Old/New Testament
Ang Pangitain tungkol sa Kasuklamsuklam na Gawain ng Jerusalem
8 Nang ikalimang araw ng ikaanim na buwan ng ikaanim na taon, samantalang ako'y nakaupo sa aking bahay, kasama ang matatanda ng Juda na nakaupo sa harapan ko, ang kamay ng Panginoong Diyos ay dumating sa akin doon.
2 Tumingin(A) ako, at narito, may isang anyo na parang tao.[a] Mula sa anyong parang kanyang mga balakang at pababa ay apoy; at mula sa kanyang mga balakang at paitaas ay parang anyo ng kakinangan, na parang tansong kumikinang.
3 Kanyang inilabas ang anyo ng isang kamay, at hinawakan ako sa buhok ng aking ulo. Itinaas ako ng Espiritu sa pagitan ng lupa at ng langit, at dinala ako sa mga pangitain na mula sa Diyos sa Jerusalem, sa pasukan ng pintuan ng bulwagan sa loob na nakaharap sa dakong hilaga, na kinaroroonan ng upuan ng larawan ng panibugho, na nagbubunsod sa paninibugho.
4 At(B) narito, ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel ay naroon, gaya ng anyo na aking nakita sa kapatagan.
5 Pagkatapos ay sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, itingin mo ang iyong mga mata sa dakong hilaga.” Sa gayo'y tumingin ako sa dakong hilaga, at naroon sa dakong hilaga ng pintuan ng dambana, sa pasukan, itong larawan ng panibugho.
6 Sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, nakikita mo ba ang kanilang ginagawa? Ang malaking kasuklamsuklam na ginagawa dito ng sambahayan ni Israel, upang ako'y palayasin sa aking santuwaryo? Ngunit makakakita ka pa nang higit na malalaking kasuklamsuklam.”
7 Dinala niya ako sa pintuan ng bulwagan; at nang ako'y tumingin, narito, may isang butas sa pader.
8 Sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, humukay ka sa pader;” at nang ako'y humukay sa pader, at narito, isang pintuan.
9 Sinabi niya sa akin, “Ikaw ay pumasok, at tingnan mo ang masasamang kasuklamsuklam na kanilang ginagawa rito.”
10 Sa gayo'y pumasok ako at tumingin. Doon ay nakaukit sa pader sa palibot, ang bawat anyo ng umuusad na mga bagay, kasuklamsuklam na mga hayop, at lahat ng mga diyus-diyosan ng sambahayan ni Israel.
11 Nakatayo sa harapan nila ang pitumpung lalaki na matatanda ng sambahayan ni Israel; at sa gitna nila ay nakatayo si Jaazanias na anak ni Safan. Bawat isa ay may kanyang sunugan ng insenso sa kanyang kamay, at ang amoy ng usok ng insenso ay pumailanglang.
12 Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, nakikita mo ba kung anong ginagawa sa dilim ng matatanda ng sambahayan ni Israel, bawat isa'y sa kanyang silid ng mga larawan? Sapagkat kanilang sinasabi, ‘Hindi tayo nakikita ng Panginoon; pinabayaan na ng Panginoon ang lupa.’”
13 Sinabi rin niya sa akin, “Makakakita ka pa ng ibang mas malalaking kasuklamsuklam na kanilang ginagawa.”
14 Nang magkagayo'y dinala niya ako sa pasukan ng pintuan ng bahay ng Panginoon na nasa dakong hilaga, at narito, doo'y nakaupo ang mga babae na iniiyakan si Tammuz.
15 Sinabi niya sa akin, “Nakita mo na ba ito, O anak ng tao? Makakakita ka pa ng lalong malalaking kasuklamsuklam kaysa mga ito.”
16 At dinala niya ako sa loob ng bulwagan sa bahay ng Panginoon; at narito, sa pintuan ng templo ng Panginoon, sa pagitan ng malaking pintuan at dambana ay may dalawampu't limang lalaki na nakatalikod sa dako ng templo ng Panginoon, at nakaharap ang kanilang mukha sa dakong silangan; at kanilang sinasamba ang araw sa dakong silangan.
17 Sinabi niya sa akin, “Nakita mo na ba ito, O anak ng tao? Napakaliit bang bagay para sa sambahayan ni Juda na sila'y gumawa ng mga kasuklamsuklam na kanilang ginagawa dito, na kanilang pinupuno ng karahasan ang lupa, at ibinubunsod pa nila ako sa higit na pagkagalit? Tingnan mo, kanilang inilalagay ang sanga sa kanilang ilong.
18 Kaya't ako'y tunay na makikitungo na may poot; ang aking mata ay hindi magpapatawad, o mahahabag man ako. Bagaman sila'y manangis sa aking pandinig ng malakas na tinig, hindi ko sila papakinggan.”
Ang Pagpatay sa Masasama
9 Nang magkagayo'y sumigaw siya sa aking pandinig nang malakas na tinig, na nagsasabi, “Lumapit kayo, kayo na mga tagapagparusa sa lunsod, na bawat isa'y may kanyang pamatay na sandata sa kanyang kamay.”
2 Narito, anim na lalaki ang dumating mula sa dako ng pintuan sa itaas, na nakaharap sa hilaga. Bawat isa'y may kanyang sandatang pamatay sa kanyang kamay, at kasama nila ang isang lalaki na nakadamit ng telang lino, na may lalagyan ng panulat sa kanyang balakang. At sila'y pumasok at tumayo sa tabi ng tansong dambana.
3 Ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel ay pumailanglang mula sa kerubin, na kinapapatungan hanggang sa pintuan ng bahay. At kanyang tinawag ang lalaking nakadamit ng telang lino, na may lalagyan ng panulat sa kanyang balakang.
4 At(C) sinabi ng Panginoon sa kanya, “Pumasok ka sa lunsod, sa loob ng Jerusalem, at lagyan mo ng mga tanda ang mga noo ng mga taong nagbubuntong-hininga at dumadaing dahil sa lahat na kasuklamsuklam na nagawa roon.”
5 Sa iba ay sinabi niya sa aking pandinig, “Dumaan kayo sa lunsod na kasunod niya, at manakit kayo; huwag magpatawad ang inyong mata, at huwag kayong magpakita ng habag.
6 Patayin ninyo agad ang matatanda, ang mga binata, mga dalaga, mga bata at ang mga babae; ngunit huwag ninyong gagalawin ang sinumang may tanda. At magsimula kayo sa aking santuwaryo.” Nang magkagayo'y kanilang pinasimulan sa matatandang lalaki na nasa harap ng bahay.
7 Sinabi niya sa kanila, “Lapastanganin ninyo ang bahay, at punuin ninyo ng patay ang mga bulwagan. Magsilabas kayo.” At sila'y nagsilabas at pumatay sa lunsod.
8 Habang sila'y pumapatay, at ako'y naiwan, ako'y nasubasob at sumigaw, at aking sinabi, “O Panginoong Diyos! Iyo bang lilipulin ang lahat ng nalabi sa Israel, sa pagbubuhos mo ng iyong poot sa Jerusalem?”
9 Sinabi niya sa akin, “Ang kasalanan ng sambahayan ng Israel at ng Juda ay totoong malaki, at ang lupain ay punô ng dugo, at ang lunsod ay punô ng kasuwailan; sapagkat kanilang sinasabi, ‘Pinabayaan ng Panginoon ang lupa, at hindi nakikita ng Panginoon!’
10 Tungkol naman sa akin, ang aking mata ay hindi magpapatawad o mahahabag man, kundi aking gagantihin ang kanilang mga gawa sa ibabaw ng kanilang mga ulo.”
11 At ang lalaking nakadamit ng telang lino, at may lalagyan ng panulat sa kanyang balakang ay nagpasabi, “Nagawa ko na ang ayon sa iniutos mo sa akin.”
Iniwan ng Kaluwalhatian ng Diyos ang Templo
10 Nang(D) magkagayo'y tumingin ako, at narito, sa langit na nasa ulunan ng mga kerubin ay may nagpakita na parang isang batong zafiro, na ang anyo ay parang isang trono.
2 Sinabi(E) niya sa lalaki na nakadamit ng telang lino, “Pumasok ka sa pagitan ng umiikot na mga gulong sa ilalim ng kerubin. Punuin mo ang iyong mga kamay ng mga bagang nagbabaga mula sa pagitan ng mga kerubin, at ikalat mo sa buong lunsod.” At umalis siya sa harapan ko.
3 Ang mga kerubin ay nakatayo sa dakong kanan ng bahay, nang ang lalaki ay pumasok; at pinuno ng ulap ang loob ng bulwagan.
4 Ang kaluwalhatian ng Panginoon ay pumailanglang mula sa kerubin hanggang sa pintuan ng bahay. Ang bahay ay napuno ng ulap, at ang bulwagan ay napuno ng ningning ng kaluwalhatian ng Panginoon.
5 At ang tunog ng pagaspas ng mga pakpak ng mga kerubin ay narinig hanggang sa labas ng bulwagan, na gaya ng tinig ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat kapag siya'y nagsasalita.
6 Nang kanyang utusan ang lalaking nakadamit ng telang lino, “Kumuha ka ng apoy sa pagitan ng umiikot na mga gulong, sa pagitan ng mga kerubin,” siya'y pumasok at tumayo sa tabi ng isang gulong.
7 Iniunat ng isang kerubin ang kanyang kamay mula sa gitna ng mga kerubin sa apoy na nasa gitna ng mga kerubin, kumuha niyon, at inilagay sa mga kamay ng nakadamit ng telang lino na kumuha niyon at lumabas.
8 Ang kerubin ay may anyo ng kamay ng isang tao sa ilalim ng kanilang mga pakpak.
9 Ako'y(F) tumingin, at narito, may apat na gulong sa tabi ng mga kerubin, isa sa bawat tabi ng isang kerubin, at ang anyo ng mga gulong ay gaya ng kulay ng batong berilo.
10 Tungkol sa kanilang anyo, ang apat ay magkakawangis na para bang isang gulong na nasa loob ng isang gulong.
11 Kapag ang mga ito'y umiikot, umiikot sila sa alinman sa apat na dako na hindi nagsisipihit habang umiikot, kundi saanmang panig humarap ang gulong sa harap, sumusunod ang iba na hindi pumipihit habang umiikot.
12 Ang(G) kanilang buong katawan, at ang kanilang mga likod, at ang kanilang mga kamay, at ang kanilang mga pakpak at ang kanilang mga gulong ay punô ng mga mata sa palibot.
13 Tungkol sa mga gulong, tinawag sila sa aking pandinig, “ang umiikot na mga gulong.”
14 Bawat(H) isa'y may apat na mukha: ang unang mukha ay mukha ng kerubin, ang ikalawang mukha ay mukha ng tao, ang ikatlo ay mukha ng leon, at ang ikaapat ay mukha ng isang agila.
15 At ang mga kerubin ay pumaitaas. Ito ang mga nilalang na may buhay na aking nakita sa baybayin ng Ilog Chebar.
16 Kapag kumilos ang mga kerubin, ang mga gulong ay gumagalaw na katabi nila; at kapag itinaas ng mga kerubin ang kanilang mga pakpak upang pumaitaas mula sa lupa, ang mga gulong naman ay hindi pumihit sa tabi nila.
17 Kapag ang mga kerubin ay nakahinto, ang mga gulong ay humihinto, at kapag sila'y pumapaitaas, ang mga gulong ay pumapaitaas na kasama nila, sapagkat ang espiritu ng mga nilalang na may buhay ay nasa mga iyon.
18 At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay lumabas mula sa pintuan ng bahay, at tumayo sa ibabaw ng mga kerubin.
19 Itinaas ng mga kerubin ang kanilang mga pakpak, at lumipad mula sa lupa sa aking paningin habang sila'y humahayong kasama ng mga gulong sa tabi nila. At sila'y tumayo sa silangang pintuan ng bahay ng Panginoon; at ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel ay nasa itaas nila.
20 Ito ang mga nilalang na may buhay na aking nakita sa ilalim ng Diyos ng Israel sa baybayin ng Ilog Chebar; at nalaman ko na sila'y mga kerubin.
21 Bawat isa'y may apat na mukha at apat na pakpak; at ang anyo ng mga kamay ng tao ay nasa ilalim ng kanilang mga pakpak.
22 Tungkol sa anyo ng kanilang mga mukha, ito rin ang mga mukha na aking nakita sa baybayin ng Ilog Chebar. Bawat isa'y nagpatuloy sa paglakad.
Paglilingkod na Kaaya-aya sa Diyos
13 Ipagpatuloy ninyo ang pag-iibigang magkakapatid.
2 Huwag(A) ninyong kalimutan ang magpatulóy ng mga dayuhan, sapagkat sa paggawa nito ang iba ay nakapagpatulóy na ng mga anghel nang hindi nila namamalayan.
3 Alalahanin ninyo ang mga bilanggo na parang kayo'y nakabilanggong kasama nila; ang mga inaapi na parang kayo na rin sa katawan.
4 Maging marangal sa lahat ang pag-aasawa, at huwag dungisan ang higaan, sapagkat ang mga nakikiapid at ang mga mangangalunya ay hahatulan ng Diyos.
5 Umiwas(B) kayo sa pag-ibig sa salapi at kayo'y masiyahan na kung anong mayroon kayo, sapagkat sinabi niya, “Sa anumang paraan ay hindi kita iiwan, o pababayaan man.”
6 Kaya't(C) panatag nating masasabi,
“Ang Panginoon ang aking katulong; hindi ako matatakot:
Anong magagawa sa akin ng tao?”
7 Alalahanin ninyo ang mga namumuno sa inyo, silang nagsalita sa inyo ng salita ng Diyos; tingnan ninyo ang kinalabasan ng kanilang pamumuhay, tularan ninyo ang kanilang pananampalataya.
8 Si Jesu-Cristo ay siya ring kahapon, ngayon, at magpakailanman.
9 Huwag kayong padala sa sari-sari at kakaibang mga turo, sapagkat mabuti na ang puso ay patibayin ng biyaya; hindi sa pamamagitan ng mga pagkain, na di pinakinabangan ng mga tumupad ng mga iyon.
10 Tayo ay may isang dambana, na kung saan ang mga naglilingkod sa tabernakulo ay walang karapatang kumain.
11 Sapagkat(D) ang katawan ng mga hayop na ang mga dugo'y dinadala ng pinakapunong pari sa santuwaryo para sa kasalanan ay sinusunog sa labas ng kampo.
12 Kaya si Jesus man ay nagdusa sa labas ng pintuan ng lunsod upang gawing banal ang mga tao sa pamamagitan ng kanyang sariling dugo.
13 Kaya't puntahan natin siya sa labas ng kampo na dala ang kanyang kahihiyan.
14 Sapagkat dito'y wala tayong lunsod na magtatagal, ngunit hinahanap natin ang lunsod na darating.
15 Kaya't sa pamamagitan niya ay maghandog tayong patuloy ng alay ng pagpupuri sa Diyos, samakatuwid ay ng bunga ng mga labi na nagpapahayag ng kanyang pangalan.
16 Huwag ninyong kaliligtaan ang paggawa ng mabuti at ang pamamahagi, sapagkat ang Diyos ay nalulugod sa mga gayong handog.
17 Sumunod kayo at pasakop sa mga namumuno sa inyo, sapagkat sila'y matamang nagbabantay alang-alang sa inyong mga kaluluwa bilang mga mananagot. Hayaang gampanan nila ito na may kagalakan at hindi nang may hapis, sapagkat kung ganito'y hindi ito magiging kapaki-pakinabang sa inyo.
18 Idalangin ninyo kami, sapagkat kami'y naniniwalang kami ay may mabuting budhi, na nagnanais na mabuhay na marangal sa lahat ng mga bagay.
19 At ako'y lalo pang nakikiusap sa inyo na inyong gawin ito, upang ako'y madaling maibalik sa inyo.
Basbas
20 Ngayon, ang Diyos ng kapayapaan na bumuhay mula sa mga patay sa ating Panginoong Jesus, ang dakilang pastol ng mga tupa, sa pamamagitan ng dugo ng walang hanggang tipan,
21 nawa'y gawin niya kayong ganap sa bawat mabuting bagay upang magawa ninyo ang kanyang kalooban, at gawin sa atin ang nakakalugod sa paningin niya, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, na sa kanya ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.
Pangaral at Pagbati
22 Mga kapatid, ngayon ay nananawagan ako sa inyo na inyong pagtiisan ang aking salita ng pangaral, sapagkat sa pamamagitan ng iilang mga salita ay sumulat ako sa inyo.
23 Nais kong malaman ninyo na ang ating kapatid na si Timoteo ay pinalaya na; at kung siya'y dumating agad, kasama ko siyang makikita kayo.
24 Batiin ninyo ang lahat ng mga namumuno sa inyo at ang lahat ng mga banal. Kayo'y binabati ng mga nasa Italia.
25 Ang biyaya'y sumainyo nawang lahat. Amen.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001