Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Jeremias 40-42

Namalagi si Jeremias kay Gedalias

40 Ang salita ay dumating kay Jeremias mula sa Panginoon pagkatapos na siya'y palayain mula sa Rama ni Nebuzaradan na kapitan ng bantay, nang siya'y dalhing may tanikala kasama ng lahat ng bihag mula sa Jerusalem at sa Juda na dinalang-bihag sa Babilonia.

Kinuha si Jeremias ng kapitan ng bantay, at sinabi sa kanya, “Ang Panginoon mong Diyos ang nagpahayag ng kasamaang ito laban sa lugar na ito;

pinapangyari ng Panginoon at ginawa ang ayon sa kanyang sinabi sapagkat kayo'y nagkasala laban sa Panginoon at hindi sinunod ang kanyang tinig. Kaya't ang bagay na ito ay dumating sa inyo.

At ngayon, narito, pinalalaya kita ngayon sa mga tanikalang nasa iyong mga kamay. Kung inaakala mong mabuti na sumama sa akin sa Babilonia, halika, at kakalingain kita. Ngunit kung inaakala mong masama na sumama sa akin sa Babilonia ay huwag kang sumama. Ang buong lupain ay nasa harapan mo. Pumunta ka kung saan mo inaakalang mabuti at marapat sa iyo na puntahan.

Kung ikaw ay mananatili, bumalik ka kay Gedalias na anak ni Ahikam na anak ni Safan, na ginawa ng hari ng Babilonia na tagapamahala sa mga bayan ng Juda, at manirahang kasama niya, kasama ng taong-bayan, o pumunta ka kung saan mo inaakalang mabuting puntahan.” At binigyan siya ng kapitan ng bantay ng pagkain at kaloob at hinayaan siyang umalis.

Pagkatapos ay pumunta si Jeremias kay Gedalias na anak ni Ahikam, sa Mizpa, at nanirahang kasama niya kasama ng mga taong-bayang naiwan sa lupain.

Nang(A) mabalitaan ng lahat ng pinuno ng mga kawal at ng kanilang mga tauhan na nasa mga parang na ginawang tagapamahala ng lupain ng hari ng Babilonia si Gedalias na anak ni Ahikam, at ipinamahala sa kanya ang mga lalaki, mga babae, mga bata, at ang mga pinakadukha sa lupain na hindi nadalang-bihag sa Babilonia,

sila at ang kanilang mga tauhan ay pumunta kay Gedalias sa Mizpa, sina Ismael na anak ni Netanias, si Johanan na mga anak ni Carea, si Seraya na anak ni Tanhumat, ang mga anak ni Ephi na Netofatita, at si Jezanias na anak ng Maacatita.

Si Gedalias na anak ni Ahikam na anak ni Safan ay sumumpa sa kanila at sa kanilang mga tauhan, na sinasabi, “Huwag kayong matakot na maglingkod sa mga Caldeo. Manirahan kayo sa lupain at paglingkuran ninyo ang hari ng Babilonia, at ito'y sa ikabubuti ninyo.

10 Tungkol sa akin, ako'y maninirahan sa Mizpa, upang tumayo para sa inyo sa harapan ng mga Caldeo na darating sa atin. Ngunit tungkol sa inyo, magtipon kayo ng alak at ng mga bunga sa tag-init at ng langis, at inyong ilagay sa inyong mga sisidlan, at kayo'y manirahan sa inyong mga bayan na inyong sinakop.”

11 Gayundin, nang mabalitaan ng lahat ng Judio na nasa Moab at kasama ng mga anak ni Ammon at sa Edom at ng nasa ibang mga lupain, na ang hari ng Babilonia ay nag-iwan ng nalabi sa Juda, at hinirang si Gedalias na anak ni Ahikam, na anak ni Safan, upang mamahala sa kanila,

12 ay bumalik ang lahat ng mga Judio mula sa lahat ng dakong pinagtabuyan sa kanila, at dumating sa lupain ng Juda, kay Gedalias sa Mizpa, at sila'y nagtipon ng napakaraming alak at mga bunga sa tag-araw.

13 Samantala, si Johanan na anak ni Carea at ang lahat ng mga pinuno ng mga kawal na nasa mga parang ay pumunta kay Gedalias sa Mizpa,

14 at sinabi sa kanya, “Nalalaman mo ba na sinugo ni Baalis na hari ng mga anak ni Ammon si Ismael na anak ni Netanias upang kunin ang iyong buhay?” Ngunit si Gedalias na anak ni Ahikam ay ayaw maniwala sa kanila.

15 Kaya't lihim na nakipag-usap si Johanan na anak ni Carea kay Gedalias sa Mizpa, “Hayaan mo akong umalis at patayin si Ismael na anak ni Netanias, at walang makakaalam nito. Bakit ka niya kailangang patayin, upang ang lahat ng mga Judio na nasa palibot mo ay mangalat, at malipol ang nalabi sa Juda?”

16 Ngunit sinabi ni Gedalias na anak ni Ahikam kay Johanan na anak ni Carea, “Huwag mong gagawin ang bagay na ito; sapagkat ikaw ay nagsasalita ng kasinungalingan tungkol kay Ismael.”

Pinaslang si Gedalias

41 Nang(B) ikapitong buwan, si Ismael na anak ni Netanias, na anak ni Elisama, mula sa angkan ng hari, at isa sa mga pangunahing pinuno ng hari, ay dumating kay Gedalias na anak ni Ahikam sa Mizpa, kasama ang sampung lalaki. Habang magkakasama silang kumakain ng tinapay sa Mizpa,

si Ismael na anak ni Netanias at ang sampung lalaki na kasama niya ay tumayo, tinaga ng tabak at pinatay si Gedalias na anak ni Ahikam na anak ni Safan, na ginawa ng hari ng Babilonia na tagapamahala sa lupain.

Pinatay rin ni Ismael ang lahat ng mga Judio na kasama ni Gedalias sa Mizpa, at ang mga kawal na Caldeo na nagkataong naroroon.

Isang araw pagkaraan ng pagpatay kay Gedalias, bago ito nalaman ng sinuman,

walumpung mga lalaki ang dumating mula sa Shekem, mula sa Shilo, at mula Samaria, na ahit ang kanilang balbas at punit ang kanilang suot, sugatan ang katawan, na may dalang handog na butil at insenso upang ialay sa bahay ng Panginoon.

Si Ismael na anak ni Netanias ay lumabas mula sa Mizpa upang salubungin sila, na umiiyak habang papalapit. Nang kanyang makaharap sila, sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo kay Gedalias na anak ni Ahikam.”

Nang sila'y dumating sa bayan, pinatay sila ni Ismael na anak ni Netanias at ng mga lalaking kasama niya, at inihagis sila sa isang hukay.

Ngunit may sampung lalaki na kasama nila ang nagsabi kay Ismael, “Huwag mo kaming patayin sapagkat kami ay nakapag-imbak ng trigo, sebada, langis, at pulot na nakatago sa parang.” Kaya't napahinuhod siya at hindi niya pinatay sila at ang kanilang mga kasama.

Ang hukay na pinagtapunan ni Ismael ng lahat ng bangkay ng mga tao na kanyang pinatay ay ang malaking hukay na ginawa ni Haring Asa bilang sanggalang laban kay Baasa na hari ng Israel. Ito ay pinuno ni Ismael na anak ni Netanias ng mga napatay.

10 At dinalang-bihag ni Ismael ang lahat ng nalabi sa taong-bayan na nasa Mizpa, ang mga anak na babae ng hari at ang lahat ng taong naiwan sa Mizpa, na siyang ipinagkatiwala ni Nebuzaradan na kapitan ng bantay kay Gedalias na anak ni Ahikam. Sila'y dinalang-bihag ni Ismael na anak ni Netanias, at naghandang tumawid patungo sa mga Ammonita.

11 Ngunit nang mabalitaan ni Johanan na anak ni Carea, at ng lahat ng mga pinuno ng mga kawal na kasama niya ang lahat ng kasamaang ginawa ni Ismael na anak ni Netanias,

12 ay isinama nila ang lahat nilang mga tauhan upang lumaban kay Ismael na anak ni Netanias. Kanilang inabutan siya sa tabi ng malaking bukal na nasa Gibeon.

13 At nang makita ng lahat ng mga taong kasama ni Ismael si Johanan na anak ni Carea at ang lahat ng pinuno ng mga kawal na kasama niya, sila'y natuwa.

14 Kaya't ang lahat ng mga taong dinalang-bihag ni Ismael mula sa Mizpa ay pumihit at bumalik, at pumunta kay Johanan na anak ni Carea.

15 Ngunit si Ismael na anak ni Netanias ay tumakas mula kay Johanan na kasama ng walong lalaki, at pumunta sa mga Ammonita.

16 Nang magkagayo'y kinuha ni Johanan na anak ni Carea at ng lahat ng mga pinuno ng mga kawal na kasama niya ang lahat ng nalabi sa bayan na dinalang-bihag ni Ismael na anak ni Netanias mula sa Mizpa, pagkatapos niyang mapatay si Gedalias na anak ni Ahikam—ang mga kawal, mga babae, mga bata, at ang mga eunuko na ibinalik ni Johanan mula sa Gibeon.

17 At sila'y umalis at huminto sa Geruth Chimham, na malapit sa Bethlehem, na nagbabalak pumunta sa Ehipto,

18 dahil sa mga Caldeo; sapagkat sila'y takot sa kanila, sapagkat pinatay ni Ismael na anak ni Netanias si Gedalias na anak ni Ahikam na ginawa ng hari ng Babilonia na tagapamahala sa lupain.

Humiling ang Bayan kay Jeremias na Idalangin Sila

42 At ang lahat ng mga pinuno ng mga kawal, pati sina Johanan na anak ni Carea, si Jezanias na anak ni Hoshaias, at ang buong bayan mula sa pinakahamak hanggang sa pinakadakila ay lumapit,

at nagsabi kay Jeremias na propeta, “Pakinggan mo sana ang samo namin sa iyo, at idalangin mo kami sa Panginoon mong Diyos, para sa lahat ng nalabing ito. Sapagkat kakaunti lamang kaming naiwan mula sa marami gaya ng nakikita ng iyong sariling mga mata.

Ipakita nawa sa amin ng Panginoon mong Diyos ang daan na dapat naming lakaran, at ang bagay na dapat naming gawin.”

Nang magkagayo'y sinabi ng propetang si Jeremias sa kanila, “Narinig ko kayo. Narito, mananalangin ako sa Panginoon ninyong Diyos ayon sa inyong sinabi, at anumang isagot ng Panginoon sa inyo ay sasabihin ko sa inyo. Wala akong ililihim sa inyo.”

Sinabi naman nila kay Jeremias, “Ang Panginoon nawa ay maging totoo at tapat na saksi laban sa amin, kung hindi kami kikilos nang ayon sa lahat ng salita na ipinahahatid sa iyo ng Panginoon mong Diyos sa amin.

Maging iyon ay mabuti o masama, susundin namin ang tinig ng Panginoon nating Diyos na siya naming pinagsusuguan sa iyo upang ikabuti namin, kapag aming sinunod ang tinig ng Panginoon nating Diyos.”

Ang Sagot ng Panginoon sa Dalangin ni Jeremias

Pagkalipas ng sampung araw ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jeremias.

Pagkatapos ay ipinatawag niya si Johanan na anak ni Carea, pati ang lahat ng mga pinuno ng mga kawal na kasama niya, at ang buong bayan mula sa pinakahamak hanggang sa pinakadakila,

at sinabi niya sa kanila, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, na inyong pinagsuguan sa akin upang idulog ang inyong kahilingan sa harapan niya:

10 Kung kayo'y mananatili sa lupaing ito, aking itatayo kayo at hindi ibabagsak. Itatanim ko kayo at hindi bubunutin, sapagkat ikinalulungkot ko ang pinsalang nagawa ko sa inyo.

11 Huwag kayong matakot sa hari ng Babilonia na inyong kinatatakutan. Huwag kayong matakot sa kanya, sabi ng Panginoon, sapagkat ako'y kasama ninyo upang iligtas kayo, at sagipin mula sa kanyang kamay.

12 Kahahabagan ko kayo at siya'y mahahabag sa inyo at ibabalik kayo sa sarili ninyong lupain.

13 Ngunit kung inyong sabihin, ‘Hindi kami mananatili sa lupaing ito,’ at susuwayin ninyo ang tinig ng Panginoon ninyong Diyos,

14 na inyong sinasabi, ‘Hindi; kundi pupunta kami sa lupain ng Ehipto, na doon ay hindi kami makakakita ng digmaan, o makakarinig man ng tunog ng trumpeta, o magugutom sa tinapay, at kami'y maninirahan doon,’

15 ay inyo ngang pakinggan ang salita ng Panginoon, O nalabi ng Juda. Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Kung talagang nakatutok ang inyong pag-iisip[a] na pumasok sa Ehipto, at hahayo upang manirahan doon,

16 kung gayon ay aabutan kayo roon sa lupain ng Ehipto ng tabak na inyong kinatatakutan, at ang taggutom na inyong kinatatakutan ay mahigpit na susunod sa inyo doon sa Ehipto, at mamamatay kayo roon.

17 Kaya ang lahat ng taong nakatutok ang pag-iisip na pumasok sa Ehipto upang manirahan doon ay mamamatay sa pamamagitan ng tabak, ng taggutom, at ng salot. Walang matitira o makakaligtas sa kanila mula sa kasamaan na aking dadalhin sa kanila.

18 “Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Kung paanong ang aking galit at poot ay ibinuhos sa mga naninirahan sa Jerusalem, gayon ko rin ibubuhos ang aking poot sa inyo kapag kayo'y pumunta sa Ehipto. Kayo'y magiging tampulan ng pagkutya, kakilabutan, isang sumpa at paghamak. Hindi na ninyo makikita ang lugar na ito.

19 Sinabi na sa inyo ng Panginoon, O nalabi ng Juda, ‘Huwag kayong pumunta sa Ehipto.’ Tandaan ninyong mabuti na binalaan ko kayo sa araw na ito.

20 Sapagkat dinaya lamang ninyo ang inyong mga sarili. Sapagkat sinugo ninyo ako sa Panginoon ninyong Diyos, na inyong sinasabi, ‘Idalangin mo kami sa Panginoon nating Diyos, at anuman ang sasabihin ng Panginoon nating Diyos ay sabihin mo sa amin, at aming gagawin iyon.’

21 At aking ipinahayag iyon sa inyo sa araw na ito, ngunit hindi kayo sumunod sa tinig ng Panginoon ninyong Diyos sa anumang bagay na kanyang ipinasugo sa akin upang sabihin sa inyo.

22 Ngayon nga'y tinitiyak ko sa inyo na kayo'y mamamatay sa tabak, sa taggutom, at sa salot sa lugar na nais ninyong puntahan at tirahan.”

Mga Hebreo 4

Kaya't habang nananatiling bukas ang pangakong makapasok sa kanyang kapahingahan, mag-ingat tayo na baka sinuman sa inyo ay hindi makaabot doon.

Sapagkat dumating sa atin ang magandang balita, gaya rin naman sa kanila, ngunit hindi nila pinakinabangan ang pangangaral na narinig nila, sapagkat hindi sila naging kalakip sa pamamagitan ng pananampalataya ng mga taong nakarinig.

Sapagkat(A) tayong sumasampalataya ay pumapasok sa kapahingahang iyon, gaya ng sinabi ng Diyos,[a]

“Gaya ng aking isinumpa sa aking pagkagalit,
sila'y hindi papasok sa aking kapahingahan,”

bagama't ang mga gawa niya mula nang itatag ang sanlibutan ay natapos na.

Sapagkat(B) sa isang dako ay sinabi niya ang ganito tungkol sa ikapitong araw, “At nagpahinga ang Diyos nang ikapitong araw sa lahat ng kanyang mga gawa.”

At(C) sa dakong ito ay muling sinabi, “Sila'y hindi papasok sa aking kapahingahan.”

Kaya't yamang nananatiling bukas para sa ilan upang makapasok doon, at ang mga pinangaralan ng magandang balita nang una ay hindi nakapasok dahil sa pagsuway,

siya(D) ay muling nagtakda ng isang araw, “Ngayon,” na pagkatapos ng ilang panahon ay sinabi sa pamamagitan ni David, gaya ng sinabi noong una,

“Ngayon, kung marinig ninyo ang kanyang tinig,
huwag ninyong papagmatigasin ang inyong mga puso.”

Sapagkat(E) kung sila ay nabigyan ni Josue ng kapahingahan, hindi na sana nagsalita ang Diyos tungkol sa ibang araw pagkatapos ng mga ito.

Kaya't may natitira pang isang pamamahingang Sabbath para sa bayan ng Diyos.

10 Sapagkat(F) ang pumasok sa kanyang kapahingahan ay nagpahinga rin sa kanyang mga gawa, gaya ng Diyos sa kanyang mga gawa.

11 Kaya't magsikap tayong pumasok sa kapahingahang iyon, upang huwag mabuwal ang sinuman sa pamamagitan ng gayong halimbawa ng pagsuway.

12 Sapagkat ang salita ng Diyos ay buháy, mabisa, at higit na matalas kaysa alin mang tabak na may dalawang talim, at tumatagos hanggang sa pinaghihiwalayan ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at ng utak sa buto, at may kakayahang kumilala ng mga pag-iisip at mga hangarin ng puso.

13 At walang nilalang na nakukubli sa harapan niya, kundi ang lahat ng mga bagay ay hubad at hayag sa mga mata niya na ating pagsusulitan.

Si Jesus ang Pinakapunong Pari

14 Yamang tayo'y mayroong isang marangal at Pinakapunong Pari na pumasok sa kalangitan, si Jesus na Anak ng Diyos, ay hawakan nating matatag ang ating ipinahahayag.

15 Sapagkat tayo'y mayroong isang Pinakapunong Pari na marunong makiramay sa ating mga kahinaan, isa na tinukso sa lahat ng mga paraan gaya rin naman natin, gayunma'y walang kasalanan.

16 Kaya't lumapit tayong may katapangan sa trono ng biyaya, upang tayo'y tumanggap ng awa, at makatagpo ng biyaya na makakatulong sa panahon ng pangangailangan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001