Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Jeremias 43-45

Dinala si Jeremias sa Ehipto

43 Nang si Jeremias ay makatapos ng pagsasalita sa buong bayan ng lahat ng mga salitang ito ng Panginoon nilang Diyos, na ipinahatid sa kanya ng Panginoon nilang Diyos sa kanila,

ay sinabi kay Jeremias nina Azarias na anak ni Hoshaias, Johanan na anak ni Carea, at ng lahat ng mga walang-galang na lalaki, “Nagsisinungaling ka. Hindi ka sinugo ng Panginoon nating Diyos upang sabihing, ‘Huwag kayong pumunta sa Ehipto upang manirahan doon;’

kundi inilagay ka ni Baruc na anak ni Nerias laban sa amin, upang ibigay kami sa kamay ng mga Caldeo, upang mapatay nila kami o dalhin kaming bihag sa Babilonia.”

Sa gayo'y si Johanan na anak ni Carea, pati ang lahat ng mga pinuno ng mga kawal, at ang buong bayan ay hindi sumunod sa tinig ng Panginoon na manatili sa lupain ng Juda.

Kundi(A) kinuha ni Johanan na anak ni Carea, at ng lahat ng mga pinuno ng mga kawal ang lahat ng nalabi ng Juda na bumalik upang manirahan sa lupain ng Juda mula sa lahat ng mga bansa na pinagtabuyan sa kanila—

ang mga lalaki, mga babae, mga bata, ang mga prinsesa, at bawat taong iniwan ni Nebuzaradan na kapitan ng bantay kay Gedalias na anak ni Ahikam, na anak ni Safan; pati si Jeremias na propeta, at si Baruc na anak ni Nerias.

At sila'y dumating sa lupain ng Ehipto sapagkat hindi nila sinunod ang tinig ng Panginoon. At sila'y dumating sa Tafnes.

Pagkatapos ay dumating ang salita ng Panginoon kay Jeremias sa Tafnes, na sinasabi,

“Maglagay ka ng malalaking bato sa iyong kamay, at ikubli mo ang mga iyon sa argamasa sa daanang papasok sa palasyo ni Faraon sa Tafnes, sa paningin ng mga taga-Juda;

10 at sabihin mo sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Narito, aking isusugo at kukunin si Nebukadnezar na hari ng Babilonia na aking lingkod, at aking ilalagay ang kanyang trono sa mga batong ito na aking ikinubli; at kanyang ilaladlad ang kanyang talukbong sa ibabaw nito.

11 Siya'y darating at kanyang sasaktan ang lupain ng Ehipto na ibibigay sa kamatayan ang mga itinakda sa kamatayan, sa pagkabihag ang mga itinakda sa pagkabihag, at sa tabak ang mga itinakda sa tabak.

12 Ako'y magpapaningas ng apoy sa templo ng mga diyos ng Ehipto at kanyang susunugin ang mga iyon at dadalhing bihag. Kanyang babalutin ang lupain ng Ehipto na gaya ng pastol na binabalot ang sarili ng kanyang balabal, at siya'y payapang aalis mula roon.

13 Kanyang babaliin ang matatayog na haligi ng Bet-shemes[a] na nasa lupain ng Ehipto, at ang mga templo ng mga diyos ng Ehipto ay kanyang susunugin ng apoy.’”

Ang Mensahe ng Panginoon sa mga Judio

44 Ang salita na dumating kay Jeremias tungkol sa lahat ng mga Judio na nanirahan sa lupain ng Ehipto, sa Migdol, Tafnes, Memfis, at sa lupain ng Patros, na nagsasabi,

“Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Inyong nakita ang lahat ng kasamaan na aking dinala sa Jerusalem, at sa lahat ng mga bayan ng Juda. Tingnan ninyo, sa araw na ito ay giba sila at walang naninirahan doon,

dahil sa kasamaan na kanilang ginawa, na ibinunsod ako sa galit sa pamamagitan ng kanilang pagsusunog ng insenso, at paglilingkod sa ibang mga diyos na hindi nila nakilala, maging nila, ninyo o ng inyong mga ninuno man.

Gayunma'y masugid kong sinugo sa inyo ang lahat kong mga lingkod na propeta, na nagsasabi, ‘O huwag ninyong gawin ang karumaldumal na bagay na ito na aking kinasusuklaman!’

Ngunit hindi sila nakinig o ikiniling man nila ang kanilang pandinig upang humiwalay sa kanilang kasamaan at huwag nang magsunog ng insenso sa ibang mga diyos.

Kaya't ang aking poot at galit ay ibinuhos at nagningas sa mga bayan ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem; at sila'y nasira at nagiba gaya sa araw na ito.

Kaya't ngayo'y ganito ang sabi ng Panginoong Diyos ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Bakit ninyo ginagawa ang ganitong malaking kasamaan laban sa inyong mga sarili, na ihiwalay sa inyo ang mga lalaki at babae, mga sanggol at bata, mula sa kalagitnaan ng Juda, na walang iniiwang nalabi sa inyo?

Bakit ninyo ako ibinubunsod sa galit sa pamamagitan ng mga gawa ng inyong mga kamay, na nagsusunog kayo ng insenso sa ibang mga diyos sa lupain ng Ehipto na inyong pinuntahan upang tirahan, upang kayo'y mahiwalay at maging isang sumpa at tampulan ng pagkutya sa gitna ng lahat ng mga bansa sa lupa?

Nakalimutan na ba ninyo ang kasamaan ng inyong mga ninuno, ang kasamaan ng mga hari ng Juda, at ang kasamaan ng kanilang mga asawang babae, at ang inyong sariling kasamaan, at ang kasamaan ng inyong mga asawang babae, na kanilang ginawa sa lupain ng Juda, at sa mga lansangan ng Jerusalem?

10 Ngunit sila'y hindi nagpakumbaba hanggang sa araw na ito, ni natakot man, ni lumakad man sa aking kautusan at sa aking mga alituntunin, na aking inilagay sa harapan ninyo at ng inyong mga ninuno.

11 “Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Narito, itututok ko ang aking mukha laban sa inyo sa ikasasama, upang ihiwalay ang buong Juda.

12 At aking kukunin ang nalabi sa Juda na nagpasiyang pumasok sa lupain ng Ehipto upang manirahan doon, at silang lahat ay malilipol. Sa lupain ng Ehipto ay mabubuwal sila; sila'y lilipulin ng tabak at ng taggutom. Sila'y mamamatay, mula sa pinakahamak hanggang sa pinakadakila, sa pamamagitan ng tabak at ng taggutom. Sila'y magiging tampulan ng paghamak, kakilabutan, pagkutya at pag-alipusta.

13 Aking parurusahan ang mga naninirahan sa lupain ng Ehipto, gaya ng parusang ginawa ko sa Jerusalem, sa pamamagitan ng tabak, ng taggutom, at salot,

14 anupa't walang sinuman sa nalabi ng Juda na pumasok upang manirahan sa lupain ng Ehipto ay makakatakas o makakaligtas o makakabalik sa lupain ng Juda na kanilang pinagnanasaang balikan upang tahanan. Sila'y hindi babalik, maliban sa ilang mga takas.”

15 At lahat ng mga lalaki na nakaalam na ang kanilang mga asawa ay nagsunog ng insenso sa ibang mga diyos, at ang lahat ng babae na nakatayo na isang malaking kapulungan, ang buong bayan na nanirahan sa Patros sa lupain ng Ehipto, ay sumagot kay Jeremias:

16 “Tungkol sa salitang iyong sinabi sa amin sa pangalan ng Panginoon, hindi ka namin papakinggan.

17 Kundi gagawin namin ang lahat ng bagay na aming ipinangako, na magsunog ng insenso sa reyna ng langit at magbukas para sa kanya ng inuming handog, gaya ng aming ginawa, namin at ng aming mga magulang, ng aming mga hari, at ng aming mga pinuno sa mga bayan ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem; sapagkat noon ay mayroon kaming saganang pagkain at guminhawa kami, at hindi nakakita ng kasamaan.

18 Ngunit mula nang aming iwan ang pagsusunog ng insenso sa reyna ng langit, at ipagbuhos siya ng mga inuming handog, kami ay kinapos sa lahat ng bagay at nalipol ng tabak at ng taggutom.”

19 “At nang kami ay nagsunog ng insenso sa reyna ng langit at ipagbuhos siya ng mga inuming handog, wala bang pagsang-ayon ang aming mga asawa na kami ay gumawa ng munting tinapay para sa kanya na may larawan niya at ipinagbuhos namin siya ng mga inuming handog?”

Inulit ni Jeremias ang Kanyang Babala

20 Nang magkagayo'y sinabi ni Jeremias sa buong bayan, sa mga lalaki at mga babae at sa lahat ng taong nagbigay sa kanya ng naturang sagot, na sinasabi,

21 “Tungkol sa mga insenso na inyong sinunog sa mga bayan ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem, ninyo at ng inyong mga magulang, ng inyong mga hari, at inyong mga pinuno, at ng mga tao ng lupain, hindi ba sila'y inalaala ng Panginoon? Hindi ba ito'y pumasok sa kanyang isipan?

22 Kaya't hindi na matagalan ng Panginoon ang inyong masasamang gawa at ang mga karumaldumal na inyong ginawa. Kaya't ang inyong lupain ay naging sira, giba at isang sumpa, na walang naninirahan, gaya sa araw na ito.

23 Ito'y sapagkat kayo'y nagsunog ng insenso, at sapagkat kayo'y nagkasala laban sa Panginoon at hindi sumunod sa tinig ng Panginoon o nagsilakad man sa kanyang kautusan at sa kanyang alituntunin, at sa kanyang mga patotoo, kaya't ang kasamaang ito ay sumapit sa inyo, gaya sa araw na ito.”

24 At sinabi ni Jeremias sa buong bayan at sa lahat ng kababaihan, “Pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon, kayong lahat na taga-Juda na nasa lupain ng Ehipto,

25 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Kayo at ang inyong mga asawa ay nagpahayag ng inyong mga bibig, at tinupad ng inyong mga kamay, na nagsasabi, ‘Tiyak na tutuparin namin ang mga panata na aming ginawa, na magsunog ng insenso sa reyna ng langit, at ipagbuhos siya ng mga inuming handog.’ Sige, pagtibayin ninyo ang inyong mga panata at tuparin ang inyong mga panata!

26 Kaya't inyong pakinggan ang salita ng Panginoon, kayong lahat na taga-Juda na naninirahan sa lupain ng Ehipto: Ako'y sumumpa sa pamamagitan ng aking dakilang pangalan, sabi ng Panginoon, na ang aking pangalan ay hindi na sasambitin sa bibig ng sinumang tao sa Juda sa buong lupain ng Ehipto, na sasabihin, ‘Habang buháy ang Panginoong Diyos.’

27 Tingnan ninyo, nagmamasid ako sa kanila sa ikasasama at hindi sa ikabubuti. Lahat ng tao ng Juda na nasa lupain ng Ehipto ay malilipol sa pamamagitan ng tabak at ng taggutom, hanggang sa sila'y magkaroon ng wakas.

28 At ang makakatakas sa tabak na babalik sa lupain ng Juda mula sa lupain ng Ehipto ay kaunti sa bilang. At ang buong nalabi ng Juda na dumating sa lupain ng Ehipto upang manirahan doon ay makakaalam kung kaninong salita ang tatayo, ang sa akin o sa kanila.

29 Ito ang magiging tanda sa inyo, sabi ng Panginoon, parurusahan ko kayo sa lugar na ito, upang inyong malaman na ang aking salita laban sa inyo ay tiyak na tatayo laban sa inyo sa ikapipinsala.

30 Ganito(B) ang sabi ng Panginoon, Narito, ibibigay ko si Faraon Hophra na hari ng Ehipto sa kamay ng kanyang mga kaaway at ng mga nagtatangka sa kanyang buhay; kung paanong ibinigay ko si Zedekias na hari ng Juda sa kamay ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia, na kanyang kaaway at nagtangka sa kanyang buhay.”

Ang Pangako ng Panginoon kay Baruc

45 Ang(C) salita na sinabi ni propeta Jeremias kay Baruc na anak ni Nerias, nang sulatin niya ang mga salitang ito sa isang aklat mula sa bibig ni Jeremias, nang ikaapat na taon ni Jehoiakim na anak ni Josias, hari ng Juda, na sinasabi,

“Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, sa iyo, O Baruc:

Iyong sinabi, ‘Kahabag-habag ako! Sapagkat ang Panginoon ay nagdagdag ng kalungkutan sa aking sakit; ako'y pagod na sa pagdaing, at wala akong kapahingahan.’

Ganito ang sasabihin mo sa kanya, Ganito ang sabi ng Panginoon: Narito, ang aking itinayo ay aking ibinabagsak, at ang aking itinanim ay aking bubunutin, ito'y ang buong lupain.

At ikaw, naghahanap ka ba ng mga dakilang bagay para sa iyong sarili? Huwag mo nang hanapin ang mga iyon, sapagkat, narito, ako'y magdadala ng kasamaan sa lahat ng laman, sabi ng Panginoon; ngunit ibibigay ko ang iyong buhay bilang gantimpala ng digmaan sa lahat ng dakong iyong pupuntahan.”

Mga Hebreo 5

Bawat pinakapunong pari na pinili mula sa mga tao ay pinangasiwa sa mga bagay na may kaugnayan sa Diyos, para sa kanilang kapakanan, upang siya'y makapaghandog ng mga kaloob at ng mga alay para sa mga kasalanan.

Siya ay marunong makitungo na may kaamuan sa mga mangmang at naliligaw, yamang siya man ay napapaligiran ng kahinaan.

Dahil(A) dito, kailangang siya'y maghandog para sa kanyang sariling mga kasalanan, at gayundin para sa taong-bayan.

At(B) sinuman ay hindi kumukuha ng karangalang ito para sa kanyang sarili, kundi siya ay tinatawag ng Diyos, na gaya ni Aaron.

Maging(C) si Cristo man ay hindi lumuwalhati sa kanyang sarili upang maging pinakapunong pari, kundi itinalaga ng nagsabi sa kanya,

“Ikaw ay aking Anak,
    ako ngayon ay naging Ama mo.”

Gaya(D) rin naman ng sinasabi niya sa ibang dako,

“Ikaw ay pari magpakailanman,
    ayon sa pagkapari ni Melquizedek.”

Sa(E) mga araw ng kanyang buhay dito sa mundo,[a] si Jesus[b] ay naghandog ng mga panalangin at mga pakiusap na may malakas na pagtangis at pagluha sa may kapangyarihang magligtas sa kanya mula sa kamatayan, at siya'y pinakinggan dahil sa kanyang magalang na pagpapasakop.

Bagama't siya'y isang Anak, siya'y natuto ng pagsunod sa pamamagitan ng mga bagay na kanyang tiniis,

at nang maging sakdal, siya ang naging pinagmulan ng walang hanggang kaligtasan ng lahat ng mga sumusunod sa kanya;

10 yamang itinalaga ng Diyos bilang pinakapunong pari ayon sa pagkapari ni Melquizedek.

Babala Laban sa Pagtalikod

11 Tungkol sa kanya'y marami kaming masasabi, at mahirap ipaliwanag, palibhasa'y naging mapurol na kayo sa pakikinig.

12 Sapagkat(F) bagaman sa panahong ito'y dapat na kayo'y mga guro na, kailangang muling may magturo sa inyo ng mga unang simulain ng aral ng Diyos. Kayo'y nangangailangan ng gatas, at hindi ng pagkaing matigas.

13 Sapagkat bawat tumatanggap ng gatas ay walang alam sa salita ng katuwiran palibhasa'y isa siyang sanggol.

14 Ngunit ang pagkaing matigas ay para sa mga nasa hustong gulang, na dahil sa pagsasagawa ay nasanay ang kanilang mga pandama na makilala ang pagkakaiba ng mabuti at masama.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001