Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 116:1-9

116 Minamahal ko ang Panginoon, sapagkat kanyang dininig
    ang aking tinig at aking mga hiling.
Sapagkat ikiniling niya ang kanyang pandinig sa akin,
    kaya't ako'y tatawag sa kanya habang ako'y nabubuhay.
Ang bitag ng kamatayan ay pumalibot sa akin,
    ang mga hapdi ng Sheol ay nagsihawak sa akin:
    ako'y nagdanas ng pagkabahala at pagkadalamhati.
Nang magkagayo'y sa pangalan ng Panginoon ay tumawag ako:
    “O Panginoon, isinasamo ko sa iyo, iligtas mo ang buhay ko!”

Mapagbiyaya at matuwid ang Panginoon,
    oo, ang Diyos namin ay maawain.
Iniingatan ng Panginoon ang mga taong karaniwan;
    ako'y naibaba at iniligtas niya ako.
Bumalik ka sa iyong kapahingahan, O kaluluwa ko;
    sapagkat pinakitunguhan ka na may kasaganaan ng Panginoon.
Sapagkat iniligtas mo ang aking kaluluwa sa kamatayan,
    ang mga mata ko sa mga luha,
    ang mga paa ko sa pagkatisod;
Ako'y lalakad sa harapan ng Panginoon
    sa lupain ng mga buháy.

Josue 2:1-14

Nagpadala ng Espiya si Josue sa Jerico

Si(A) Josue na anak ni Nun ay palihim na nagsugo mula sa Shittim ng dalawang lalaki bilang tiktik, na sinasabi, “Humayo kayo, tingnan ninyo ang lupain, at ang Jerico.” At sila'y humayo at pumasok sa bahay ng isang upahang babae[a] na ang pangalan ay Rahab, at nakituloy doon.

At ito'y ibinalita sa hari sa Jerico, na sinasabi, “Tingnan ninyo, may mga lalaki mula sa Israel na pumasok dito ngayong gabi upang siyasatin ang lupain.”

Kaya't ang hari ng Jerico ay nagpasugo kay Rahab, na sinasabi, “Ilabas mo ang mga lalaking dumating sa iyo, at pumasok sa iyong bahay. Sila'y naparito upang siyasatin ang buong lupain.”

Subalit isinama ng babae ang dalawang lalaki at naikubli na sila. Pagkatapos ay sinabi niya, “Oo, ang mga lalaki ay naparito sa akin, ngunit hindi ko alam kung taga-saan sila.

Sa oras ng pagsasara ng pintuang-bayan, nang madilim na, ang mga lalaki ay lumabas at hindi ko alam kung saan sila pumunta. Habulin ninyo sila kaagad, sapagkat aabutan ninyo sila.”

Gayunman, kanyang napaakyat na sila sa bubungan, at ikinubli sila sa mga tangkay ng lino na kanyang inilagay na maayos sa bubungan.

Hinabol sila ng mga tao sa daang patungo sa Jordan hanggang sa mga tawiran, at pagkalabas ng humabol sa kanila, ay kanilang sinarhan ang pintuan.

Bago sila natulog ay kanyang inakyat sila sa bubungan;

at sinabi niya sa mga lalaki, “Nalalaman ko na ibinigay sa inyo ng Panginoon ang lupain, at ang pagkatakot sa inyo ay dumating sa amin, at ang lahat ng nanirahan sa lupain ay nanghihina sa harapan ninyo.

10 Sapagkat(B) aming nabalitaan kung paanong tinuyo ng Panginoon ang tubig sa Dagat na Pula sa harapan ninyo, nang kayo'y lumabas sa Ehipto; at kung ano ang inyong ginawa sa dalawang hari ng mga Amoreo, na nasa kabila ng Jordan, kay Sihon at kay Og, na inyong lubos na pinuksa.

11 Nang mabalitaan namin iyon ay nanlumo ang aming puso, ni walang tapang na naiwan sa sinumang tao dahil sa inyo, sapagkat ang Panginoon ninyong Diyos ay siyang Diyos sa langit sa itaas, at sa lupa sa ibaba.

12 Kaya't ngayon, sumumpa kayo sa akin sa Panginoon, yamang ako'y nagmagandang-loob sa inyo ay magmagandang-loob naman kayo sa sambahayan ng aking magulang. Bigyan ninyo ako ng tunay na tanda

13 na ililigtas ninyong buháy ang aking ama, ang aking ina, ang aking mga kapatid na lalaki at babae, at ang lahat nilang ari-arian, at inyong ililigtas ang aming mga buhay sa kamatayan.”

14 At sinabi ng mga lalaki sa kanya, “Ang aming buhay ay sa iyo kung hindi ninyo ihahayag itong aming pakay. Kapag ibinigay sa amin ng Panginoon ang lupain, kami ay magmamagandang-loob at magiging tapat sa inyo.”

Mga Hebreo 11:17-22

17 Sa(A) pamamagitan ng pananampalataya, nang subukin si Abraham, ay kanyang inihandog si Isaac. Siya na tumanggap ng mga pangako ay handang maghandog ng kanyang bugtong na anak,

18 na(B) tungkol sa kanya ay sinabi, “Kay Isaac ay tatawagin ang iyong binhi.”

19 Itinuring niya na maging mula sa mga patay ay maaaring buhayin ng Diyos ang isang tao, at sa matalinghagang pananalita, siya'y muli niyang tinanggap.

20 Sa(C) pananampalataya, binasbasan ni Isaac sina Jacob at Esau tungkol sa mga bagay na mangyayari.

21 Sa(D) pananampalataya, si Jacob nang mamamatay na ay binasbasan niya ang bawat isa sa mga anak ni Jose, at sumamba sa ibabaw ng kanyang tungkod.

22 Sa(E) pananampalataya, nang malapit nang mamatay si Jose ay binanggit niya ang tungkol sa paglikas ng mga Israelita, at nagbilin tungkol sa kanyang mga buto.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001