Revised Common Lectionary (Complementary)
10 Aking sinabi, Sa kalagitnaan ng aking buhay ay papasok ako sa mga pintuan ng Sheol.
Ako'y pinagkaitan sa mga nalalabi kong mga taon.
11 Aking sinabi, hindi ko makikita ang Panginoon,
sa lupain ng nabubuhay;
hindi ko na makikita pa ang tao,
na kasama ng mga naninirahan sa sanlibutan.
12 Ang tirahan ko'y binunot, at inilayo sa akin
na gaya ng tolda ng pastol;
gaya ng manghahabi ay binalumbon ko ang aking buhay;
kanyang ihihiwalay ako sa habihan;
mula sa araw hanggang sa kinagabihan ay tatapusin mo ako.
13 Hanggang sa kinaumagahan, ako'y humingi ng saklolo,
katulad ng leon ay binali niya ang lahat kong mga buto;
mula sa araw hanggang sa kinagabihan ay tatapusin mo ako.
14 Gaya ng langay-langayan o ng tagak ay humihibik ako;
ako'y tumatangis na parang kalapati.
Ang aking mga mata ay nangangalumata sa pagtingala;
O Panginoon, naaapi ako, ikaw nawa'y maging katiwasayan ko!
15 Ngunit ano ang aking masasabi? Sapagkat siya'y nagsalita sa akin,
at kanya namang ginawa.
Lahat ng tulog ko ay nakatakas,
dahil sa paghihirap ng aking kaluluwa.
16 O Panginoon, sa pamamagitan ng mga bagay na ito, nabubuhay ang mga tao;
at nasa lahat ng ito ang buhay ng aking espiritu.
Kaya't ibalik mo ang aking lakas, at ako'y buhayin mo!
17 Narito, tiyak na para sa aking kapakanan
ay nagtamo ako ng malaking kahirapan;
ngunit iyong pinigil ang aking buhay
mula sa hukay ng pagkawasak,
sapagkat iyong itinapon ang lahat ng aking mga kasalanan
sa iyong likuran.
18 Sapagkat hindi ka maaaring pasalamatan ng Sheol,
hindi ka maaaring purihin ng kamatayan!
Silang nagsisibaba sa hukay ay hindi makakaasa
sa iyong katapatan.
19 Ang buháy, ang buháy, siya'y nagpapasalamat sa iyo,
gaya ng ginagawa ko sa araw na ito;
ipinaalam ng ama sa mga anak
ang iyong katapatan.
20 Ang Panginoon ang magliligtas sa akin,
at kami ay aawit sa saliw ng mga panugtog na kawad,
sa lahat ng araw ng aming buhay
sa bahay ng Panginoon.
Sinakop ang Jerico
6 Ang Jerico nga ay ganap na nakasara dahil sa mga anak ni Israel, walang nakakalabas at walang nakakapasok.
2 At sinabi ng Panginoon kay Josue, “Tingnan mo, ibinigay ko na sa iyong kamay ang Jerico, ang hari nito at ang mga mandirigma.
3 Lilibutin ninyo ang buong lunsod, lahat ng mga lalaking mandirigma ay liligid na minsan sa lunsod. Gagawin ninyo ito sa loob ng anim na araw.
4 Ang pitong pari ay magdadala ng pitong tambuli na mga sungay ng tupa sa unahan ng kaban; at sa ikapitong araw ay inyong paliligiran ng pitong ulit ang bayan at hihipan ng mga pari ang mga tambuli.
5 Kapag hinipan na nila nang matagal ang sungay ng tupa, at kapag inyong narinig ang tunog ng tambuli ay sisigaw nang malakas ang buong bayan. Ang pader ng lunsod ay guguho at ang buong bayan ay tuluy-tuloy na sasalakay.”
6 Kaya't tinawag ni Josue na anak ni Nun ang mga pari at sinabi sa kanila, “Buhatin ninyo ang kaban ng tipan; pitong pari ang magdala ng pitong tambuli na mga sungay ng tupa sa unahan ng kaban ng Panginoon.”
7 At kanyang sinabi sa bayan, “Sumulong kayo at lumakad sa palibot ng lunsod; at palakarin ninyo ang mga lalaking may sandata sa unahan ng kaban ng Panginoon.”
8 Nang makapagsalita na si Josue sa bayan, ang pitong pari na may dalang pitong tambuli na mga sungay ng tupa sa harapan ng Panginoon ay lumakad na pasulong at hinipan ang mga tambuli; at ang kaban ng tipan ng Panginoon ay sumunod sa kanila.
9 Ang mga lalaking may sandata ay nauna sa mga pari na humihihip ng mga tambuli, at ang bantay sa likuran ay sumusunod sa kaban, habang ang mga tambuli ay patuloy na hinihipan.
10 At iniutos ni Josue sa bayan, “Huwag kayong sisigaw, ni maririnig ang inyong tinig, ni magsasalita ng anumang salita hanggang sa araw na aking sabihing kayo'y sumigaw; at saka lamang kayo sisigaw.”
11 Kaya't kanyang inilibot na minsan sa lunsod ang kaban ng Panginoon. Sila'y pumasok sa kampo at nagpalipas ng gabi doon.
12 Kinaumagahan, si Josue ay bumangong maaga, at binuhat ng mga pari ang kaban ng Panginoon.
13 Ang pitong pari na may dalang pitong tambuli na mga sungay ng tupa ay lumakad na pasulong sa unahan ng kaban ng Panginoon, habang patuloy na hinihipan ang mga tambuli. Ang mga lalaking may sandata ay nauna sa kanila; at ang bantay sa likuran ay sumusunod sa kaban ng Panginoon, habang patuloy na hinihipan ang mga tambuli.
14 Sa ikalawang araw ay minsan silang lumakad sa palibot ng lunsod at bumalik sila sa kampo. Gayon ang kanilang ginawa sa loob ng anim na araw.
15 At nangyari, nang ikapitong araw nang mag-uumaga na, sila'y maagang bumangon at pitong ulit silang lumakad sa palibot ng lunsod sa gayunding paraan. Nang araw lamang na iyon sila lumakad ng pitong ulit sa palibot ng lunsod.
16 Sa ikapitong ulit, nang hipan ng mga pari ang mga tambuli ay sinabi ni Josue sa bayan, “Sumigaw kayo; sapagkat ibinigay na ng Panginoon sa inyo ang lunsod.
17 Ang lunsod pati ang lahat na naroroon ay itatalaga sa Panginoon sa pagkawasak. Tanging si Rahab na upahang babae, siya at ang lahat na kasama niya sa bahay ang mananatiling buháy sapagkat kanyang ikinubli ang mga sugo na ating isinugo.
18 Ngunit kayo, layuan ninyo ang mga itinalagang bagay; baka kapag naitalaga na sa inyo ay kumuha kayo ng anuman sa itinalagang bagay. Sa gayo'y susumpain dahil sa inyo ang kampo ng Israel, at magkakaroon ng kaguluhan.
19 Ngunit lahat ng pilak, ginto, mga sisidlang tanso at bakal ay banal sa Panginoon; ang mga ito ay ipapasok sa kabang-yaman ng Panginoon.”
20 Kaya't(A) sumigaw ang bayan, at hinipan ang mga tambuli. Nang marinig ng bayan ang tunog ng tambuli, ang bayan ay sumigaw ng napakalakas. Ang pader ay gumuho, kaya't ang bayan ay lumusob sa lunsod, ang bawat lalaki ay tuluy-tuloy na pumasok at kanilang sinakop ang lunsod.
21 Kanilang lubos na pinuksa ng talim ng tabak ang lahat ng nasa lunsod, maging lalaki at babae, ang bata at matanda, ang baka, tupa, at asno.
Ang Pananampalataya ng Iba Pang Israelita
29 Sa(A) pananampalataya'y tinahak nila ang Dagat na Pula na tulad sa tuyong lupa, ngunit nang tangkaing gawin ito ng mga Ehipcio ay nalunod sila.
30 Sa(B) pananampalataya'y gumuho ang pader ng Jerico, pagkatapos na malibot sa loob ng pitong araw.
31 Sa(C) pananampalataya si Rahab, na nagbibili ng aliw, ay hindi napahamak na kasama ng mga sumuway, sapagkat payapa niyang tinanggap ang mga espiya.
32 At(D) ano pa ang dapat kong sabihin? Sapagkat kukulangin ako ng panahon kung isasalaysay ko pa ang tungkol kina Gideon, Barak, Samson, Jefta, David, Samuel, at sa mga propeta;
33 na(E) ang mga ito, sa pamamagitan ng pananampalataya'y lumupig ng mga kaharian, naglapat ng katarungan, nagtamo ng mga pangako, nagpatikom ng mga bibig ng mga leon,
34 pumatay(F) ng bisa ng apoy, tumakas sa mga talim ng tabak, lumakas mula sa kahinaan, naging makapangyarihan sa digmaan, nagpaurong ng mga hukbong dayuhan.
35 Tinanggap(G) ng mga babae ang kanilang mga patay sa pamamagitan ng pagkabuhay na muli. Ang iba'y pinahirapan at tumangging tumanggap ng paglaya upang makamit nila ang higit na mabuting pagkabuhay na muli.
36 Ang(H) iba'y nagtiis ng pagkalibak at paghagupit, at maging ng mga tanikala at pagkabilanggo.
37 Sila'y(I) pinagbabato hanggang mamatay, nilagari, pinagpapatay sa tabak, sila'y naglibot na may suot na balat ng mga tupa at kambing, mga naghihirap, pinag-uusig, inaapi
38 (na sa mga iyon ay hindi karapat-dapat ang sanlibutan). Sila'y nagpalabuy-laboy sa mga ilang, sa mga kabundukan, sa mga yungib, at sa mga lungga sa lupa.
39 At ang lahat ng mga ito, bagaman pinuri dahil sa kanilang pananampalataya, ay hindi nila tinanggap ang ipinangako,
40 yamang naghanda ang Diyos ng lalong mabuting bagay para sa atin, upang huwag silang gawing sakdal na hiwalay sa atin.
Ang Halimbawa ni Jesus
12 Kaya't yamang napapalibutan tayo ng gayong kakapal na bilang ng mga saksi, itabi natin ang bawat pabigat at ang pagkakasalang madaling bumibitag sa atin, at tumakbo tayong may pagtitiis sa takbuhing inilagay sa harapan natin.
2 Pagmasdan natin si Jesus na siyang nagtatag at nagpasakdal ng ating pananampalataya, na dahil sa kagalakang inilagay sa kanyang harapan ay tiniis niya ang krus, hindi inalintana ang kahihiyan, at siya'y umupo sa kanan ng trono ng Diyos.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001