Old/New Testament
Ang Pagkawasak ng Moab
48 Tungkol(A) sa Moab.
Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel:
“Kahabag-habag ang Nebo sapagkat ito'y winasak!
Ang Kiryataim ay nalagay sa kahihiyan, ito'y nasakop;
ang mataas na tanggulan ay nalagay sa kahihiyan at nawasak.
2 Wala nang papuri para sa Moab.
Sa Hesbon ay nagbalak sila ng kasamaan laban sa kanya:
‘Halikayo, at ihiwalay natin siya sa pagiging bansa!’
Ikaw rin, O Madmen, ay dadalhin sa katahimikan;
hahabulin ka ng tabak.
3 “Makinig! Isang sigaw mula sa Horonaim,
‘Pagkasira at malaking pagkawasak!’
4 Ang Moab ay wasak;
ang kanyang maliliit ay sumisigaw.
5 Sapagkat sa gulod ng Luhith
ay umaahon sila na umiiyak;
sapagkat sa paglusong sa Horonaim
ay narinig nila ang sigaw ng pagkawasak.
6 Tumakas kayo, iligtas ninyo ang inyong mga buhay!
Kayo'y maging gaya ng mailap na asno sa ilang.
7 Sapagkat, yamang ikaw ay nagtiwala sa iyong mga tanggulan at sa iyong mga kayamanan,
ikaw man ay kukunin rin;
at si Cemos ay tutungo sa pagkabihag,
kasama ang kanyang mga pari at mga pinuno.
8 Ang manglilipol ay darating sa bawat lunsod,
at walang lunsod na makakatakas;
ang libis ay wawasakin,
at ang kapatagan ay masisira,
gaya ng sinabi ng Panginoon.
9 “Bigyan ng mga pakpak ang Moab,
upang siya'y makalipad papalayo;
ang kanyang mga lunsod ay masisira,
na walang maninirahan sa mga iyon.
10 “Sumpain nawa siya na may kapabayaang gumagawa ng gawain ng Panginoon; at sumpain siya na iniuurong ang kanyang tabak sa pagdanak ng dugo.
11 “Ang Moab ay tiwasay mula sa kanyang kabataan,
at nagpahinga sa kanyang mga latak,
hindi pa siya isinasalin mula sa isang sisidlan patungo sa isa pa,
ni dinala man siya sa pagkabihag:
kaya't narito, ang kanyang lasa ay nananatili sa kanya,
at ang kanyang bango ay hindi pa nababago.
12 “Kaya't narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na ako'y magsusugo sa kanya ng mga magtutumba, at siya'y kanilang itutumba, at aalisin nila ang laman ng kanyang mga sisidlan, at magdudurog ng kanilang mga banga.
13 Kung gayo'y ikahihiya ng Moab si Cemos, kung paanong ang sambahayan ni Israel ay ikinahiya ang Bethel, na kanilang pinagtiwalaan.
14 “Paano ninyo nasasabi, ‘Kami ay malalakas na mandirigma,
at magigiting na lalaki sa labanan’?
15 Ang Moab ay winasak at ang mga tao ay umahon sa kanyang mga lunsod;
at ang kanyang mga piling kabataan ay nagsibaba sa katayan,
sabi ng Hari, na ang pangalan ay Panginoon ng mga hukbo.
16 Ang pagkasalanta ng Moab ay malapit nang dumating,
at ang kanyang pagkapinsala ay nagmamadali.
17 Tangisan ninyo siya, kayong lahat na nasa palibot niya,
at ninyong lahat na nakakakilala sa kanyang pangalan;
inyong sabihin, ‘Paanong nabali ang makapangyarihang setro,
ang maluwalhating tungkod!’
18 “Bumaba ka mula sa inyong kaluwalhatian,
at umupo ka sa tigang na lupa,
O anak na babae na nakatira sa Dibon!
Sapagkat ang manglilipol ng Moab ay umahon laban sa iyo,
giniba niya ang iyong mga muog.
19 Tumayo ka sa tabing daan at magmasid,
O mamamayan ng Aroer!
Tanungin mo siya na tumatakbo at siya na tumatakas;
iyong sabihin, ‘Ano ang nangyari?’
20 Ang Moab ay nalagay sa kahihiyan; sapagkat ito'y nagiba;
kayo ay tumangis at sumigaw!
Sabihin ninyo sa may Arnon,
na ang Moab ay winasak na.
21 “Ang hatol ay dumating din sa kapatagan, sa Holon, Jaza, at laban sa Mefaat,
22 sa Dibon, Nebo, at Bet-diblataim,
23 laban sa Kiryataim, Bet-gamul, at Bet-meon;
24 laban sa Kiryot, Bosra, at sa lahat ng bayan ng lupain ng Moab, malayo at malapit.
25 Ang sungay ng Moab ay naputol, at ang kanyang bisig ay nabali, sabi ng Panginoon.
26 “Lasingin ninyo siya, sapagkat siya'y nagmalaki laban sa Panginoon; upang ang Moab ay maglubalob sa kanyang suka, at siya man ay magiging katatawanan.
27 Hindi ba naging katatawanan ang Israel sa iyo? Siya ba'y natagpuang kasama ng mga magnanakaw, na tuwing pag-uusapan ninyo siya ay napapailing ka?
28 “Iwan ninyo ang mga lunsod, at kayo'y manirahan sa malaking bato;
O mga mamamayan ng Moab.
Maging gaya kayo ng kalapati na nagpupugad
sa mga tabi ng bunganga ng bangin.
29 Nabalitaan namin ang kapalaluan ng Moab,
labis niyang ipinagmamalaki
ang kanyang kataasan, ang kanyang kapalaluan, ang kanyang kahambugan,
at ang kayabangan ng kanyang puso.
30 Alam ko ang kanyang bagsik, sabi ng Panginoon,
ngunit iyon ay walang kabuluhan,
ang kanyang kahambugan ay walang nagawa.
31 Kaya't tatangisan ko ang Moab;
ako'y sisigaw para sa buong Moab,
nagluluksa ako para sa mga tao ng Kir-heres.
32 Tatangis ako para sa iyo nang higit kaysa pagtangis ko sa Jazer,
O punong ubas ng Sibma!
Ang iyong mga sanga ay lumampas sa dagat,
at umabot hanggang sa Jazer,[a]
sa iyong mga bungang tag-init at sa iyong ani
ay dumaluhong ang manglilipol.
33 Kaya't ang tuwa at kagalakan ay inalis
sa mabungang lupain, sa lupain ng Moab;
aking pinatigil ang alak sa mga pisaan ng alak;
walang pumipisa nito na may mga sigaw ng kagalakan;
ang sigawan ay hindi sigawan ng kagalakan.
34 “Ang Hesbon at Eleale ay sumisigaw; hanggang sa Jahaz ay naglakas sila ng kanilang tinig, mula sa Zoar hanggang sa Horonaim at sa Eglat-shelishiya. Sapagkat ang tubig ng Nimrim ay mawawasak din.
35 At wawakasan ko sa Moab, sabi ng Panginoon, ang naghahandog sa mataas na dako, at nagsusunog ng insenso sa kanyang mga diyos.
36 Kaya't ang aking puso ay tumatangis na gaya ng plauta dahil sa Moab, at ang aking puso ay tumatangis na gaya ng plauta dahil sa mga lalaki sa Kir-heres; kaya't ang kayamanan na kanilang tinamo ay naglaho.
37 “Sapagkat bawat ulo ay inahit, at bawat balbas ay ginupit; sa lahat ng mga kamay ay may mga kudlit, at sa mga baywang ay may damit-sako.
38 Sa lahat ng mga bubungan ng Moab at sa mga liwasan ay pawang mga panaghoy; sapagkat aking binasag ang Moab na parang sisidlan na walang nagmamalasakit, sabi ng Panginoon.
39 Ito'y wasak na wasak! Napakalakas ng kanilang pagtangis! Ang Moab ay tumalikod sa kahihiyan! Kaya't ang Moab ay naging tampulan ng pagkutya at panghihilakbot sa lahat ng nasa palibot niya.”
40 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon:
“Narito, may lilipad na kasimbilis ng agila
at magbubuka ng kanyang mga pakpak laban sa Moab.
41 Ang Kiryot ay nasakop
at ang mga muog ay naagaw.
Sa araw na iyon, ang puso ng mga mandirigma ng Moab
ay magiging parang puso ng babaing manganganak.
42 Ang Moab ay mawawasak at hindi na magiging isang bayan,
sapagkat siya'y nagmalaki laban sa Panginoon.
43 Sindak, hukay, at bitag
ay nasa harapan mo, O naninirahan sa Moab, sabi ng Panginoon.
44 Siyang tumatakas sa pagkasindak
ay mahuhulog sa hukay,
at siyang umaahon sa hukay
ay mahuhuli ng bitag.
Sapagkat dadalhin ko ang mga bagay na ito sa Moab,
sa taon ng kanilang kaparusahan, sabi ng Panginoon.
45 “Ang mga nagsisitakas ay humintong walang lakas
sa lilim ng Hesbon,
sapagkat may apoy na lumabas sa Hesbon,
isang alab mula sa bahay ng Sihon.
Nilamon nito ang noo ng Moab,
ang tuktok ng mga anak ng kaguluhan.
46 Kahabag-habag ka, O Moab!
Ang bayan ni Cemos ay wala na;
sapagkat ang iyong mga anak na lalaki ay dinalang-bihag,
at ang iyong mga anak na babae ay dinala sa pagkabihag.
47 Gayunma'y panunumbalikin ko ang kapalaran ng Moab
sa mga huling araw, sabi ng Panginoon.”
Hanggang dito ang hatol sa Moab.
Ang Hatol ng Panginoon sa Ammon
49 Tungkol(B) sa mga anak ni Ammon.
Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Wala bang mga anak na lalaki ang Israel?
Wala ba siyang tagapagmana?
Kung gayo'y bakit inagawan ni Malcam ang Gad,
at ang kanyang taong-bayan ay nakatira sa mga bayan niyon?
2 Kaya't, narito, ang mga araw ay dumarating,
sabi ng Panginoon,
na aking iparirinig ang sigaw ng digmaan
laban sa Rabba ng mga anak ni Ammon.
Ito'y magiging isang bunton ng guho,
at ang kanyang kabayanan[b] ay susunugin ng apoy.
Kung magkagayo'y aagawan ng Israel ang mga nang-agaw sa kanya,
sabi ng Panginoon.
3 “Tumangis ka, O Hesbon, sapagkat nawasak ang Ai!
Umiyak kayo, mga anak na babae ng Rabba!
Kayo'y magbigkis ng damit-sako,
kayo'y tumaghoy at tumakbong paroo't parito sa gitna ng mga tinikan!
Sapagkat si Malcam ay patungo sa pagkabihag,
kasama ang kanyang mga pari at mga pinuno.
4 Bakit mo ipinagmamalaki ang iyong mga libis, ang iyong libis ay inaanod,
ikaw na taksil na anak na babae
na nagtitiwala sa kanyang mga kayamanan, na sinasabi,
‘Sinong darating laban sa akin?’
5 Narito, dadalhan kita ng takot,
sabi ng Panginoong Diyos ng mga hukbo,
mula sa lahat ng nasa palibot mo;
at kayo'y itataboy bawat isa sa harapan niya,
at walang magtitipon sa mga takas.
6 Ngunit pagkatapos ay panunumbalikin ko ang mga kayamanan ng mga anak ni Ammon, sabi ng Panginoon.”
Ang Hatol ng Panginoon sa Edom
7 Tungkol(C) sa Edom.
Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo:
“Wala na bang karunungan sa Teman?
Naglaho na ba ang payo mula sa matalino?
Naparam na ba ang kanilang karunungan?
8 Tumakas kayo, bumalik kayo, manirahan kayo sa kalaliman,
O mga naninirahan sa Dedan!
Sapagkat dadalhin ko ang pagkasalanta ng Esau sa kanya,
sa panahon na parurusahan ko siya.
9 Kung ang mga nag-ani ng ubas ay dumating sa iyo,
hindi ba sila mag-iiwan ng mga napulot?
Kung mga magnanakaw ay dumating sa gabi,
hindi ba sisirain lamang nila ang sapat para sa kanilang sarili?
10 Ngunit aking hinubaran ang Esau,
aking inilitaw ang kanyang mga kublihan,
anupa't hindi niya maikukubli ang kanyang sarili.
Ang kanyang mga supling ay napuksa kasama ng kanyang mga kapatid,
at ng kanyang mga kapitbahay; at siya'y wala na rin.
11 Iwan mo ang iyong mga ulilang anak, pananatilihin ko silang buháy,
at hayaang magtiwala sa akin ang iyong mga babaing balo.”
12 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon: “Narito, silang hindi nahatulang uminom sa kopa ay tiyak na iinom, ikaw ba'y hahayong napawalang-sala? Ikaw ay hindi hahayong napawalang-sala, kundi tiyak na iinom ka.
13 Sapagkat ako'y sumumpa sa aking sarili, sabi ng Panginoon, na ang Bosra ay magiging katatakutan, kakutyaan, guho, at sumpa; at ang lahat ng mga lunsod nito ay magiging wasak magpakailanman.”
14 Ako'y nakarinig ng balita mula sa Panginoon,
at isang sugo ang ipinadala sa mga bansa:
“Kayo'y magtipun-tipon at pumaroon laban sa kanya,
at bumangon upang lumaban!”
15 Sapagkat, narito, ginawa kitang maliit sa gitna ng mga bansa,
at hamak sa gitna ng mga tao.
16 Tungkol sa iyong kakilabutan,
dinaya ka ng kapalaluan ng iyong puso,
ikaw na nakatira sa mga bitak ng bato,[c]
na humahawak sa kataasan ng burol.
Bagaman pataasin mo ang iyong pugad na kasintaas ng sa agila,
ibababa kita mula roon, sabi ng Panginoon.
17 “Ang Edom ay magiging katatakutan; bawat magdaraan doon ay mangingilabot at susutsot dahil sa lahat ng kapinsalaan nito.
18 Gaya(D) ng pagbagsak ng Sodoma at Gomorra, at ng mga karatig-bayan ng mga ito, sabi ng Panginoon, walang sinumang mananatili roon, walang anak ng tao na maninirahan doon.
19 Narito, gaya ng leon na umaahon sa gubat ng Jordan laban sa matibay na kulungan ng tupa, bigla ko silang patatakbuhing papalayo sa kanya; at hihirang ako ng mamamahala sa kanya ng sinumang aking piliin. Sapagkat sino ang gaya ko? Sinong magpapatawag sa akin? Sinong pastol ang tatayo sa harapan ko?
20 Kaya't inyong pakinggan ang panukalang ginawa ng Panginoon laban sa Edom at ang mga layunin na kanyang binuo laban sa mga naninirahan sa Teman: Maging ang maliliit ng kawan ay kakaladkarin, tiyak na gagawin niyang wasak ang kanilang pastulan dahil sa kanila.
21 Ang lupa ay nayanig sa ingay ng kanilang pagbagsak. Mayroong sigaw! Ang ingay nito ay narinig sa Dagat na Pula.
22 Narito, siya'y aahon at mabilis na lilipad na gaya ng agila, at ibubuka ang kanyang mga pakpak laban sa Bosra, at ang puso ng mga mandirigma ng Edom sa araw na iyon ay magiging gaya ng puso ng babae sa kanyang panganganak.”
Ang Hatol ng Panginoon sa Damasco
23 Tungkol(E) sa Damasco.
“Ang Hamat at ang Arpad ay napahiya,
sapagkat sila'y nakarinig ng masamang balita;
sila'y nanlulumo, may kabalisahan sa dagat
na hindi mapayapa.
24 Ang Damasco ay humina, siya'y tumalikod upang tumakas,
at sinaklot siya ng sindak;
hinawakan siya ng dalamhati at mga kalungkutan,
na gaya ng babaing manganganak.
25 Tunay na hindi pinabayaan ang lunsod ng kapurihan,
ang bayan ng aking kagalakan!
26 Kaya't ang kanyang mga binata ay mabubuwal sa kanyang mga lansangan,
at lahat ng kanyang kawal ay matatahimik sa araw na iyon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
27 At ako'y magpapaningas ng apoy sa pader ng Damasco,
at lalamunin niyon ang mga toreng tanggulan ni Ben-hadad.”
Ang Hatol ng Panginoon sa Kedar at Hazor
28 Tungkol sa Kedar at sa mga kaharian ng Hazor na sinalakay ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia.
Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Bangon, sumampa kayo sa Kedar!
Lipulin ninyo ang mga anak ng silangan!
29 Ang kanilang mga tolda at mga kawan ay kanilang kukunin,
ang kanilang mga tabing at lahat nilang ari-arian;
ang kanilang mga kamelyo ay aagawin sa kanila,
at ang mga tao ay sisigaw sa kanila: ‘Kakilabutan sa bawat panig!’
30 Takbo, tumakas kayo! Manirahan kayo sa kalaliman,
O mamamayan ng Hazor, sabi ng Panginoon:
Sapagkat si Nebukadnezar na hari ng Babilonia
ay nagpanukala laban sa inyo,
at nagpasiya laban sa inyo.
31 “Bangon, lusubin ninyo ang bansang tiwasay,
na naninirahang panatag, sabi ng Panginoon;
na walang pintuan o mga halang man,
na naninirahang mag-isa.
32 At ang kanilang mga kamelyo ay sasamsamin,
ang kanilang maraming kawan ay tatangayin.
Aking pangangalatin sa bawat hangin
ang mga gumugupit sa mga sulok ng kanilang buhok
at dadalhin ko ang kanilang kapinsalaan
na mula sa bawat panig nila, sabi ng Panginoon.
33 Ang Hazor ay magiging tirahan ng mga asong mailap,
walang-hanggang sira,
walang sinumang mananatili roon,
walang anak ng tao na maninirahan doon.”
Ang Hatol ng Panginoon sa Elam
34 Ang salita ng Panginoon na dumating kay propeta Jeremias tungkol sa Elam sa simula ng paghahari ni Zedekias na hari ng Juda, na sinasabi,
35 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: “Narito, aking babaliin ang pana ng Elam, ang pangunahin sa kanilang kapangyarihan;
36 at dadalhin ko sa Elam ang apat na hangin mula sa apat na sulok ng langit at ikakalat ko sila sa lahat ng mga hanging iyon. Walang bansang hindi mararating ng mga itinaboy mula sa Elam.
37 Aking tatakutin ang Elam sa harapan ng kanilang mga kaaway, at sa harapan ng mga nagtatangka sa kanilang buhay. Ako'y magdadala ng kasamaan sa kanila, ang aking mabangis na galit, sabi ng Panginoon. Ipahahabol ko sila sa tabak, hanggang sa malipol ko sila.
38 Pagkatapos ay ilalagay ko ang aking trono sa Elam, at lilipulin ko ang kanilang hari at mga pinuno, sabi ng Panginoon.
39 “Ngunit mangyayari sa mga huling araw ay ibabalik ko ang mga kayamanan ng Elam, sabi ng Panginoon.”
Ang Pagkapari ni Melquizedek
7 Itong(A) si Melquizedek, hari ng Salem, pari ng Kataas-taasang Diyos, ang siyang sumalubong kay Abraham sa pagbabalik niya galing sa paglipol sa mga hari at siya'y kanyang binasbasan,
2 at sa kanya ay ibinahagi ni Abraham ang ikasampung bahagi ng lahat. Una, ang kahulugan ng kanyang pangalan ay hari ng katuwiran; ikalawa, siya rin ay hari ng Salem, na ang kahulugan ay hari ng kapayapaan.
3 Walang ama, walang ina, walang talaan ng angkan, ni walang pasimula ng mga araw o katapusan ng buhay, subalit ginawang katulad ng Anak ng Diyos, siya ay nananatiling pari magpakailanman.
4 Talagang napakadakila ang taong ito! Maging si Abraham na patriyarka ay nagbigay sa kanya ng ikasampung bahagi ng mga samsam.
5 At(B) ang mga anak ni Levi na tumanggap ng katungkulang pari ay mayroong utos ayon sa kautusan na maglikom ng ikasampung bahagi mula sa taong-bayan, samakatuwid ay sa kanilang mga kapatid, bagaman ang mga ito ay mga nagmula sa balakang ni Abraham.
6 Ngunit ang taong ito na hindi mula sa kanilang lahi ay tumanggap ng mga ikasampung bahagi mula kay Abraham, at binasbasan ang tumanggap ng mga pangako.
7 Hindi mapapabulaanan na ang nakabababa ay binabasbasan ng nakatataas.
8 At dito, ang mga taong may kamatayan ay tumatanggap ng ikasampung bahagi, subalit sa kabilang dako ay ang isa na pinatutunayang nabubuhay.
9 Maaaring sabihin na maging si Levi, na siyang tumatanggap ng mga ikasampung bahagi ay nagbayad ng ikasampung bahagi sa pamamagitan ni Abraham,
10 sapagkat siya'y nasa mga balakang pa ng kanyang ninuno nang siya'y salubungin ni Melquizedek.
Ang Paring Tulad ni Melquizedek
11 Ngayon, kung may kasakdalan sa pamamagitan ng pagkapari ng mga Levita, (sapagkat batay dito ay tinanggap ng bayan ang kautusan), ano pa ang karagdagang pangangailangan upang lumitaw ang isa pang pari, ayon sa pagkapari ni Melquizedek, sa halip na ayon sa pagkapari ni Aaron?
12 Sapagkat nang palitan ang pagkapari ay kailangan din namang palitan ang kautusan.
13 Sapagkat ang tinutukoy ng mga bagay na ito ay kabilang sa ibang angkan, na doon ang sinuma'y hindi naglingkod sa dambana.
14 Sapagkat maliwanag na ang ating Panginoon ay nagmula sa Juda at tungkol sa liping iyon ay walang sinabing anuman si Moises tungkol sa mga pari.
15 At ito ay lalo pang naging maliwanag nang lumitaw ang ibang pari, na kagaya ni Melquizedek,
16 na naging pari, hindi ayon sa itinatakda ng batas na ukol sa laman, kundi ayon sa kapangyarihan ng isang buhay na hindi mapupuksa.
17 Sapagkat(C) pinatotohanan,
“Ikaw ay pari magpakailanman,
ayon sa pagkapari ni Melquizedek.”
18 Sa kabilang dako, mayroong pagpapawalang-bisa sa naunang utos, sapagkat ito ay mahina at walang pakinabang
19 (sapagkat ang kautusan ay walang pinasasakdal), sa gayon ay ipinapakilala ang isang higit na mabuting pag-asa, na sa pamamagitan nito ay lumalapit tayo sa Diyos.
20 At iyon ay mayroong panunumpa. Yaong nang una ay naging pari ay nagsimula sa kanilang katungkulan na walang panunumpa,
21 ngunit(D) ang isang ito ay naging pari na may panunumpa,
“Nanumpa ang Panginoon at hindi siya magbabago ng kanyang isip,
‘Ikaw ay pari magpakailanman.’”
22 Sa gayon, si Jesus ay naging tagapanagot ng isang higit na mabuting tipan.
23 Marami sa bilang ang dating mga pari, sapagkat sila'y hinadlangan ng kamatayan upang makapagpatuloy sa panunungkulan.
24 Subalit hawak niya ang pagiging pari magpakailanman, sapagkat siya ay nagpapatuloy magpakailanman.
25 Dahil dito, siya'y may kakayahang iligtas nang lubos ang mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, yamang lagi siyang nabubuhay upang mamagitan para sa kanila.
26 Sapagkat nararapat na tayo'y magkaroon ng gayong Pinakapunong Pari, banal, walang sala, walang dungis, hiwalay sa mga makasalanan, at ginawang lalong mataas kaysa mga langit.
27 Hindi(E) gaya ng ibang mga pinakapunong pari, hindi niya kailangang maghandog ng alay araw-araw, una para sa kanyang sariling mga kasalanan, at saka para sa mga kasalanan ng bayan; ito'y ginawa niyang minsan magpakailanman nang kanyang ihandog ang kanyang sarili.
28 Sapagkat hinihirang ng kautusan bilang mga pinakapunong pari ang mga taong may kahinaan, ngunit ang salita ng panunumpa na dumating na kasunod ng kautusan ay humirang sa Anak na ginawang sakdal magpakailanman.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001