Old/New Testament
Hahatulan ang Babilonia
47 Ikaw(A) ay bumaba at umupo sa alabok,
O anak na dalagang birhen ng Babilonia;
maupo ka sa lupa na walang trono,
O anak na babae ng mga Caldeo!
Sapagkat hindi ka na tatawaging
maselan at mahinhin.
2 Ikaw ay kumuha ng gilingang bato, at gumiling ka ng harina;
mag-alis ka ng iyong belo,
maghubad ka ng balabal, ilitaw mo ang iyong binti,
tumawid ka sa mga ilog.
3 Ang iyong kahubaran ay malalantad,
ang iyong kahihiyan ay makikita,
ako'y maghihiganti,
at wala akong ililigtas na tao.
4 Ang aming Manunubos— Panginoon ng mga hukbo ang kanyang pangalan—
ay ang Banal ng Israel.
5 Maupo kang tahimik, at pumasok ka sa kadiliman,
O anak na babae ng mga Caldeo;
sapagkat hindi ka na tatawaging
maybahay ng mga kaharian.
6 Ako'y nagalit sa aking bayan,
ang aking mana ay aking dinungisan;
ibinigay ko sila sa iyong kamay,
hindi mo sila pinagpakitaan ng kaawaan;
sa matatanda ay pinabigat mong lubha ang iyong pasan.
7 At iyong sinabi, “Ako'y magiging maybahay mo magpakailanman,”
na anupa't hindi mo inilagay ang mga bagay na ito sa iyong puso,
o inalaala mo man ang kanilang wakas.
8 Ngayon(B) nga'y pakinggan mo ito, ikaw na namumuhay sa mga kalayawan,
na tumatahang matiwasay,
na nagsasabi sa kanyang puso,
“Ako nga, at walang iba liban sa akin;
hindi ako uupong gaya ng babaing balo
o mararanasan man ang pagkawala ng mga anak”:
9 Ngunit ang dalawang bagay na ito ay darating sa iyo
sa isang sandali, sa isang araw;
ang pagkawala ng mga anak at pagkabalo
ay buong-buong darating sa iyo,
sa kabila ng iyong maraming pangkukulam,
at sa malaking kapangyarihan ng iyong panggagayuma.
10 Sapagkat ikaw ay nagtiwala sa iyong kasamaan,
iyong sinabi, “Walang nakakakita sa akin”;
ang iyong karunungan at ang iyong kaalaman
ang nagligaw sa iyo,
at iyong sinabi sa iyong puso,
“Ako nga, at walang iba liban sa akin.”
11 Ngunit ang kasamaan ay darating sa iyo,
na hindi mo malalaman ang pinagmulan;
at ang kapahamakan ay darating sa iyo;
na hindi mo maaalis;
at ang pagkawasak ay biglang darating sa iyo,
na hindi mo nalalaman.
12 Tumayo ka ngayon sa iyong panggagayuma,
at sa marami mong pangkukulam,
na iyong ginawa mula sa iyong kabataan;
marahil ay makikinabang ka,
marahil ay mananaig ka.
13 Ikaw ay pagod na sa dinami-dami ng iyong mga payo;
patayuin sila at iligtas ka,
sila na nanghuhula sa pamamagitan ng langit,
na nagmamasid sa mga bituin,
na nanghuhula sa pamamagitan ng buwan,
kung anong mangyayari sa iyo.
14 Narito, sila'y gaya ng pinagputulan ng trigo,
sinusunog sila ng apoy;
hindi nila maililigtas ang kanilang kaluluwa
mula sa kapangyarihan ng liyab.
Walang baga na pagpapainitan sa kanila,
o apoy na sa harapan nito'y makakaupo ang sinuman.
15 Ganito ang mangyayari sa kanila na kasama mong gumawa,
silang nangalakal na kasama mo mula sa iyong kabataan,
bawat isa ay nagpalabuy-laboy sa kanyang sariling lakad;
walang sinumang sa iyo ay magliligtas.
Pahayag sa mga Bagay na Darating
48 Pakinggan mo ito, O sambahayan ni Jacob,
na tinatawag sa pangalan ng Israel,
at lumabas mula sa balakang ng Juda;
na sumumpa sa pangalan ng Panginoon,
at nagpahayag sa Diyos ng Israel,
ngunit hindi sa katotohanan, o sa katuwiran man.
2 (Sapagkat tinatawag nila ang kanilang mga sarili ayon sa lunsod na banal,
at nagtiwala sa Diyos ng Israel;
ang Panginoon ng mga hukbo ang kanyang pangalan).
3 “Aking ipinahayag ang mga dating bagay mula nang una,
iyon ay lumabas sa aking bibig, at aking ipinakilala;
at bigla kong ginawa at ang mga iyon ay nangyari.
4 Sapagkat alam ko, na ikaw ay mapagmatigas,
at ang iyong leeg ay parang litid na bakal,
at ang iyong noo ay parang tanso,
5 aking ipinahayag sa iyo mula nang una;
bago nangyari ay ipinaalam ko sa iyo,
baka iyong sabihin, ‘Mga diyus-diyosan ko ang gumawa ng mga ito,
ang aking larawang inanyuan at ang aking larawang hinulma, ang nag-utos sa kanila.’
6 “Iyong narinig; ngayo'y tingnan mong lahat ito;
at hindi mo ba ipahahayag?
Mula sa panahong ito ay magpaparinig ako sa iyo ng mga bagong bagay,
mga kubling bagay na hindi mo pa nalalaman.
7 Ang mga ito ay nilikha ngayon, at hindi noong una;
bago dumating ang araw na ito ay hindi mo pa iyon narinig;
baka iyong sabihin, ‘Aking nalaman ang mga ito.’
8 Oo, hindi mo pa narinig, hindi mo pa nalalaman;
mula nang una ang iyong pandinig ay hindi pa nabuksan.
Sapagkat alam ko na ikaw ay gagawa ng may kataksilan,
at tinawag na suwail mula sa iyong pagsilang.
9 “Alang-alang sa aking pangalan ay iniurong ko ang galit ko,
at dahil sa kapurihan ko ay pinigil ko iyon para sa iyo,
upang hindi kita ihiwalay.
10 Dinalisay kita, ngunit hindi tulad ng pilak;
sinubok kita sa hurno ng kapighatian.
11 Alang-alang sa akin, alang-alang sa akin, aking gagawin iyon;
sapagkat paanong lalapastanganin ang aking pangalan?
At ang kaluwalhatian ko sa iba'y di ko ibinigay.
Si Ciro ang Pinunong Pinili ng Panginoon
12 “Makinig(C) ka sa akin, O Jacob,
at Israel na tinawag ko;
ako nga; ako ang una,
ako rin ang huli.
13 Ang aking kamay ang siyang naglagay ng pundasyon ng lupa,
at ang aking kanan ang siyang nagladlad ng mga langit;
kapag ako'y tumatawag sa kanila,
sila'y nagsisitayong magkakasama.
14 “Kayo'y magtipon, kayong lahat, at pakinggan ninyo!
Sino sa kanila ang nagpahayag ng mga bagay na ito?
Minamahal siya ng Panginoon;
kanyang tutuparin ang kanyang mabuting hangarin sa Babilonia,
at ang kanyang kamay ay magiging laban sa mga Caldeo.
15 Ako, ako nga'y nagsalita; oo, aking tinawag siya;
aking dinala siya, at kanyang pagtatagumpayin ang mga lakad niya.
16 Kayo'y lumapit sa akin, pakinggan ninyo ito:
mula sa pasimula ay hindi ako nagsalita ng lihim,
mula nang panahon na nangyari ito ay naroon na ako.”
At ngayo'y sinugo ako ng Panginoong Diyos at ng kanyang Espiritu.
Ang Plano ng Diyos sa Kanyang Bayan
17 Ganito ang sabi ng Panginoon,
ng inyong Manunubos, ang Banal ng Israel:
“Ako ang Panginoon mong Diyos,
na nagtuturo sa iyo para sa iyong kapakinabangan,
na pumapatnubay sa iyo sa daan na dapat mong lakaran.
18 O kung dininig mo sana ang aking mga utos!
Ang iyong kapayapaan sana ay naging parang ilog,
at ang iyong katuwiran ay parang mga alon sa dagat.
19 Ang iyong lahi sana ay naging parang buhangin
at ang iyong mga supling ay parang mga butil niyon;
ang kanilang pangalan ay hindi tatanggalin
o mawawasak man sa harapan ko.”
20 Kayo'y(D) lumabas sa Babilonia, tumakas kayo sa Caldea,
ipahayag ninyo ito sa tinig ng sigaw ng kagalakan, ipahayag ninyo ito,
ibalita ninyo hanggang sa dulo ng lupa;
inyong sabihin, “Tinubos ng Panginoon si Jacob na kanyang lingkod!”
21 At sila'y hindi nauhaw nang patnubayan niya sila sa mga ilang;
kanyang pinaagos ang tubig mula sa bato para sa kanila;
kanyang nilagyan ng guwang ang bato, at ang tubig ay bumukal.
22 “Walang(E) kapayapaan para sa masama,” sabi ng Panginoon.
Ang Israel ang Tanglaw ng mga Bansa
49 Kayo'y(F) makinig sa akin, O mga pulo;
at inyong pakinggan, kayong mga bayan sa malayo.
Tinawagan ako ng Panginoon mula sa sinapupunan,
mula sa katawan ng aking ina ay binanggit niya ang aking pangalan.
2 Ang(G) aking bibig ay ginawa niyang parang matalas na tabak,
sa lilim ng kanyang kamay ay ikinubli niya ako;
ginawa niya akong makinang na palaso,
sa kanyang lalagyan ng pana ay itinago niya ako.
3 At sinabi niya sa akin, “Ikaw ay aking lingkod;
Israel, na siyang aking ikaluluwalhati.”
4 Ngunit aking sinabi, “Ako'y gumawang walang kabuluhan,
ginugol ko ang aking lakas sa wala, at sa walang kabuluhan;
gayunma'y ang aking katarungan ay nasa Panginoon,
at ang aking gantimpala ay nasa aking Diyos.”
5 At ngayo'y sinabi ng Panginoon,
na nag-anyo sa akin mula sa sinapupunan upang maging kanyang lingkod,
upang ibalik uli ang Jacob sa kanya,
at ang Israel ay matipon sa kanya;
sapagkat sa mga mata ng Panginoon ako'y pinarangalan,
at ang aking Diyos ay aking kalakasan—
6 oo, kanyang(H) sinasabi:
“Napakagaan bang bagay na ikaw ay naging aking lingkod
upang ibangon ang mga lipi ni Jacob,
at panumbalikin ang iningatan ng Israel;
ikaw ay aking ibibigay na pinakailaw sa mga bansa
upang ang aking kaligtasan ay makarating hanggang sa dulo ng lupa.”
7 Ganito ang sabi ng Panginoon,
ng Manunubos ng Israel at ng kanyang Banal,
sa lubos na hinamak, sa kinasuklaman ng bansa,
ang lingkod ng mga pinuno:
“Ang mga hari at ang mga pinuno,
ay makakakita at babangon, at sila'y magsisisamba;
dahil sa Panginoon na tapat,
sa Banal ng Israel, na siyang pumili sa iyo.”
8 Ganito(I) ang sabi ng Panginoon:
“Sa kalugud-lugod na panahon ay sinagot kita,
at sa araw ng pagliligtas ay tinulungan kita;
aking iningatan ka, at ibinigay kita
bilang isang tipan sa bayan,
upang itatag ang lupain,
upang ipamahagi ang mga sirang mana;
9 na sinasabi sa mga bilanggo, ‘Kayo'y magsilabas;’
sa mga nasa kadiliman, ‘Magpakita kayo.’
Sila'y magsisikain sa mga daan,
at ang lahat ng bukas na kaitaasan ay magiging kanilang pastulan.
10 Sila'y(J) hindi magugutom, o mauuhaw man;
at hindi rin sila mapapaso ng maiinit na hangin ni sasaktan man sila ng araw.
Sapagkat siyang may awa sa kanila ang sa kanila ay papatnubay,
at aakayin sila sa tabi ng mga bukal ng tubig.
11 At aking gagawing daan ang lahat ng aking mga bundok,
at ang aking mga lansangan ay patataasin.
12 Narito, ang mga ito'y manggagaling sa malayo,
at, narito, ang mga ito ay mula sa hilaga, at mula sa kanluran,
at ang mga ito ay mula sa lupain ng Sinim.”
13 Umawit ka sa kagalakan, O kalangitan, at magalak ka, O lupa;
kayo'y biglang umawit, O mga kabundukan!
Sapagkat inaliw ng Panginoon ang kanyang bayan,
at mahahabag sa kanyang mga nahihirapan.
14 Ngunit sinabi ng Zion, “Pinabayaan ako ng Panginoon,
kinalimutan ako ng aking Panginoon.”
15 “Malilimutan ba ng babae ang kanyang batang pasusuhin,
na siya'y hindi mahahabag sa anak ng kanyang sinapupunan?
Oo, ang mga ito'y makakalimot,
ngunit hindi kita kalilimutan.
16 Narito, aking inanyuan ka sa mga palad ng mga kamay ko,
ang iyong mga pader ay laging nasa harapan ko.
17 Ang iyong mga tagapagtayo ay magmamadali,
at ang sumisira, at ang nagwawasak sa iyo ay lalayo.
18 Imulat mo ang iyong mga mata sa palibot, at tingnan mo;
silang lahat ay nagtitipon, sila'y lumalapit sa iyo.
Habang ako'y nabubuhay, sabi ng Panginoon,
silang lahat ay isusuot mo na gaya ng panggayak,
gaya ng ginagawa ng babaing ikakasal, bibigkisan mo silang lahat.
19 “Sapagkat ang iyong mga sira at mga gibang dako
at ang iyong lupaing nawasak—
tiyak na ngayon ikaw ay magiging totoong napakakipot
para sa iyong mga mamamayan, at silang lumamon sa iyo ay mapapalayo.
20 Ang mga anak na ipinanganak sa panahon ng inyong kapanglawan
ay magsasabi pa sa iyong pandinig:
‘Ang lugar ay napakakipot para sa akin.
Bigyan mo ako ng lugar na aking matitirahan.’
21 Kung magkagayo'y sasabihin mo sa iyong puso:
‘Sinong nagsilang ng mga ito sa akin?
Ako'y namanglaw at walang anak,
itinapon at palabuy-laboy,
ngunit sinong nagpalaki sa mga ito?
Narito, ako'y naiwang mag-isa;
saan nagmula ang mga ito?’”
22 Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:
“Itataas ko ang aking kamay sa mga bansa,
at itatayo ko ang aking watawat sa mga bayan;
at ilalagay nila ang inyong mga anak na lalaki sa kanilang sinapupunan,
at ang inyong mga anak na babae sa kanilang mga balikat ay ipapasan.
23 At mga hari ang magiging iyong mga tagapag-alaga,
at ang kanilang mga reyna ay siyang mag-aaruga.
Sila'y yuyukod sa iyo na ang kanilang mga mukha ay nakatungo sa lupa,
at hihimurin ang alabok ng inyong mga paa.
At iyong makikilala na ako ang Panginoon;
ang mga naghihintay sa akin ay hindi mapapahiya.
24 Makukuha ba ang biktima mula sa makapangyarihan,
o maililigtas ba ang nabiktima ng malupit?”
25 Ngunit, ganito ang sabi ng Panginoon:
“Pati ang mga bihag ng makapangyarihan ay kukunin,
at ang biktima ng malupit ay maliligtas,
sapagkat ako'y makikipaglaban sa mga nakikipaglaban sa iyo,
at aking ililigtas ang mga anak mo.
26 At ipapakain ko sa mga umaapi sa iyo ang kanilang sariling laman,
at sila'y malalasing sa kanilang sariling dugo na gaya ng matamis na alak.
At makikilala ng lahat ng laman
na akong Panginoon ay iyong Tagapagligtas,
at iyong Manunubos, ang Makapangyarihan ng Jacob.”
Ang Buhay na Kalugud-lugod sa Diyos
4 Katapus-tapusan, mga kapatid, hinihiling namin sa inyo at nakikiusap kami sa Panginoong Jesus, yamang natutunan ninyo sa amin kung paano kayo dapat lumakad at magbigay-lugod sa Diyos, na tulad ng inyong ginagawa, ay gayon ang dapat ninyong gawin at higit pa.
2 Sapagkat batid ninyo kung anong mga tagubilin ang ibinigay namin sa inyo sa pamamagitan ng Panginoong Jesus.
3 Sapagkat ito ang kalooban ng Diyos, ang inyong pagpapakabanal: na kayo'y umiiwas sa pakikiapid;
4 na ang bawat isa sa inyo'y matutong maging mapagpigil sa kanyang sariling katawan[a] sa pagpapakabanal at karangalan,
5 hindi sa pita ng kahalayan, na gaya ng mga Hentil na hindi nakakakilala sa Diyos;
6 na sinuma'y huwag magkasala o manlamang sa kanyang kapatid sa bagay na ito, sapagkat ang Panginoon ay tagapaghiganti sa lahat ng mga bagay na ito, gaya ng aming sinabi noong una at ibinabala sa inyo.
7 Sapagkat hindi tayo tinawag ng Diyos para sa karumihan kundi sa kabanalan.
8 Kaya't ang tumanggi dito ay hindi tao ang tinatanggihan, kundi ang Diyos na nagbibigay sa amin ng kanyang Espiritu Santo.
9 Ngunit tungkol sa pag-iibigan ng magkakapatid ay hindi ninyo kailangan na kayo'y sulatan ng sinuman, sapagkat kayo man ay tinuruan ng Diyos na mag-ibigan sa isa't isa.
10 At katotohanang ginagawa ninyo ang gayon sa lahat ng kapatid na nasa buong Macedonia. Ngunit aming hinihiling sa inyo, mga kapatid, na higit pa sa rito ang inyong gawin.
11 Nasain ninyong mamuhay nang tahimik, gawin ang inyong sariling gawain, at kayo'y magpagal ng inyong sariling mga kamay, gaya ng aming ipinagbilin sa inyo;
12 upang kayo'y igalang ng mga nasa labas, at huwag maging palaasa sa sinuman.
Ang Pagdating ng Panginoon
13 Mga kapatid, nais naming malaman ninyo ang tungkol sa mga natutulog upang kayo'y huwag malungkot, na gaya ng iba na walang pag-asa.
14 Sapagkat kung tayo'y sumasampalatayang si Jesus ay namatay at muling binuhay ay gayundin naman, sa pamamagitan ni Jesus, ang mga natutulog ay dadalhin ng Diyos na kasama niya.
15 Sapagkat(A) ito'y sinasabi namin sa inyo sa pamamagitan ng salita ng Panginoon, na tayong nabubuhay, na natitira hanggang sa pagdating ng Panginoon, ay hindi mauuna sa anumang paraan sa mga natutulog.
16 Sapagkat ang Panginoon mismo ang bababa mula sa langit na may sigaw, may tinig ng arkanghel, at may trumpeta ng Diyos, at ang mga namatay kay Cristo ay babangon muna.
17 Pagkatapos, tayong nabubuhay na natitira ay aagawing kasama nila sa mga ulap, upang salubungin ang Panginoon sa papawirin; at sa gayon ay makakapiling natin ang Panginoon magpakailanman.
18 Kaya't mag-aliwan kayo sa isa't isa ng mga salitang ito.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001