Revised Common Lectionary (Complementary)
Sa(A) Punong Mang-aawit: sa instrumentong may kuwerdas. Maskil ni David, nang ang mga Zifeo ay tumungo at sabihin kay Saul, “Si David ay nagtatago sa gitna namin.”
54 Iligtas mo ako, O Diyos, sa pamamagitan ng iyong pangalan,
at pawalang-sala mo ako sa pamamagitan ng iyong kapangyarihan.
2 O Diyos, dalangin ko'y pakinggan mo,
pakinggan mo ang mga salita ng bibig ko.
3 Sapagkat ang mga banyaga ay naghimagsik laban sa akin,
at mararahas na tao ang umuusig sa buhay ko;
hindi nila inilagay ang Diyos sa harapan nila. (Selah)
4 Ang Diyos ay aking katulong;
ang Panginoon ang umaalalay sa aking kaluluwa.
5 Kanyang gagantihan ng masama ang mga kaaway ko;
tapusin mo sila sa katapatan mo.
6 Ako'y mag-aalay sa iyo ng kusang-loob na handog;
ako'y magpapasalamat sa iyong pangalan, O Panginoon, sapagkat ito'y mabuti.
7 Sapagkat iniligtas niya ako sa bawat kabagabagan;
at ang aking mata ay tuminging may pagtatagumpay sa aking mga kaaway.
Ang Israel ay Bumagsak sa Kamay ng Midian
6 Gumawa ng masama ang mga anak ni Israel sa paningin ng Panginoon; at ibinigay sila ng Panginoon sa kamay ng Midian nang pitong taon.
2 At ang Midian ay nagtagumpay laban sa Israel. Dahil sa Midian ay gumawa ang mga anak ni Israel ng mga taguan sa bundok, sa mga yungib, at ng mga muog.
3 Sapagkat tuwing maghahasik ang Israel, ang mga Midianita at Amalekita, at ang mga taga-silangan ay umaahon at sinasalakay sila.
4 Sila'y nagkakampo sa tapat nila at kanilang sinisira ang bunga ng lupa, hanggang sa may Gaza, at wala silang iniiwang makakain sa Israel, maging tupa, baka, o asno man.
5 Sila'y aahong dala ang kanilang kawan at ang kanilang mga tolda; at sila'y dumarating na parang mga balang sa dami. Sila at ang kanilang mga kamelyo ay hindi mabilang; kaya't kanilang sinisira ang lupain sa kanilang pagdating.
6 Gayon lubhang naghirap ang Israel dahil sa Midian; at ang mga anak ni Israel ay dumaing sa Panginoon.
7 Nang dumaing sa Panginoon ang mga anak ni Israel dahil sa Midian,
8 nagsugo ang Panginoon ng isang propeta sa mga anak ni Israel, at kanyang sinabi sa kanila, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel: Kayo'y aking pinangunahan mula sa Ehipto, at inilabas ko kayo sa bahay ng pagkaalipin.
9 Iniligtas ko kayo sa kamay ng mga Ehipcio, at sa kamay ng lahat ng mga nagpapahirap sa inyo, at aking pinalayas sila sa harap ninyo, at ibinigay ko sa inyo ang kanilang lupain.
10 At sinabi ko sa inyo, ‘Ako ang Panginoon ninyong Diyos; huwag kayong magbibigay-galang sa mga diyos ng mga Amoreo, na ang kanilang lupain ay inyong tinatahanan.’ Ngunit hindi ninyo dininig ang aking tinig.”
Ang Cristong Ipinako sa Krus
2 Mga kapatid, nang ako ay dumating sa inyo, hindi ako dumating na nagpapahayag sa inyo ng patotoo ng Diyos sa pamamagitan ng matatayog na pananalita o karunungan.
2 Sapagkat aking ipinasiyang walang anumang malaman sa gitna ninyo, maliban na si Jesu-Cristo, at siya na ipinako sa krus.
3 Ako'y(A) nakasama ninyo na may kahinaan, takot, at lubhang panginginig.
4 Ang aking pananalita at ang aking pangangaral ay hindi sa pamamagitan ng mapang-akit na mga salita ng karunungan, kundi sa pagpapamalas ng Espiritu at ng kapangyarihan,
5 upang ang inyong pananampalataya ay huwag maging batay sa karunungan ng mga tao, kundi sa kapangyarihan ng Diyos.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001