Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 146

146 Purihin ang Panginoon!
Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko!
Pupurihin ko ang Panginoon habang ako'y nabubuhay,
    ako'y aawit ng mga papuri sa aking Diyos, habang ako'y may buhay.

Huwag kayong magtiwala sa mga pinuno,
    o sa anak man ng tao na walang kaligtasan.
Ang kanyang espiritu ay humiwalay, siya'y bumabalik sa kanyang lupa;
    sa araw ding iyon ay naglalaho ang kanyang mga panukala.
Maligaya siya na ang saklolo ay ang Diyos ni Jacob,
    na ang pag-asa ay nasa Panginoon niyang Diyos,
na(A) gumawa ng langit at lupa,
    ng dagat, at ng lahat ng naroroon;
na nag-iingat ng katotohanan magpakailanman;
na naglalapat ng katarungan sa naaapi;
na nagbibigay ng pagkain sa nagugutom.

Pinalalaya ng Panginoon ang mga bilanggo;
    binubuksan ng Panginoon ang mga mata ng bulag.
Ibinabangon ng Panginoon ang mga nabubuwal.
    Iniibig ng Panginoon ang matuwid.
Iniingatan ng Panginoon ang mga banyaga;
    kanyang inaalalayan ang babaing balo at ang ulila,
    ngunit ang lakad ng masama ay inililihis niya.

10 Magpakailanman ang Panginoon ay maghahari,
    ang iyong Diyos, O Zion, sa lahat ng salinlahi.
Purihin ang Panginoon!

Isaias 32:1-8

Ang Matuwid na Hari

32 Narito, ang isang hari ay maghahari sa katuwiran,
    at ang mga pinuno ay mamumuno na may katarungan.
Bawat isa ay magiging gaya ng isang kublihang dako laban sa hangin,
    at kanlungan mula sa bagyo,
gaya ng mga agos ng tubig sa tuyong dako,
    gaya ng lilim ng malaking bato sa pagod na lupain.
At ang mga mata nila na nakakakita ay hindi lalabo,
    at ang mga tainga nila na nakikinig ay makikinig.
Ang isipan ng padalus-dalos ay magkakaroon ng mabuting pagpapasiya,
    at ang dila ng mga utal ay agad makakapagsalita ng malinaw.
Ang hangal ay hindi na tatawagin pang marangal,
    at ang walang-hiya ay hindi sasabihing magandang loob.
Sapagkat ang taong hangal ay magsasalita ng kahangalan,
    at ang kanyang puso ay nagbabalak ng kasamaan:
upang magsanay ng kasamaan,
    at siya'y magsasalita ng kamalian laban sa Panginoon,
upang gawing walang laman ang gutom na kaluluwa,
    at upang pagkaitan ng inumin ang nauuhaw.
Ang mga sandata ng mandaraya ay masama;
    siya'y nagbabalak ng masasamang pakana
upang wasakin ang mga dukha sa pamamagitan ng mga salitang kasinungalingan,
    bagaman matuwid ang pakiusap ng nangangailangan.
Ngunit ang marangal ay kumakatha ng mga bagay na marangal
    at sa mga mararangal na bagay siya'y naninindigan.

Roma 2:12-16

12 Sapagkat ang lahat ng nagkasala nang walang kautusan ay mapapahamak din nang walang kautusan; at ang lahat ng nagkasala sa ilalim ng kautusan ay sa kautusan hahatulan.

13 Sapagkat hindi ang mga tagapakinig ng kautusan ang siyang ganap sa harapan ng Diyos, kundi ang tumutupad sa kautusan ay aariing-ganap.

14 Sapagkat kung ang mga Hentil na likas na walang kautusan ay gumagawa ng mga bagay ng kautusan, ang mga ito, bagaman walang kautusan, ay siyang kautusan sa kanilang sarili.

15 Kanilang ipinakita na ang hinihiling ng kautusan ay nakasulat sa kanilang mga puso, na rito'y nagpapatotoo rin ang kanilang budhi, at ang kanilang mga pag-iisip ay nagbibintang o nagdadahilan sa isa't isa;

16 sa araw na hahatulan ng Diyos ang mga lihim ng mga tao ayon sa aking ebanghelyo, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001