Old/New Testament
50 Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Nasaan ang sulat ng pagkakahiwalay ng iyong ina,
na aking ipinaghiwalay sa kanya?
O kanino sa mga nagpapautang sa akin ipinagbili kita?
Narito, dahil sa inyong mga kasamaan ay ipinagbili kayo,
at dahil sa inyong mga pagsuway ay inilayo ang ina ninyo.
2 Bakit nang ako'y pumarito ay walang tao?
Nang ako'y tumawag, bakit walang sumagot?
Naging maikli na ba ang aking kamay, anupa't hindi makatubos?
O wala akong kapangyarihang makapagligtas?
Narito, sa saway ko ay aking tinutuyo ang dagat,
aking ginawang ilang ang mga ilog.
Ang kanilang isda ay bumabaho sapagkat walang tubig,
at namamatay dahil sa uhaw.
3 Aking binibihisan ng kaitiman ang langit,
at aking ginagawang damit-sako ang kanyang panakip.”
Ang Pagsunod ng Lingkod ng Diyos
4 Binigyan ako ng Panginoong Diyos
ng dila ng mga naturuan,
upang aking malaman kung paanong aalalayan
ng mga salita ang nanlulupaypay.
Siya'y nagigising tuwing umaga,
ginigising niya ang aking pandinig
upang makinig na gaya ng mga naturuan.
5 Binuksan ng Panginoong Diyos ang aking pandinig,
at ako'y hindi naging mapaghimagsik,
o tumalikod man.
6 Iniharap(A) ko ang aking likod sa mga tagahampas,
at ang aking mga pisngi sa mga bumunot ng balbas;
hindi ko ikinubli ang aking mukha
sa kahihiyan at sa paglura.
7 Sapagkat tinulungan ako ng Panginoong Diyos;
kaya't hindi ako napahiya;
kaya't inilagay ko ang aking mukha na parang batong kiskisan,
at alam ko na hindi ako mapapahiya.
8 Siya(B) na magpapawalang-sala sa akin ay malapit.
Sinong makikipaglaban sa akin?
Tayo'y tumayong magkakasama.
Sino ang aking kaaway?
Bayaang lumapit siya sa akin.
9 Narito, tinutulungan ako ng Panginoong Diyos;
sino ang magsasabi na ako ay nagkasala?
Tingnan mo, silang lahat ay malulumang parang bihisan;
lalamunin sila ng tanga.
10 Sino sa inyo ang natatakot sa Panginoon,
na sumusunod sa tinig ng kanyang lingkod,
na lumalakad sa kadiliman,
at walang liwanag?
Magtiwala siya sa pangalan ng Panginoon,
at umasa sa kanyang Diyos.
11 Narito, kayong lahat na nagpapaningas ng apoy,
na nagsisindi ng mga suló!
Lumakad kayo sa liyab ng inyong apoy,
at sa gitna ng mga suló na inyong sinindihan!
Ito ang makakamit ninyo sa aking kamay:
kayo'y hihiga sa pagpapahirap.
Salitang Pang-aliw sa Zion
51 Kayo'y makinig sa akin, kayong sumusunod sa katuwiran
kayong naghahanap sa Panginoon;
tumingin kayo sa malaking bato na inyong pinagtapyasan,
at sa tibagan na pinaghukayan sa inyo.
2 Tingnan ninyo si Abraham na ama ninyo,
at si Sara na nagsilang sa inyo;
sapagkat nang siya'y iisa ay tinawag ko siya,
at pinagpala ko at pinarami siya.
3 Sapagkat aaliwin ng Panginoon ang Zion;
kanyang aaliwin ang lahat niyang sirang dako,
at gagawin niyang parang Eden ang kanyang ilang,
ang kanyang disyerto na parang halamanan ng Panginoon;
kagalakan at kasayahan ay matatagpuan doon,
pagpapasalamat at tinig ng awit.
4 “Makinig ka sa akin, bayan ko;
at pakinggan mo ako, bansa ko.
Sapagkat magmumula sa akin ang isang kautusan,
at ang aking katarungan bilang liwanag sa mga bayan.
5 Ang aking katuwiran ay malapit na,
ang aking kaligtasan ay humayo na,
at ang aking mga bisig ay hahatol sa mga bayan;
ang mga pulo ay naghihintay sa akin,
at sa aking bisig ay umaasa sila.
6 Itingin ninyo ang inyong mga mata sa mga langit,
at tingnan ninyo ang lupa sa ibaba;
sapagkat ang langit ay mapapawing parang usok,
at ang lupa ay malulumang parang bihisan;
at silang naninirahan doon ay mamamatay sa gayunding paraan.
Ngunit ang pagliligtas ko ay magpakailanman,
at hindi magwawakas ang aking katuwiran.
7 “Makinig kayo sa akin, kayong nakakaalam ng katuwiran,
ang bayan na ang puso ay kinaroonan ng aking kautusan.
Huwag ninyong katakutan ang pagkutya ng mga tao,
at huwag kayong mabalisa sa kanilang mga paglait.
8 Sapagkat sila'y lalamunin ng bukbok na parang bihisan,
at kakainin sila ng uod na parang balahibo ng tupa;
ngunit ang aking katuwiran ay magiging magpakailanman,
at ang aking pagliligtas ay sa lahat ng salinlahi.”
9 Gumising ka, gumising ka, magpakalakas ka,
O bisig ng Panginoon.
Gumising ka na gaya nang araw noong una,
nang mga lahi ng mga dating panahon.
Hindi ba ikaw ang pumutol ng Rahab,
na sumaksak sa dragon?
10 Hindi ba ikaw ang tumuyo sa dagat,
sa tubig ng malaking kalaliman;
na iyong ginawang daan ang kalaliman ng dagat
upang daanan ng tinubos?
11 At ang mga tinubos ng Panginoon ay babalik,
at darating na may awitan sa Zion;
at nasa kanilang mga ulo ang walang hanggang kagalakan,
sila'y magtatamo ng kasayahan at kagalakan;
at tatakas ang kalungkutan at pagbubuntong-hininga.
12 “Ako, ako nga, ang siyang umaaliw sa inyo.
Sino ka na natatakot sa namamatay na tao,
at sa anak ng tao na ginawang parang damo,
13 at iyong kinalimutan ang Panginoon na iyong Manlalalang,
na nagladlad ng mga langit,
at siyang naglagay ng mga pundasyon ng lupa,
at ikaw ay laging natatakot sa buong araw
dahil sa bagsik ng mang-aapi,
kapag siya'y naghahanda upang mangwasak?
At saan naroon ang bagsik ng mang-aapi?
14 Ang inapi ay mabilis na palalayain,
hindi siya mamamatay patungo sa Hukay,
ni magkukulang man ang kanyang tinapay.
15 Sapagkat ako ang Panginoon mong Diyos,
na nagpapakilos sa dagat, na ang mga alon niyon ay umuugong—
Panginoon ng mga hukbo ang kanyang pangalan.
16 At inilagay ko ang aking mga salita sa bibig mo,
at tinakpan kita sa lilim ng aking kamay
upang mailadlad ang mga langit,
at upang maitatag ang lupa,
at sinasabi sa Zion, ‘Ikaw ay aking bayan.’”
Katapusan ng Paghihirap ng Jerusalem
17 Gumising(C) ka, gumising ka,
tumayo ka, O Jerusalem.
Ikaw na uminom sa kamay ng Panginoon
sa kopa ng kanyang poot,
na iyong sinaid ang kopa ng pampasuray.
18 Walang pumatnubay sa kanya
sa lahat ng anak na kanyang ipinanganak;
ni humawak man sa kanya sa kamay
sa lahat ng anak na kanyang pinalaki.
19 Ang dalawang bagay na ito ay nangyari sa iyo—sinong makikiramay sa iyo?—
pagkagiba, pagkasira, taggutom at ang tabak;
sinong aaliw sa iyo?
20 Ang iyong mga anak ay nanlupaypay,
sila'y nahihiga sa dulo ng bawat lansangan,
na gaya ng isang usa sa isang lambat;
sila'y puspos ng poot ng Panginoon,
ng saway ng iyong Diyos.
21 Kaya't pakinggan mo ito ngayon, ikaw na nagdadalamhati,
at lasing, ngunit hindi ng alak.
22 Ganito ang sabi ng iyong Panginoon, ang Panginoon,
ang iyong Diyos na nagsasanggalang ng usapin ng kanyang bayan:
“Narito, aking inalis sa iyong kamay ang kopa na pampasuray;
ang kopa ng aking poot;
hindi ka na muling iinom.
23 At aking ilalagay ito sa kamay ng mga nagpapahirap sa iyo,
na nagsabi sa iyong kaluluwa,
‘Ikaw ay yumuko upang kami ay makaraan’;
at ginawa mo ang iyong likod na parang lupa,
at parang lansangan na kanilang madaraanan.”
Tutubusin ng Diyos ang Jerusalem
52 Gumising(D) ka, gumising ka!
Magsuot ka ng iyong kalakasan, O Zion.
Magsuot ka ng iyong magagandang damit,
O Jerusalem, ang banal na lunsod,
sapagkat ang hindi tuli at ang marumi
ay hindi na muling papasok sa iyo.
2 Magpagpag ka ng alabok, ikaw ay bumangon,
O bihag na Jerusalem.
Kalagin mo ang tali sa iyong leeg,
O bihag na anak na babae ng Zion.
3 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon: “Kayo'y ipinagbili sa wala, at kayo'y tutubusin na walang salapi.
4 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ang bayan ko ay bumaba noong una sa Ehipto upang makipamayan doon, at inapi sila ng mga taga-Asiria ng walang kadahilanan.
5 Ngayon(E) anong ginagawa ko rito, sabi ng Panginoon. Yamang ang aking bayan ay dinala nang walang dahilan? Ang mga namumuno sa kanila ay umuungal, sabi ng Panginoon, at ang aking pangalan ay laging hinahamak sa buong araw.
6 Kaya't makikilala ng aking bayan ang aking pangalan. Malalaman nila sa araw na iyon, na ako ang nagsasalita. Narito ako.”
7 Napakaganda(F) sa mga bundok
ang mga paa niyong nagdadala ng mabuting balita, na naghahayag ng kapayapaan,
na nagdadala ng mabuting balita ng kabutihan,
na naghahayag ng kaligtasan,
na nagsasabi sa Zion, “Ang iyong Diyos ay naghahari!”
8 Pakinggan mo! Inilakas ng mga bantay ang kanilang tinig,
na magkakasamang nagsisiawit sa kagalakan;
sapagkat makikita ng sarili nilang mga mata
ang pagbalik ng Panginoon sa Zion.
9 Magalak kayong bigla, kayo'y umawit na magkakasama,
kayong mga sirang dako ng Jerusalem;
sapagkat inaliw ng Panginoon ang kanyang bayan,
kanyang tinubos ang Jerusalem.
10 Hinubaran ng Panginoon ang kanyang banal na bisig
sa mga mata ng lahat na bansa;
at makikita ng lahat ng dulo ng lupa
ang pagliligtas ng ating Diyos.
11 Kayo'y(G) humayo, kayo'y humayo! Kayo'y umalis doon,
huwag kayong humipo ng maruming bagay.
Kayo'y lumabas sa gitna niya, kayo'y magpakalinis,
kayong nagdadala ng mga sisidlan ng Panginoon.
12 Sapagkat kayo'y hindi lalabas na nagmamadali,
o lalabas man kayo dahil sa pagtakas,
sapagkat ang Panginoon ay mauuna sa inyo;
at ang Diyos ng Israel ay magiging inyong bantay sa likod.
Ang Nagdurusang Lingkod ng Panginoon
13 Narito, ang lingkod ko ay magtatagumpay,
siya'y dadakilain at itataas,
at magiging napakataas.
14 Kung paanong marami ang namangha sa kanya[a]—
ang kanyang anyo ay napinsalang lubha, halos hindi na anyo ng tao, na hindi makilalang tao,
at ang kanyang hugis ay higit kaysa sa mga anak ng mga tao—
15 gayon(H) siya magwiwisik sa maraming bansa;
ititikom ng mga hari ang kanilang mga bibig dahil sa kanya;
sapagkat ang hindi nasabi sa kanila ay kanilang makikita,
at ang hindi nila narinig ay kanilang mauunawaan.
Maghanda para sa Pagdating ng Panginoon
5 Mga kapatid, tungkol sa oras at mga panahon, hindi na kailangang mayroong isulat pa sa inyo.
2 Sapagkat(A) kayo rin ang lubos na nakakaalam na ang araw ng Panginoon ay darating na gaya ng magnanakaw sa gabi.
3 Kapag sinasabi nila, “Kapayapaan at katiwasayan,” kaagad darating sa kanila ang biglang pagkawasak, na gaya ng pagdaramdam sa panganganak ng babaing nagdadalang-tao, at walang makakatakas!
4 Ngunit kayo, mga kapatid, ay wala sa kadiliman, upang sa araw na iyon ay mabigla kayong gaya sa magnanakaw.
5 Sapagkat kayong lahat ay pawang mga anak ng liwanag at mga anak ng araw; tayo'y hindi ng gabi ni ng kadiliman man.
6 Kaya nga, huwag tayong matulog gaya ng mga iba, kundi tayo'y manatiling handa at magpakatino.
7 Sapagkat ang mga natutulog ay natutulog sa gabi; at ang naglalasing ay naglalasing sa gabi.
8 Ngunit(B) palibhasa'y mga anak tayo ng araw, magpakatino tayo, at isuot natin ang baluti ng pananampalataya at ng pag-ibig; at ang maging helmet ay ang pag-asa ng kaligtasan.
9 Sapagkat tayo'y hindi itinalaga ng Diyos sa galit, kundi sa pagtatamo ng kaligtasan sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo,
10 na namatay dahil sa atin, upang tayo, maging gising o tulog man, ay mabuhay tayong kasama niya.
11 Dahil dito, pasiglahin ninyo ang isa't isa at patibayin ang isa't isa, gaya ng inyong ginagawa.
Mga Tagubilin, Pagbati, at Basbas
12 Subalit hinihiling namin sa inyo, mga kapatid, na inyong igalang ang mga nagpapagal sa inyo, at namumuno sa inyo sa Panginoon at nagtuturo sa inyo;
13 at lubos ninyo silang igalang na may pag-ibig dahil sa kanilang gawain. Magkaroon kayo ng kapayapaan sa isa't isa.
14 Mga kapatid, aming isinasamo sa inyo, na inyong pangaralan ang mga tamad, palakasin ang mahihinang-loob, alalayan ang mga mahihina, at maging matiisin kayo sa lahat.
15 Tiyakin ninyo na ang sinuman ay huwag gumanti ng masama sa masama, kundi lagi ninyong naisin ang mabuti para sa isa't isa at sa lahat.
16 Magalak kayong lagi.
17 Manalangin kayong walang patid.
18 Sa lahat ng bagay ay magpasalamat kayo, sapagkat ito ang kalooban ng Diyos kay Cristo Jesus para sa inyo.
19 Huwag ninyong patayin ang ningas ng Espiritu.
20 Huwag ninyong hamakin ang mga pagpapahayag ng propesiya,
21 kundi subukin ninyo ang lahat ng mga bagay; panghawakan ninyo ang mabuti.
22 Layuan ninyo ang bawat anyo ng kasamaan.
23 Pakabanalin nawa kayong lubos mismo ng Diyos ng kapayapaan; at ang inyong espiritu at kaluluwa at katawan ay ingatang buo, na walang kapintasan sa pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
24 Tapat ang sa inyo'y tumatawag, na gagawa rin naman nito.
25 Mga kapatid, idalangin ninyo kami.
26 Batiin ninyo ang lahat ng mga kapatid ng banal na halik.
27 Ipinag-uutos ko sa inyo alang-alang sa Panginoon, na basahin sa lahat ng mga kapatid ang sulat na ito.
28 Ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyo.[a]
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001