Revised Common Lectionary (Complementary)
Sa(A) Punong Mang-aawit: sa instrumentong may kuwerdas. Maskil ni David, nang ang mga Zifeo ay tumungo at sabihin kay Saul, “Si David ay nagtatago sa gitna namin.”
54 Iligtas mo ako, O Diyos, sa pamamagitan ng iyong pangalan,
at pawalang-sala mo ako sa pamamagitan ng iyong kapangyarihan.
2 O Diyos, dalangin ko'y pakinggan mo,
pakinggan mo ang mga salita ng bibig ko.
3 Sapagkat ang mga banyaga ay naghimagsik laban sa akin,
at mararahas na tao ang umuusig sa buhay ko;
hindi nila inilagay ang Diyos sa harapan nila. (Selah)
4 Ang Diyos ay aking katulong;
ang Panginoon ang umaalalay sa aking kaluluwa.
5 Kanyang gagantihan ng masama ang mga kaaway ko;
tapusin mo sila sa katapatan mo.
6 Ako'y mag-aalay sa iyo ng kusang-loob na handog;
ako'y magpapasalamat sa iyong pangalan, O Panginoon, sapagkat ito'y mabuti.
7 Sapagkat iniligtas niya ako sa bawat kabagabagan;
at ang aking mata ay tuminging may pagtatagumpay sa aking mga kaaway.
24 Pagkatapos ay lumapit si Zedekias na anak ni Canaana, sinampal si Micaya, at sinabi, “Paanong umalis ang Espiritu ng Panginoon mula sa akin upang magsalita sa iyo?”
25 Sinabi ni Micaya, “Makikita mo sa araw na iyon kapag ikaw ay pumasok sa pinakaloob na silid upang magkubli.”
26 At sinabi ng hari sa Israel, “Dakpin si Micaya, at ibalik kay Amon na tagapamahala ng lunsod, at kay Joas na anak ng hari;
27 at inyong sabihin, ‘Ganito ang sabi ng hari, “Ilagay ninyo ang taong ito sa bilangguan, at tustusan ninyo siya ng kaunting tinapay at tubig hanggang sa ako'y dumating na payapa.”’”
28 At sinabi ni Micaya, “Kung ikaw ay bumalik na payapa, ang Panginoon ay hindi nagsalita sa pamamagitan ko.” At kanyang sinabi, “Makinig kayo, mga mamamayan!”
Sinalakay ang Ramot-gilead(A)
29 Kaya't ang hari ng Israel at si Jehoshafat na hari ng Juda ay pumunta sa Ramot-gilead.
30 Sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “Ako'y magbabalatkayo at pupunta sa labanan, ngunit ikaw ay magsuot ng iyong damit panghari.” At ang hari ng Israel ay nagbalatkayo at pumunta sa labanan.
31 Ang hari ng Siria ay nag-utos sa tatlumpu't dalawang punong-kawal ng kanyang mga karwahe, “Huwag kayong makipaglaban kahit sa maliit o sa malaki man, liban lamang sa hari ng Israel.”
32 Nang makita ng mga punong-kawal ng mga karwahe si Jehoshafat ay kanilang sinabi, “Tiyak na ito ang hari ng Israel.” Kaya't sila'y bumalik upang makipaglaban sa kanya; at si Jehoshafat ay sumigaw.
33 Nang makita ng mga punong-kawal ng mga karwahe na hindi iyon ang hari ng Israel, sila'y tumigil sa pagtugis sa kanya.
34 Subalit pinakawalan ng isang lalaki ang kanyang palaso sa pagbabaka-sakali, at tinamaan ang hari ng Israel sa pagitan ng dugtungan ng baluti sa dibdib. Kaya't kanyang sinabi sa nagpapatakbo ng kanyang karwahe, “Pumihit ka, at ilabas mo ako sa labanan, sapagkat ako'y sugatan.”
35 Uminit ang labanan nang araw na iyon, at ang hari ay napigil sa kanyang karwahe sa harap ng mga taga-Siria, at namatay sa kinahapunan. Ang dugo ay dumaloy mula sa sugat hanggang sa ilalim ng karwahe.
36 Nang paglubog ng araw ay may isinigaw sa buong hukbo, “Bawat lalaki ay sa kanyang lunsod, at bawat lalaki ay sa kanyang lupain.”
Si Ahab ay Napatay
37 Sa gayo'y namatay ang hari at dinala sa Samaria, at kanilang inilibing ang hari sa Samaria.
38 At kanilang hinugasan ang karwahe sa tabi ng tangke ng Samaria; hinimod ng mga aso ang kanyang dugo at ang mga masasamang babae ay nagsipaligo roon, ayon sa salita ng Panginoon na kanyang sinabi.
39 Ang iba sa mga gawa ni Ahab, at ang lahat niyang ginawa, at ang bahay na garing na kanyang itinayo, at ang lahat ng lunsod na kanyang itinayo, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[a] ng mga hari sa Israel?
40 Sa gayo'y natulog si Ahab na kasama ng kanyang mga ninuno; at si Ahazias na kanyang anak ay naghari na kapalit niya.
Nahahabag ang Diyos sa Lahat
25 Upang kayo'y huwag magmarunong sa inyong sarili, mga kapatid, nais kong malaman ninyo ang hiwagang ito, na ang pagmamatigas ay nangyari sa isang bahagi ng Israel hanggang makapasok ang buong bilang ng mga Hentil.
26 Sa(A) ganoon ang buong Israel ay maliligtas; gaya ng nasusulat,
“Lalabas mula sa Zion ang Tagapagligtas;
ihihiwalay niya ang kasamaan mula sa Jacob.”
27 “At(B) ito ang aking tipan sa kanila,
kapag inalis ko ang kanilang mga kasalanan.”
28 Tungkol sa ebanghelyo, sila'y mga kaaway alang-alang sa inyo; subalit tungkol sa paghirang, sila'y mga minamahal alang-alang sa mga ninuno.
29 Sapagkat ang mga kaloob at ang pagtawag ng Diyos ay hindi mababago.
30 Kung paanong kayo nang dati ay mga masuwayin sa Diyos, subalit ngayon kayo'y tumanggap ng habag sa pamamagitan ng kanilang pagsuway,
31 gayundin naman ang mga ito na ngayon ay naging mga masuwayin upang sa pamamagitan ng habag na ipinakita sa inyo, sila rin ay tumanggap ngayon ng habag.
32 Sapagkat kinulong ng Diyos ang lahat sa pagsuway upang siya'y mahabag sa lahat.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001