Old/New Testament
Mapayapang Kaharian
11 May(A) usbong na lalabas mula sa tuod ni Jesse,
at sisibol ang isang sanga mula sa kanyang mga ugat.
2 At ang Espiritu ng Panginoon ay sasakanya,
ang diwa ng karunungan at ng unawa,
ang diwa ng payo at ng kapangyarihan,
ang diwa ng kaalaman at ng takot sa Panginoon;
3 at ang kanyang kalulugdan ay ang takot sa Panginoon.
Hindi siya hahatol ng ayon sa nakikita ng kanyang mga mata,
ni magpapasiya man ng ayon sa narinig ng kanyang mga tainga.
4 Kundi(B) sa katuwiran ay hahatulan niya ang dukha,
at magpapasiya na may karampatan para sa maaamo sa lupa.
Sasaktan niya ang lupa ng pamalo ng kanyang bibig,
at sa hinga ng kanyang mga labi ay kanyang papatayin ang masama.
5 Katuwiran(C) ang magiging bigkis ng kanyang baywang,
at katapatan ang pamigkis ng kanyang mga balakang.
6 At(D) ang asong-gubat ay maninirahang kasama ng kordero,
at mahihigang kasiping ng batang kambing ang leopardo,
ang guya, ang batang leon, at ang patabain ay magkakasama;
at papatnubayan sila ng munting bata.
7 Ang baka at ang oso ay manginginain;
ang kanilang mga anak ay mahihigang magkakasiping;
at ang leon ay kakain ng dayami na gaya ng baka.
8 Ang batang pasusuhin ay maglalaro sa lungga ng ahas,
at ang batang kahihiwalay sa suso ay isusuot ang kanyang kamay sa lungga ng ulupong.
9 Hindi(E) sila mananakit o maninira man
sa aking buong banal na bundok:
sapagkat ang lupa ay mapupuno ng kaalaman ng Panginoon,
gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.
10 At(F) sa araw na iyon ang ugat ni Jesse ay tatayo bilang sagisag ng mga bayan, siya ay hahanapin ng mga bansa; at ang kanyang tirahan ay magiging maluwalhati.
11 At sa araw na iyon ay muling iuunat ng Panginoon ang kanyang kamay upang mabawi ang nalabi sa kanyang bayan, mula sa Asiria, Ehipto, Patros, Etiopia, mula sa Elam, Shinar, Hamat, at mula sa mga lupain sa baybayin ng dagat.
12 Siya'y maglalagay ng sagisag para sa mga bansa,
at titipunin niya ang mga ipinatapon mula sa Israel,
at titipunin ang mga nangalat ng Juda
mula sa apat na sulok ng lupa.
13 Ang paninibugho ng Efraim ay maaalis,
ang panliligalig ng Juda ay tatanggalin,
ang Efraim ay hindi maninibugho sa Juda,
at ang Juda ay hindi manliligalig sa Efraim.
14 Ngunit sila'y lulusob sa mga Filisteo sa kanluran,
at magkasamang mananamsam sila sa mga tao ng silangan.
Kanilang iuunat ang kanilang kamay sa Edom at sa Moab;
at susundin sila ng mga anak ni Ammon.
15 At(G) lubos na wawasakin ng Panginoon
ang dila ng dagat ng Ehipto;
at iwawasiwas ang kanyang kamay sa Ilog
ng kanyang nakakapasong hangin,
at gagawing pitong daluyan,
at gumawa ng daan upang makaraang naglalakad;
16 at magkakaroon ng isang lansangan mula sa Asiria,
para sa nalabi sa kanyang bayan,
gaya ng nangyari sa Israel
nang araw na sila'y umahon mula sa lupain ng Ehipto.
Awit ng Pasasalamat
12 At sa araw na iyon ay iyong sasabihin,
“Ako'y magpapasalamat sa iyo, O Panginoon,
bagaman ikaw ay nagalit sa akin,
ang iyong galit ay napawi,
at iyong inaaliw ako.
2 “Ang(H) Diyos ay aking kaligtasan;
ako'y magtitiwala, at hindi ako matatakot
sapagkat ang Panginoong Diyos ay aking kalakasan at awit;
at siya'y naging aking kaligtasan.”
3 Kaya't kayo'y iigib ng tubig na may kagalakan sa mga balon ng kaligtasan.
4 At sa araw na iyon ay inyong sasabihin,
“Magpasalamat kayo sa Panginoon,
kayo'y tumawag sa kanyang pangalan,
ipaalam ninyo ang kanyang mga gawa sa mga bansa,
ipahayag ninyo na ang kanyang pangalan ay marangal.
5 “Umawit kayo sa Panginoon; sapagkat siya'y gumawang may kaluwalhatian,
ipaalam ito sa buong lupa.
6 Sumigaw ka at umawit nang malakas, ikaw na naninirahan sa Zion,
sapagkat dakila ang Banal ng Israel na nasa gitna mo.”
Ang Babala Laban sa Babilonia
13 Ang(I) pahayag tungkol sa Babilonia na nakita ni Isaias na anak ni Amoz.
2 Maglagay kayo ng isang hudyat sa bundok na walang tanim,
sumigaw kayo nang malakas sa kanila,
inyong senyasan ng kamay, upang sila'y magsipasok
sa mga pintuang-bayan ng mga mahal na tao.
3 Aking inutusan ang aking mga itinalaga,
aking ipinatawag ang aking mga mandirigma, ang aking mga anak na nagsasayang may pagmamalaki,
upang isagawa ang aking galit.
4 Pakinggan ninyo ang ingay sa mga bundok,
na gaya ng napakaraming tao!
Pakinggan ninyo ang ingay ng mga kaharian,
ng mga bansa na nagtitipon!
Tinitipon ng Panginoon ng mga hukbo
ang hukbo para sa pakikipaglaban.
5 Sila'y nagmumula sa malayong lupain,
mula sa dulo ng kalangitan,
ang Panginoon at ang mga sandata ng kanyang galit,
upang wasakin ang buong lupain.
6 Manangis(J) kayo, sapagkat ang araw ng Panginoon ay malapit na;
ito'y darating na gaya ng pagkawasak mula sa Makapangyarihan sa lahat!
7 Kaya't lahat ng kamay ay manghihina,
at bawat puso ng tao ay manlulumo,
8 at sila'y mababalisa.
Mga pagdaramdam at mga kapanglawan ang daranasin nila;
sila'y maghihirap na gaya ng babaing nanganganak.
Sila'y magtitinginan na nanghihilakbot
ang kanilang mga mukha ay magliliyab.
9 Tingnan ninyo, ang araw ng Panginoon ay dumarating,
mabagsik, na may poot at mabangis na galit;
upang gawing wasak ang lupa,
at upang lipulin mula roon ang mga makasalanan niyon.
10 Sapagkat(K) ang mga bituin ng langit at ang mga buntala nito,
ay hindi magbibigay ng kanilang liwanag;
ang araw ay magdidilim sa kanyang pagsikat,
at hindi ibibigay ng buwan ang kanyang liwanag.
11 Aking parurusahan ang sanlibutan dahil sa kanilang kasamaan,
at ang masasama dahil sa kanilang kabuktutan;
at aking patitigilin ang kahambugan ng palalo,
at aking ibababa ang kapalaluan ng malulupit.
12 Aking gagawin na mas bihira ang mga tao kaysa dalisay na ginto,
at ang sangkatauhan kaysa ginto ng Ofir.
13 Kaya't aking yayanigin ang kalangitan,
at ang lupa ay yayanigin mula sa kanyang dako,
sa poot ng Panginoon ng mga hukbo,
at sa araw ng kanyang mabangis na galit.
14 At gaya ng isang usang hinahabol,
o gaya ng mga tupa na walang magtitipon sa kanila,
bawat tao ay babalik sa kanyang sariling bayan,
at bawat isa ay tatakas patungo sa kanyang sariling lupain.
15 Bawat matagpuan ay uulusin,
at bawat mahuli ay mabubuwal sa tabak.
16 Ang kanilang mga sanggol ay pagluluray-lurayin
sa harapan ng kanilang mga mata;
ang kanilang mga bahay ay pagnanakawan,
at ang kanilang mga asawa ay gagahasain.
17 Tingnan ninyo, aking kinikilos ang mga taga-Media laban sa kanila,
na hindi nagpapahalaga sa pilak,
at hindi nalulugod sa ginto.
18 Papatayin ng kanilang mga pana ang mga binata;
at sila'y hindi maaawa sa bunga ng bahay-bata;
ang kanilang mata ay hindi mahahabag sa mga bata.
19 At(L) ang Babilonia, ang kaluwalhatian ng mga kaharian,
ang kariktan at ipinagmamalaki ng mga Caldeo,
ay magiging gaya ng Sodoma at Gomorra
kapag ibinagsak sila ng Diyos.
20 Hindi ito matitirahan kailanman,
ni matitirahan sa lahat ng mga salinlahi,
ni magtatayo roon ng tolda ang taga-Arabia,
ni pahihigain doon ng mga pastol ang kanilang kawan.
21 Kundi(M) maiilap na hayop sa ilang ang magsisihiga roon,
at ang kanilang mga bahay ay mapupuno ng mga hayop na nagsisiungal;
at mga avestruz ay maninirahan doon,
at ang mga demonyong kambing ay magsasayaw doon.
22 At ang mga asong-gubat ay magsisihiyaw sa kanilang mga muog,
at ang mga chakal sa magagandang palasyo;
at ang kanilang panahon ay malapit nang sumapit,
at ang kanilang mga araw ay hindi pahahabain.
Pagkakaisa sa Katawan ni Cristo
4 Kaya't ako na bilanggo sa Panginoon ay nagsusumamo sa inyo na kayo'y lumakad ng nararapat sa pagkatawag na sa inyo'y itinawag,
2 na(A) may lubos na kapakumbabaan at kaamuan, may pagtitiyaga, na magparaya sa isa't isa sa pag-ibig;
3 na nagsisikap na mapanatili ang pagkakaisa ng Espiritu sa buklod ng kapayapaan.
4 May isang katawan at isang Espiritu, kung paanong tinawag kayo sa isang pag-asa ng pagkatawag sa inyo,
5 isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bautismo,
6 isang Diyos at Ama ng lahat, na siyang nasa ibabaw ng lahat, at sumasa lahat, at nasa lahat.
7 Subalit sa bawat isa sa atin ay ibinigay ang biyaya ayon sa sukat ng kaloob ni Cristo.
8 Kaya't(B) sinasabi,
“Nang umakyat siya sa itaas ay dinala niyang bihag ang pagkabihag,
at nagbigay siya ng mga kaloob sa mga tao.”
9 (Nang sabihing, “Umakyat siya,” anong ibig sabihin nito, kundi siya'y bumaba rin sa mas mababang bahagi ng lupa?
10 Ang bumaba ay siya ring umakyat sa kaitaasan ng sangkalangitan upang kanyang mapuspos ang lahat ng mga bagay.)
11 Pinagkalooban niya ang iba na maging mga apostol, ang iba'y propeta, ang iba'y ebanghelista, at ang iba'y pastor at mga guro;
12 upang ihanda ang mga banal sa gawain ng paglilingkod, sa ikatitibay ng katawan ni Cristo,
13 hanggang makarating tayong lahat sa pagkakaisa ng pananampalataya, at sa ganap na pagkakilala sa Anak ng Diyos, hanggang maging taong may sapat na gulang, hanggang sa sukat ng ganap na kapuspusan ni Cristo.
14 Tayo'y huwag nang maging mga bata, na tinatangay-tangay ng mga alon at dinadala-dala ng bawat hangin ng aral, sa pamamagitan ng pandaraya ng mga tao, sa pamamagitan ng kanilang mga katusuhan sa paraang mapandaya.
15 Kundi humahawak sa katotohanan na may pag-ibig, lumago tayong lahat sa kanya, na siyang ulo, samakatuwid ay si Cristo,
16 na(C) sa kanya ang buong katawan na nakalapat na mabuti at nagkakaisa sa pamamagitan ng bawat litid, ayon sa paggawa sa sukat ng bawat bahagi ay nagpapalaki sa katawan tungo sa ikatitibay ng sarili sa pag-ibig.
Ang Bagong Buhay kay Cristo
17 Kaya't sinasabi ko ito at pinatototohanan sa Panginoon, na kayo'y hindi na dapat lumakad na gaya ng lakad ng mga Hentil, sa kawalang-saysay ng kanilang mga pag-iisip.
18 Nagdilim ang kanilang mga pang-unawa, palibhasa'y nahiwalay sa buhay ng Diyos, dahil sa kanilang kamangmangan, dahil sa katigasan ng kanilang mga puso;
19 sila'y naging manhid at ibinigay ang kanilang sarili sa kahalayan, sakim sa paggawa ng bawat uri ng karumihan.
20 Ngunit hindi sa gayong paraan ninyo natutunan si Cristo!
21 Kung tunay na siya'y inyong narinig at tinuruan sa kanya, kung paanong ang katotohanan ay na kay Jesus,
22 alisin(D) ninyo ang dating paraan ng inyong pamumuhay, ang dating pagkatao na pinasama sa pamamagitan ng mapandayang pagnanasa,
23 at magbago sa espiritu ng inyong pag-iisip,
24 at(E) kayo'y magbihis ng bagong pagkatao, na nilalang ayon sa wangis ng Diyos, sa katuwiran at kabanalan ng katotohanan.
25 Kaya't(F) pagkatapos itakuwil ang kasinungalingan, ang bawat isa ay magsalita ng katotohanan sa kanyang kapwa, sapagkat tayo'y mga bahagi ng isa't isa.
26 Magalit(G) kayo ngunit huwag magkasala; huwag hayaang lubugan ng araw ang inyong galit,
27 at huwag bigyan ng pagkakataon ang diyablo.
28 Ang nagnanakaw ay huwag nang magnakaw pa, kundi magtrabaho at gumawa siya sa pamamagitan ng kanyang sariling mga kamay ng mabuting bagay, upang siya'y may maibahagi sa nangangailangan.
29 Anumang masamang salita ay hindi dapat lumabas sa inyong bibig, kundi ang mabuti lamang para sa ikatitibay,[a] ayon sa pangangailangan, upang ito ay makapagbigay ng biyaya sa mga nakikinig.
30 At huwag ninyong pighatiin ang Espiritu Santo ng Diyos, na sa pamamagitan niya kayo'y tinatakan para sa araw ng pagtubos.
31 Lahat ng pait, galit, poot, pag-aaway, at paninirang-puri ay inyong alisin, pati lahat ng kasamaan,
32 at(H) maging mabait kayo sa isa't isa, mga mahabagin, nagpapatawad sa isa't isa, gaya ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos kay Cristo.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001