Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Bilang 11:4-6

At ang nagkakagulong mga tao na nasa gitna nila ay nagkaroon ng matinding pananabik at ang mga anak ni Israel naman ay muling umiyak at nagsabi, “Sana'y mayroon tayong karneng makakain!

Ating naaalala ang isda na ating kinakain na walang bayad sa Ehipto; ang mga pipino, mga milon, mga puero, mga sibuyas, at bawang.

Ngunit ngayon ang ating lakas ay nanghihina; walang anuman sa ating harapan kundi ang mannang ito.”

Mga Bilang 11:10-16

10 Narinig ni Moises ang pag-iiyakan ng bayan sa kanilang sambahayan, na ang lahat ay nasa pintuan ng kanilang tolda. At ang Panginoon ay galit na galit, at sumama ang loob ni Moises.

11 Kaya't sinabi ni Moises sa Panginoon, “Bakit mo ginawan ng masama ang iyong lingkod? Bakit hindi ako nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin, na iyong iniatang sa akin ang pasanin ng buong bayang ito?

12 Akin bang ipinaglihi ang buong bayang ito? Ipinanganak ko ba sila upang iyong sabihin sa akin, ‘Kandungin mo sila sa iyong kandungan, na gaya ng nag-aalagang magulang na kinakalong ang kanyang anak na pasusuhin,’ tungo sa lupain na iyong ipinangako sa kanilang mga ninuno?

13 Saan ako kukuha ng karne upang ibigay sa buong bayang ito? Sapagkat sila'y umiyak sa akin, na nagsasabi, ‘Bigyan mo kami ng karneng makakain namin.’

14 Hindi ko kayang dalhing mag-isa ang buong bayang ito, sapagkat ang pasanin ay napakabigat para sa akin.

15 Kung ganito ang pakikitungong gagawin mo sa akin ay patayin mo na ako. Kung ako'y nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin, huwag mo nang ipakita sa akin ang aking paghihirap.”

Ang Pitumpung Matatanda

16 Kaya't sinabi ng Panginoon kay Moises, “Magtipon ka para sa akin ng pitumpung lalaki sa matatanda sa Israel, na iyong nalalaman na matatanda sa bayan at mga nangunguna sa kanila; at dalhin mo sa toldang tipanan upang sila'y makatayo roon na kasama mo.

Mga Bilang 11:24-29

24 Kaya't si Moises ay lumabas, at sinabi sa bayan ang mga salita ng Panginoon. Siya'y nagtipon ng pitumpung lalaki sa matatanda sa bayan at kanyang pinatayo sa palibot ng tolda.

25 At ang Panginoon ay bumaba sa ulap at nagsalita sa kanya; at kumuha sa espiritung nasa kanya at isinalin sa pitumpung matatanda at nangyari, na nang bumaba sa kanila ang espiritu ay nagpropesiya sila. Ngunit hindi na nila iyon ginawa muli.

Si Eldad at si Medad

26 Ngunit naiwan ang dalawang lalaki sa kampo; ang pangalan ng isa ay Eldad at ang isa ay Medad at ang espiritu ay bumaba sa kanila. Sila'y kabilang sa nakatala, ngunit hindi lumabas sa tolda kaya't sila'y nagpropesiya sa kampo.

27 Tumakbo ang isang binata at nagsabi kay Moises, “Sina Eldad at Medad ay nagsalita ng propesiya sa kampo.”

28 Si Josue na anak ni Nun, na lingkod ni Moises, na isa sa kanyang mga piling lalaki ay sumagot, “Aking panginoong Moises, pagbawalan mo sila!”

29 Ngunit sinabi ni Moises sa kanya, “Ikaw ba'y naninibugho para sa akin? Mangyari nawa na ang buong bayan ng Panginoon ay maging propeta na ilagay sa kanila ng Panginoon ang kanyang espiritu!”

Mga Awit 19:7-14

Ang Kautusan ng Diyos

Ang kautusan ng Panginoon ay sakdal,

    na nagpapanauli ng kaluluwa;
ang patotoo ng Panginoon ay tiyak,
    na nagpapatalino sa kulang sa kaalaman.
Ang mga tuntunin ng Panginoon ay matuwid,
    na nagpapagalak sa puso;
ang utos ng Panginoon ay dalisay,
    na nagpapaliwanag ng mga mata.
Ang pagkatakot sa Panginoon ay malinis,
    na nananatili magpakailanman:
ang mga kahatulan ng Panginoon ay totoo
    at lubos na makatuwiran.
10 Higit na dapat silang naisin kaysa ginto,
    lalong higit kaysa maraming dalisay na ginto;
higit ding matamis kaysa pulot
    at sa pulot-pukyutang tumutulo.

11 Bukod dito'y binalaan ang iyong lingkod sa pamamagitan nila;
sa pagsunod sa mga iyon ay may dakilang gantimpala.
12 Sinong makakaalam ng kanyang mga kamalian?
    Patawarin mo ako sa mga pagkakamaling di nalalaman.
13 Ilayo mo rin ang iyong lingkod sa mga mapangahas na pagkakasala.
    Huwag mong hayaang ang mga iyon ay magkaroon ng kapangyarihan sa akin!
Kung gayo'y magiging matuwid ako,
    at magiging walang sala sa malaking paglabag.
14 Nawa'y ang mga salita ng bibig ko, at ang pagbubulay-bulay ng aking puso
    ay maging katanggap-tanggap sa paningin mo,
    O Panginoon, ang aking malaking bato at manunubos ko.

Santiago 5:13-20

Ang Mabisang Panalangin

13 Mayroon ba sa inyong nagdurusa? Manalangin siya. Mayroon bang masaya? Umawit siya ng papuri.

14 May(A) sakit ba ang sinuman sa inyo? Ipatawag niya ang matatanda ng iglesya, at kanilang ipanalangin siya, at siya'y pahiran nila ng langis sa pangalan ng Panginoon.

15 Ang panalangin na may pananampalataya ay magliligtas sa maysakit, at ibabangon siya ng Panginoon; at kung siya ay nagkasala, siya ay patatawarin.

16 Kaya't ipahayag ninyo sa isa't isa ang inyong mga kasalanan, at ipanalangin ninyo ang isa't isa, upang kayo'y gumaling. Ang panalangin ng taong matuwid ay makapangyarihan at mabisa.

17 Si(B) Elias ay isang taong may likas na gaya rin ng sa atin, at siya'y taimtim na nanalangin upang huwag umulan, at hindi umulan sa lupa sa loob ng tatlong taon at anim na buwan.

18 At(C) muli siyang nanalangin, at ang langit ay nagbigay ng ulan, at ang lupa ay sinibulan ng bunga nito.

19 Mga kapatid ko, kung ang sinuman sa inyo ay naliligaw mula sa katotohanan, at siya'y pinapanumbalik ng sinuman,

20 dapat(D) niyang malaman na ang nagpapanumbalik sa isang makasalanan mula sa pagkaligaw sa kanyang landas ay magliligtas ng kaluluwa mula sa kamatayan, at magtatakip ng napakaraming kasalanan.

Marcos 9:38-50

Ang Hindi Laban sa Atin ay Panig sa Atin(A)

38 Sinabi sa kanya ni Juan, “Guro, nakita namin ang isang tao na nagpapalayas ng mga demonyo sa pangalan mo at pinagbawalan namin siya, sapagkat hindi siya sumusunod sa atin.”

39 Ngunit sinabi ni Jesus, “Huwag ninyo siyang pagbawalan, sapagkat walang taong gumagawa ng makapangyarihang gawa sa pangalan ko ang agad na makapagsasalita ng masama tungkol sa akin.

40 Sapagkat(B) ang sinumang hindi laban sa atin ay panig sa atin.

41 Sapagkat(C) tunay na sinasabi ko sa inyo, ang sinumang magpainom sa inyo ng isang tasang tubig dahil sa kayo'y kay Cristo, ay hindi mawawalan ng kanyang gantimpala.

Mga Batong-Katitisuran(D)

42 “At kung ang sinuman ay magbigay ng katitisuran sa isa sa maliliit na ito na sumasampalataya sa akin, mabuti pang bitinan ang kanyang leeg ng isang malaking gilingang bato at itapon sa dagat.

43 Kung(E) ang kamay mo ay nakapagpapatisod sa iyo, putulin mo ito. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay na baldado, kaysa may dalawang kamay at mapunta sa impiyerno, sa apoy na hindi mapapatay,

[44 na kung saan ang kanilang mga uod ay hindi namamatay, at ang apoy ay hindi napapatay.]

45 Kung ang paa mo'y nakapagpapatisod sa iyo, putulin mo ito. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay na pilay kaysa may dalawang paa ka at maitapon sa impiyerno,

[46 na kung saan ang kanilang mga uod ay hindi namamatay, at ang apoy ay hindi napapatay.]

47 Kung(F) ang mata mo'y nakapagpapatisod sa iyo, dukitin mo ito. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok sa kaharian ng Diyos na may isang mata, kaysa may dalawang mata at mabulid sa impiyerno,

48 na(G) kung saan ang kanilang mga uod ay hindi namamatay, at ang apoy ay hindi napapatay.

49 Sapagkat bawat isa'y aasinan ng apoy.[a]

50 Mabuti(H) ang asin ngunit kung tumabang ang asin, ano ang inyong ipagpapaalat dito? Magkaroon kayo ng asin sa inyong mga sarili at kayo'y magkaroon ng kapayapaan sa isa't isa.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001