Old/New Testament
Nagsuot ng Pamatok si Jeremias
27 Nang(A) pasimula ng paghahari ni Zedekias[a] na anak ni Josias, hari ng Juda, dumating ang salitang ito kay Jeremias mula sa Panginoon, na sinasabi,
2 Ganito ang sabi ng Panginoon sa akin: “Gumawa ka para sa iyo ng mga panggapos at mga pamatok, at ilagay mo sa iyong batok.
3 At magpasabi ka sa hari ng Edom, sa hari ng Moab, sa hari ng mga anak ni Ammon, sa hari ng Tiro, at sa hari ng Sidon, sa pamamagitan ng kamay ng mga sugo na nagtungo sa Jerusalem kay Zedekias na hari ng Juda.
4 Ipagbilin mo para sa kanilang mga panginoon na sinasabi: ‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Ganito ang inyong sasabihin sa inyong mga panginoon:
5 “Ako ang gumawa ng lupa, pati ng tao at hayop na nasa ibabaw ng lupa, sa pamamagitan ng aking dakilang kapangyarihan at nakaunat na bisig; at ibinibigay ko ito sa kaninumang marapatin ko.
6 Ngayon ay ibinigay ko ang lahat ng lupaing ito sa kamay ni Nebukadnezar, ang hari ng Babilonia, na aking lingkod, at ibinigay ko rin sa kanya ang mga hayop sa parang upang maglingkod sa kanya.
7 Lahat ng mga bansa ay maglilingkod sa kanya, sa kanyang anak at sa kanyang apo, hanggang dumating ang panahon ng kanyang sariling lupain; at kung magkagayo'y gagawin siyang alipin ng maraming bansa at ng mga dakilang hari.
8 At mangyayari na alinmang bansa o kaharian na hindi maglilingkod kay Nebukadnezar na hari ng Babilonia, at hindi maglalagay ng kanilang leeg sa ilalim ng pamatok ng hari ng Babilonia, parurusahan ko ang bansang iyon sa pamamagitan ng tabak, ng taggutom, at ng salot, sabi ng Panginoon, hanggang sa malipol ko sila sa pamamagitan ng kanyang kamay.
9 Ngunit tungkol sa iyo, huwag kayong makinig sa inyong mga propeta, sa inyong mga manghuhula, sa inyong mga tagapanaginip, sa inyong mga salamangkero, o sa inyong mga manggagaway, na nagsasalita sa inyo, na sinasabi, ‘Hindi kayo maglilingkod sa hari ng Babilonia!’
10 Sapagkat kasinungalingan ang kanilang propesiya sa inyo, upang ilayo kayo sa inyong lupain; at palalayasin ko kayo at kayo'y malilipol.
11 Ngunit ang bansang maglalagay ng kanyang leeg sa ilalim ng pamatok ng hari ng Babilonia at maglilingkod sa kanya, ay hahayaan kong manatili sa kanyang sariling lupain, at kanilang bubungkalin iyon at maninirahan doon, sabi ng Panginoon.”’”
12 Kay Zedekias na hari ng Juda ay nagsalita ako ng mga ganito ring salita, na sinasabi, “Ipailalim ninyo ang inyong mga leeg sa pamatok ng hari ng Babilonia, at inyong paglingkuran siya at ang kanyang sambayanan, at kayo'y mabubuhay.
13 Bakit kayo mamamatay, ikaw at ang iyong bayan sa pamamagitan ng tabak, ng taggutom at ng salot, gaya ng sinabi ng Panginoon tungkol sa bansang hindi maglilingkod sa hari ng Babilonia?
14 Kaya't huwag kayong makinig sa mga salita ng mga propeta na nagsasalita sa inyo, na sinasabi, ‘Hindi kayo maglilingkod sa hari ng Babilonia,’ sapagkat kasinungalingan ang propesiya nila sa inyo.
15 Hindi ko sila sinugo, sabi ng Panginoon, kundi sila'y nagsasalita ng propesiya na may kasinungalingan sa aking pangalan upang palayasin ko kayo at kayo'y malipol, kayo at ang mga propeta na nagsasalita ng propesiya sa inyo.”
16 Pagkatapos ay nagsalita ako sa mga pari at sa buong sambayanang ito, na nagsasabi, “Ganito ang sabi ng Panginoon: Huwag kayong makinig sa mga salita ng inyong mga propeta na nagsasalita ng propesiya sa inyo, na nagsasabi, ‘Narito, ang mga sisidlan ng bahay ng Panginoon ay malapit nang ibalik mula sa Babilonia,’ sapagkat kasinungalingan ang propesiya nila sa inyo.
17 Huwag kayong makinig sa kanila. Maglingkod kayo sa hari ng Babilonia, at kayo'y mabubuhay. Bakit kailangang mawasak ang lunsod na ito?
18 Kung sila'y mga propeta, at kung ang salita ng Panginoon ay nasa kanila, magsumamo sila ngayon sa Panginoon ng mga hukbo, upang ang mga sisidlan na naiwan sa bahay ng Panginoon, at sa bahay ng hari ng Juda, at sa Jerusalem ay huwag mapapunta sa Babilonia.
19 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo tungkol sa mga haligi, sa tangke ng tubig,[b] tungkol sa mga patungan, at sa iba pang mga kagamitan na naiwan sa lunsod na ito,
20 na hindi tinangay ni Nebukadnezar, na hari ng Babilonia, nang kanyang dalhing bihag mula sa Jerusalem hanggang sa Babilonia si Jeconias na anak ni Jehoiakim na hari ng Juda, pati ang lahat ng maharlika ng Juda at Jerusalem—
21 oo, ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel, tungkol sa mga kagamitang naiwan sa bahay ng Panginoon, sa bahay ng hari ng Juda, at sa Jerusalem:
22 Ang mga iyon ay dadalhin sa Babilonia at mananatili roon hanggang sa araw na dalawin ko ang mga iyon, sabi ng Panginoon. Kung magkagayo'y ibabalik ko ang mga iyon at isasauli ko sa dakong ito.”
Si Propeta Jeremias at si Hananias
28 Nang(B) taon ding iyon, sa pasimula ng paghahari ni Zedekias na hari ng Juda, sa ikalimang buwan ng ikaapat na taon, si Hananias na anak ni Azur, ang propetang taga-Gibeon, ay nagsalita sa akin sa bahay ng Panginoon, sa harapan ng mga pari at ng buong bayan, na nagsasabi,
2 “Ganito ang sinasabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Binali ko ang pamatok ng hari ng Babilonia.
3 Sa loob ng dalawang taon ay ibabalik ko sa dakong ito ang lahat ng kagamitan ng bahay ng Panginoon, na tinangay ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia mula sa dakong ito, at dinala sa Babilonia.
4 Ibabalik ko rin sa dakong ito si Jeconias na anak ni Jehoiakim, na hari ng Juda, at ang lahat ng bihag mula sa Juda na pumunta sa Babilonia, sabi ng Panginoon, sapagkat aking babaliin ang pamatok ng hari ng Babilonia.”
5 Nang magkagayo'y nagsalita si propeta Jeremias kay Hananias na propeta sa harapan ng mga pari at ng buong bayan na nakatayo sa bahay ng Panginoon;
6 at sinabi ni propeta Jeremias, “Amen! Gayon nawa ang gawin ng Panginoon. Pagtibayin nawa ng Panginoon ang iyong mga salita na iyong ipinahayag, at ibalik sa lugar na ito mula sa Babilonia ang mga kagamitan ng bahay ng Panginoon, at ang lahat ng bihag.
7 Gayunma'y pakinggan ninyo ngayon ang mga salitang ito na sasabihin ko sa pandinig mo at sa pandinig ng buong bayan.
8 Ang mga propetang nauna sa akin at nauna sa iyo mula nang mga unang panahon ay nagsalita ng propesiya tungkol sa digmaan, taggutom, at salot laban sa maraming bansa at mga makapangyarihang kaharian.
9 Ang propeta na nagpapahayag ng kapayapaan, kapag ang salita ng propetang iyon ay naganap, kung gayon ang propetang iyon ay makikilalang tunay na sinugo ng Panginoon.”
10 Nang magkagayo'y kinuha ng propetang si Hananias ang mga pamatok mula sa leeg ng propetang si Jeremias, at binali ang mga iyon.
11 At si Hananias ay nagsalita sa harapan ng buong bayan, na nagsasabi, “Ganito ang sabi ng Panginoon: Gayon ko babaliin ang pamatok ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia mula sa leeg ng lahat ng bansa sa loob ng dalawang taon.” Pagkatapos nito, si propeta Jeremias ay humayo sa kanyang lakad.
Ang Kamatayan ni Hananias
12 Pagkalipas ng ilang panahon pagkatapos na mabali ni propeta Hananias ang pamatok mula sa leeg ni propeta Jeremias, ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jeremias:
13 “Humayo ka at magsalita ka kay Hananias, na sinasabi, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon: Mga pamatok na kahoy ang iyong binali, ngunit pinalitan mo ang mga iyon ng mga pamatok na bakal.
14 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Ako'y naglagay ng pamatok na bakal sa leeg ng lahat ng mga bansang ito upang sila'y maglingkod kay Nebukadnezar na hari ng Babilonia, at sila'y maglilingkod sa kanya. At ibinigay ko rin sa kanya ang mga hayop sa parang!’”
15 At sinabi ng propetang si Jeremias kay Hananias na propeta, “Makinig ka, Hananias, hindi ka sinugo ng Panginoon, kundi iyong pinaasa ang bayang ito sa kasinungalingan.
16 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon: ‘Aalisin kita mula sa ibabaw ng lupa. Mamamatay ka sa taong ito, sapagkat ikaw ay nagsalita ng paghihimagsik laban sa Panginoon.’”
17 Sa ikapitong buwan nang taon ding iyon, namatay si propeta Hananias.
Ang Liham ni Jeremias sa mga Judio sa Babilonia
29 Ito(C) ang mga salita ng sulat na ipinadala ni propeta Jeremias mula sa Jerusalem sa nalabi sa mga matanda sa mga bihag, at sa mga pari, sa mga propeta, at sa lahat ng taong-bayan, na dinalang-bihag ni Nebukadnezar sa Babilonia mula sa Jerusalem.
2 Ito ay pagkatapos na makaalis sa Jerusalem si Haring Jeconias, at ang inang reyna, ang mga eunuko, ang mga pinuno ng Juda at Jerusalem, ang mga manggagawa at ang mga panday.
3 Ito ay ipinadala sa pamamagitan ng kamay ni Elasa na anak ni Safan, at ni Gemarias na anak ni Hilkias, na isinugo ni Zedekias na hari ng Juda kay Nebukadnezar na hari ng Babilonia, na sinasabi,
4 “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel, sa lahat ng mga bihag na aking ipinadalang-bihag sa Babilonia mula sa Jerusalem:
5 Magtayo kayo ng mga bahay at inyong tirahan. Kayo'y maghalaman at kainin ninyo ang bunga ng mga iyon.
6 Magsipag-asawa kayo, at maging ama ng mga anak na lalaki at babae. Ikuha ninyo ng mga asawa ang inyong mga anak na lalaki, at inyong ibigay ang inyong mga anak na babae upang mag-asawa, upang magkaanak sila ng mga lalaki at mga babae. Magparami kayo roon at huwag mabawasan.
7 At inyong hanapin ang kapakanan ng lunsod na aking pinagdalhang-bihag sa inyo, at inyong idalangin iyon sa Panginoon, sapagkat sa kapakanan niyon ay magkakaroon kayo ng kapakanan.
8 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Huwag kayong padadaya sa inyong mga propeta at sa inyong mga manghuhula na kasama ninyo, huwag kayong makikinig sa mga panaginip na kanilang napapanaginip,
9 sapagkat kasinungalingan ang propesiya na sinasabi nila sa inyo sa aking pangalan, hindi ko sila sinugo, sabi ng Panginoon.
10 “Sapagkat(D) ganito ang sabi ng Panginoon: Kapag naganap na ang pitumpung taon para sa Babilonia, dadalawin ko kayo, at tutuparin ko sa inyo ang aking pangako, at ibabalik ko kayo sa dakong ito.
11 Sapagkat nalalaman ko ang aking mga panukala para sa inyo, sabi ng Panginoon, mga panukala para sa ikabubuti at hindi sa ikasasama, upang bigyan kayo ng kinabukasan at ng pag-asa.
12 At kayo'y tatawag sa akin, at kayo'y lalapit at dadalangin sa akin, at diringgin ko kayo.
13 Hahanapin(E) ninyo ako at matatagpuan kapag hinanap ninyo ako nang inyong buong puso.
14 Ako'y inyong matatagpuan, sabi ng Panginoon, at ibabalik ko ang inyong mga kayamanan at titipunin ko kayo mula sa lahat ng mga bansa at sa lahat ng dako na aking pinagtabuyan sa inyo, sabi ng Panginoon. Ibabalik ko kayo sa dakong pinagkunan ko sa inyo tungo sa pagkabihag.
15 “Sapagkat inyong sinabi, ‘Ang Panginoon ay nagbangon para sa amin ng mga propeta sa Babilonia,’—
16 Ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa hari na nakaluklok sa trono ni David, at tungkol sa lahat ng taong-bayan na nakatira sa lunsod na ito, ang inyong mga kapatid na hindi nagsilabas na kasama ninyo sa pagkabihag:
17 ‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Narito, pararatingin ko sa kanila ang tabak, ang taggutom, at salot, at gagawin ko silang parang masasamang igos na hindi makain dahil sa kabulukan.
18 Hahabulin ko sila ng tabak, taggutom, at ng salot, at gagawin ko silang kakutyaan sa lahat ng kaharian sa lupa, upang maging isang sumpa at katatakutan, panunuya, at kahihiyan sa gitna ng lahat ng mga bansa na aking pinagtabuyan sa kanila;
19 sapagkat hindi nila pinakinggan ang aking mga salita, sabi ng Panginoon, na ako'y maagang bumangon na isinugo sa inyo sa pamamagitan ng mga lingkod kong mga propeta, ngunit ayaw ninyong makinig, sabi ng Panginoon’—
20 Pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon, kayong lahat na mga bihag, na aking itinaboy sa Babilonia mula sa Jerusalem:
21 ‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel, tungkol kay Ahab na anak ni Kolaias, at tungkol kay Zedekias na anak ni Maasias na nagpapahayag ng kasinungalingan sa inyo sa aking pangalan: Ibibigay ko sila sa kamay ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia, at kanyang papatayin sila sa inyong harapan.
22 Dahil sa kanila, ang sumpang ito ay gagamitin ng lahat ng bihag sa Juda na nasa Babilonia: “Gawin ka nawa ng Panginoon na gaya ni Zedekias at ni Ahab, na inihaw sa apoy ng hari ng Babilonia,”
23 sapagkat gumawa sila ng kahangalan sa Israel at sila'y nangalunya sa mga asawa ng kanilang mga kapwa, at bumigkas ng mga salita ng kasinungalingan sa aking pangalan na hindi ko iniutos sa kanila. Ako ang nakakaalam at ako'y saksi, sabi ng Panginoon!’”
24 Kay Shemaya na taga-Nehelam ay magsasalita ka, na sinasabi,
25 “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Sapagkat nagpadala ka ng mga sulat sa iyong sariling pangalan sa lahat ng taong nasa Jerusalem, at kay Sefanias na anak ng paring si Maasias, at sa lahat ng mga pari, na iyong sinasabi,
26 ‘Ginawa kang pari ng Panginoon sa halip na si Jehoiada na pari, upang mamahala sa bahay ng Panginoon sa bawat taong ulol na nagsasalita ng propesiya, upang iyong ilagay siya sa kulungan at tanikala.
27 Ngayon nga'y bakit hindi mo sinaway si Jeremias na taga-Anatot na nagsasalita ng propesiya sa inyo,
28 sapagkat nagpadala siya sa amin sa Babilonia na sinasabi, “Ang inyong pagkabihag ay magtatagal. Kayo'y magtayo ng mga bahay at inyong tirahan. Kayo'y maghalaman at inyong kainin ang bunga ng mga iyon.”’”
29 Binasa ng paring si Sefanias ang sulat na ito sa pandinig ni Jeremias na propeta.
30 At dumating ang salita ng Panginoon kay Jeremias, na sinasabi,
31 “Ikaw ay magsugo sa lahat ng mga bihag, na iyong sabihin, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon tungkol kay Shemaya na taga-Nehelam. Sapagkat nagpahayag si Shemaya sa inyo, gayong hindi ko siya sinugo, at pinaasa kayo sa kasinungalingan,
32 kaya't ganito ang sabi ng Panginoon: Narito, parurusahan ko si Shemaya na taga-Nehelam at ang kanyang lahi. Hindi siya magkakaroon ng sinuman na nabubuhay na kasama ng bayang ito na makakakita ng kabutihang gagawin ko sa aking bayan, sapagkat siya'y nagsalita ng paghihimagsik laban sa Panginoon,’” sabi ng Panginoon.
Ang Mabuting Pamumuhay
3 Ipaalala mo sa kanila na pasakop sa mga pinuno at sa mga may kapangyarihan, maging masunurin, maging handa sa bawat mabuting gawa,
2 huwag magsalita ng masama tungkol sa kanino man, huwag makipag-away, maging maamo, at magpakita ng hinahon sa lahat ng mga tao.
3 Sapagkat tayo rin naman noong dati ay mga hangal, mga suwail, mga nalinlang, mga alipin ng sari-saring pagnanasa at kalayawan, na namumuhay sa kasamaan at inggit; mga kasuklamsuklam at napopoot sa isa't isa.
4 Ngunit nang mahayag ang kabutihan at kagandahang-loob ng Diyos na ating Tagapagligtas,
5 iniligtas niya tayo, hindi dahil sa mga gawa na ating ginawa sa katuwiran kundi ayon sa kanyang kahabagan, sa pamamagitan ng paghuhugas ng muling kapanganakan at ng pagbabago sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
6 Ang Espiritung ito na kanyang ibinuhos nang sagana sa atin sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Tagapagligtas;
7 upang, yamang inaring-ganap sa pamamagitan ng kanyang biyaya, tayo'y maging mga tagapagmana ayon sa pag-asa sa buhay na walang hanggan.
8 Tapat ang salita, at nais kong igiit mo ang mga bagay na ito upang ang mga nananampalataya sa Diyos ay maging maingat na ilaan ang kanilang sarili sa mabubuting gawa. Ang mga bagay na ito ay pawang mabubuti at kapaki-pakinabang sa mga tao.
9 Ngunit iwasan mo ang mga pagtatalo, at ang mga pagsasalaysay ng salinlahi, at ang mga alitan at pag-aaway tungkol sa kautusan, sapagkat ang mga ito ay walang pakinabang at walang katuturan.
10 Ang taong lumilikha ng pagkakabaha-bahagi, pagkatapos nang una at ikalawang pagsaway ay iwasan mo;
11 yamang nalalaman mo na ang gayon ay baluktot at nagkakasala, na hinatulan niya ang kanyang sarili.
Mga Tagubilin at Basbas
12 Kapag(A) isinugo ko sa iyo si Artemas o si Tiquico ay sikapin mong puntahan ako sa Nicopolis; sapagkat ipinasiya kong gugulin doon ang taglamig.
13 Pagsikapan(B) mong tulungan si Zenas na dalubhasa sa batas at si Apolos sa kanilang paglalakbay; tiyakin mong sila'y hindi kukulangin ng anuman.
14 At nararapat na ang ating mga tao ay matutong magmalasakit sa mabubuting gawa para sa matitinding pangangailangan upang hindi sila mawalan ng bunga.
15 Binabati ka ng lahat ng mga kasama ko. Batiin mo ang mga umiibig sa atin sa pananampalataya.
Biyaya nawa ang sumainyong lahat.[a]
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001