Revised Common Lectionary (Complementary)
4 Inyong sabihin sa kanila na may matatakuting puso,
“Kayo'y magpakatapang, huwag kayong matakot!
Narito, tingnan mo, ang inyong Diyos
ay darating na may paghihiganti,
na may ganti ng Diyos.
Siya'y darating at ililigtas kayo.”
5 Kung(A) magkagayo'y mamumulat ang mga mata ng bulag,
at ang mga tainga ng bingi ay mabubuksan;
6 kung magkagayo'y lulukso ang pilay na parang usa,
at ang dila ng pipi ay aawit sa kagalakan.
Sapagkat sa ilang ay bubukal ang tubig,
at batis sa disyerto.
7 At ang tigang na lupa ay magiging lawa,
at ang uhaw na lupa ay magiging mga bukal ng tubig;
ang tahanan ng mga asong-gubat ay magiging latian,
ang damo ay magiging mga tambo at mga yantok.
146 Purihin ang Panginoon!
Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko!
2 Pupurihin ko ang Panginoon habang ako'y nabubuhay,
ako'y aawit ng mga papuri sa aking Diyos, habang ako'y may buhay.
3 Huwag kayong magtiwala sa mga pinuno,
o sa anak man ng tao na walang kaligtasan.
4 Ang kanyang espiritu ay humiwalay, siya'y bumabalik sa kanyang lupa;
sa araw ding iyon ay naglalaho ang kanyang mga panukala.
5 Maligaya siya na ang saklolo ay ang Diyos ni Jacob,
na ang pag-asa ay nasa Panginoon niyang Diyos,
6 na(A) gumawa ng langit at lupa,
ng dagat, at ng lahat ng naroroon;
na nag-iingat ng katotohanan magpakailanman;
7 na naglalapat ng katarungan sa naaapi;
na nagbibigay ng pagkain sa nagugutom.
Pinalalaya ng Panginoon ang mga bilanggo;
8 binubuksan ng Panginoon ang mga mata ng bulag.
Ibinabangon ng Panginoon ang mga nabubuwal.
Iniibig ng Panginoon ang matuwid.
9 Iniingatan ng Panginoon ang mga banyaga;
kanyang inaalalayan ang babaing balo at ang ulila,
ngunit ang lakad ng masama ay inililihis niya.
10 Magpakailanman ang Panginoon ay maghahari,
ang iyong Diyos, O Zion, sa lahat ng salinlahi.
Purihin ang Panginoon!
Babala Laban sa Pagtatangi
2 Mga kapatid ko, huwag kayong magkaroon ng pagtatangi habang tinataglay ninyo ang pananampalataya sa[a] ating Panginoong Jesu-Cristo, ang Panginoon ng kaluwalhatian.
2 Sapagkat kung pumasok sa inyong pagtitipon ang isang taong may mga gintong singsing sa mga daliri at may magandang kasuotan, at may pumasok ding isang dukha na may hamak na damit,
3 at inyong pinansin ang may suot ng damit na maganda, at sinabi, “Maupo ka rito,” at sa dukha ay inyong sinabi, “Tumayo ka riyan,” o “Maupo ka sa ibaba ng tuntungan ng aking mga paa,”
4 hindi ba kayo'y gumagawa ng mga pagtatangi sa inyong mga sarili, at nagiging mga hukom na may masasamang pag-iisip?
5 Makinig kayo, minamahal kong mga kapatid. Hindi ba pinili ng Diyos ang mga dukha sa sanlibutang ito upang maging mayayaman sa pananampalataya at mga tagapagmana ng kaharian na kanyang ipinangako sa mga nagmamahal sa kanya?
6 Ngunit inyong hinamak ang dukha. Hindi ba ang mayayaman ang umaapi sa inyo at kumakaladkad sa inyo sa mga hukuman?
7 Hindi ba sila ang lumalapastangan sa mabuting pangalan na itinawag sa inyo?
8 Mabuti(A) ang inyong ginagawa kung tunay na inyong ginaganap ang kautusang maka-hari, ayon sa kasulatan, “Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.”
9 Subalit kung kayo'y nagpapakita ng pagtatangi, kayo ay nagkakasala at kayo'y inilalantad ng kautusan bilang mga lumalabag.
10 Sapagkat sinumang tumutupad ng buong kautusan, subalit lumalabag sa isa, ay nagkakasala sa lahat.
11 Sapagkat(A) siya na nagsabi, “Huwag kang mangalunya,” ay nagsabi rin, “Huwag kang papatay.” Ngayon, kung ikaw ay hindi nangangalunya, ngunit pumapatay ka, ikaw ay lumalabag sa kautusan.
12 Kaya't magsalita kayo at kumilos na gaya ng mga taong hahatulan sa pamamagitan ng kautusan ng kalayaan.
13 Sapagkat ang paghuhukom ay walang awa sa mga hindi nagpakita ng awa; ang awa ay nagtatagumpay laban sa paghuhukom.
Pananampalataya at Gawa
14 Ano ang pakinabang mga kapatid ko, kung sinasabi ng sinuman na siya'y may pananampalataya, ngunit walang mga gawa? Maililigtas ba siya ng kanyang pananampalataya?
15 Kung ang isang kapatid na lalaki o babae ay namumuhay nang hubad at kinukulang sa pagkain sa araw-araw,
16 at ang isa sa inyo ay magsabi sa kanila, “Humayo kayong payapa, magpainit kayo at magpakabusog,” subalit hindi ninyo sila binibigyan ng mga bagay na kailangan ng katawan; anong pakinabang niyon?
17 Kaya't ang pananampalataya na nag-iisa, kung ito ay walang mga gawa ay patay.
Ang Pambihirang Pananampalataya ng Isang Babae(A)
24 Mula roon, tumindig siya at nagtungo sa lupain ng Tiro. Tumuloy siya sa isang bahay at ayaw niyang malaman ng sinuman na nandoon siya. Ngunit hindi nagawang di siya mapansin.
25 Sa halip, may isang babae na ang munting anak na batang babae na may masamang espiritu, na nakabalita tungkol sa kanya ay agad na lumapit at nagpatirapa sa kanyang paanan.
26 Ang babaing ito ay isang Griyego, isang Sirofenisa, ayon sa lahi. Nakiusap siya kay Jesus[a] na palayasin ang demonyo sa kanyang anak na babae.
27 At sinabi niya sa kanya, “Hayaan mo munang mapakain ang mga anak sapagkat hindi marapat na kunin ang tinapay ng mga anak at ihagis ito sa mga aso.”
28 Ngunit siya'y sumagot at sinabi sa kanya, “Panginoon, kahit na ang mga aso sa ilalim ng hapag ay kumakain ng mga nalaglag na pagkain ng mga anak.”
29 Sinabi naman ni Jesus sa kanya, “Dahil sa salitang iyan, makakaalis ka na, lumabas na ang demonyo sa iyong anak.”
30 Umuwi nga siya at nadatnan ang anak na nakahiga sa higaan at wala na ang demonyo.
Pinagaling ni Jesus ang Taong Bingi
31 Pagkatapos, siya'y bumalik mula sa lupain ng Tiro at dumaan sa Sidon patungo sa lawa ng Galilea, na tinahak ang lupain ng Decapolis.
32 Dinala nila sa kanya ang isang bingi at may kapansanan sa pagsasalita, at siya'y pinakiusapan nila na ipatong ang kanyang kamay sa kanya.
33 At siya'y inilayo niya ng bukod mula sa maraming tao at isinuot ang kanyang mga daliri sa kanyang mga tainga. Siya'y dumura at hinipo ang kanyang dila.
34 Pagtingala niya sa langit, siya'y nagbuntong-hininga, at sinabi sa kanya, “Effata,” na nangangahulugang “Mabuksan.”
35 Agad nabuksan ang kanyang mga tainga, nakalag ang tali ng kanyang dila, at siya'y nakapagsalita nang malinaw.
36 Inutusan naman sila ni Jesus na huwag nilang sabihin ito kaninuman; ngunit habang lalo niyang ipinagbabawal sa kanila, lalo namang masigasig nilang ipinamamalita ito.
37 Sila'y labis na namangha na nagsasabi, “Mabuti ang pagkagawa niya sa lahat ng mga bagay; kanya pang ginagawang makarinig ang bingi at pinapagsasalita ang pipi.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001