Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Jeremias 22-23

Ang Mensahe ni Jeremias sa mga Namumuno sa Juda

22 Ganito ang sabi ng Panginoon: “Bumaba ka sa bahay ng hari ng Juda, at sabihin mo doon ang salitang ito,

at iyong sabihin, ‘Pakinggan mo ang salita ng Panginoon, O hari ng Juda, na nakaluklok sa trono ni David, ikaw, at ang iyong mga lingkod, at ang iyong mga mamamayan na pumapasok sa mga pintuang ito.

Ganito ang sabi ng Panginoon: Gumawa kayo nang may katarungan at katuwiran, at iligtas ninyo ang ninakawan mula sa kamay ng mapang-api. At huwag ninyong gawan ng masama o karahasan ang mga dayuhan, ang mga ulila at ang mga balo, o magpadanak man ng walang salang dugo sa dakong ito.

Sapagkat kung tunay na inyong susundin ang salitang ito, kung gayo'y papasok sa mga pintuan ng bahay na ito ang mga hari na nakaupo sa trono ni David, na nakasakay sa mga karwahe at mga kabayo, sila at ang kanyang mga lingkod, at ang kanilang taong-bayan.

Ngunit(A) kung hindi ninyo susundin ang mga salitang ito, ako'y sumusumpa sa aking sarili, sabi ng Panginoon, na ang bahay na ito ay mawawasak.

Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa sambahayan ng hari ng Juda,

“‘Ikaw ay gaya ng Gilead sa akin,
    gaya ng tuktok ng Lebanon;
tiyak na gagawin kitang isang disyerto,
    gaya ng mga lunsod na hindi tinatahanan.
Ako'y maghahanda ng mga mamumuksa laban sa iyo,
    bawat isa'y may kanya-kanyang mga sandata;
at kanilang puputulin ang iyong mga piling sedro,
    at ihahagis sa apoy.

“‘Maraming bansa ang daraan sa lunsod na ito, at sasabihin ng bawat isa sa kanyang kapwa, “Bakit ganito ang ginawa ng Panginoon sa dakilang lunsod na ito?”

At sila'y sasagot, “Sapagkat kanilang pinabayaan ang tipan ng Panginoon nilang Diyos, at sumamba sa ibang mga diyos, at naglingkod sa kanila.”’”

Ang Pahayag tungkol kay Shallum

10 Huwag ninyong iyakan ang patay,
    o tangisan man ninyo siya;
kundi patuloy ninyong iyakan ang umaalis,
    sapagkat hindi na siya babalik,
    ni makikita pa ang kanyang lupang tinubuan.

11 Sapagkat(B) ganito ang sabi ng Panginoon tungkol kay Shallum na anak ni Josias, na hari ng Juda, na nagharing kahalili ni Josias na kanyang ama, na umalis sa lugar na ito: “Hindi na siya babalik rito,

12 kundi sa dakong pinagdalhan sa kanya bilang bihag, doon siya mamamatay, at hindi na niya muling makikita ang lupaing ito.”

Ang Pahayag tungkol kay Jehoiakim

13 “Kahabag-habag siya na nagtatayo ng kanyang bahay sa kawalang-katuwiran,
    at ng kanyang mga silid sa itaas sa pamamagitan ng kawalang-katarungan;
na pinapaglingkod ang kanyang kapwa na walang upa,
    at hindi niya binibigyan ng kanyang sahod;
14 na nagsasabi, ‘Ako'y magtatayo para sa sarili ko ng malaking bahay
    na may maluluwang na silid sa itaas,’
at naglalagay ng mga bintana roon,
    dinidingdingan ng sedro,
    at pinipintahan ng kulay pula.
15 Sa palagay mo ba ikaw ay hari,
    sapagkat nakikipagpaligsahan ka na may sedro?
Di ba't ang iyong ama ay kumain at uminom
    at naggawad ng katarungan at katuwiran?
    Kaya naman iyon ay ikinabuti niya.
16 Kanyang hinatulan ang kapakanan ng dukha at ng nangangailangan;
    at iyon ay mabuti.
Hindi ba ito ang pagkilala sa akin?
    sabi ng Panginoon.
17 Ngunit ang iyong mga mata at puso
    ay para lamang sa iyong madayang pakinabang,
at sa pagpapadanak ng walang salang dugo,
    at sa paggawa ng pang-aapi at karahasan.”

18 Kaya't(C) ganito ang sabi ng Panginoon tungkol kay Jehoiakim na anak ni Josias, hari ng Juda,

“Hindi nila tataghuyan siya na sasabihin,
    ‘Ah, kapatid kong lalaki!’ o kaya'y, ‘Ah, kapatid na babae!’
Hindi nila tataghuyan siya na sasabihin,
    ‘Ah, panginoon!’ o, ‘Ah, kamahalan!’
19 Ililibing siya ng libing ng asno,
    kakaladkarin at itatapon sa labas ng mga pintuan ng Jerusalem.”

20 “Umakyat ka sa Lebanon at sumigaw ka,
    ilakas mo ang iyong tinig sa Basan,
at ikaw ay sumigaw mula sa Abarim;
    sapagkat ang lahat mong mangingibig ay nalipol.
21 Ako'y nagsalita sa iyo sa iyong kasaganaan,
    ngunit iyong sinabi, ‘Hindi ako makikinig.’
Ito na ang iyong pamumuhay mula sa iyong pagkabata,
    na hindi mo pinakinggan ang aking tinig.
22 Papastulin ng hangin ang lahat mong mga pastol,
    at ang iyong mga mangingibig ay pupunta sa pagkabihag;
kung magkagayon ay mapapahiya ka at malilito
    dahil sa lahat mong kasamaan.
23 O naninirahan sa Lebanon,
    na namumugad sa gitna ng mga sedro,
gayon na lamang ang iyong paghihinagpis kapag dumating sa iyo ang pagdaramdam
    na gaya ng hirap ng isang babaing nanganganak!”

Ang Hatol ng Diyos kay Conias

24 “Habang(D) ako'y buháy, sabi ng Panginoon, kahit pa si Conias na anak ni Jehoiakim na hari ng Juda ay maging singsing na pantatak sa aking kanang kamay, gayunma'y bubunutin kita,

25 at ibibigay kita sa kamay ng mga tumutugis sa iyong buhay, oo, sa kamay ng iyong mga kinatatakutan, maging sa kamay ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia, at sa kamay ng mga Caldeo.

26 Itatapon kita at ang iyong ina na nagsilang sa iyo sa ibang lupain na hindi ninyo sinilangan, at doon kayo mamamatay.

27 Ngunit sa lupain na kasasabikan nilang balikan, hindi sila makakabalik doon.”

28 Ito bang lalaking si Conias ay isang hamak na basag na palayok?
    O siya ba'y isang sisidlang hindi kanais-nais?
    Bakit siya at ang kanyang mga anak ay itinatapon,
    at inihahagis sa lupaing hindi nila kilala?
29 O lupa, lupa, lupa,
    pakinggan mo ang salita ng Panginoon!
30 Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Isulat ninyo ang lalaking ito bilang walang anak,
    isang lalaki na hindi magtatagumpay sa kanyang mga araw;
sapagkat walang sinuman sa kanyang mga supling ang magtatagumpay
    na luluklok sa trono ni David,
    at maghahari pang muli sa Juda.”

Ang Pag-asa sa Hinaharap

23 “Kahabag-habag ang mga pastol na pumapatay at nagpapangalat sa mga tupa ng aking pastulan!” sabi ng Panginoon.

Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, tungkol sa mga pastol na nangangalaga sa aking bayan: “Inyong pinangalat ang aking kawan, at itinaboy ninyo sila, at hindi ninyo sila dinalaw. Dadalawin ko kayo dahil sa inyong masasamang gawa, sabi ng Panginoon.

Pagkatapos ay titipunin ko mismo ang nalabi sa aking kawan mula sa lahat ng lupain na aking pinagtabuyan sa kanila. Ibabalik ko sila sa kanilang mga kulungan at sila'y magiging mabunga at darami.

Ako'y maglalagay ng mga pastol na mag-aalaga sa kanila at hindi na sila matatakot, o manlulupaypay pa, o mawawala man ang sinuman sa kanila, sabi ng Panginoon.

“Narito(E) ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na ako'y magbabangon para kay David ng isang matuwid na Sanga. At siya'y mamumuno bilang hari at gagawang may katalinuhan, at maggagawad ng katarungan at katuwiran sa lupain.

Sa kanyang mga araw ay maliligtas ang Juda at ang Israel ay tiwasay na maninirahan. At ito ang pangalan na itatawag sa kanya: ‘Ang Panginoon ang ating katuwiran.’

“Kaya't narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na hindi na sasabihin ng mga tao, ‘Habang buháy ang Panginoon na nag-ahon sa mga anak ni Israel mula sa lupain ng Ehipto;’

kundi, ‘Habang buháy ang Panginoon na nag-ahon at nanguna sa mga anak ng sambahayan ng Israel mula sa hilagang lupain, at mula sa lahat ng lupain na aking pinagtabuyan sa kanila.’ At sila'y maninirahan sa kanilang sariling lupa.”

Ang Mensahe ni Jeremias tungkol sa mga Propeta

Tungkol sa mga propeta:

Ang puso ko ay wasak sa aking kalooban,
    lahat ng aking mga buto ay nanginginig;
ako'y gaya ng taong lasing,
    gaya ng taong dinaig ng alak,
dahil sa Panginoon,
    at dahil sa kanyang mga banal na salita.
10 Sapagkat ang lupain ay punô ng mga mangangalunya;
    dahil sa sumpa ay tumatangis ang lupain;
    at ang mga pastulan sa ilang ay natuyo.
At ang kanilang lakad ay masama,
    at ang kanilang lakas ay hindi tama.
11 “Sapagkat parehong marumi ang propeta at ang pari;
    maging sa aking bahay ay natagpuan ko ang kanilang kasamaan, sabi ng Panginoon.
12 Kaya't ang kanilang daan ay magiging
    parang madudulas na landas sa kanila,
    sila'y itataboy sa kadiliman at mabubuwal doon;
sapagkat ako'y magdadala ng kasamaan sa kanila,
    sa taon ng pagpaparusa sa kanila, sabi ng Panginoon.
13 At sa mga propeta ng Samaria
    ay nakakita ako ng kasuklamsuklam na bagay;
sila'y nagsalita ng propesiya sa pamamagitan ni Baal,
    at iniligaw ang aking bayang Israel.
14 Ngunit(F) sa mga propeta ng Jerusalem naman
    ay nakakita ako ng kakilakilabot na bagay:
sila'y nangangalunya at lumalakad sa mga kasinungalingan;
    pinalalakas nila ang mga kamay ng mga manggagawa ng kasamaan.
    anupa't walang humihiwalay sa kanyang kasamaan:
Silang lahat sa akin ay naging tulad ng Sodoma,
    at ang mga naninirahan doon, sa akin ay tulad ng Gomorra.”

15 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo tungkol sa mga propeta:

“Narito, pakakainin ko sila ng halamang mapait,
    at binibigyan ko sila ng tubig na may lason upang inumin;
sapagkat mula sa mga propeta ng Jerusalem
    ay lumaganap ang karumihan sa buong lupain.”

16 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: “Huwag ninyong pakinggan ang mga salita ng mga propeta na nagpapahayag sa inyo na kayo'y pinupuno ng mga walang kabuluhang pag-asa. Sila'y nagsasalita ng pangitain mula sa kanilang sariling isipan, at hindi mula sa bibig ng Panginoon.

17 Patuloy nilang sinasabi sa mga humahamak sa akin, sinabi ng Panginoon, ‘Magkakaroon kayo ng kapayapaan’; at sa bawat isa na may katigasang sumusunod sa kanyang sariling puso ay sinasabi nila, ‘Walang kasamaang darating sa inyo.’”

18 Sapagkat sino ang tumayo sa sanggunian ng Panginoon,
    upang malaman at pakinggan ang kanyang salita,
    o sinong pumansin sa kanyang salita at nakinig?
19 Narito, ang bagyo ng Panginoon
    sa poot ay lumabas,
isang paikut-ikot na unos;
    ito'y sasabog sa ulo ng masama.
20 Ang galit ng Panginoon ay hindi babalik,
    hanggang sa kanyang maigawad at maisagawa
    ang mga layunin ng kanyang pag-iisip.
Sa mga huling araw ay mauunawaan ninyo ito nang maliwanag.

21 “Hindi ko sinugo ang mga propeta,
    gayunma'y nagsitakbo sila;
ako'y hindi nagsalita sa kanila,
    gayunma'y nagpahayag sila ng propesiya.
22 Ngunit kung sila'y tumayo sa aking sanggunian,
    kanila sanang naipahayag ang aking mga salita sa aking bayan,
at kanila sanang naihiwalay sila sa kanilang masamang lakad,
    at sa kasamaan ng kanilang mga gawa.

23 “Ako ba'y Diyos lamang sa malapit at hindi sa malayo? sabi ng Panginoon.

24 Makapagtatago ba ang isang tao sa mga lihim na dako upang hindi ko siya makita? sabi ng Panginoon. Hindi ba pinupuno ko ang langit at ang lupa? sabi ng Panginoon.

25 Narinig ko kung ano ang sinabi ng mga propeta na nagpahayag ng mga kasinungalingan sa aking pangalan, na nagsasabi, ‘Ako'y nanaginip, ako'y nanaginip!’

26 Hanggang kailan magkakaroon ng kasinungalingan sa puso ng mga propeta na nagpapahayag ng mga kasinungalingan at ng daya ng kanilang sariling puso,

27 na nag-aakalang ipalilimot sa aking bayan ang aking pangalan sa pamamagitan ng kanilang mga panaginip na sinasabi nila sa isa't isa, gaya ng kanilang mga ninuno na lumimot sa aking pangalan dahil kay Baal?

28 Hayaang ang propeta na may panaginip ay isalaysay ang panaginip; ngunit siya na may taglay ng aking salita ay bigkasin niya ang aking salita na may katapatan. Anong pagkakahawig mayroon ang dayami sa trigo? sabi ng Panginoon.

29 Hindi ba ang aking salita ay parang apoy at parang maso na dumudurog ng bato? sabi ng Panginoon.

30 Kaya't ako'y laban sa mga propeta na ninanakaw ang aking mga salita sa kanyang kapwa, sabi ng Panginoon.

31 Ako'y laban sa mga propeta, sabi ng Panginoon, na ginagamit ang kanilang mga dila at nagsasabi, ‘Sinasabi ng Panginoon.'

32 Ako'y laban sa kanila na ang propesiya ay mga sinungaling na panaginip na nagsasalaysay ng mga iyon, at inililigaw ang aking bayan sa pamamagitan ng kanilang mga kasinungalingan at kawalang-ingat, gayong hindi ko sila sinugo, o inatasan man sila. Kaya't wala silang anumang pakinabang na dulot sa bayang ito, sabi ng Panginoon.

Ang Pasanin ng Panginoon

33 “Kapag isa sa sambayanang ito, o isang propeta, o isang pari ang magtanong sa iyo, ‘Ano ang pasanin ng Panginoon?’ sasabihin mo sa kanila, ‘Kayo ang pasanin,[a] at itatakuwil ko kayo, sabi ng Panginoon.’

34 At tungkol sa propeta, pari, o isa sa taong-bayan, na magsasabi, ‘Ang pasanin ng Panginoon,’ ay parurusahan ko ang lalaking iyon at ang kanyang sambahayan.

35 Ganito ang sasabihin ng bawat isa sa inyo sa kanyang kapwa, at ng bawat isa sa kanyang kapatid, ‘Ano ang isinagot ng Panginoon?’ o kaya, ‘Ano ang sinabi ng Panginoon?’

36 Ngunit ‘ang pasanin ng Panginoon’ ay huwag na ninyong babanggitin pa, sapagkat ang pasanin ay ang salita ng bawat tao, at inyong minamali ang mga salita ng Diyos na buháy, ng Panginoon ng mga hukbo, na ating Diyos.

37 Ganito ang iyong sasabihin sa propeta, ‘Ano ang isinagot sa iyo ng Panginoon?’ at, ‘Ano ang sinabi ng Panginoon?’

38 Ngunit kung inyong sabihin, ‘Ang pasanin ng Panginoon’; ganito nga ang sabi ng Panginoon, ‘Sapagkat inyong sinabi ang mga salitang ito, “Ang pasanin ng Panginoon,” gayong ako'y nagsugo sa inyo, na sinabi ko, “Huwag ninyong sasabihin, ‘Ang pasanin ng Panginoon,’”

39 kaya't tiyak na bubuhatin ko kayo at itatapon mula sa aking harapan, kayo at ang lunsod na ibinigay ko sa inyo at sa inyong mga ninuno.

40 At dadalhan ko kayo ng walang hanggang pagkutya, at walang katapusang kahihiyan na hindi malilimutan.’”

Tito 1

Pagbati

Si Pablo, na alipin ng Diyos, at apostol ni Jesu-Cristo, sa ikasusulong ng pananampalataya ng mga hinirang ng Diyos, at ng kanilang pagkakilala sa katotohanang ayon sa kabanalan,

sa pag-asa sa buhay na walang hanggan. Bago pa nagsimula ang mga panahon, ito ay ipinangako ng Diyos na hindi nagsisinungaling.

Ngunit sa takdang panahon ay ipinahayag sa kanyang salita sa pamamagitan ng pangangaral na sa akin ay ipinagkatiwala ayon sa utos ng Diyos na ating Tagapagligtas;

kay(A) Tito na aking tunay na anak sa iisang pananampalataya: Biyaya at kapayapaan mula sa Diyos Ama at kay Cristo Jesus na ating Tagapagligtas.

Ang Gawain ni Tito sa Creta

Dahil dito'y iniwan kita sa Creta, upang isaayos mo ang mga bagay na may kakulangan at upang magtalaga ng matatanda sa iglesya sa bawat bayan, na gaya ng ipinagbilin ko sa iyo:

Siya(B) ay dapat na walang kapintasan, asawa ng isang babae, na ang kanyang mga anak ay mananampalataya, na hindi napaparatangan ng panggugulo o ng pagiging suwail.

Sapagkat ang obispo bilang katiwala ng Diyos ay dapat na walang kapintasan, hindi mayabang, hindi magagalitin, hindi maglalasing, hindi marahas, hindi sakim sa pakinabang;

kundi mapagpatuloy ng panauhin, maibigin sa kabutihan, matino ang pag-iisip, matuwid, banal, at mapagpigil sa sarili.

Dapat na kanyang pinanghahawakang mabuti ang tapat na salita na ayon sa turo, upang makapangaral siya ng wastong aral, at pabulaanan ang mga sumasalungat dito.

10 Sapagkat maraming mga suwail, na mapagsalita ng walang kabuluhan at mga mandaraya, lalung-lalo na ang mga nasa panig ng pagtutuli.

11 Dapat patigilin ang kanilang mga bibig, sapagkat ginugulo nila ang buong sambahayan sa pagtuturo nila ng mga bagay na hindi nararapat, dahil sa masamang pakinabang.

12 Sinabi ng isa sa kanila, ng isang propeta mismo nila,

‘Ang mga taga-Creta ay laging mga sinungaling, masasamang hayop, mga batugang matatakaw.’

13 Ang patotoong ito ay tunay. Dahil dito'y mahigpit mo silang sawayin upang maging malakas sila sa pananampalataya,

14 na huwag makinig sa mga kathang-isip ng mga Judio, at sa mga utos ng mga tao na nagtatakuwil sa katotohanan.

15 Sa malinis ang lahat ng mga bagay ay malinis; ngunit sa marurumi at hindi nananampalataya ay walang anumang malinis; kundi ang kanilang pag-iisip at budhi ay pawang pinarumi.

16 Inaangkin nilang kilala nila ang Diyos; ngunit sa pamamagitan ng kanilang mga gawa, ay ikinakaila nila, palibhasa sila'y kasuklamsuklam, at mga masuwayin, at hindi naaangkop sa anumang gawang mabuti.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001