Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 5

Sa Punong Mang-aawit: sa Saliw ng mga Plauta. Awit ni David.

Dinggin mo ang aking mga salita, O Panginoon,
    pakinggan mo ang aking panaghoy.
Pakinggan mo ang tunog ng aking daing,
    hari ko at Diyos ko;
    sapagkat sa iyo ako'y nananalangin.
O Panginoon, sa umaga ang tinig ko'y iyong pinapakinggan;
    sa umaga'y naghahanda ako para sa iyo, at ako'y magbabantay.

Sapagkat ikaw ay hindi isang Diyos na nalulugod sa kasamaan;
    ang kasamaan ay hindi mo kasamang naninirahan.
Ang hambog ay hindi makakatayo sa iyong harapan,
    kinapopootan mo ang lahat ng mga gumagawa ng kasamaan.
Iyong lilipulin sila na nagsasalita ng mga kasinungalingan;
    kinasusuklaman ng Panginoon ang mamamatay-tao at manlilinlang.
Ngunit ako, sa pamamagitan ng kasaganaan ng iyong wagas na pag-ibig,
    ay papasok sa iyong bahay;
at sa iyo'y may takot na sasamba sa templo mong banal.
Patnubayan mo ako, O Panginoon, sa iyong katuwiran
    dahil sa aking mga kaaway;
    tuwirin mo ang iyong daan sa aking harapan.

Sapagkat(A) walang katotohanan sa kanilang bibig;
    ang kanilang puso ay pagkawasak,
ang kanilang lalamunan ay isang bukas na libingan,
    sa pamamagitan ng kanilang dila ay nanlilinlang.
10 O Diyos, ipapasan mo sa kanila ang kanilang pagkakasala,
    sa kanilang sariling mga balak ay hayaan mong mabuwal sila,
dahil sa marami nilang mga pagsuway, sila'y iyong palayasin,
    sapagkat silang laban sa iyo ay suwail.

11 Ngunit hayaan mong magalak ang lahat ng nanganganlong sa iyo,
    hayaan mo silang umawit sa kagalakan
at sila nawa'y ipagsanggalang mo,
    upang dakilain ka ng mga umiibig sa pangalan mo.
12 O Panginoon, sapagkat iyong pinagpapala ang tapat,
    na gaya ng isang kalasag ay tinatakpan mo siya ng paglingap.

Zacarias 6:9-15

Ang Utos na Putungan si Josue

Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi:

10 “Kumuha ka mula sa mga bihag, kay Heldai, kay Tobias, at kay Jedias, na dumating sa pagkabihag mula sa Babilonia. Sa araw ding iyon ay pumasok ka sa bahay ni Josias na anak ni Sefanias.

11 Kumuha ka sa kanila ng pilak at ginto, at gawin mong korona at iputong mo sa ulo ni Josue na anak ni Josadak, na pinakapunong pari.

12 Sabihin(A) mo sa kanya, ‘Ganito ang sinabi ng Panginoon ng mga hukbo, “Narito ang lalaking ang pangala'y Sanga: sapagkat siya'y magsasanga sa kanyang dako at itatayo niya ang templo ng Panginoon.

13 Siya ang magtatayo ng templo ng Panginoon at siya'y magtataglay ng karangalan, at siya'y uupo at mamumuno sa kanyang trono. At siya'y magiging pari sa kanyang trono at ang payo ng kapayapaan ay nasa pagitan nila.”’

14 Ang korona ay magiging pinakaalaala sa templo ng Panginoon kina Helem, Tobias, Jedias, at Hen na anak ni Sefanias.

15 “Silang nasa malayo ay paparito at magtatayo ng templo ng Panginoon, at inyong malalaman na ang Panginoon ng mga hukbo ang siyang nagsugo sa akin sa inyo. Ito'y mangyayari kung inyong masikap na susundin ang tinig ng Panginoon ninyong Diyos.”

1 Pedro 1:3-9

Buháy na Pag-asa

Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo! Sa pamamagitan ng kanyang malaking kahabagan ay muli tayong ipinanganak sa isang buháy na pag-asa sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo mula sa mga patay,

tungo sa isang manang hindi nasisira, walang dungis, at hindi kumukupas, na inilaan sa langit para sa inyo,

na sa kapangyarihan ng Diyos ay iniingatan sa pamamagitan ng pananampalataya para sa kaligtasan na nakahandang ipahayag sa huling panahon.

Sa ganito kayo'y nagagalak, bagama't ngayon sa sandaling panahon ay kailangan ninyong magdanas ng iba't ibang pagsubok,

upang ang kadalisayan ng inyong pananampalataya na mas mahalaga kaysa gintong nasisira, bagama't ito'y sinusubok sa pamamagitan ng apoy, ay mauwi sa kapurihan, kaluwalhatian at karangalan sa pagpapakita ni Jesu-Cristo.

Hindi ninyo siya nakita gayunma'y inyong iniibig; bagama't ngayon ay hindi ninyo siya nakikita, gayunma'y inyong sinasampalatayanan, at kayo'y nagagalak na may galak na hindi maipaliwanag at puspos ng kaluwalhatian,

na inyong tinatanggap ang bunga ng inyong pananampalataya, ang kaligtasan ng inyong mga kaluluwa.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001