Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Isaias 38:10-20

10 Aking sinabi, Sa kalagitnaan ng aking buhay ay papasok ako sa mga pintuan ng Sheol.
    Ako'y pinagkaitan sa mga nalalabi kong mga taon.
11 Aking sinabi, hindi ko makikita ang Panginoon,
    sa lupain ng nabubuhay;
hindi ko na makikita pa ang tao,
    na kasama ng mga naninirahan sa sanlibutan.
12 Ang tirahan ko'y binunot, at inilayo sa akin
    na gaya ng tolda ng pastol;
gaya ng manghahabi ay binalumbon ko ang aking buhay;
    kanyang ihihiwalay ako sa habihan;
mula sa araw hanggang sa kinagabihan ay tatapusin mo ako.
13     Hanggang sa kinaumagahan, ako'y humingi ng saklolo,
katulad ng leon ay binali niya ang lahat kong mga buto;
    mula sa araw hanggang sa kinagabihan ay tatapusin mo ako.

14 Gaya ng langay-langayan o ng tagak ay humihibik ako;
    ako'y tumatangis na parang kalapati.
Ang aking mga mata ay nangangalumata sa pagtingala;
    O Panginoon, naaapi ako, ikaw nawa'y maging katiwasayan ko!
15 Ngunit ano ang aking masasabi? Sapagkat siya'y nagsalita sa akin,
    at kanya namang ginawa.
Lahat ng tulog ko ay nakatakas,
    dahil sa paghihirap ng aking kaluluwa.

16 O Panginoon, sa pamamagitan ng mga bagay na ito, nabubuhay ang mga tao;
    at nasa lahat ng ito ang buhay ng aking espiritu.
    Kaya't ibalik mo ang aking lakas, at ako'y buhayin mo!
17 Narito, tiyak na para sa aking kapakanan
    ay nagtamo ako ng malaking kahirapan;
ngunit iyong pinigil ang aking buhay
    mula sa hukay ng pagkawasak,
sapagkat iyong itinapon ang lahat ng aking mga kasalanan
    sa iyong likuran.
18 Sapagkat hindi ka maaaring pasalamatan ng Sheol,
    hindi ka maaaring purihin ng kamatayan!
Silang nagsisibaba sa hukay ay hindi makakaasa
    sa iyong katapatan.
19 Ang buháy, ang buháy, siya'y nagpapasalamat sa iyo,
    gaya ng ginagawa ko sa araw na ito;
ipinaalam ng ama sa mga anak
    ang iyong katapatan.

20 Ang Panginoon ang magliligtas sa akin,
    at kami ay aawit sa saliw ng mga panugtog na kawad,
sa lahat ng araw ng aming buhay
    sa bahay ng Panginoon.

Josue 8:1-23

Sinakop at Winasak ang Ai

Sinabi ng Panginoon kay Josue, “Huwag kang matakot, ni manlumo; isama mo ang lahat ng lalaking mandirigma. Umahon ka ngayon sa Ai. Tingnan mo, ibinigay ko sa iyong kamay ang hari ng Ai, ang kanyang sambahayan, ang kanyang lunsod, at ang kanyang lupain.

Iyong gagawin sa Ai at sa kanyang hari ang gaya ng iyong ginawa sa Jerico at sa hari niyon; tanging ang samsam at ang mga hayop nila ang iyong kukunin bilang samsam ninyo; tambangan mo ang bayan sa likuran.”

Kaya't humanda si Josue at ang lahat ng lalaking mandirigma upang umahon sa Ai. Pumili si Josue ng tatlumpung libong lalaking matatapang na mandirigma at sinugo sila kinagabihan.

At iniutos niya sa kanila, “Narito, tambangan ninyo ang lunsod sa likuran; huwag kayong masyadong lalayo sa lunsod kundi manatili kayong nakahanda.

Ako at ang buong bayan na kasama ko ay lalapit sa lunsod. Kapag sila'y lumabas laban sa amin gaya ng una ay tatakbuhan namin sila sa harap nila,

at sila'y lalabas upang kami ay habulin hanggang sa aming mailayo sila sa lunsod, sapagkat kanilang sasabihin, ‘Sila'y tumatakas sa harap natin na gaya ng una; kaya't tatakbuhan namin sila sa harap nila.

Pagkatapos, mula sa pananambang ay inyong sasakupin ang lunsod, sapagkat ibibigay ito ng Panginoon ninyong Diyos sa inyong kamay.

Kapag inyong nasakop ang lunsod ay inyong sisilaban ng apoy ang lunsod at gagawin ang ayon sa iniutos ng Panginoon. Narito, inuutusan ko kayo.”

Sila'y pinahayo ni Josue at sila'y pumunta sa dakong pagtatambangan at lumagay sa pagitan ng Bethel at ng Ai sa gawing kanluran ng Ai. Samantalang si Josue ay tumigil nang gabing iyon na kasama ng bayan.

10 Kinaumagahan, si Josue ay maagang bumangon at tinipon ang mga tao, at umahon patungo sa Ai kasama ang mga matanda ng Israel sa unahan ng bayan.

11 Ang buong bayan at ang lahat ng lalaking mandirigmang kasama niya ay umahon at lumapit sa harapan ng lunsod at nagkampo sa dakong hilaga ng Ai. Mayroong isang libis sa pagitan niya at ng Ai.

12 Kumuha siya ng may limang libong lalaki at sila'y inilagay niyang panambang sa pagitan ng Bethel at ng Ai, sa dakong kanluran ng lunsod.

13 Kaya't inilagay nila ang bayan, ang buong hukbo na nasa hilaga ng lunsod, at ang kanilang mga panambang sa kanluran ng lunsod. Ngunit pinalipas ni Josue ang gabing iyon sa libis.

14 Nang ito ay makita ng hari ng Ai, siya at ang kanyang buong bayan, at ang mga lalaki sa lunsod ay nagmamadaling lumabas upang labanan ang Israel sa itinakdang lugar sa harapan ng Araba. Ngunit hindi niya nalalaman na may mananambang laban sa kanya sa likuran ng lunsod.

15 Si Josue at ang buong Israel ay nagkunwaring nadaig sa harapan nila, at tumakbo sila patungo sa ilang.

16 Kaya't ang lahat ng mga tao na nasa loob ng lunsod ay tinawag upang habulin sila, at habang kanilang hinahabol sina Josue, sila ay napapalayo sa lunsod.

17 Walang lalaking naiwan sa Ai o sa Bethel na hindi lumabas upang habulin ang Israel. Kanilang iniwang bukas ang lunsod at hinabol ang Israel.

18 Sinabi ng Panginoon kay Josue, “Itaas mo ang sibat na nasa iyong kamay sa dakong Ai sapagkat ibibigay ko iyon sa iyong kamay.” At itinaas ni Josue ang sibat na nasa kanyang kamay sa gawi ng lunsod.

19 Pagkaunat niya ng kanyang kamay, ang mga mananambang ay mabilis na tumayo sa kanilang kinalalagyan, at sila'y tumakbo at pumasok sa bayan at sinakop ito; at nagmamadali nilang sinunog ang lunsod.

20 Nang lumingon ang mga lalaki ng Ai sa likuran nila ay kanilang nakita na ang usok ng lunsod ay pumapailanglang sa langit. Wala silang kapangyarihan na makatakas sa daang ito o sa daang iyon; sapagkat ang bayan na tumakas patungo sa ilang ay bumaling sa mga humahabol.

21 Nang makita ni Josue at ng buong Israel na nasakop ng mananambang ang lunsod at ang usok ng lunsod ay pumailanglang, sila ay muling bumalik at pinatay ang mga lalaki ng Ai.

22 Ang iba'y lumabas sa lunsod laban sa kanila, kaya't sila'y nasa gitna ng Israel, na ang iba'y sa dakong ito, at ang iba'y sa dakong iyon. Pinatay sila ng Israel, at hindi nila hinayaang sila'y mabuhay o makatakas.

23 Ngunit ang hari ng Ai ay hinuli nilang buháy at dinala kay Josue.

Mga Hebreo 12:3-13

Isaalang-alang ninyo siya na nagtiis ng gayong pagsalungat ng mga makasalanan laban sa kanyang sarili, upang kayo'y huwag manghina o manlupaypay.

Sa inyong pakikipaglaban sa kasalanan, hindi pa kayo humantong sa pagdanak ng inyong dugo.

At(A) nakalimutan na ninyo ang pangaral na sinasabi niya sa inyo bilang mga anak,

“Anak ko, huwag mong ipagwalang-bahala ang disiplina ng Panginoon;
    huwag kang manlupaypay kung ikaw ay sinasaway niya;
sapagkat dinidisiplina ng Panginoon ang kanyang minamahal,
    at pinarurusahan ang bawat itinuturing na anak.”

Magtiis kayo alang-alang sa disiplina. Kayo ay pinapakitunguhan ng Diyos bilang mga anak, sapagkat ano ngang anak ang hindi dinidisiplina ng ama?

Ngunit kung kayo ay hindi dinidisiplina, na siyang naranasan ng lahat, kung gayon kayo'y mga anak sa labas, at hindi mga tunay na anak.

Bukod dito, tayo'y nagkaroon ng mga ama sa laman upang tayo'y disiplinahin, at sila'y ating iginagalang. Hindi ba dapat na tayo'y lalong pasakop sa Ama ng mga espiritu upang tayo'y mabuhay?

10 Sapagkat tayo'y kanilang dinidisiplina nang maikling panahon ayon sa kanilang minamabuti, ngunit dinidisiplina niya tayo alang-alang sa ikabubuti natin, upang tayo'y makabahagi sa kanyang kabanalan.

11 Subalit ang lahat ng disiplina sa kasalukuyan ay tila hindi kanais-nais kundi masakit, subalit sa hinaharap ay magdudulot ng mapayapang bunga ng katuwiran sa mga nasanay sa pamamagitan nito.

Mga Tagubilin at mga Babala

12 Kaya't(B) itaas ninyo ang mga kamay na nanghihina at muling palakasin ang mga tuhod na nanlulupaypay,

13 at(C) gumawa kayo ng matuwid na landas para sa inyong mga paa, upang huwag malinsad ang pilay, kundi bagkus ay gumaling.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001