Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 119:169-176

TAU.

169 O Panginoon, sa harapan mo ang aking daing ay dumating nawa;
    bigyan mo ako ng pagkaunawa ayon sa iyong salita!
170 Sa harapan mo ang aking panalangin ay dumating nawa,
    iligtas mo ako ayon sa iyong salita.
171 Umawit nawa ng papuri ang mga labi ko,
    sapagkat itinuturo mo sa akin ang mga batas mo.
172 Awitin nawa ng aking dila ang iyong salita,
    sapagkat lahat ng mga utos mo ay matuwid.
173 Maging handa nawa ang iyong kamay na tulungan ako,
    sapagkat aking pinili ang mga alituntunin mo.
174 O Panginoon, ang iyong pagliligtas ay aking kinasasabikan,
    at ang iyong kautusan ay aking kasiyahan.
175 Hayaan mo akong mabuhay, upang ako'y makapagpuri sa iyo,
    at tulungan nawa ako ng mga batas mo.
176 Ako'y naligaw na parang tupang nawala; hanapin mo ang iyong lingkod,
    sapagkat hindi ko kinalilimutan ang iyong mga utos.

1 Mga Hari 13:11-25

Ang Propeta ay Naakay sa Pagsuway

11 Noon ay may naninirahang isang matandang propeta sa Bethel. Ang isa sa kanyang mga anak ay naparoon, at isinalaysay sa kanya ang lahat ng mga ginawa ng tao ng Diyos sa araw na iyon sa Bethel; ang mga salita na kanyang sinabi sa hari ay siya ring isinalaysay nila sa kanilang ama.

12 Sinabi ng kanilang ama sa kanila, “Saan siya dumaan?” At itinuro sa kanya ng kanyang mga anak ang daang dinaraanan ng tao ng Diyos na nanggaling sa Juda.

13 Sinabi niya sa kanyang mga anak, “Ihanda ninyo para sa akin ang asno.” Sa gayo'y kanilang inihanda ang asno para sa kanya at kanyang sinakyan.

14 Kanyang sinundan ang tao ng Diyos at natagpuan niyang nakaupo sa ilalim ng isang puno ng ensina, at sinabi niya sa kanya, “Ikaw ba ang tao ng Diyos na nanggaling sa Juda?” At sinabi niya, “Ako nga.”

15 Nang magkagayo'y sinabi niya sa kanya, “Umuwi kang kasama ko, at kumain ka ng tinapay.”

16 At sinabi niya, “Hindi ako makababalik na kasama mo, o makakapasok na kasama mo, ni makakakain man ng tinapay o makakainom man ng tubig na kasalo mo sa dakong ito.

17 Sapagkat sinabi sa akin sa pamamagitan ng salita ng Panginoon, ‘Huwag kang kakain ng tinapay o iinom man ng tubig doon, o babalik man sa daan na iyong dinaanan.’”

18 Sinabi niya sa kanya, “Ako man ay isang propetang gaya mo, at isang anghel ang nagsabi sa akin sa pamamagitan ng salita ng Panginoon, ‘Ibalik mo siya na kasama mo sa iyong bahay, upang siya'y makakain ng tinapay at makainom ng tubig.’” Ngunit siya'y nagsinungaling sa kanya.

19 Kaya't siya ay bumalik na kasama niya, at kumain ng tinapay sa kanyang bahay at uminom ng tubig.

20 Samantalang sila'y nakaupo sa hapag, ang salita ng Panginoon ay dumating sa propeta na nagpabalik sa kanya.

21 At siya'y sumigaw sa tao ng Diyos na nanggaling sa Juda, “Ganito ang sabi ng Panginoon: Sapagkat ikaw ay sumuway sa salita ng Panginoon, at hindi mo tinupad ang utos na iniutos ng Panginoon mong Diyos sa iyo,

22 kundi ikaw ay bumalik at kumain ng tinapay, at uminom ng tubig sa dakong kanyang sinabi sa iyo na, ‘Huwag kang kumain ng tinapay, at huwag kang uminom ng tubig;’ ang iyong bangkay ay hindi darating sa libingan ng iyong mga ninuno.”

23 Pagkatapos na makakain siya ng tinapay at makainom, inihanda niya ang asno para sa propeta na kanyang pinabalik.

24 Habang siya'y papaalis, sinalubong siya ng isang leon sa daan at pinatay siya. Ang kanyang bangkay ay napahagis sa daan at ang asno ay nakatayo sa tabi nito; ang leon ay nakatayo rin sa tabi ng bangkay.

25 May mga taong dumaan at nakita ang bangkay na nakahandusay sa daan at ang leon na nakatayo sa tabi ng bangkay. Sila'y humayo at isinalaysay iyon sa lunsod na tinitirhan ng matandang propeta.

Colosas 3:1-11

Ang Bagong Buhay kay Cristo

Kung(A) kayo nga'y muling binuhay na kasama ni Cristo, ay hanapin ninyo ang mga bagay na nasa itaas, na kinaroroonan ni Cristo, na nakaupo sa kanan ng Diyos.

Ituon ninyo ang inyong pag-iisip sa mga bagay na nasa itaas, hindi sa mga bagay na nasa ibabaw ng lupa,

sapagkat kayo'y namatay na, at ang inyong buhay ay natatagong kasama ni Cristo sa Diyos.

Kapag si Cristo na inyong[a] buhay ay nahayag, ay mahahayag nga rin kayo na kasama niya sa kaluwalhatian.

Patayin ninyo ang anumang makalupa na nasa inyo: pakikiapid, karumihan, masamang pita, masasamang pagnanasa, at kasakiman na ito'y pagsamba sa mga diyus-diyosan.

Dahil sa mga bagay na ito ay dumarating ang poot ng Diyos sa mga anak ng pagsuway.[b]

Ang mga ito rin ang nilakaran ninyo noong una, nang kayo'y nabubuhay pa sa mga bagay na ito.

Ngunit ngayon ay itakuwil ninyo ang lahat ng mga ito: galit, poot, masamang pag-iisip, panlalait, at maruming pananalita mula sa inyong bibig.

Huwag(B) kayong magsinungaling sa isa't isa, yamang hinubad na ninyo ang dating pagkatao pati ang mga gawa nito,

10 at(C) kayo'y nagbihis na ng bagong pagkatao, na binabago sa kaalaman ayon sa larawan ng lumalang sa kanya.

11 Dito'y wala ng Griyego at Judio, tuli at di-tuli, ng barbaro, ng Scita, ng alipin, ng malaya; kundi si Cristo ang lahat at nasa lahat!

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001