Revised Common Lectionary (Complementary)
18 Ipinaalam iyon sa akin ng Panginoon at nalaman ko;
pagkatapos ay ipinakita mo sa akin ang kanilang masasamang gawa.
19 Ngunit ako'y naging gaya ng maamong kordero
na inaakay patungo sa katayan.
Hindi ko alam na laban sa akin
ay gumawa sila ng mga pakana, na sinasabi,
“Sirain natin ang punungkahoy at ang bunga nito,
at ihiwalay natin siya sa lupain ng mga nabubuhay,
upang ang kanyang pangalan ay hindi na maalala.”
20 Ngunit, O Panginoon ng mga hukbo, na humahatol ng matuwid,
na sumusubok sa puso[a] at sa pag-iisip,
ipakita mo sa akin ang iyong paghihiganti sa kanila,
sapagkat sa iyo'y inihayag ko ang aking ipinaglalaban.
Sa(A) Punong Mang-aawit: sa instrumentong may kuwerdas. Maskil ni David, nang ang mga Zifeo ay tumungo at sabihin kay Saul, “Si David ay nagtatago sa gitna namin.”
54 Iligtas mo ako, O Diyos, sa pamamagitan ng iyong pangalan,
at pawalang-sala mo ako sa pamamagitan ng iyong kapangyarihan.
2 O Diyos, dalangin ko'y pakinggan mo,
pakinggan mo ang mga salita ng bibig ko.
3 Sapagkat ang mga banyaga ay naghimagsik laban sa akin,
at mararahas na tao ang umuusig sa buhay ko;
hindi nila inilagay ang Diyos sa harapan nila. (Selah)
4 Ang Diyos ay aking katulong;
ang Panginoon ang umaalalay sa aking kaluluwa.
5 Kanyang gagantihan ng masama ang mga kaaway ko;
tapusin mo sila sa katapatan mo.
6 Ako'y mag-aalay sa iyo ng kusang-loob na handog;
ako'y magpapasalamat sa iyong pangalan, O Panginoon, sapagkat ito'y mabuti.
7 Sapagkat iniligtas niya ako sa bawat kabagabagan;
at ang aking mata ay tuminging may pagtatagumpay sa aking mga kaaway.
Dalawang Uri ng Karunungan
13 Sino ang marunong at maunawain sa inyo? Ipakita niya sa pamamagitan ng mabuting pamumuhay ang kanyang mga gawa sa kaamuan ng karunungan.
14 Ngunit kung kayo'y mayroong mapapait na paninibugho at pagiging makasarili sa inyong puso, huwag kayong magmalaki at huwag kayong magsinungaling laban sa katotohanan.
15 Hindi ito ang karunungang bumababa mula sa itaas, kundi makalupa, makalaman, may sa demonyo.
16 Sapagkat kung saan mayroong paninibugho at pagiging makasarili, doon ay mayroong kaguluhan at bawat gawang masama.
17 Ngunit ang karunungang buhat sa itaas, una'y malinis, saka mapagpayapa, banayad, mapagbigay, puspos ng kaawaan at ng mabubuting bunga, walang pagtatangi, walang pagkukunwari.
18 At ang bunga ng katuwiran ay itinatanim sa kapayapaan ng mga gumagawa ng kapayapaan.
Pakikipagkaibigan sa Sanlibutan
4 Saan nagmumula ang mga digmaan at saan nagmumula ang mga pag-aaway sa inyo? Hindi ba mula sa inyong mga kalayawan na nakikipaglaban sa inyong mga sangkap?
2 Kayo'y naghahangad, at kayo'y wala; kayo'y pumapatay at kayo'y nag-iimbot at kayo'y hindi nagkakamit. Kayo'y nag-aaway at nagdidigmaan. Kayo'y wala, sapagkat hindi kayo humihingi.
3 Kayo'y humihingi, at hindi tumatanggap, sapagkat humihingi kayo sa masamang dahilan, upang gugulin ninyo ito sa inyong mga kalayawan.
7 Kaya't pasakop kayo sa Diyos, labanan ninyo ang diyablo, at siya ay lalayo sa inyo.
8 Lumapit kayo sa Diyos, at siya'y lalapit sa inyo. Maglinis kayo ng inyong mga kamay, mga makasalanan, at pabanalin ninyo ang inyong mga puso, kayong mga may dalawang pag-iisip.
Muling Binanggit ni Jesus ang tungkol sa Kanyang Kamatayan(A)
30 Umalis sila roon at nagdaan sa Galilea at ayaw niyang malaman ito ng sinuman.
31 Sapagkat tinuturuan niya ang kanyang mga alagad na sa kanila'y sinasabi, “Ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga kamay ng tao at siya'y papatayin nila. Tatlong araw matapos siyang patayin, siya'y muling mabubuhay.”
32 Ngunit hindi nila naunawaan ang kanyang sinabi at natakot silang magtanong sa kanya.
Sino ang Pinakadakila?(B)
33 Nakarating sila sa Capernaum at nang siya'y nasa bahay na ay tinanong niya sila, “Ano ang pinagtatalunan ninyo sa daan?”
34 Ngunit(C) sila'y tumahimik, sapagkat sa daan ay pinagtatalunan nila kung sino ang pinakadakila.
35 Siya'y(D) umupo, tinawag ang labindalawa at sa kanila'y sinabi, “Kung sinuman ang nagnanais na maging una, siya'y dapat maging huli sa lahat at lingkod ng lahat.”
36 Kinuha niya ang isang maliit na bata at inilagay sa gitna nila. Siya'y kanyang kinalong at sa kanila'y sinabi,
37 “Ang(E) sinumang tumatanggap sa isa sa mga ganitong bata sa aking pangalan, ako ang tinatanggap at ang sinumang tumatanggap sa akin ay hindi ako ang tinatanggap, kundi ang nagsugo sa akin.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001