling sa iyong harapan ang aking kahatulan;
Masdan ng iyong mga mata (A)ang karampatan.
3 Iyong sinubok ang aking puso; (B)iyong dinalaw ako sa kinagabihan;
(C)Iyong nilitis ako, at wala kang nasumpungan;
Ako'y nagpasiya na ang aking bibig ay hindi sasalangsang.
4 Tungkol sa mga gawa ng mga tao, sa pamamagitan ng salita ng iyong mga labi.
Ako'y nagingat sa mga daan ng pangdadahas.
5 Ang aking mga hakbang ay (D)nagsipanatili sa iyong mga landas,
Ang aking mga paa ay hindi nangadulas.
6 (E)Ako'y tumawag sa iyo, sapagka't ikaw ay sasagot sa akin, Oh Dios:
Ikiling mo ang iyong pakinig sa akin, at dinggin mo ang aking pananalita.
7 (F)Ipakita mo ang iyong mga kagilagilalas na kagandahang-loob,
Oh ikaw na nagliligtas sa kanila na nagsisipagkanlong sa iyo.
Sa nagsisibangon laban sa kanila, sa pamamagitan ng iyong kanan.
8 (G)Ingatan mo ako na gaya ng itim ng mata,
(H)Ikubli mo ako sa lilim ng iyong mga pakpak,
9 Sa masama na sumasamsam sa akin,
Sa aking mga kaaway na nagsisipatay, na nagsisikubkub sa akin.
10 (I)Sila'y nangabalot sa kanilang sariling taba:
Sila'y nangagsasalita ng kanilang bibig na (J)may kapalaluan.
11 (K)Kanilang kinubkob nga kami sa aming mga hakbang:
Itinititig nila ang kanilang mga mata upang ibuwal kami sa lupa.
12 Sila'y parang leon na masiba sa kaniyang huli,
At parang batang leon na nanunubok sa mga lihim na dako.
13 Bumangon ka, Oh Panginoon,
Harapin mo siya, ilugmok mo siya:
Iligtas mo ang aking kaluluwa sa masama sa pamamagitan ng iyong tabak;
14 Sa mga tao, sa pamamagitan ng iyong kamay, Oh Panginoon,
Sa mga tao ng sanglibutan, (L)na ang bahagi nila ay nasa buhay na ito,
At ang tiyan nila'y pinupuno mo ng iyong kayamanan:
Kanilang binubusog ang kanilang mga anak,
At iniiwan nila ang natira sa kanilang pagaari sa kanilang sanggol.
15 (M)Tungkol sa akin, aking mamasdan ang iyong mukha sa katuwiran:
(N)Ako'y masisiyahan (O)pagka bumangon sa iyong wangis.
Mga kawikaang nagkakalaban.
28 (A)Ang masama ay tumatakas ng walang taong humahabol:
Nguni't ang matuwid ay matapang na parang leon.
2 Dahil sa pagsalangsang ng lupain ay marami ang kaniyang mga pangulo:
Nguni't sa naguunawa at matalino ay malalaon ang kalagayan niya.
3 (B)Ang mapagkailangan na pumipighati sa dukha
Ay parang bugso ng ulan na hindi nagiiwan ng pagkain.
4 (C)Silang nangagpapabaya sa kautusan ay nagsisipuri sa masama:
(D)Nguni't ang nangagiingat ng kautusan ay nangakikipagkaalit sa kanila.
5 (E)Ang masasamang tao ay hindi nangakakaunawa ng kahatulan:
Nguni't (F)silang nagsisihanap sa Panginoon ay nangakakaunawa sa lahat ng mga bagay.
6 (G)Maigi ang dukha na lumalakad sa kaniyang pagtatapat,
Kay sa suwail sa kaniyang mga lakad, bagaman siya'y mayaman.
7 (H)Sinomang nagiingat ng kautusan ay pantas na anak:
Nguni't siyang kasama ng mga matakaw ay nagbibigay kahihiyan sa kaniyang ama.
8 (I)Ang nagpapalago ng kaniyang yaman sa tubo at pakinabang,
Ay pumipisan sa ganang may awa sa dukha.
9 (J)Siyang naglalayo ng kaniyang pakinig sa pakikinig ng kautusan,
Maging (K)ang kaniyang dalangin ay karumaldumal.
10 (L)Sinomang nagliligaw sa matuwid sa masamang daan,
Siya'y mahuhulog sa kaniyang sariling lungaw:
(M)Nguni't ang sakdal ay magmamana ng mabuti.
11 Ang mayaman ay pantas sa ganang kaniyang sarili;
Nguni't ang dukha na naguunawa ay sumisiyasat.
12 (N)Pagka ang matuwid ay nagtatagumpay, may dakilang kaluwalhatian:
(O)Nguni't pagka ang masama ay bumabangon, nagsisipagtago ang mga tao.
13 (P)Siyang nagtatakip ng kaniyang mga pagsalangsang ay hindi giginhawa:
Nguni't ang nagpapahayag at nagiiwan ng mga yaon ay magtatamo ng kaawaan.
14 Masaya ang tao na natatakot na lagi:
Nguni't siyang nagmamatigas ng kaniyang kalooban ay mahuhulog sa kahirapan.
15 Kung paano ang umuungal na (Q)leon at ang gutom na oso,
Gayon (R)ang masamang pinuno sa maralitang bayan.
16 Ang pangulo na kulang sa paguunawa ay lubhang mamimighati rin:
Nguni't siyang nagtatanim sa kasakiman ay dadami ang kaniyang mga kaarawan.
17 (S)Ang tao na nagpapasan ng dugo ng sinomang tao,
Tatakas sa lungaw; huwag siyang pigilin ng sinoman.
18 (T)Ang lumalakad ng matuwid ay maliligtas:
Nguni't siyang masama sa kaniyang mga lakad ay mabubuwal na bigla.
19 (U)Siyang bumubukid ng kaniyang lupain ay magkakaroon ng saganang tinapay:
Nguni't siyang sumusunod sa mga walang kabuluhang tao ay madudukhang mainam.
20 Ang tapat na tao ay mananagana sa pagpapala:
(V)Nguni't siyang nagmamadali sa pagyaman ay walang pagsalang parurusahan.
21 (W)Magkaroon ng pagtatangi sa mga pagkatao ay hindi mabuti:
Ni hindi man sasalangsang ang tao (X)dahil sa isang putol na tinapay.
22 Siyang may masamang mata ay nagmamadali sa pagyaman,
At hindi nakakaalam, na kasalatan ay darating sa kaniya.
23 (Y)Siyang sumasaway sa isang tao ay makakasumpong sa ibang araw ng higit na lingap
Kay sa doon sa kunwa'y pumupuri ng dila.
24 Ang nagnanakaw sa kaniyang ama o sa kaniyang ina, at nagsasabi, Hindi ito pagsalangsang;
Yao'y kasama rin ng maninira.
25 (Z)Siyang may sakim na diwa ay humihila ng kaalitan:
Nguni't siyang naglalagak ng kaniyang tiwala sa Panginoon ay (AA)tataba.
26 Siyang tumitiwala sa kaniyang sariling puso ay mangmang:
Nguni't ang lumakad na may kapantasan, ay maliligtas.
27 (AB)Siyang nagbibigay sa dukha ay hindi masasalat:
Nguni't siyang nagkukubli ng kaniyang mga mata ay magkakaroon ng maraming sumpa.
28 Pagka ang masama ay bumabangon, (AC)nagsisipagkubli ang mga tao;
Nguni't pagka sila'y nangamamatay, dumadami ang matuwid.
2 Ngayon aming ipinamamanhik sa inyo, mga kapatid, (A)tungkol sa pagparito ng ating Panginoong Jesucristo, (B)at sa ating pagkakatipon sa kaniya:
2 Upang huwag kayong madaling makilos (C)sa inyong pagiisip, at huwag din naman kayong mabagabag maging sa pamamagitan man ng espiritu, o (D)sa pamamagitan ng salita, o sa pamamagitan ng sulat na waring mula sa amin, na wari bagang nalalapit na (E)ang kaarawan ng Panginoon;
3 Huwag kayong padaya kanino man (F)sa anomang paraan: sapagka't ito'y hindi darating, (G)maliban nang dumating mula ang pagtaliwakas, at (H)mahayag ang taong makasalanan, (I)ang anak ng kapahamakan,
4 Na sumasalangsang at nagmamataas (J)laban sa lahat na tinatawag na Dios o sinasamba; ano pa't siya'y nauupo sa templo ng Dios, na siya'y nagtatanyag sa kaniyang sarili na tulad sa Dios.
5 Hindi baga ninyo naaalaala nang ako'y kasama ninyo pa, ay sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito?
6 At ngayo'y nalalaman ninyo ang nakapipigil, upang siya'y mahayag sa kaniyang talagang kapanahunan.
7 Sapagka't (K)ang hiwaga ng kasamaan ay gumagawa na: lamang ay may pumipigil ngayon, hanggang sa alisin ito.
8 At kung magkagayo'y mahahayag ang tampalasan, (L)na papatayin ng Panginoong Jesus (M)ng hininga ng kaniyang bibig, at (N)sa pamamagitan ng pagkahayag ng kaniyang pagparito ay lilipulin;
9 Siya, na ang kaniyang pagparito ay (O)ayon sa paggawa ni Satanas na may buong kapangyarihan at (P)mga tanda at mga kahangahangang kasinungalingan,
10 At may buong daya ng kalikuan sa (Q)nangapapahamak; sapagka't hindi nila tinanggap ang pagibig sa katotohanan, upang sila'y mangaligtas.
11 At dahil dito'y ipinadadala sa kanila ng Dios ang paggawa ng kamalian, (R)upang magsipaniwala sila sa (S)kasinungalingan:
12 Upang mangahatulan silang lahat na (T)hindi nagsisampalataya sa katotohanan, kundi (U)nangalugod sa kalikuan.
13 Nguni't (V)kami ay nararapat magpasalamat sa Dios dahil sa inyo, mga kapatid na minamahal ng Panginoon, sa pagkakahirang sa inyo ng Dios (W)buhat nang pasimula sa ikaliligtas (X)sa pagpapabanal ng Espiritu at pananampalataya sa katotohanan:
14 Sa kalagayang ito'y tinawag niya kayo sa pamamagitan ng aming evangelio, (Y)upang magkamit ng kaluwalhatian ng ating Panginoong Jesucristo.
15 Kaya nga, mga kapatid, kayo'y mangagpakatibay, at inyong panghawakan (Z)ang mga aral na sa inyo'y itinuro, maging (AA)sa pamamagitan ng salita, o ng aming sulat.
16 Ngayon ang ating Panginoong Jesucristo rin, at ang Dios na ating Ama (AB)na sa amin ay umibig at sa amin ay nagbigay ng walang hanggang kaaliwan at (AC)mabuting pagasa sa pamamagitan ng biyaya,
17 (AD)Aliwin nawa ang inyong puso, (AE)at patibayin kayo sa bawa't mabuting gawa at salita.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978