Old/New Testament
Pakiusap ni Zedekias kay Jeremias
37 Si(A) Zedekias na anak ni Josias na ginawang hari sa lupain ng Juda ni Haring Nebukadnezar ng Babilonia, ay naghari sa halip na si Conias na anak ni Jehoiakim.
2 Ngunit siya, ang kanyang mga lingkod, at ang mamamayan ng lupain ay hindi nakinig sa mga salita ng Panginoon na kanyang sinalita sa pamamagitan ni propeta Jeremias.
3 Sinugo ni Haring Zedekias si Jehucal na anak ni Shelemias, at si Sefanias na anak ni Maasias na pari, kay Jeremias na propeta, na sinasabi, “Idalangin mo kami sa Panginoon nating Diyos.”
4 Si Jeremias noon ay naglalabas-pasok pa rin sa gitna ng bayan, sapagkat hindi pa siya inilalagay sa bilangguan.
5 Samantala, ang hukbo ni Faraon ay lumabas sa Ehipto; at nang mabalitaan ang tungkol sa kanila ng mga Caldeo na noon ay kumukubkob sa Jerusalem, sila'y umurong mula sa Jerusalem.
6 Nang magkagayo'y dumating ang salita ng Panginoon kay propeta Jeremias, na sinasabi,
7 “Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel: Ganito ang inyong sasabihin sa hari ng Juda na nagsugo sa inyo sa akin upang sumangguni sa akin, ‘Ang hukbo ni Faraon na lumabas upang tulungan kayo ay pabalik na sa Ehipto na kanilang sariling lupain.
8 At ang mga Caldeo ay babalik upang labanan ang lunsod na ito. Ito'y kanilang sasakupin at susunugin ng apoy.
9 Ganito ang sabi ng Panginoon, Huwag ninyong dayain ang inyong sarili sa pagsasabing, “Ang mga Caldeo ay tiyak na lalayo sa atin,” sapagkat hindi sila lalayo.
10 Sapagkat kahit magapi ninyo ang buong hukbo ng mga Caldeo na lumalaban sa inyo, at ang natira lamang sa kanila ay mga lalaking sugatan sa kanya-kanyang tolda, babangon sila at susunugin ng apoy ang lunsod na ito.’”
Ibinilanggo si Jeremias
11 Nangyari nang ang hukbo ng mga Caldeo ay makaurong na mula sa Jerusalem nang papalapit ang hukbo ni Faraon,
12 si Jeremias ay lumabas sa Jerusalem upang pumasok sa lupain ng Benjamin, upang tanggapin roon ang kanyang bahagi kasama ng bayan.
13 Nang siya'y nasa Pintuan ng Benjamin, isang bantay na ang pangalan ay Irias na anak ni Shelemias, na anak ni Hananias ang naroroon. Dinakip niya si propeta Jeremias, na sinasabi, “Ikaw ay papunta sa panig ng mga Caldeo.”
14 At sinabi ni Jeremias, “Kasinungalingan, hindi ako pumupunta tungo sa panig ng mga Caldeo.” Ngunit hindi siya pinakinggan ni Irias at kanyang dinakip si Jeremias at dinala sa mga pinuno.
15 Nagalit ang mga pinuno kay Jeremias at kanilang binugbog siya at ikinulong sa bahay ni Jonathan na kalihim, na ginawa na nilang bilangguan.
16 Nang si Jeremias ay makapasok sa piitang nasa ilalim ng lupa at manatili roon ng maraming araw,
17 ipinatawag siya ni Haring Zedekias at tinanggap siya. Palihim siyang tinanong ng hari sa kanyang bahay, at nagsabi, “Mayroon bang anumang salita mula sa Panginoon?” Sinabi ni Jeremias, “Mayroon.” At sinabi niya, “Ikaw ay ibibigay sa kamay ng hari ng Babilonia.”
18 Sinabi rin ni Jeremias kay Haring Zedekias, “Anong kasalanan ang nagawa ko laban sa iyo, sa iyong mga lingkod, o sa bayang ito upang ilagay ninyo ako sa bilangguan?
19 Nasaan ang inyong mga propeta na nagsalita ng propesiya sa inyo, na nagsasabi, ‘Ang hari ng Babilonia ay hindi darating laban sa inyo o laban man sa lupaing ito?’
20 Ngayon nga'y pakinggan mo, hinihiling ko sa iyo, O panginoon kong hari: tanggapin mo ang aking pakiusap sa harapan mo na huwag mo akong pabalikin sa bahay ni Jonathan na kalihim, baka mamatay ako roon.”
21 Kaya't nag-utos si Haring Zedekias, at kanilang dinala si Jeremias sa himpilan ng mga bantay. Kanilang binigyan siya ng isang pirasong tinapay araw-araw mula sa lansangan ng mga magtitinapay, hanggang sa maubos ang lahat ng tinapay sa lunsod. Kaya't nanatili si Jeremias sa himpilan ng mga bantay.
Si Jeremias sa Isang Tuyong Balon
38 At narinig ni Shefatias na anak ni Matan, ni Gedalias na anak ni Pashur, ni Jehucal na anak ni Shelemias, at ni Pashur na anak ni Malkias ang mga salitang binibigkas ni Jeremias sa buong bayan, na sinasabi,
2 “Ganito ang sabi ng Panginoon, Ang mananatili sa lunsod na ito ay mamamatay sa pamamagitan ng tabak, ng taggutom, at ng salot; ngunit ang lalabas patungo sa mga Caldeo ay mabubuhay, at ang kanyang buhay ay tataglayin niya bilang gantimpala ng digmaan, at siya'y mabubuhay.
3 Ganito ang sabi ng Panginoon, Ang lunsod na ito ay tiyak na ibibigay sa kamay ng hukbo ng hari ng Babilonia at masasakop.”
4 Nang magkagayo'y sinabi ng mga pinuno sa hari, “Patayin ang lalaking ito, sapagkat pinahihina niya ang mga kamay ng mga kawal na naiwan sa lunsod na ito, at ang mga kamay ng buong bayan, sa pagsasalita ng gayong mga salita sa kanila. Sapagkat hindi hinahanap ng lalaking ito ang kapakanan ng bayang ito, kundi ang kanilang kapahamakan.”
5 At sinabi ni Haring Zedekias, “Narito, siya'y nasa inyong mga kamay; sapagkat ang hari ay walang magagawang anuman laban sa inyo.”
6 Kaya't kanilang dinakip si Jeremias at inihulog siya sa balon ni Malkias na anak ng hari, na nasa himpilan ng mga bantay, sa pamamagitan ng pagbababa kay Jeremias sa pamamagitan ng mga lubid. Noon ay walang tubig sa balon, kundi burak lamang at lumubog si Jeremias sa burak.
Iniahon si Jeremias sa Balon
7 Narinig ni Ebed-melec na isang eunuko na taga-Etiopia, na noon ay nasa bahay ng hari, na kanilang inilagay si Jeremias sa balon. Ang hari noo'y nakaupo sa Pintuan ng Benjamin.
8 Kaya't si Ebed-melec ay lumabas sa bahay ng hari, at nagsalita sa hari, na sinasabi,
9 “Panginoon kong hari, ang mga lalaking ito ay gumawa ng kasamaan sa lahat ng kanilang ginawa kay Jeremias na propeta sa pamamagitan ng paghuhulog sa kanya sa balon. Siya'y mamamatay doon sa gutom, sapagkat wala nang tinapay sa lunsod.”
10 Nang magkagayo'y iniutos ng hari kay Ebed-melec na taga-Etiopia, “Magsama ka mula rito ng tatlong lalaki at iahon mo si Jeremias na propeta mula sa balon bago siya mamatay.”
11 Sa gayo'y nagsama ng mga lalaki si Ebed-melec at pumasok sa bahay ng hari, sa taguan ng damit sa bodega at kumuha roon ng mga lumang basahan at mga lumang damit, at kanilang ibinaba sa hukay sa pamamagitan ng mga lubid kay Jeremias.
12 Sinabi ni Ebed-melec na taga-Etiopia kay Jeremias, “Ilagay mo ang mga basahan at lumang damit na ito sa pagitan ng iyong kilikili at ng mga lubid.” Gayon nga ang ginawa ni Jeremias.
13 Kanilang iniahon si Jeremias sa pamamagitan ng mga lubid at itinaas siya mula sa balon. At si Jeremias ay nanatili sa himpilan ng bantay.
Hiningi ni Zedekias ang Payo ni Jeremias
14 Ipinatawag ni Haring Zedekias si Jeremias na propeta at tinanggap siya sa ikatlong pasukan ng bahay ng Panginoon. Sinabi ng hari kay Jeremias, “Magtatanong ako sa iyo at huwag kang maglihim ng anuman sa akin.”
15 Sinabi ni Jeremias kay Zedekias, “Kung sasabihin ko sa iyo, hindi ba tiyak na ipapapatay mo ako? At kung bigyan kita ng payo, hindi ka naman makikinig sa akin.”
16 Si Zedekias ay lihim na sumumpa kay Jeremias, “Habang buháy ang Panginoon na nagbigay sa atin ng buhay, hindi kita ipapapatay o ibibigay man kita sa kamay ng mga lalaking ito na nagtatangka sa iyong buhay.”
17 Nang magkagayo'y sinabi ni Jeremias kay Zedekias, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel, Kung ikaw ay susuko sa mga pinuno ng hari ng Babilonia, maliligtas ang iyong buhay at ang lunsod na ito ay hindi masusunog ng apoy; at ikaw at ang iyong sambahayan ay mabubuhay.
18 Ngunit kung hindi ka susuko sa mga pinuno ng hari ng Babilonia, ibibigay ang lunsod na ito sa kamay ng mga Caldeo, ito'y kanilang susunugin ng apoy, at ikaw ay hindi makakatakas sa kanilang kamay.”
19 Sinabi ni Haring Zedekias kay Jeremias, “Ako'y natatakot sa mga Judio na kumampi sa mga Caldeo, baka ako'y ibigay nila sa kanilang kamay at kanila akong pagmalupitan.”
20 Sinabi ni Jeremias, “Hindi ka ibibigay sa kanila. Sundin mo ngayon ang tinig ng Panginoon tungkol sa aking sinasabi sa iyo. Ikaw ay mapapabuti at ang iyong buhay ay maliligtas.
21 Ngunit kung ayaw mong sumuko, ito ang pangitaing ipinakita sa akin ng Panginoon:
22 Narito, lahat ng babaing naiwan sa bahay ng hari ng Juda ay inilalabas patungo sa mga pinuno ng hari ng Babilonia, at sila ay nagsasabi,
‘Dinaya ka ng iyong malalapit na kaibigan,
at nagtagumpay laban sa iyo;
ngayong ang iyong mga paa ay nakalubog sa burak,
sila'y lumayo sa iyo.’
23 Lahat ng mga asawa mo at ang iyong mga anak ay dadalhin din sa mga Caldeo, at hindi ka makakatakas sa kanilang kamay, kundi ikaw ay bibihagin ng hari ng Babilonia; at ang lunsod na ito ay susunugin ng apoy.”
24 Nang magkagayo'y sinabi ni Zedekias kay Jeremias, “Huwag mong ipaalam kaninuman ang mga salitang ito, at hindi ka mamamatay.
25 Kung mabalitaan ng mga pinuno na ako'y nakipag-usap sa iyo at sila'y pumarito at sabihin sa iyo, ‘Sabihin mo sa amin kung ano ang sinabi mo sa hari at kung anong sinabi ng hari sa iyo, huwag kang maglilihim ng anuman sa amin at hindi ka namin ipapapatay,’
26 iyong sasabihin sa kanila, ‘Ako'y mapagpakumbabang nakiusap sa hari na huwag niya akong pabalikin sa bahay ni Jonathan, upang mamatay doon.’”
27 Dumating ang lahat ng pinuno kay Jeremias at tinanong siya. Kanyang sinagot sila ayon sa itinuro sa kanya ng hari. Kaya't huminto na sila sa pakikipag-usap sa kanya; sapagkat ang pag-uusap ay hindi narinig.
28 At(B) nanatili si Jeremias sa himpilan ng bantay hanggang sa araw na masakop ang Jerusalem.
Ang Pagbagsak ng Jerusalem
39 Nang ikasiyam na taon ni Zedekias na hari ng Juda, nang ikasampung buwan, dumating si Nebukadnezar, hari ng Babilonia at ang kanyang buong hukbo laban sa Jerusalem at kinubkob ito;
2 nang ikalabing-isang taon ni Zedekias, nang ikaapat na buwan, nang ikasiyam na araw ng buwan, nagkaroon ng butas sa lunsod.
3 At ang lahat ng mga pinuno ng hari ng Babilonia ay dumating at umupo sa gitnang pintuan: sina Nergal-sarezer, Samgar-nebo, Sarsechim ang Rabsaris, Nergal-sarezer ang Rab-mag, at ang iba pa sa mga pinuno ng hari ng Babilonia.
4 Nang makita sila ni Zedekias na hari ng Juda at ng lahat ng mga kawal, sila ay tumakas at lumabas sa lunsod nang kinagabihan sa may halamanan ng hari papalabas sa pintuan sa pagitan ng dalawang pader, at siya'y lumabas patungo sa Araba.
5 Ngunit hinabol sila ng hukbo ng mga Caldeo, at inabutan si Zedekias sa mga kapatagan ng Jerico. Nang kanilang mahuli siya, siya'y kanilang dinala kay Nebukadnezar na hari ng Babilonia, sa Ribla, sa lupain ng Hamat, at kanyang hinatulan siya.
6 Pinatay ng hari ng Babilonia ang mga anak ni Zedekias sa Ribla sa kanyang harapan. Pinatay rin ng hari ng Babilonia ang lahat ng mga taong maharlika ng Juda.
7 Dinukot niya ang mga mata ni Zedekias at siya'y ginapos ng tanikala upang dalhin sa Babilonia.
8 Sinunog ng mga Caldeo ang bahay ng hari at ang mga bahay ng mga taong-bayan, at ibinagsak ang mga pader ng Jerusalem.
9 Pagkatapos ay dinalang-bihag ni Nebuzaradan na kapitan ng bantay patungong Babilonia ang nalabi sa mga tao na naiwan sa lunsod, yaong mga pumanig sa kanya at ang mga taong naiwan.
10 Ngunit iniwan ni Nebuzaradan na kapitan ng bantay ang ilan sa mga dukha sa lunsod na walang ari-arian, at binigyan sila ng mga ubasan at mga bukid sa panahon ding iyon.
Ang Paglaya ni Jeremias
11 Si Nebukadnezar na hari ng Babilonia ay nag-utos kay Nebuzaradan, na kapitan ng bantay tungkol kay Jeremias, na sinasabi,
12 “Kunin mo siya, ingatan mong mabuti at huwag siyang saktan, kundi gawin mo sa kanya ang kanyang sasabihin sa iyo.”
13 Sa gayo'y si Nebuzaradan na kapitan ng bantay, si Nabusazban ang Rabsaris, si Nergal-sarezer ang Rab-mag, at lahat ng mga pangunahing pinuno ng hari ng Babilonia
14 ay nagsugo at kinuha si Jeremias sa himpilan ng bantay. Kanilang ipinagkatiwala siya kay Gedalias na anak ni Ahikam, na anak ni Safan, upang kanyang iuwi siya. Sa gayo'y nanirahan siyang kasama ng taong-bayan.
15 Ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jeremias samantalang siya'y nakakulong sa himpilan ng bantay, na sinasabi,
16 “Humayo ka at sabihin mo kay Ebed-melec na taga-Etiopia, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Tutuparin ko ang aking mga salita laban sa lunsod na ito sa ikasasama at hindi sa ikabubuti, at ang mga iyon ay matutupad sa harapan mo sa araw na iyon.
17 Ngunit ililigtas kita sa araw na iyon, at hindi ka ibibigay sa kamay ng mga lalaking iyong kinatatakutan, sabi ng Panginoon.
18 Sapagkat tiyak na ililigtas kita, at ikaw ay hindi ibubuwal ng tabak, kundi tataglayin mo ang iyong buhay bilang gantimpala ng digmaan, sapagkat nagtiwala ka sa akin, sabi ng Panginoon.’”
Higit na Dakila kay Moises
3 Kaya, mga banal na kapatid, mga kabahagi sa makalangit na pagkatawag, isaalang-alang ninyo na si Jesus, ang Apostol at Pinakapunong Pari ng ating pagpapahayag,
2 ay(A) tapat sa nagtalaga sa kanya, gaya ni Moises na tapat sa buong sambahayan ng Diyos.[a]
3 Sapagkat siya ay itinuring na karapat-dapat sa higit na kaluwalhatian kaysa kay Moises, yamang ang nagtayo ng bahay ay may higit na karangalan kaysa bahay.
4 Sapagkat ang bawat bahay ay may nagtayo, subalit ang nagtayo ng lahat ng mga bagay ay ang Diyos.
5 At si Moises ay naging tapat sa buong sambahayan ng Diyos[b] gaya ng isang lingkod, bilang patotoo sa mga bagay na sasabihin.
6 Subalit si Cristo ay tapat sa bahay ng Diyos,[c] bilang isang anak, at tayo ang bahay na iyon kung ating iingatang matibay hanggang sa katapusan ang ating pagtitiwala at pagmamalaki sa ating pag-asa.
Kapahingahan para sa Bayan ng Diyos
7 Kaya't(B) gaya ng sinasabi ng Espiritu Santo,
“Ngayon, kung marinig ninyo ang kanyang tinig,
8 huwag ninyong papagmatigasin ang inyong mga puso gaya ng sa paghihimagsik,
gaya ng sa araw ng pagsubok sa ilang,
9 na doon ay sinubok ako ng inyong mga ninuno,
bagaman nakita nila ang aking mga gawa sa loob ng
10 apatnapung taon.
Kaya't nagalit ako sa lahing ito,
at aking sinabi, ‘Sila'y laging naliligaw sa kanilang puso,
at hindi nila nalaman ang aking mga daan.’
11 Gaya ng sa aking galit ay aking isinumpa,
‘Hindi sila papasok sa aking kapahingahan.’”
12 Mga kapatid, mag-ingat kayo, na walang sinuman sa inyo ang may pusong masama at walang pananampalataya na naglalayo sa buháy na Diyos.
13 Ngunit magpayuhan kayo sa isa't isa araw-araw, habang ito ay tinatawag na “ngayon,” upang walang sinuman sa inyo ang papagmatigasin ng pagiging madaya ng kasalanan.
14 Sapagkat tayo'y nagiging kabahagi ni Cristo kung ating hinahawakang matatag ang pasimula ng ating pagtitiwala hanggang sa katapusan.
15 Gaya(C) ng sinasabi,
“Ngayon, kung marinig ninyo ang kanyang tinig,
huwag ninyong papagmatigasin ang inyong mga puso, na gaya ng sa paghihimagsik.”
16 Sinu-sino(D) ba sila na matapos makarinig ay naghimagsik? Hindi ba ang lahat ng umalis sa Ehipto sa pamamagitan ni Moises?
17 Ngunit kanino siya galit nang apatnapung taon? Hindi ba sa mga nagkasala, na ang mga katawan ay nabuwal sa ilang?
18 At kanino siya sumumpa na hindi sila makakapasok sa kanyang kapahingahan, kung hindi sa mga sumuway?
19 Kaya't nakikita natin na sila'y hindi nakapasok dahil sa kawalan ng pananampalataya.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001