Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Ezekiel 24-26

Ang Talinghaga ng Kumukulong Palayok

24 Nang ikasampung araw ng ikasampung buwan ng ikasiyam na taon, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,

“Anak(A) ng tao, isulat mo ang pangalan ng araw na ito, ang araw ding ito. Kinubkob ng hari ng Babilonia ang Jerusalem sa araw ding ito.

At magsalita ka ng isang talinghaga sa mapaghimagsik na sambahayan, at sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:

Magsalang ka ng palayok, isalang mo,
    at buhusan mo rin ng tubig;

ilagay mo rito ang mga piraso ng laman,

    lahat ng mabubuting putol, ang hita at ang balikat;
    punuin mo ng mga piling buto.

Kumuha ka ng piling-pili mula sa kawan,

    at ibunton mo ang mga kahoy[a] sa ilalim niyon;
pakuluan mong mabuti;
    lutuin mo rin ang mga buto sa loob niyon.

“Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Kahabag-habag ang madugong lunsod, ang kaldero na may kalawang, at ang kalawang ay hindi naalis doon! Ilabas mo mula roon ang pira-piraso, na walang pamimiling[b] ginawa roon.

Sapagkat ang dugo na kanyang pinadanak ay nasa gitna pa rin niya. Inilagay niya ito sa lantad na bato; hindi niya ito ibinuhos sa lupa upang tabunan ng alabok.

Upang pukawin ang aking poot, upang maghiganti, inilagay ko sa lantad na bato ang dugo na kanyang pinadanak upang hindi ito matakpan.

Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Kahabag-habag ang madugong lunsod! Akin ding patataasin ang bunton.

10 Ibunton ang kahoy, paningasin ang apoy, pakuluang mabuti ang laman, ihalo ang mga pampalasa, at sunugin ang mga buto.

11 Pagkatapos ay ilagay itong walang laman sa mga baga upang ito ay uminit, at ang tanso niyo'y masunog, upang ang dumi niyon ay matunaw roon, upang mawala ang kalawang niyon.

12 Ako'y nagpakapagod sa walang kabuluhan, ang makapal nitong kalawang ay hindi naaalis sa pamamagitan ng apoy.

13 Ang kalawang niyon ay ang iyong maruming kahalayan. Sapagkat ikaw ay nilinis ko sana at hindi ka nalinis sa iyong karumihan, hindi ka na malilinis pa hanggang sa aking malubos ang aking poot sa iyo.

14 Akong Panginoon ang nagsalita, ito'y mangyayari, ito'y aking gagawin. Hindi ako magpipigil, ni magpapatawad, ni magsisisi man. Ayon sa iyong mga lakad at mga gawa ay hahatulan kita, sabi ng Panginoong Diyos.”

Ang Kamatayan ng Asawa ni Ezekiel

15 Ang salita ng Panginoon ay dumating din sa akin, na sinasabi,

16 “Anak ng tao, narito, malapit ko nang alisin sa iyo sa pamamagitan ng kamatayan ang kaluguran ng iyong mga mata. Gayunma'y hindi ka tatangis, ni iiyak man, ni aagos man ang iyong mga luha.

17 Magbuntong-hininga ka, ngunit huwag malakas; huwag mong tangisan ang patay. Itali mo ang iyong putong, at isuot mo ang iyong mga sandalyas sa iyong mga paa. Huwag mong takpan ang iyong mga bigote, at huwag kang kumain ng tinapay ng mga tao.”

18 Kinaumagahan, nagsalita ako sa taong-bayan, at kinagabihan ay namatay ang aking asawa. Aking ginawa nang sumunod na umaga ang gaya ng iniutos sa akin.

19 At sinabi ng taong-bayan sa akin, “Hindi mo ba sasabihin sa amin kung ano ang kahulugan ng mga bagay na ito sa amin, kung bakit ikaw ay kumikilos ng ganyan?”

20 Nang magkagayo'y sinabi ko sa kanila, “Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi:

21 ‘Sabihin mo sa sambahayan ni Israel, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Narito, aking lalapastanganin ang aking santuwaryo, ang kapalaluan ng inyong kapangyarihan, ang kaluguran ng inyong mga mata, at naisin ng inyong kaluluwa. Ang inyong mga anak na lalaki at babae na inyong iniwan sa hulihan ay mabubuwal sa pamamagitan ng tabak.

22 Inyong gagawin ang gaya ng aking ginawa; hindi ninyo tatakpan ang inyong mga bigote, o kakain man ng tinapay ng mga tao.

23 Ang inyong putong ay malalagay sa inyong mga ulo, at ang inyong mga sandalyas sa inyong mga paa. Kayo'y hindi tatangis o iiyak man, kundi kayo'y manlulupaypay sa inyong mga kasamaan, at dadaing sa isa't isa.

24 Ganito magiging isang tanda sa inyo si Ezekiel; ayon sa lahat niyang ginawa ay inyong gagawin. Kapag ito'y nangyari, inyong malalaman na ako ang Panginoong Diyos.’

25 “At ikaw, anak ng tao, sa araw na iyon nang aking alisin sa kanila ang kanilang lakas, ang kanilang kagalakan at kaluwalhatian, ang kaluguran ng kanilang mga mata, at ang ninanais ng kanilang puso, maging ang kanilang mga anak na lalaki at babae,

26 na sa araw na iyon ay darating sa inyo ang isang takas upang iulat sa inyo ang balita.

27 Sa araw na iyon ay bubuka ang iyong bibig sa kanya na nakatakas, at ikaw ay magsasalita, at hindi na mapipipi pa. Kaya't ikaw ay magiging isang tanda sa kanila; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.”

Ang Pahayag Laban sa mga Ammonita

25 Ang(B) salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,

“Anak ng tao, humarap ka sa mga anak ni Ammon, at magsalita ka ng propesiya laban sa kanila.

Sabihin mo sa mga anak ni Ammon, “Inyong pakinggan ang salita ng Panginoong Diyos: Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos, Sapagkat iyong sinabi, ‘Aha!’ laban sa aking santuwaryo nang ito'y malapastangan; at laban sa lupain ng Israel nang ito'y sirain; at laban sa sambahayan ni Juda nang ito'y tumungo sa pagkabihag;

kaya't narito, aking ibibigay ka sa mga tao sa silangan bilang ari-arian. Itatayo nila ang kanilang mga kampo na kasama mo, at gagawa ng kanilang mga tolda sa kalagitnaan mo. Kanilang kakainin ang iyong bungang-kahoy, at kanilang iinumin ang iyong gatas.

Aking gagawin ang Rabba na pastulan ng mga kamelyo, at ang mga lunsod ng mga anak ni Ammon bilang pahingahan ng mga kawan; at inyong malalaman na ako ang Panginoon.

Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sapagkat ipinalakpak mo ang iyong mga kamay, at ipinadyak mo ang iyong mga paa, at nagalak ka na may buong paghamak ng iyong kalooban laban sa lupain ng Israel,

kaya't iniunat ko ang aking kamay laban sa iyo, at ibibigay kita bilang samsam sa mga bansa. Tatanggalin kita mula sa mga bayan, ipalilipol kita mula sa mga bansa at aking wawasakin ka. At iyong malalaman na ako ang Panginoon.

Ang Pahayag Laban sa Moab

“Ganito(C) ang sabi ng Panginoong Diyos: Sapagkat sinabi ng Moab at ng Seir, Narito, ang sambahayan ni Juda ay gaya ng lahat ng ibang mga bansa;

kaya't narito, aking bubuksan ang tagiliran ng Moab mula sa mga bayan sa kanyang mga hangganan, ang kaluwalhatian ng bansa, ang Bet-jesimot, Baal-meon, at Kiryataim.

10 Ibibigay ko itong kasama ang mga anak ni Ammon sa mga tao sa silangan bilang ari-arian, upang ang mga ito ay huwag nang maalala sa gitna ng mga bansa,

11 at ako'y maglalapat ng hatol sa Moab. At kanilang malalaman na ako ang Panginoon.

Ang Pahayag Laban sa Edom

12 “Ganito(D) ang sabi ng Panginoong Diyos: Sapagkat ang Edom ay gumawang may paghihiganti sa sambahayan ni Juda at nagkasala ng mabigat sa paghihiganti sa kanila,

13 kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos, Iuunat ko ang aking kamay laban sa Edom, at aking aalisin doon ang tao at hayop. Gagawin ko itong wasak mula sa Teman hanggang sa Dedan at babagsak sila sa pamamagitan ng tabak.

14 At aking gagawin ang aking paghihiganti sa Edom sa pamamagitan ng kamay ng aking bayang Israel. Kaya't kanilang gagawin sa Edom ang ayon sa aking galit, at ayon sa aking poot; at kanilang malalaman ang aking paghihiganti, sabi ng Panginoong Diyos.

Ang Pahayag Laban sa mga Filisteo

15 “Ganito(E) ang sabi ng Panginoong Diyos: Sapagkat ang mga Filisteo ay gumawa ng paghihiganti, at naghiganti na may masamang hangarin ng puso upang mangwasak na may walang hanggang pagkagalit;

16 kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Aking iuunat ang aking kamay laban sa mga Filisteo, at aking tatanggalin ang mga Kereteo, at wawasakin ko ang nalalabi sa baybaying-dagat.

17 Ako'y maglalapat ng matinding paghihiganti sa kanila na may mabangis na pagpaparusa. At kanilang malalaman na ako ang Panginoon, kapag aking isinagawa ang aking paghihiganti sa kanila.”

Ang Pahayag Laban sa Tiro

26 Nang(F) unang araw ng buwan na siyang ikalabing-isang taon, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,

“Anak ng tao, sapagkat sinabi ng Tiro tungkol sa Jerusalem, ‘Aha, ang pintuan ng mga bayan ay wasak, iyon ay bumukas sa akin. Ako'y muling mapupuno ngayong siya'y wasak;

kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Narito, ako'y laban sa iyo, O Tiro, at aking pasasampahin ang maraming bansa laban sa iyo, gaya ng pagsampa ng dagat ng kanyang mga alon.

Kanilang gigibain ang mga pader ng Tiro, at ibabagsak ang kanyang mga tore; at aking kakayurin ang kanyang lupa, at gagawin ko siyang hubad na bato.

Siya'y magiging dakong ladlaran ng mga lambat sa gitna ng dagat; sapagkat aking sinalita, sabi ng Panginoong Diyos; at siya'y magiging samsam sa mga bansa.

At ang kanyang mga anak na babae na nasa lupain ay papatayin ng tabak, at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.

“Sapagkat ganito ang sinasabi ng Panginoong Diyos: Narito, aking dadalhin sa Tiro, mula sa hilaga, si Nebukadnezar na hari ng Babilonia, na hari ng mga hari, na may mga kabayo at mga karwahe, may mga mangangabayo, at isang hukbo ng maraming kawal.

Kanyang papatayin ng tabak ang iyong mga anak na babae sa lupain; at siya'y gagawa ng mga pader na pangkubkob laban sa iyo, at magtatayo ng isang bunton laban sa iyo, at magtataas ng mga pananggalang laban sa iyo.

Kanyang itutuon ang kanyang mga pambayo laban sa iyong mga pader, at sa pamamagitan ng kanyang mga palakol ay kanyang ibabagsak ang iyong mga muog.

10 Magiging napakarami ang kanyang mga kabayo, anupa't tatakpan ka ng kanilang alabok. Ang iyong mga pader ay uuga sa ugong ng mga mangangabayo, mga kariton, at ng mga karwahe, kapag siya'y papasok sa iyong mga pintuan na gaya ng pagpasok ng tao sa isang lunsod na binutasan.

11 Tatapakan ng mga paa ng kanyang mga kabayo ang lahat mong mga lansangan; papatayin niya ng tabak ang iyong bayan at ang matitibay mong haligi ay mabubuwal sa lupa.

12 Kanilang sasamsamin ang iyong mga kayamanan, at nanakawin ang iyong kalakal. Kanilang ibabagsak ang iyong mga pader at gigibain ang iyong magagandang bahay. Ang iyong mga bato, kahoy at ang lupa ay ihahagis nila sa gitna ng dagat.

13 Aking(G) patitigilin ang tinig ng iyong mga awit, at ang tunog ng iyong mga lira ay hindi na maririnig.

14 At gagawin kitang hubad na bato. Ikaw ay magiging dakong ladlaran ng mga lambat; ikaw ay hindi na muling itatayo sapagkat akong Panginoon ang nagsalita, sabi ng Panginoong Diyos.

15 “Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos sa Tiro: Hindi ba mayayanig ang mga pulo sa tunog ng iyong pagbagsak, kapag ang nasugatan ay dumaraing, kapag ang patayan ay ginawa sa gitna mo?

16 Kung(H) magkagayo'y bababa ang lahat ng mga pinuno sa dagat mula sa kanilang mga trono, at aalisin ang kanilang mga balabal, at huhubarin ang kanilang mga damit na may burda. Sila'y mababalot ng panginginig; sila'y magsisiupo sa lupa, at manginginig bawat sandali, at matatakot sa iyo.

17 At mananaghoy sila para sa iyo, at sasabihin sa iyo,

‘Paano ka napahamak, O ikaw na tinatahanan mula sa karagatan,
    O tanyag na lunsod,
na makapangyarihan sa dagat,
    ikaw at ang iyong mga mamamayan,
na naglalapat ng pagkatakot sa iyo
    sa lahat ng kanyang mga mamamayan!
18 Ang mga pulo ngayon ay nayayanig
    sa araw ng iyong pagbagsak;
oo, ang mga pulo na nasa dagat
    ay natakot sa iyong pagyaon.’

19 “Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Kapag ikaw ay ginawa kong wasak na lunsod, gaya ng mga lunsod na walang naninirahan, kapag tinabunan kita ng kalaliman, at tinakpan ka ng maraming tubig;

20 kung gayo'y ibababa kita na kasama nila na bumababa sa hukay, sa mga tao nang una, at patitirahin kita sa malalim na bahagi ng lupa, sa mga dakong wasak na nang una, na kasama ng nagsibaba sa hukay, upang ikaw ay hindi na tahanan, o magkaroon ng lugar sa lupain ng mga buháy, ngunit ako'y maglalagay ng kaluwalhatian sa lupain ng mga buhay.

21 Ako'y(I) magdadala sa inyo ng mga kakilakilabot at hindi ka na mabubuhay; ikaw ay mawawala na, bagaman ikaw ay hanapin, ay hindi ka na muling matatagpuan, sabi ng Panginoong Diyos.”

1 Pedro 2

Ang Batong Buháy at ang Bansang Banal

Kaya't iwaksi ninyo ang lahat ng kasamaan, pandaraya, pagkukunwari, inggitan, at lahat ng paninirang-puri.

Gaya ng mga sanggol na bagong silang ay mithiin ninyo ang malinis na espirituwal na gatas, upang sa pamamagitan nito'y lumago kayo tungo sa kaligtasan,

kung(A) natikman nga ninyo na ang Panginoon ay mabuti.

Lumapit kayo sa kanya, na isang batong buháy, bagaman itinakuwil ng mga tao gayunma'y pinili at mahalaga sa paningin ng Diyos, at

tulad ng mga batong buháy, hayaan ninyong kayo ay maitayo bilang espirituwal na bahay tungo sa banal na pagkapari, upang mag-alay ng mga espirituwal na handog na kasiya-siya sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo.

Sapagkat(B) ito ang isinasaad ng kasulatan:

“Tingnan ninyo, aking inilalagay sa Zion ang isang bato,
    isang batong panulok na pinili at mahalaga;
at sinumang sumasampalataya sa kanya ay hindi mapapahiya.”

Kaya't(C) sa inyo na nananampalataya, siya'y mahalaga; subalit sa mga hindi nananampalataya,

“Ang batong itinakuwil ng mga tagapagtayo ng bahay
    ay siyang naging puno ng panulok,”

at,(D)

“Isang batong nagpapatisod sa kanila,
    at malaking bato na nagpabagsak sa kanila.”

Sila'y natitisod dahil sa pagsuway sa salita, na dito naman sila itinalaga.

Ngunit(E) kayo'y isang lahing pinili, isang maharlikang pagkapari, isang bansang banal, sambayanang pag-aari ng Diyos, upang inyong ipahayag ang mga makapangyarihang gawa niya na tumawag sa inyo mula sa kadiliman, tungo sa kanyang kagila-gilalas na liwanag.

10 Noon(F) ay hindi kayo bayan, ngunit ngayo'y bayan kayo ng Diyos; noon ay hindi kayo tumanggap ng habag, ngunit ngayo'y tumanggap kayo ng habag.

Mamuhay Bilang mga Lingkod ng Diyos

11 Mga minamahal, ipinapakiusap ko sa inyo bilang mga dayuhan at ipinatapon, na kayo'y umiwas sa mga pagnanasa ng laman na nakikipaglaban sa kaluluwa.

12 Maging marangal ang inyong pag-uugali sa gitna ng mga Hentil upang kung magsalita sila laban sa inyo na parang kayo'y gumagawa ng kasamaan, ay makita nila ang inyong mabubuting gawa at luwalhatiin nila ang Diyos sa araw ng pagdalaw.

13 Pasakop kayo sa bawat pamahalaan ng tao alang-alang sa Panginoon, maging sa hari, na kataas-taasan,

14 o sa mga gobernador na sinugo niya upang parusahan ang mga gumagawa ng masama at parangalan ang mga gumagawa ng mabuti.

15 Sapagkat gayon ang kalooban ng Diyos na dahil sa paggawa ng mabuti ay inyong mapatahimik ang kamangmangan ng mga taong hangal.

16 Mamuhay kayo nang tulad sa taong malalaya, ngunit huwag ninyong gamitin ang kalayaan bilang balabal ng kasamaan, kundi bilang mga alipin ng Diyos.

17 Igalang ninyo ang lahat ng mga tao. Ibigin ninyo ang kapatiran. Matakot kayo sa Diyos. Igalang ninyo ang hari.

Ang Halimbawa ng Paghihirap ni Cristo

18 Mga alipin, magpasakop kayo nang may buong paggalang sa inyong mga amo; hindi lamang sa mabubuti at mahihinahon, kundi gayundin sa mababagsik.

19 Sapagkat ito'y kapuri-puri, kung dahil sa pagkakilala sa Diyos ay nagtiis ang sinuman ng sakit habang nagdurusa nang hindi nararapat.

20 Sapagkat anong pakinabang nga, na kapag kayo'y nagkakasala at hinahampas dahil dito, ay inyong tinatanggap na may pagtitiis? Ngunit kung kayo'y gumagawa ng mabuti at kayo'y nagdurusa dahil dito at inyong tinatanggap na may pagtitiis, ito'y kalugud-lugod sa Diyos.

21 Sapagkat ukol dito kayo'y tinawag, sapagkat si Cristo man ay nagdusa alang-alang sa inyo, na kayo'y iniwanan ng halimbawa, upang sumunod kayo sa kanyang mga yapak.

22 “Siya'y(G) hindi nagkasala, at walang natagpuang pandaraya sa kanyang bibig.”

23 Nang(H) siya'y alipustain, hindi siya gumanti; nang siya'y magdusa, hindi siya nagbanta, kundi ipinagkatiwala ang kanyang sarili doon sa humahatol na may katarungan.

24 Siya(I) mismo ang nagdala ng ating mga kasalanan sa kanyang katawan sa punungkahoy, upang tayo'y mamatay sa mga kasalanan at mabuhay sa katuwiran; dahil sa kanyang mga sugat ay gumaling kayo.

25 Sapagkat kayo'y tulad sa mga tupang naliligaw, ngunit ngayon ay bumalik na kayo sa Pastol at Tagapag-alaga ng inyong mga kaluluwa.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001