Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Isaias 50:4-9

Ang Pagsunod ng Lingkod ng Diyos

Binigyan ako ng Panginoong Diyos
    ng dila ng mga naturuan,
upang aking malaman kung paanong aalalayan
    ng mga salita ang nanlulupaypay.
Siya'y nagigising tuwing umaga,
    ginigising niya ang aking pandinig
    upang makinig na gaya ng mga naturuan.
Binuksan ng Panginoong Diyos ang aking pandinig,
    at ako'y hindi naging mapaghimagsik,
    o tumalikod man.
Iniharap(A) ko ang aking likod sa mga tagahampas,
    at ang aking mga pisngi sa mga bumunot ng balbas;
hindi ko ikinubli ang aking mukha
    sa kahihiyan at sa paglura.

Sapagkat tinulungan ako ng Panginoong Diyos;
    kaya't hindi ako napahiya;
kaya't inilagay ko ang aking mukha na parang batong kiskisan,
    at alam ko na hindi ako mapapahiya.
    Siya(B) na magpapawalang-sala sa akin ay malapit.
Sinong makikipaglaban sa akin?
    Tayo'y tumayong magkakasama.
Sino ang aking kaaway?
    Bayaang lumapit siya sa akin.
Narito, tinutulungan ako ng Panginoong Diyos;
    sino ang magsasabi na ako ay nagkasala?
Tingnan mo, silang lahat ay malulumang parang bihisan;
    lalamunin sila ng tanga.

Mga Awit 116:1-9

116 Minamahal ko ang Panginoon, sapagkat kanyang dininig
    ang aking tinig at aking mga hiling.
Sapagkat ikiniling niya ang kanyang pandinig sa akin,
    kaya't ako'y tatawag sa kanya habang ako'y nabubuhay.
Ang bitag ng kamatayan ay pumalibot sa akin,
    ang mga hapdi ng Sheol ay nagsihawak sa akin:
    ako'y nagdanas ng pagkabahala at pagkadalamhati.
Nang magkagayo'y sa pangalan ng Panginoon ay tumawag ako:
    “O Panginoon, isinasamo ko sa iyo, iligtas mo ang buhay ko!”

Mapagbiyaya at matuwid ang Panginoon,
    oo, ang Diyos namin ay maawain.
Iniingatan ng Panginoon ang mga taong karaniwan;
    ako'y naibaba at iniligtas niya ako.
Bumalik ka sa iyong kapahingahan, O kaluluwa ko;
    sapagkat pinakitunguhan ka na may kasaganaan ng Panginoon.
Sapagkat iniligtas mo ang aking kaluluwa sa kamatayan,
    ang mga mata ko sa mga luha,
    ang mga paa ko sa pagkatisod;
Ako'y lalakad sa harapan ng Panginoon
    sa lupain ng mga buháy.

Santiago 3:1-12

Ang Dila

Mga kapatid ko, huwag maging guro ang marami sa inyo, yamang nalalaman nating hahatulan tayo ng mas mahigpit.

Sapagkat tayong lahat ay natitisod sa maraming bagay. Kung ang sinuman ay hindi natitisod sa pananalita, ito ay isang taong sakdal, may kakayahang pigilan ang buong katawan.

Kung tayo nga'y naglalagay ng mga preno sa bibig ng mga kabayo upang sumunod sila sa atin, ibinabaling natin ang kanilang buong katawan.

Tingnan ninyo ang mga barko: bagama't napakalalaki at itinutulak ng malalakas na hangin, gayunma'y napapabaling sa pamamagitan ng isang napakaliit na timon saanman naisin ng piloto.

Gayundin naman, ang dila ay isang maliit na bahagi ngunit nagyayabang ng malalaking bagay. Tingnan ninyo kung paanong sinusunog ng maliit na apoy ang malalaking gubat!

At ang dila'y isang apoy. Ang dila na kasama ng ating mga sangkap ay isang sanlibutan ng kasamaan. Dinudungisan nito ang buong katawan, at sinusunog ang pag-inog ng kalikasan, at ito mismo ay sinusunog ng impiyerno.[a]

Sapagkat ang bawat uri ng mga hayop at mga ibon, ng mga hayop na gumagapang at mga nilalang sa dagat ay mapapaamo at napapaamo na ng tao,

subalit ang dila ay hindi napapaamo ng tao, isang hindi napipigilang kasamaang punô ng lasong nakamamatay.

Sa(A) pamamagitan nito ay pinupuri natin ang Panginoon at Ama, at sa pamamagitan nito ay nilalait natin ang mga taong ginawa ayon sa larawan ng Diyos.

10 Mula sa iisang bibig ay lumalabas ang pagpupuri at panlalait. Mga kapatid ko, hindi dapat maging ganito.

11 Ang isang bukal ba ay binubukalan ng matamis at mapait?

12 Mga kapatid ko, maaari ba na ang puno ng igos ay magbunga ng olibo, o ng mga igos ang puno ng ubas? Hindi rin maaaring daluyan ng tabang ang maalat na tubig.

Marcos 8:27-38

Ang Pagpapahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(A)

27 Nagtungo si Jesus at ang kanyang mga alagad sa mga nayon ng Cesarea sa Filipos at sa daan ay tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Sino raw ako ayon sa sinasabi ng mga tao?”

28 At(B) sinabi nila sa kanya, “Si Juan na Tagapagbautismo; at sabi ng iba, si Elias; at ng iba pa, isa sa mga propeta.”

29 At(C) tinanong niya sila, “Ngunit, sino ako ayon sa sinasabi ninyo?” Sumagot si Pedro at sinabi sa kanya, “Ikaw ang Cristo.”[a]

30 Mahigpit na iniutos niya sa kanila na huwag nilang sasabihin kaninuman ang tungkol sa kanya.

Unang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(D)

31 Pagkatapos ay pinasimulan niyang ituro sa kanila na ang Anak ng Tao ay kinakailangang magdusa ng maraming bagay at itakuwil ng matatanda, ng mga punong pari, at ng mga eskriba, at patayin at pagkaraan ng tatlong araw ay muling mabubuhay.

32 At maliwanag na sinabi niya ang salitang ito. Inilayo siya ni Pedro at pinasimulang siya'y sawayin.

33 Subalit paglingon niya at pagtingin sa kanyang mga alagad, sinaway niya si Pedro at sinabi, “Umalis ka diyan,[b] Satanas! Sapagkat hindi mo iniisip ang mga bagay na ukol sa Diyos, kundi ang mga bagay na ukol sa tao.”

34 Tinawag(E) niya ang maraming tao pati ang kanyang mga alagad, at sa kanila'y sinabi, “Kung ang sinuman ay nagnanais sumunod sa akin, siya ay tumanggi sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin.

35 Sapagkat(F) ang sinumang nagnanais iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito at ang sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa akin at sa ebanghelyo ay maililigtas iyon.

36 Sapagkat ano ang mapapakinabang ng tao na makamtan ang buong sanlibutan, at mapahamak ang kanyang buhay?

37 Sapagkat anong maibibigay ng tao na kapalit ng kanyang buhay?

38 Sapagkat ang sinumang ikinahihiya ako at ang aking mga salita sa mapangalunya at makasalanang salinlahing ito ay ikahihiya rin naman siya ng Anak ng Tao, pagdating niyang nasa kaluwalhatian ng kanyang Ama na kasama ng mga banal na anghel.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001