Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 139:1-18

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.

139 O Panginoon, siniyasat mo ako at nakilala mo ako.
Iyong nalalaman kapag ako'y umuupo at kapag ako'y tumatayo;
    nababatid mo ang aking pag-iisip mula sa malayo.
Iyong sinisiyasat ang aking landas at ang paghiga ko,
    at ang lahat kong mga lakad ay nalalaman mo.
Bago pa man magkaroon ng salita sa dila ko,
    O Panginoon, lahat ng iyon ay alam mo.
Iyong pinaligiran ako sa likuran at sa harapan,
    at ipinatong mo sa akin ang iyong kamay.
Ang gayong kaalaman ay lubhang kahanga-hanga para sa akin;
    ito ay matayog, hindi ko kayang abutin.

Saan ako pupunta mula sa iyong Espiritu?
    O saan ako tatakas mula sa harapan mo?
Kung ako'y umakyat sa langit, ikaw ay naroon!
    Kung gawin ko ang aking higaan sa Sheol, ikaw ay naroon!
Kung aking kunin ang mga pakpak ng umaga,
    at sa mga pinakadulong bahagi ng dagat ako'y tumira,
10 doon ma'y papatnubayan ako ng iyong kamay,
    at hahawakan ako ng iyong kanang kamay.
11 Kung aking sabihin, “Takpan nawa ako ng dilim,
    at maging gabi ang liwanag na nakapalibot sa akin,”
12 kahit ang kadiliman ay hindi madilim sa iyo,
    at ang gabi ay kasinliwanag ng araw;
    ang kadiliman at kaliwanagan ay magkatulad sa iyo.

13 Sapagkat hinubog mo ang aking mga nasa loob na bahagi,
    at sa bahay-bata ng aking ina ako'y iyong hinabi.
14 Ako'y magpapasalamat sa iyo sapagkat ang pagkagawa sa akin ay kakilakilabot at kamanghamangha.
    Ang iyong mga gawa ay kahangahanga;
at iyon ay nalalamang mabuti ng aking kaluluwa.
15 Ang katawan ko'y hindi nakubli sa iyo,
nang ako'y lihim na ginagawa,
    mahusay na binuo sa kalaliman ng lupa.
16 Nakita ng iyong mga mata ang aking wala pang anyong sangkap;
at sa iyong aklat bawat isa sa mga iyon ay nakasulat,
    ang mga araw na sa akin ay itinakda,
    nang wala pang anuman sa kanila.
17 Napakahalaga sa akin ng iyong mga pag-iisip, O Diyos!
    Napakalawak ng kabuuan ng mga iyon!
18 Kung aking bibilangin, ang mga iyon ay marami pa kaysa buhangin.
    Kapag ako'y nagigising, ako'y kasama mo pa rin.

2 Mga Hari 5:1-14

Gumaling si Naaman

Si(A) Naaman na punong-kawal ng hukbo ng hari ng Siria, ay dakilang lalaki sa harapan ng kanyang panginoon at iginagalang, sapagkat sa pamamagitan niya'y nagbigay ang Panginoon ng pagtatagumpay sa Siria. Siya ay isang makapangyarihang lalaki na may kagitingan, subalit siya'y ketongin.

Ang mga taga-Siria, sa isa sa kanilang pagsalakay ay nagdala ng bihag na dalagita mula sa lupain ng Israel, at siya'y naglingkod sa asawa ni Naaman.

Sinabi niya sa kanyang babaing panginoon, “Sana'y naroon ang aking panginoon na kasama ng propeta na nasa Samaria! Kanyang pagagalingin siya sa kanyang ketong.”

Kaya't si Naaman ay pumasok at sinabi sa kanyang panginoon kung ano ang sinabi ng dalagitang mula sa lupain ng Israel.

At sinabi ng hari ng Siria, “Humayo ka, at ako'y magpapadala ng sulat sa hari ng Israel.” Kaya't siya'y humayo at nagdala ng sampung talentong pilak, anim na libong pirasong ginto, at sampung magagarang bihisan.

Kanyang dinala ang sulat sa hari ng Israel, na nagsasaad, “Kapag dumating sa iyo ang sulat na ito, alam mo na aking sinugo sa iyo si Naaman na aking lingkod upang iyong pagalingin siya mula sa kanyang ketong.”

Nang mabasa ng hari ng Israel ang sulat, kanyang pinunit ang kanyang suot at nagsabi, “Ako ba'y Diyos upang pumatay at bumuhay, na ang lalaking ito ay nagsugo sa akin upang pagalingin ang taong ito sa kanyang ketong? Tingnan mo lamang at makikita mong siya'y naghahanap ng pag-aawayan namin.”

Ngunit nang mabalitaan ni Eliseo na tao ng Diyos na pinunit ng hari ng Israel ang kanyang suot, siya'y nagsugo sa hari, na sinasabi, “Bakit mo hinapak ang iyong damit? Paparituhin mo siya sa akin at nang kanyang malaman na may isang propeta sa Israel.”

Kaya't dumating si Naaman na dala ang kanyang mga kabayo at karwahe at huminto sa tapat ng pintuan ng bahay ni Eliseo.

10 Si Eliseo ay nagpadala ng sugo sa kanya, na sinasabi, “Humayo ka at maligo sa Jordan ng pitong ulit. Ang iyong laman ay manunumbalik at ikaw ay magiging malinis.”

11 Ngunit si Naaman ay nagalit, at umalis, na sinasabi, “Akala ko'y tiyak na lalabasin niya ako, at tatayo, at tatawag sa pangalan ng Panginoon niyang Diyos, at iwawasiwas ang kanyang kamay sa lugar at pagagalingin ang ketongin.

12 Hindi ba ang Abana at ang Farpar, na mga ilog ng Damasco, ay higit na mabuti kaysa lahat ng tubig sa Israel? Hindi ba ako maaaring maligo sa mga iyon, at maging malinis?” Kaya't siya'y pumihit at umalis na galit na galit.

13 Ngunit ang kanyang mga lingkod ay nagsilapit at sinabi sa kanya, “Ama ko, kung iniutos sa iyo ng propeta na gumawa ng mahirap na bagay, hindi mo ba gagawin? Lalo na nga kung sabihin niya sa iyo, ‘Maligo ka at maging malinis ka?’”

14 Kaya't lumusong siya at pitong ulit na lumubog sa Jordan, ayon sa sinabi ng tao ng Diyos. Ang kanyang laman ay nanumbalik na gaya ng laman ng isang munting bata, at siya'y naging malinis.

Santiago 4:8-17

Lumapit kayo sa Diyos, at siya'y lalapit sa inyo. Maglinis kayo ng inyong mga kamay, mga makasalanan, at pabanalin ninyo ang inyong mga puso, kayong mga may dalawang pag-iisip.

Kayo'y managhoy, magluksa, at umiyak. Palitan ninyo ang inyong pagtawa ng pagluluksa, at ang inyong kagalakan ng kalungkutan.

10 Magpakumbaba kayo sa harapan ng Panginoon, at kanyang itataas kayo.

Babala Laban sa Paghatol

11 Mga kapatid, huwag kayong magsalita ng masama laban sa isa't isa. Ang nagsasalita laban sa kapatid, o humahatol sa kanyang kapatid ay nagsasalita ng masama laban sa kautusan, at humahatol sa kautusan. Ngunit kung ikaw ay humahatol sa kautusan, hindi ka na tagatupad ng kautusan, kundi isang hukom.

12 Iisa ang tagapagbigay ng kautusan at hukom, siya na may kapangyarihang magligtas at pumuksa. Kaya, sino ka na humahatol sa iyong kapwa?

Babala Laban sa Kapalaluan

13 Halikayo(A) ngayon, kayong nagsasabi, “Ngayon o bukas ay pupunta kami sa ganito o sa ganoong bayan, at kami ay mangangalakal doon ng isang taon at kikita.”

14 Gayunman ay hindi ninyo nalalaman kung ano ang magaganap bukas. Ano ba ang inyong buhay? Kayo nga'y isang singaw na sa sandaling panahon ay lumilitaw, at pagkatapos ay naglalaho.

15 Sa halip ay dapat ninyong sabihin, “Kung loloobin ng Panginoon kami ay mabubuhay at gagawin namin ito o iyon.”

16 Subalit ngayon ay nagmamalaki kayo sa inyong mga kayabangan. Ang lahat ng gayong pagmamalaki ay masama.

17 Kaya't ang sinumang nakakaalam ng paggawa ng mabuti ngunit hindi ito ginagawa, ito ay kasalanan sa kanya.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001