Revised Common Lectionary (Complementary)
TAU.
169 O Panginoon, sa harapan mo ang aking daing ay dumating nawa;
bigyan mo ako ng pagkaunawa ayon sa iyong salita!
170 Sa harapan mo ang aking panalangin ay dumating nawa,
iligtas mo ako ayon sa iyong salita.
171 Umawit nawa ng papuri ang mga labi ko,
sapagkat itinuturo mo sa akin ang mga batas mo.
172 Awitin nawa ng aking dila ang iyong salita,
sapagkat lahat ng mga utos mo ay matuwid.
173 Maging handa nawa ang iyong kamay na tulungan ako,
sapagkat aking pinili ang mga alituntunin mo.
174 O Panginoon, ang iyong pagliligtas ay aking kinasasabikan,
at ang iyong kautusan ay aking kasiyahan.
175 Hayaan mo akong mabuhay, upang ako'y makapagpuri sa iyo,
at tulungan nawa ako ng mga batas mo.
176 Ako'y naligaw na parang tupang nawala; hanapin mo ang iyong lingkod,
sapagkat hindi ko kinalilimutan ang iyong mga utos.
12 Kaya't kapag naisagawa ng Panginoon ang lahat niyang gawain sa Bundok ng Zion at sa Jerusalem, kanyang parurusahan ang palalong paghahambog ng hari ng Asiria, at ang kanyang mga mapagmataas na kapalaluan.
13 Sapagkat kanyang sinabi:
“Aking ginawa ito sa kalakasan ng aking kamay
at sa aking karunungan, sapagkat ako'y may pang-unawa;
aking inalis ang mga hangganan ng mga tao,
at ninakaw ko ang kanilang mga kayamanan,
at parang matapang na toro na ibinaba ko ang mga nakaupo sa mga trono.
14 At natagpuan ng aking kamay na parang pugad
ang mga kayamanan ng mga tao;
kaya't aking pinulot ang buong lupa
na parang namumulot ng mga itlog na napabayaan,
at walang nagkilos ng pakpak,
o nagbuka man ng bibig o sumiyap.”
15 Magmamapuri ba ang palakol laban sa gumagamit niyon?
O magmamalaki ba ang lagari laban sa humahawak niyon?
Na parang dapat itaas ng pamalo ang nagtataas niyon,
o na parang dapat itaas ng tungkod siya na hindi kahoy.
16 Kaya't ang Panginoon, ang Panginoon ng mga hukbo,
ay magpaparating ng nakapanghihinang karamdaman sa kanyang matatabang mandirigma
at sa ilalim ng kanyang kaluwalhatian ay magkakaroon ng pagniningas
na gaya ng ningas ng apoy.
17 At ang liwanag ng Israel ay magiging apoy,
at ang kanyang Banal ay pinakaliyab;
at susunugin at lalamunin nito
ang kanyang mga tinikan at mga dawag sa isang araw.
18 At kanyang wawasakin ang kaluwalhatian ng kanyang gubat,
at ng kanyang mabungang lupain,
ang kaluluwa at gayundin ang katawan; at magiging gaya ng maysakit na nanghihina.
19 At ang nalabi sa mga punungkahoy ng kanyang gubat ay mangangaunti,
na ang mga iyon ay kayang bilangin ng bata.
20 At sa araw na iyon, ang nalabi sa Israel at ang nakatakas sa sambahayan ni Jacob, hindi na magtitiwala pa uli sa kanya na nanakit sa kanila; kundi magtitiwala sa Panginoon, sa Banal ng Israel, sa katotohanan.
Siya ba ang Cristo?
25 Sinabi ng ilang taga-Jerusalem, “Hindi ba ito ang taong kanilang pinagsisikapang patayin?
26 At narito, siya'y hayag na nagsasalita, at sila'y walang anumang sinasabi sa kanya. Tunay kayang nakikilala ng mga pinuno na ito ang Cristo?
27 Subalit nalalaman natin kung saan nagmula ang taong ito, subalit ang Cristo, pagdating niya ay walang makakaalam kung saan siya magmumula.”
28 Sumigaw si Jesus habang nagtuturo sa templo, “Ako'y inyong nakikilala at nalalaman din ninyo kung taga-saan ako. Hindi ako pumarito sa aking sariling awtoridad,[a] subalit ang nagsugo sa akin ay siyang totoo, na hindi ninyo nakikilala.
29 Nakikilala ko siya sapagkat ako'y mula sa kanya, at siya ang nagsugo sa akin.”
30 Kaya't sinikap nilang siya'y hulihin, subalit walang taong sumunggab sa kanya, sapagkat hindi pa dumating ang kanyang oras.
31 Gayunma'y marami sa mga tao ang sumampalataya sa kanya at kanilang sinabi, “Pagdating ng Cristo, gagawa ba siya ng mas maraming tanda kaysa mga ginawa ng taong ito?”
Nagpadala ng mga Kawal upang Dakpin si Jesus
32 Narinig ng mga Fariseo ang bulung-bulungan ng mga tao tungkol kay Jesus.[b] Nagsugo ang mga punong pari at ang mga Fariseo ng mga kawal upang siya'y hulihin.
33 Sinabi ni Jesus, “Makakasama pa ninyo ako ng kaunting panahon, at ako'y paroroon sa nagsugo sa akin.
34 Hahanapin ninyo ako, ngunit hindi ninyo ako matatagpuan, at kung saan ako naroroon ay hindi kayo makakapunta roon.”
35 Kaya't sinabi ng mga Judio sa isa't isa, “Saan pupunta ang taong ito na hindi natin siya matatagpuan? Pupunta kaya siya sa mga lupain kung saan nagkalat[c] ang ating mga kababayan sa lupain ng mga Griyego at magtuturo sa mga Griyego?
36 Ano ang salitang ito na kanyang sinabi, ‘Hahanapin ninyo ako, ngunit hindi ninyo ako matatagpuan, at kung saan ako naroroon, ay hindi kayo makakapunta roon’!”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001