Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Jeremias 24-26

Ang Dalawang Basket ng Igos

24 Pagkatapos(A) na madalang-bihag ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia, mula sa Jerusalem si Jeconias na anak ni Jehoiakim, hari ng Juda, kasama ang mga pinuno ng Juda, ang mga manggagawa at mga panday, at dalhin sila sa Babilonia, ipinakita sa akin ng Panginoon ang pangitaing ito: May dalawang basket na igos na nakalagay sa harap ng templo ng Panginoon.

Ang isang basket ay mayroong napakagagandang igos, gaya ng mga unang hinog ng igos, ngunit ang isa namang basket ay may mga napakasamang igos, anupa't hindi iyon makakain dahil sa kabulukan.

At sinabi ng Panginoon sa akin, “Anong nakikita mo, Jeremias?” Aking sinabi, “Mga igos. Ang magagandang igos ay napakaganda, at ang masasama ay napakasama, anupa't hindi makakain ang mga iyon dahil sa kabulukan.”

At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,

“Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel: Gaya ng mabubuting igos na ito, gayon ko ituturing na mabuti ang mga bihag mula sa Juda na aking pinaalis mula sa dakong ito patungo sa lupain ng mga Caldeo.

Sapagkat itutuon ko ang aking paningin sa kanila para sa ikabubuti, at ibabalik ko sila sa lupaing ito. Itatayo ko sila, at hindi ko sila gigibain. Itatanim ko sila, at hindi ko sila bubunutin.

Bibigyan ko sila ng puso na kikilala sa akin, sapagkat ako ang Panginoon, at sila'y magiging aking bayan, at ako'y magiging kanilang Diyos sapagkat sila'y manunumbalik sa akin nang buong puso nila.

“Ngunit ganito ang sinasabi ng Panginoon: tulad ng masasamang igos na sa kasamaan ay hindi makakain, gayon ko ituturing si Zedekias na hari ng Juda, ang kanyang mga pinuno, ang nalabi sa Jerusalem na nanatili sa lupaing ito, at ang naninirahan sa lupain ng Ehipto.

Gagawin ko silang kasuklamsuklam sa lahat ng mga kaharian sa lupa, upang maging kahiyahiya, usap-usapan, tampulan ng panunuya at sumpa sa lahat ng dakong aking pagtatabuyan sa kanila.

10 Magpapadala ako ng tabak, taggutom, at ng salot, hanggang sa sila'y lubos na malipol sa lupain na ibinigay ko sa kanila at sa kanilang mga ninuno.”

Ang Kaaway mula sa Hilaga

25 Ang(B) salita na dumating kay Jeremias tungkol sa buong sambayanan ng Juda, nang ikaapat na taon ni Jehoiakim na anak ni Josias, na hari ng Juda (iyon din ang unang taon ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia),

na binigkas ni Jeremias na propeta sa buong sambayanan ng Juda, at sa lahat ng naninirahan sa Jerusalem, na sinasabi,

“Sa loob ng dalawampu't tatlong taon, mula nang ikalabintatlong taon ni Josias, na anak ni Amon, na hari ng Juda, hanggang sa araw na ito, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, at ako'y matiyagang nagsalita sa inyo, ngunit hindi kayo nakinig.

Hindi kayo nakinig ni ikiniling man ang inyong mga tainga upang makinig bagaman patuloy na sinugo ng Panginoon sa inyo ang lahat niyang mga lingkod na propeta,

na nagsasabi, ‘Bawat isa sa inyo ay tumalikod mula sa kanyang masamang lakad at masasamang mga gawa, at kayo'y mananatili sa lupain na ibinigay ng Panginoon sa inyo at sa inyong mga ninuno, mula nang una at hanggang sa magpakailanman.

Huwag kayong sumunod sa ibang mga diyos upang paglingkuran at sambahin sila, o galitin ako sa pamamagitan ng gawa ng inyong mga kamay. Kung gayo'y hindi ko kayo gagawan ng masama!’

Gayunma'y hindi kayo nakinig sa akin, sabi ng Panginoon; kaya't ginalit ninyo ako sa pamamagitan ng gawa ng inyong mga kamay tungo sa inyong sariling kapahamakan.

“Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Sapagkat hindi ninyo pinakinggan ang aking mga salita,

tatawagin ko ang lahat ng mga lipi sa hilaga, at si Nebukadnezar na hari ng Babilonia, ang aking lingkod. Dadalhin ko sila laban sa lupaing ito at sa mga mamamayan nito, at laban sa lahat ng mga bansang ito sa palibot. Ganap ko silang lilipulin, at gagawin ko silang kasuklamsuklam, pagsisitsitan at isang walang hanggang kakutyaan,[a] sabi ng Panginoon.

10 Bukod(C) dito'y papawiin ko sa kanila ang tinig ng kasayahan at ang tinig ng katuwaan, ang tinig ng lalaking ikakasal at ang tinig ng babaing ikakasal, ang ingay ng mga batong gilingan, at ang liwanag ng ilawan.

11 Ang(D) buong lupaing ito ay magiging guho at katatakutan; at ang mga bansang ito ay maglilingkod sa hari ng Babilonia sa loob ng pitumpung taon.

12 At pagkalipas ng pitumpung taon, parurusahan ko ang hari ng Babilonia at ang bansang iyon, ang lupain ng mga Caldeo, dahil sa kanilang kasamaan, sabi ng Panginoon, at gagawin ko iyong wasak magpakailanman.

13 Dadalhin ko sa lupaing iyon ang lahat ng mga salitang aking binitiwan laban doon, ang lahat ng nakasulat sa aklat na ito na inihayag ni Jeremias laban sa lahat ng mga bansa.

14 Sapagkat gagawin din silang mga alipin ng maraming bansa at mga dakilang hari, at gagantihan ko sila ayon sa kanilang mga gawa, at sa gawa ng kanilang mga kamay.”

Ang Saro ng Alak ng Kabagsikan ay Inihandog sa Lahat ng Bansa

15 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, sa akin, “Kunin mo sa aking kamay itong saro ng alak ng poot, at painumin mo ang lahat ng bansa na pinagsuguan ko sa iyo.

16 Sila'y iinom at magpapagiray-giray, at mauulol dahil sa tabak na aking ibibigay sa kanila.”

17 Kaya't kinuha ko ang saro mula sa kamay ng Panginoon, at pinainom ko ang lahat ng mga bansang pinagsuguan sa akin ng Panginoon:

18 ang Jerusalem at ang mga bayan ng Juda, ang mga hari at mga pinuno nito, upang gawin silang giba, katatakutan, kakutyaan at sumpa gaya ng sa araw na ito;

19 Si Faraon na hari ng Ehipto, ang kanyang mga lingkod, mga pinuno, at ang buong sambayanan niya;

20 at ang lahat ng mga dayuhang kasama nila, ang lahat ng hari sa lupain ng Uz, at ang lahat ng hari sa lupain ng mga Filisteo, (Ascalon, Gaza, at ang Ekron, at ang nalabi sa Asdod);

21 ang Edom, Moab, at ang mga anak ni Ammon;

22 lahat ng mga hari ng Tiro, lahat ng mga hari ng Sidon, at ang mga hari sa baybayin sa kabila ng dagat;

23 ang Dedan, Tema, Buz, at ang lahat ng nagpuputol ng mga sulok ng kanilang buhok;

24 lahat ng mga hari ng Arabia at ang lahat ng mga hari ng halu-halong lipi na naninirahan sa disyerto;

25 lahat ng mga hari ng Zimri, lahat ng mga hari ng Elam, lahat ng mga hari ng Media;

26 lahat ng mga hari sa hilaga, malayo at malapit, na magkakasunod; at ang lahat ng mga kaharian sa daigdig, na nasa ibabaw ng lupa. Pagkatapos nila ang hari ng Sheshach[b] ay iinom.

27 “At iyong sasabihin sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Kayo'y uminom, magpakalasing, at magsuka. Mabuwal kayo at huwag nang bumangon pa, dahil sa tabak na aking ibibigay sa inyo.’

28 “At kung ayaw nilang tanggapin ang saro sa iyong kamay upang inuman, sasabihin mo nga sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Kailangang uminom kayo!

29 Sapagkat narito, ako'y nagsisimulang gumawa ng kasamaan sa lunsod na tinatawag sa aking pangalan, at kayo ba'y aalis na hindi mapaparusahan? Kayo'y tiyak na parurusahan sapagkat ako'y tumatawag ng tabak laban sa lahat ng naninirahan sa lupa, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.’

30 “Kaya ikaw ay magsasalita ng mga salitang propesiyang ito laban sa kanilang lahat at sabihin mo sa kanila:

‘Ang Panginoon ay dadagundong mula sa itaas,
    at ilalakas ang kanyang tinig mula sa kanyang banal na tahanan;
siya'y uungol nang malakas laban sa kanyang kawan;
    siya'y sisigaw, gaya ng mga pumipisa ng ubas,
    laban sa lahat ng naninirahan sa lupa.
31 Ang ingay ay aabot hanggang sa mga dulo ng lupa;
    sapagkat ang Panginoon ay may usapin laban sa mga bansa,
siya'y pumapasok sa paghatol kasama ng lahat ng laman.
    Tungkol sa masasama, sila'y ibibigay niya sa tabak, sabi ng Panginoon.’

32 “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo:
Narito, ang kasamaan ay lumalaganap sa mga bansa
at isang malakas na bagyo ay namumuo
    mula sa pinakamalayong bahagi ng daigdig!

33 “At ang mapapatay ng Panginoon sa araw na iyon ay magiging mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo. Sila'y hindi tataghuyan, o titipunin, o ililibing man; sila'y magiging dumi sa ibabaw ng lupa.

34 “Humagulhol kayo, mga pastol, at sumigaw;
    at gumulong kayo sa abo, kayong mga panginoon ng kawan;
sapagkat ang mga araw ng pagkatay sa inyo at pangangalat ninyo ay dumating na,
    at kayo'y babagsak na parang piling sisidlan.
35 Walang daang matatakbuhan ang mga pastol,
    o pagtakas man para sa mga panginoon ng kawan.
36 Pakinggan ninyo ang sigaw ng mga pastol,
    at ang hagulhol ng mga panginoon ng kawan!
Sapagkat sinisira ng Panginoon ang kanilang pastulan,
37     at ang payapang mga kulungan ay nasasalanta
    dahil sa mabangis na galit ng Panginoon.
38 Gaya ng leon ay iniwan niya ang kanyang kublihan,
    sapagkat ang kanilang lupain ay nasira
dahil sa tabak ng manlulupig,
    at dahil sa kanyang mabangis na galit.”

Ang Mensahe sa Bulwagan ng Templo

26 Nang(E) pasimula ng paghahari ni Jehoiakim na anak ni Josias, hari ng Juda, dumating ang salitang ito mula sa Panginoon, na sinasabi:

“Ganito ang sabi ng Panginoon: Tumayo ka sa bulwagan ng bahay ng Panginoon at sabihin mo sa lahat ng mga lunsod ng Juda na dumarating upang sumamba sa bahay ng Panginoon ang lahat ng salita na iniutos ko sa iyo na sabihin sa kanila. Huwag kang magbawas ng kahit isang salita.

Marahil ay makikinig sila, at bawat tao ay tatalikod sa kanyang masamang lakad; upang baguhin ko ang aking isip tungkol sa kasamaan na aking pinanukalang gawin dahil sa kanilang masasamang gawa.

Sasabihin mo sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon: Kung hindi kayo makikinig sa akin, upang lumakad sa aking kautusan na aking inilagay sa harapan ninyo,

at pakinggan ang mga salita ng aking mga lingkod na propeta, na kaagad kong sinugo, bagama't hindi ninyo pinakinggan,

ay(F) akin ngang gagawing gaya ng Shilo ang bahay na ito, at gagawin kong sumpa ang lunsod na ito para sa lahat ng mga bansa sa lupa.’”

At narinig ng mga pari, ng mga propeta, at ng buong bayan si Jeremias na nagsasalita ng mga salitang ito sa bahay ng Panginoon.

Nilitis si Jeremias

Nang matapos si Jeremias sa pagsasalita ng lahat ng iniutos ng Panginoon sa kanya na sabihin sa buong bayan, dinakip siya ng mga pari, ng mga propeta, at ng buong bayan, na sinasabi, “Ikaw ay tiyak na mamamatay!

Bakit ka nagsalita ng propesiya sa pangalan ng Panginoon, na iyong sinasabi, ‘Ang bahay na ito ay magiging gaya ng Shilo, at ang lunsod na ito ay mawawasak, na walang maninirahan?’” At ang lahat ng taong-bayan ay pumalibot kay Jeremias sa bahay ng Panginoon.

10 Nang mabalitaan ng mga pinuno ng Juda ang mga bagay na ito, sila'y umakyat sa bahay ng Panginoon mula sa bahay ng hari at sila'y umupo sa pasukan ng Bagong Pintuan ng bahay ng Panginoon.

11 Nang magkagayo'y nagsalita ang mga pari at ang mga propeta sa mga pinuno at sa buong bayan, na sinasabi, “Ang taong ito ay nararapat sa hatol na kamatayan, sapagkat siya'y nagsalita ng propesiya laban sa lunsod na ito, gaya nang narinig ng inyong mga pandinig.”

12 Pagkatapos ay nagsalita si Jeremias sa lahat ng pinuno at sa buong bayan, na sinasabi, “Sinugo ako ng Panginoon upang magsalita ng propesiya laban sa bahay na ito at laban sa lunsod na ito ng lahat ng mga salita na inyong narinig.

13 Kaya't ngayo'y baguhin ninyo ang inyong mga lakad at mga gawa, at sundin ninyo ang tinig ng Panginoon ninyong Diyos; at babaguhin ng Panginoon ang kanyang isip tungkol sa kasamaan na kanyang ipinahayag laban sa inyo.

14 Ngunit tungkol sa akin, narito, ako'y nasa inyong kamay. Gawin ninyo sa akin ang inaakala ninyong mabuti at matuwid sa inyo.

15 Tandaan lamang ninyo na kapag ako'y inyong pinatay, kayo'y magdadala ng walang salang dugo sa inyong sarili at sa lunsod na ito at sa mga mamamayan nito, sapagkat totoong sinugo ako ng Panginoon sa inyo upang sabihin ang lahat ng mga salitang ito sa inyong mga pandinig.”

16 At sinabi ng mga pinuno at ng buong bayan sa mga pari at sa mga propeta, “Ang taong ito ay hindi nararapat sa hatol na kamatayan, sapagkat siya'y nagsalita sa atin sa pangalan ng Panginoon nating Diyos.”

17 Ang ilan sa matatanda ng lupain ay tumindig at nagsalita sa buong kapulungan ng bayan, na nagsasabi,

18 “Si(G) Micaias na Morastita ay nagsalita ng propesiya sa mga araw ni Hezekias na hari ng Juda, at sinabi sa buong bayan ng Juda: ‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo,

Ang Zion ay aararuhing parang bukid;
    ang Jerusalem ay magiging bunton ng mga guho
    at ang bundok ng bahay ay magiging mataas na dako ng isang gubat.’

19 Ipinapatay ba siya ni Hezekias na hari ng Juda at ng buong Juda? Hindi ba't natakot siya sa Panginoon at hiniling ang lingap ng Panginoon, at hindi ba't nagbago ng isip ang Panginoon tungkol sa kasamaan na kanyang ipinahayag laban sa kanila? Ngunit malapit na tayong magdala ng malaking kasamaan laban sa ating mga sarili.”

20 May isa pang lalaki na nagsalita ng propesiya sa pangalan ng Panginoon, si Urias na anak ni Shemaya na taga-Kiryat-jearim. Siya'y nagsalita ng propesiya laban sa lupaing ito sa mga salitang katulad ng kay Jeremias.

21 Nang marinig ni Haring Jehoiakim at ng lahat niyang mga mandirigma, at mga pinuno ang kanyang mga salita, pinagsikapan ng hari na ipapatay siya. Ngunit nang ito'y marinig ni Urias, siya'y natakot, tumakbo, at tumakas patungong Ehipto.

22 At si Haring Jehoiakim ay nagsugo ng mga tauhan sa Ehipto, sina Elnatan na anak ni Acbor, at ilan pang mga kasama niya.

23 Kanilang kinuha si Urias sa Ehipto, at dinala siya kay Haring Jehoiakim, na pumatay sa kanya sa pamamagitan ng tabak at itinapon ang kanyang bangkay sa mga libingan ng karaniwang tao.

24 Ngunit ang kamay ni Ahikam na anak ni Safan ay sumasa kay Jeremias, anupa't hindi siya naibigay sa mga kamay ng taong-bayan upang patayin.

Tito 2

Ang Mahusay na Aral

Ngunit ikaw naman, magsalita ka ng mga bagay na angkop sa mahusay na aral.

Ang matatandang lalaki ay dapat maging mapagpigil sa sarili, kagalang-galang, matino, malakas sa pananampalataya, sa pag-ibig, at sa pagtitiis.

Sabihan mo rin ang matatandang babae na maging magalang sa kanilang asal, hindi mapanirang-puri, ni paalipin man sa alak; dapat silang magturo ng kabutihan,

upang kanilang maturuan ang mga kabataang babae na ibigin ang kani-kanilang mga asawa, ibigin ang kanilang mga anak,

maging matino, dalisay, masipag sa gawaing bahay, mabait, na nagpapasakop sa kani-kanilang asawa, upang huwag lapastanganin ang salita ng Diyos.

Gayundin naman, himukin mo ang mga kabataang lalaki na maging matino sa pag-iisip.

Sa lahat ng mga bagay ay ipakita mo ang iyong sarili na isang uliran sa mabubuting gawa; at sa iyong pagtuturo ay magpakita ka ng katapatan, pagiging kagalang-galang,

wastong pananalita na hindi mapipintasan, upang ang kalaban ay mapahiya, na walang anumang masamang masasabi tungkol sa atin.

Ang mga alipin ay magpasakop sa kanilang mga panginoon at magbigay ng kasiyahan sa lahat ng mga bagay, at huwag maging palasagot,

10 ni huwag mangungupit, kundi magpakita ng lubos at tunay na katapatan, upang sa lahat ng bagay ay mapalamutian nila ang aral ng Diyos na ating Tagapagligtas.

11 Sapagkat nagpakita ang biyaya ng Diyos, na nagdadala ng kaligtasan sa lahat ng tao,

12 na nagtuturo sa atin na matapos itakuwil ang kasamaan, at mga makamundong pagnanasa, ay dapat tayong mamuhay nang may katinuan, matuwid at banal sa kasalukuyang panahon,

13 habang hinihintay natin ang mapalad na pag-asa at ang pagpapakita ng kaluwalhatian ng ating dakilang Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo.

14 Siya(A) ang nagbigay ng kanyang sarili alang-alang sa atin, upang tayo'y matubos niya sa lahat ng mga kasamaan, at pakalinisin para sa kanyang sarili ang sambayanang pag-aari niya na masigasig sa mabubuting gawa.

15 Ipahayag mo ang mga bagay na ito. Mangaral ka at sumaway na may buong kapamahalaan. Huwag mong hayaang hamakin ka ng sinuman.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001