Old/New Testament
Ang Pagkatalo ng Ehipto sa Carquemis
46 Ang salita ng Panginoon na dumating kay Jeremias na propeta tungkol sa mga bansa.
2 Tungkol(A) sa Ehipto. Tungkol sa hukbo ni Faraon Neco, na hari ng Ehipto na nasa tabi ng ilog ng Eufrates, sa Carquemis, na tinalo ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia, nang ikaapat na taon ni Jehoiakim na anak ni Josias, na hari ng Juda:
3 “Ihanda ninyo ang panangga at kalasag,
at kayo'y lumapit sa pakikipaglaban!
4 Singkawan ninyo ang mga kabayo,
kayo'y sumakay, O mga mangangabayo!
Humanay kayo na may helmet;
pakintabin ang inyong mga sibat,
at isuot ang inyong kasuotang pandigma!
5 Bakit ko nakita iyon?
Sila'y nanlulupaypay
at nagsisibalik.
Ang kanilang mga mandirigma ay ibinuwal
at mabilis na tumakas;
hindi sila lumilingon—
ang pagkasindak ay nasa bawat panig! sabi ng Panginoon.
6 Ang maliksi ay huwag tumakbo,
ni ang malakas ay tumakas;
sa hilaga sa tabi ng Ilog Eufrates
sila ay natisod at bumagsak.
7 “Sino itong bumabangon na katulad ng Nilo,
gaya ng mga ilog na ang mga tubig ay bumubulusok?
8 Ang Ehipto ay bumabangong parang Nilo,
gaya ng mga ilog na ang tubig ay bumubulusok.
Kanyang sinabi, Ako'y babangon at tatakpan ko ang lupa.
Aking wawasakin ang lunsod at ang mga mamamayan nito.
9 Sulong, O mga kabayo;
at kayo'y humagibis, O mga karwahe!
Sumalakay kayong mga mandirigma;
mga lalaki ng Etiopia at Put na humahawak ng kalasag;
ang mga lalaki ng Lud, na humahawak at bumabanat ng pana.
10 Sapagkat ang araw na iyon ay sa Panginoong Diyos ng mga hukbo,
isang araw ng paghihiganti,
upang makaganti siya sa kanyang mga kaaway.
Ang tabak ay lalamon at mabubusog,
at magpapakalasing sa dugo nila.
Sapagkat ang Panginoong Diyos ng mga hukbo ay magkakaroon ng pag-aalay
sa hilagang lupain sa tabi ng Ilog Eufrates.
11 Umahon ka sa Gilead, at kumuha ka ng balsamo,
O anak na birhen ng Ehipto!
Walang kabuluhang gumamit ka ng maraming gamot;
hindi ka na gagaling.
12 Nabalitaan ng mga bansa ang iyong kahihiyan,
at ang daigdig ay punô ng iyong sigaw,
sapagkat ang mandirigma ay natisod sa kapwa mandirigma,
sila'y magkasamang nabuwal.”
13 Ang(B) salitang sinabi ng Panginoon kay Jeremias na propeta tungkol sa pagdating ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia upang salakayin ang lupain ng Ehipto:
Ang Pagdating ni Nebukadnezar
14 “Ipahayag ninyo sa Ehipto, ihayag sa Migdol,
at ihayag sa Memfis at sa Tafnes;
Sabihin ninyo, ‘Tumayo ka at humanda ka,
sapagkat ang tabak ay lalamon sa palibot mo.’
15 Bakit napayuko ang iyong malalakas?
Hindi sila tumatayo
sapagkat sila'y ibinagsak ng Panginoon.
16 Tinisod niya ang marami, oo, at sila'y nabuwal sa isa't isa.
At sinabi nila sa isa't isa,
‘Bangon, at bumalik tayo sa ating sariling bayan,
at sa ating lupang sinilangan,
malayo sa tabak ng manlulupig.’
17 Sila'y sumigaw roon. ‘Si Faraon, hari ng Ehipto ay isang ingay lamang.
Hinayaan niyang lumipas ang takdang oras!’
18 “Habang buháy ako, sabi ng Hari,
na ang pangalan ay Panginoon ng mga hukbo,
tunay na gaya ng Tabor sa gitna ng mga bundok,
at gaya ng Carmel sa tabing dagat,
gayon darating ang isa.
19 Ihanda ninyo ang inyong dala-dalahan para sa pagkabihag,
O, anak na babae na nakatira sa Ehipto!
Sapagkat ang Memfis ay magiging sira,
susunugin at walang maninirahan.
20 “Ang Ehipto ay isang napakagandang dumalagang baka;
ngunit isang salot ang dumarating mula sa hilaga—ito'y dumarating!
21 Maging ang kanyang mga upahang kawal sa gitna niya
ay parang mga pinatabang guya.
Oo, sila ay pumihit at tumakas na magkakasama,
sila'y hindi nakatagal,
sapagkat ang araw ng kanilang pagkapinsala ay dumating sa kanila,
ang panahon ng kanilang kaparusahan.
22 “Siya ay gumagawa ng tunog na gaya ng ahas na gumagapang na papalayo;
sapagkat ang kanyang mga kaaway ay dumarating na may kalakasan,
at dumarating laban sa kanya na may mga palakol,
gaya ng mga mamumutol ng kahoy.
23 Kanilang pinutol ang kanyang kakahuyan, sabi ng Panginoon,
bagaman mahirap pasukin;
sapagkat sila'y higit na marami kaysa mga balang,
sila'y hindi mabilang.
24 Ang anak na babae ng Ehipto ay malalagay sa kahihiyan;
siya'y ibibigay sa kamay ng isang sambayanan mula sa hilaga.”
25 Sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: “Ako'y nagdadala ng kaparusahan sa Amon ng Tebes, at kay Faraon, at sa Ehipto, at sa kanyang mga diyos at sa kanyang mga hari, kay Faraon at sa mga nagtitiwala sa kanya.
26 Ibibigay ko sila sa kamay ng mga nagtatangka sa kanilang buhay, sa kamay ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia at sa kanyang mga pinuno. Pagkatapos ang Ehipto ay tatahanan na gaya ng mga araw noong una, sabi ng Panginoon.
Ililigtas ng Panginoon ang Kanyang Bayan
27 “Ngunit(C) huwag kang matakot, O Jacob na aking lingkod,
ni manlulupaypay, O Israel,
sapagkat, narito, ililigtas kita mula sa malayo,
at ang iyong lahi mula sa lupain ng kanilang pagkabihag.
Ang Jacob ay babalik at magiging tahimik at tiwasay,
at walang sisindak sa kanya.
28 Huwag kang matakot, O Jacob na aking lingkod, sabi ng Panginoon,
sapagkat ako'y kasama mo.
Sapagkat lubos kong wawakasan ang lahat ng mga bansa
na aking pinagtabuyan sa iyo;
ngunit ikaw ay hindi ko lubos na wawakasan.
Ngunit parurusahan kita nang hustong sukat,
at hindi kita iiwan sa anumang paraan na hindi mapaparusahan.”
Ang Mensahe ng Panginoon tungkol sa mga Filisteo
47 Ang(D) salita ng Panginoon na dumating kay Jeremias na propeta tungkol sa mga Filisteo, bago sinakop ni Faraon ang Gaza.
2 “Ganito ang sabi ng Panginoon:
Narito, ang mga tubig ay umaahon mula sa hilaga,
at magiging nag-uumapaw na baha;
ang mga ito ay aapaw sa lupain at sa lahat ng naroon,
ang lunsod at ang mga naninirahan doon.
Ang mga tao ay sisigaw,
at bawat mamamayan sa lupain ay tatangis.
3 Sa ingay ng lagapak ng mga kuko ng kanyang mga kabayo,
sa hagibis ng kanyang mga karwahe, sa ingay ng kanilang mga gulong,
hindi nililingon ng mga magulang ang kanilang mga anak,
dahil sa kahinaan ng kanilang mga kamay,
4 dahil sa araw na dumarating
upang lipulin ang lahat ng Filisteo,
upang ihiwalay sa Tiro at Sidon
ang bawat kakampi na nananatili.
Sapagkat nililipol ng Panginoon ang mga Filisteo,
ang nalabi sa pulo ng Crete.
5 Ang pagiging kalbo ay dumating sa Gaza,
ang Ascalon ay nagiba.
O nalabi ng kanilang libis,
hanggang kailan mo hihiwaan ang iyong sarili?
6 Ah, tabak ng Panginoon!
Hanggang kailan ka hindi tatahimik?
Ilagay mo ang sarili sa iyong kaluban;
ikaw ay magpahinga at tumahimik!
7 Paano ito magiging tahimik
yamang ito'y inatasan ng Panginoon?
Laban sa Ascalon at laban sa baybayin ng dagat
ay itinakda niya ito.”
Ang Panganib ng Pagtalikod
6 Kaya't iwan na natin ang mga unang simulain ng aral ni Cristo, at tayo'y magpatuloy sa kasakdalan, na huwag nating muling ilagay ang saligan ng pagsisisi mula sa mga patay na gawa at pananampalataya sa Diyos,
2 ng aral tungkol sa mga bautismo,[a] pagpapatong ng mga kamay, muling pagkabuhay ng mga patay, at ng walang hanggang paghuhukom.
3 At ating gagawin ito, kung ipahihintulot ng Diyos.
4 Sapagkat hindi mangyayari na ang mga dating naliwanagan na, at nakalasap ng kaloob ng kalangitan, at mga naging kabahagi ng Espiritu Santo,
5 at nakalasap ng kabutihan ng salita ng Diyos, at ng mga kapangyarihan ng panahong darating,
6 at pagkatapos ay tumalikod ay muling panumbalikin sa pagsisisi, yamang sa kanilang sarili ay muli nilang ipinapako sa krus ang Anak ng Diyos, at itinataas sa kahihiyan.
7 Sapagkat ang lupang umiinom ng ulang madalas na pumapatak sa kanya, at tinutubuan ng mga halamang angkop doon na dahil sa kanila ito ay binungkal, ay tumatanggap ng pagpapalang mula sa Diyos.
8 Subalit(A) kung ito'y tinutubuan ng mga tinik at dawag, ito ay walang kabuluhan at malapit nang sumpain, at ang kanyang kahihinatnan ay ang pagkasunog.
9 Ngunit, mga minamahal, kami ay lubos na naniniwala sa mga mabubuting bagay tungkol sa inyo, at sa mga bagay na may kinalaman sa kaligtasan, bagama't kami ay nagsasalita ng ganito.
10 Sapagkat ang Diyos ay hindi masama; hindi niya kaliligtaan ang inyong gawa at ang pag-ibig na inyong ipinakita sa kanyang pangalan, sa inyong paglilingkod sa mga banal, gaya ng ginagawa ninyo ngayon.
11 At nais namin na ang bawat isa sa inyo ay magpakita ng gayunding sigasig upang inyong malaman ang ganap na katiyakan ng pag-asa hanggang sa katapusan;
12 upang kayo'y huwag maging mga tamad, kundi mga taga-tulad kayo sa kanila na sa pamamagitan ng pananampalataya at ng pagtitiis ay nagmamana ng mga pangako.
Ang Katiyakan ng Pangako ng Diyos
13 Nang mangako ang Diyos kay Abraham, palibhasa'y walang sinumang higit na dakila na kanyang panunumpaan, siya ay nanumpa sa kanyang sarili,
14 na(B) sinasabi, “Tiyak na pagpapalain at pararamihin kita.”
15 Kaya't si Abraham,[b] nang makapaghintay na may pagtitiis, ay tumanggap ng pangako.
16 Nanunumpa ang mga tao sa harap ng higit na mataas sa kanila, at ang sumpang binitawan bilang katibayan ay nagwawakas ng bawat usapin.
17 Gayundin naman, sa pagnanais ng Diyos na maipakita sa mga tagapagmana ng pangako na hindi maaaring mabago ang kanyang pasiya, pinagtibay niya ito sa pamamagitan ng isang sumpa;
18 upang sa pamamagitan ng dalawang bagay na di-mababago, na dito'y hindi maaaring magsinungaling ang Diyos, tayong nagtungo sa kanlungan ay magkaroon ng higit na katiyakang panghawakan ang pag-asang nakalagay sa harapan natin.
19 Taglay(C) natin ito bilang isang tiyak at matibay na angkla ng kaluluwa, isang pag-asa na pumapasok sa loob ng santuwaryo, sa kabila ng tabing,
20 na(D) doo'y naunang pumasok para sa atin si Jesus, na naging pinakapunong pari magpakailanman ayon sa pagkapari ni Melquizedek.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001