Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 19:7-14

Ang Kautusan ng Diyos

Ang kautusan ng Panginoon ay sakdal,

    na nagpapanauli ng kaluluwa;
ang patotoo ng Panginoon ay tiyak,
    na nagpapatalino sa kulang sa kaalaman.
Ang mga tuntunin ng Panginoon ay matuwid,
    na nagpapagalak sa puso;
ang utos ng Panginoon ay dalisay,
    na nagpapaliwanag ng mga mata.
Ang pagkatakot sa Panginoon ay malinis,
    na nananatili magpakailanman:
ang mga kahatulan ng Panginoon ay totoo
    at lubos na makatuwiran.
10 Higit na dapat silang naisin kaysa ginto,
    lalong higit kaysa maraming dalisay na ginto;
higit ding matamis kaysa pulot
    at sa pulot-pukyutang tumutulo.

11 Bukod dito'y binalaan ang iyong lingkod sa pamamagitan nila;
sa pagsunod sa mga iyon ay may dakilang gantimpala.
12 Sinong makakaalam ng kanyang mga kamalian?
    Patawarin mo ako sa mga pagkakamaling di nalalaman.
13 Ilayo mo rin ang iyong lingkod sa mga mapangahas na pagkakasala.
    Huwag mong hayaang ang mga iyon ay magkaroon ng kapangyarihan sa akin!
Kung gayo'y magiging matuwid ako,
    at magiging walang sala sa malaking paglabag.
14 Nawa'y ang mga salita ng bibig ko, at ang pagbubulay-bulay ng aking puso
    ay maging katanggap-tanggap sa paningin mo,
    O Panginoon, ang aking malaking bato at manunubos ko.

Deuteronomio 1:1-18

Ito ang mga salitang sinabi ni Moises sa buong Israel sa kabila ng Jordan sa ilang, sa Araba na katapat ng Suf, sa pagitan ng Paran at ng Tofel, Laban, Haserot, at Di-zahab.

Iyon ay labing-isang araw na lakbayin mula sa Horeb kung daraan sa bundok ng Seir hanggang sa Kadesh-barnea.

Nang unang araw ng ikalabing-isang buwan ng ikaapatnapung taon, nagsalita si Moises sa mga anak ni Israel ayon sa lahat ng iniutos ng Panginoon sa kanya para sa kanila.

Ito(A) ay pagkatapos niyang talunin si Sihon na hari ng mga Amoreo, na naninirahan sa Hesbon, at si Og na hari ng Basan, na naninirahan sa Astarot at sa Edrei.

Sa kabila ng Jordan sa lupain ng Moab, pinasimulan ni Moises na ipaliwanag ang kautusang ito gaya ng sumusunod:

“Ang Panginoon nating Diyos ay nagsalita sa atin sa Horeb, na nagsasabi, ‘Kayo'y matagal nang naninirahan sa bundok na ito.

Ipagpatuloy ninyo ang inyong paglalakbay at pumunta kayo sa lupaing maburol ng mga Amoreo, at sa lahat nitong kalapit na lugar, sa Araba na lupaing maburol at sa kapatagan, sa Negeb, at sa baybayin ng dagat, sa lupain ng mga Cananeo, sa Lebanon, hanggang sa malaking ilog ng Eufrates.

Tingnan ninyo, inilagay ko na ang lupain sa harapan ninyo. Pasukin ninyo at angkinin ang lupain na ipinangako ng Panginoon sa inyong mga ninuno, kina Abraham, Isaac, at Jacob, na ibibigay sa kanila at sa kanilang mga anak pagkamatay nila.’

Humirang si Moises ng mga Hukom(B)

“At ako'y nagsalita sa inyo nang panahong iyon na sinasabi, ‘Hindi ko kayo kayang dalhing mag-isa.

10 Pinarami kayo ng Panginoon ninyong Diyos, at kayo ngayon ay gaya ng mga bituin sa langit sa dami.

11 Ang Panginoon na Diyos ng inyong mga ninuno, nawa'y paramihin kayo ng makalibong ulit kaysa ngayon, at kayo nawa'y pagpalain ng gaya ng ipinangako niya sa inyo!

12 Paano ko madadalang mag-isa ang mabigat na pasan ninyo at ng inyong mga alitan?

13 Pumili kayo ng mga lalaking matatalino, may pang-unawa at may karanasan mula sa inyong mga lipi, at sila'y aking itatalaga bilang mga pinuno ninyo.’

14 At kayo'y sumagot sa akin at nagsabi, ‘Ang bagay na iyong sinabi ay mabuting gawin natin.’

15 Kaya't kinuha ko ang mga pinuno ng inyong mga lipi, mga taong matatalino at may karanasan, at inilagay sila bilang mga pinuno ninyo, na mga pinuno ng libu-libo, mga pinuno ng daan-daan, mga pinuno ng lima-limampu, mga pinuno ng sampu-sampu, at mga pinuno sa inyong mga lipi.

16 Inutusan ko ang inyong mga hukom nang panahong iyon: ‘Pakinggan ninyo ang mga usapin ng inyong mga kapatid, at hatulan ng matuwid ang tao at ang kanyang kapatid, at ang dayuhan na kasama niya.

17 Huwag kayong magtatangi ng tao sa paghatol; inyong parehong papakinggan ang hamak at ang dakila; huwag kayong matatakot sa mukha ng tao; sapagkat ang paghatol ay sa Diyos, at ang bagay na napakahirap sa inyo ay inyong dadalhin sa akin, at aking papakinggan.’

18 Kaya't nang panahong iyon, aking iniutos sa inyo ang lahat ng mga bagay na inyong gagawin.

Mga Gawa 12:20-25

Namatay si Herodes

20 Noon ay galit na galit si Herodes sa mga taga-Tiro at taga-Sidon. Kaya't sila'y nagkaisang pumaroon sa kanya, at nang mahikayat na nila si Blasto na katiwala ng hari, ay kanilang ipinakiusap ang pagkakasundo, sapagkat ang lupain nila'y umaasa sa lupain ng hari para sa pagkain.

21 Sa isang takdang araw ay isinuot ni Herodes ang damit-hari at naupo sa trono, at sa kanila'y nagtalumpati.

22 Ang taong-bayan ay nagsisigaw, “Tinig ng diyos at hindi ng tao!”

23 Agad siyang sinaktan ng isang anghel ng Panginoon sapagkat hindi niya ibinigay ang kaluwalhatian sa Diyos. Siya'y kinain ng mga uod at namatay.

24 Ngunit ang salita ng Diyos ay patuloy na lumago at lumaganap.

25 At nagbalik galing sa Jerusalem sina Bernabe at Saulo nang magampanan na nila ang kanilang paglilingkod at kanilang isinama si Juan na tinatawag ding Marcos.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001