Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Jeremias 34-36

Mensahe para kay Zedekias

34 Ang(A) salita na dumating kay Jeremias mula sa Panginoon, nang si Nebukadnezar na hari ng Babilonia, ang buo niyang hukbo, ang lahat ng kaharian sa daigdig na nasa ilalim ng kanyang kapangyarihan, at ang lahat ng mga bayan ay nakipaglaban sa Jerusalem, at laban sa lahat ng mga lunsod nito, na sinasabi,

“Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel: Humayo ka at magsalita kay Zedekias na hari ng Juda, at sabihin mo sa kanya, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon: Ibinibigay ko ang lunsod na ito sa kamay ng hari ng Babilonia, at susunugin niya ito ng apoy.

Hindi ka makakatakas sa kanyang kamay, kundi tiyak na mahuhuli ka at mahuhulog sa kanyang kamay. Makikita mo nang mata sa mata ang hari ng Babilonia, at makikipag-usap sa kanya nang mukhaan, at ikaw ay pupunta sa Babilonia.’

Gayunma'y pakinggan mo ang salita ng Panginoon, O Zedekias, hari ng Juda! Ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa iyo: ‘Ikaw ay hindi mamamatay sa pamamagitan ng tabak.

Ikaw ay payapang mamamatay. Kung paanong nagsunog ng insenso para sa iyong mga magulang na mga dating hari na una sa iyo, gayon sila magsusunog para sa iyo at kanilang tataghuyan ka, na magsasabi, “Ah panginoon!”’ Sapagkat aking sinabi ang salita, sabi ng Panginoon.”

Sinabi ni propeta Jeremias ang lahat ng salitang ito kay Zedekias na hari ng Juda, sa Jerusalem,

nang lumalaban ang hukbo ng hari ng Babilonia laban sa Jerusalem, at laban sa lahat ng lunsod ng Juda na nalabi, ang Lakish at Azeka; sapagkat ang mga ito lamang ang mga nalabing mga lunsod na may kuta ng Juda.

Dinaya ang mga Alipin

Ang salita na dumating kay Jeremias mula sa Panginoon, pagkatapos na makipagtipan si Haring Zedekias sa lahat ng taong-bayan na nasa Jerusalem upang magpahayag sa kanila ng kalayaan,

na dapat palayain ng bawat isa ang kanyang aliping Hebreo, babae o lalaki, upang walang sinumang dapat umalipin sa Judio, na kanyang kapatid.

10 At ang lahat ng pinuno at ang lahat ng taong-bayan ay sumunod at nakipagtipan na bawat isa'y palalayain ang kanyang alipin, lalaki man o babae, at hindi na sila muling aalipinin, sila'y tumalima at pinalaya sila.

11 Ngunit pagkatapos ay bumalik sila, at kinuhang muli ang mga aliping lalaki at babae na kanilang pinalaya, at sila'y muling ipinailalim sa pagkaalipin bilang aliping lalaki at babae.

12 Ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jeremias mula sa Panginoon, na sinasabi,

13 “Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel: Ako'y nakipagtipan sa inyong mga ninuno nang sila'y aking inilabas mula sa lupain ng Ehipto, mula sa bahay ng pagkaalipin, na sinasabi,

14 ‘Sa(B) katapusan ng pitong taon ay palalayain ng bawat isa sa inyo ang kanyang kapwa Hebreo na ipinagbili sa iyo, at naglingkod sa iyo ng anim na taon; dapat mo siyang palayain sa paglilingkod sa iyo.’ Ngunit ang inyong mga ninuno ay hindi nakinig sa akin, o ikiniling man ang kanilang pandinig sa akin.

15 Kamakailan lamang ay nagsisi kayo at ginawa ang matuwid sa aking mga mata sa paghahayag ng kalayaan, bawat tao sa kanyang kapwa. At kayo'y nakipagtipan sa harapan ko sa bahay na tinatawag sa aking pangalan.

16 Ngunit kayo'y tumalikod at nilapastangan ang aking pangalan nang kuning muli ng bawat isa sa inyo ang kanyang aliping lalaki at babae na inyong pinalaya sa kanilang nais, at sila'y inyong ipinailalim upang inyong maging mga aliping lalaki at aliping babae.

17 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon: Kayo'y hindi sumunod sa akin sa pagpapahayag ng kalayaan, bawat isa sa kanyang kapatid at sa kanyang kapwa. Narito, ako'y nagpapahayag sa inyo ng kalayaan tungo sa tabak, sa salot, at sa taggutom, sabi ng Panginoon. Gagawin ko kayong isang katatakutan sa lahat ng mga kaharian sa daigdig.

18 At ang mga lalaking sumuway sa aking tipan, at hindi tumupad sa mga salita ng tipan na kanilang ginawa sa harapan ko ay gagawin kong gaya ng guya na kanilang hinahati sa dalawa at pinadaraan sa pagitan ng mga bahagi nito—

19 ang mga pinuno ng Juda, ng Jerusalem, mga eunuko, ang mga pari, at ang lahat ng taong-bayan ng lupain na dumaan sa pagitan ng mga bahagi ng guya

20 ay ibibigay ko sa kanilang mga kaaway at sa mga tumutugis sa kanilang buhay. Ang kanilang mga bangkay ay magiging pagkain ng mga ibon sa himpapawid at ng mga hayop sa lupa.

21 Si Zedekias na hari ng Juda at ang kanyang mga pinuno ay ibibigay ko sa kanilang mga kaaway, sa mga tumutugis sa kanilang buhay, at sa hukbo ng hari ng Babilonia na umurong na sa inyo.

22 Ako'y mag-uutos, sabi ng Panginoon, at ibabalik ko sila sa lunsod na ito; at ito'y kanilang lalabanan, sasakupin, at kanilang susunugin ng apoy. Gagawin kong sira at walang naninirahan ang mga bayan ng Juda.”

Si Jeremias at ang mga Recabita

35 Ang(C) salita na dumating kay Jeremias mula sa Panginoon sa mga araw ni Jehoiakim na anak ni Josias, na hari ng Juda, na sinasabi,

“Pumaroon ka sa bahay ng mga Recabita. Magsalita ka sa kanila at dalhin mo sila sa isa sa mga silid ng bahay ng Panginoon, at bigyan mo sila ng alak na maiinom.”

Kaya't kinuha ko si Jaazanias na anak ni Jeremias, na anak ni Habasinias, ang kanyang mga kapatid na lalaki, ang lahat niyang mga anak na lalaki, at ang buong sambahayan ng mga Recabita.

Dinala ko sila sa bahay ng Panginoon, sa silid ng mga anak ni Hanan na anak ni Igdalias, na tao ng Diyos, malapit sa silid ng mga pinuno sa itaas ng silid ni Maasias na anak ni Shallum, na tanod ng pintuan.

Aking inilagay sa harapan ng mga anak ng sambahayan ng mga Recabita ang mga mangkok na punô ng alak at ang mga saro, at sinabi ko sa kanila, “Uminom kayo ng alak.”

Ngunit kanilang sinabi, “Hindi kami iinom ng alak, sapagkat si Jonadab na anak ni Recab, na aming ama ay nag-utos sa amin, ‘Huwag kayong iinom ng alak, maging kayo o ang inyong mga anak man, magpakailanman.

Huwag din kayong magtatayo ng bahay, ni maghahasik ng binhi, magtatanim o magkakaroon ng ubasan, kundi kayo'y titira sa mga tolda sa lahat ng mga araw ninyo, upang kayo ay mabuhay ng maraming araw sa lupain na inyong tinitirhan.’

Sinunod namin ang tinig ni Jonadab na anak ni Recab na aming ama sa lahat ng kanyang iniutos sa amin, na huwag uminom ng alak sa lahat ng aming mga araw, kami at ang aming mga asawa, ang aming mga anak na lalaki o babae man;

at huwag kaming magtayo ng mga bahay na aming matitirahan. Wala kaming ubasan, o bukid, o binhi;

10 kundi kami ay nanirahan sa mga tolda, sinunod at ginawa namin ang lahat ng iniutos sa amin ni Jonadab na aming ama.

11 Ngunit nang si Nebukadnezar na hari ng Babilonia ay dumating sa lupain, ay aming sinabi, ‘Tayo na, at tayo'y pumunta sa Jerusalem sapagkat nakakatakot ang mga hukbo ng mga Caldeo at mga taga-Siria!’ Kaya't kami ay naninirahan sa Jerusalem.”

12 At dumating ang salita ng Panginoon kay Jeremias, na sinasabi,

13 “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Humayo ka at sabihin mo sa mga tao ng Juda at sa mga naninirahan sa Jerusalem, Hindi ba kayo tatanggap ng turo at makikinig sa aking mga salita? sabi ng Panginoon.

14 Ang utos na ibinigay ni Jonadab na anak ni Recab sa kanyang mga anak na huwag iinom ng alak ay nasunod; at hindi sila uminom ng alak hanggang sa araw na ito, sapagkat kanilang sinunod ang utos ng kanilang ama. Paulit-ulit akong nagsalita sa inyo ngunit hindi ninyo ako pinakinggan.

15 Aking sinugo sa inyo ang lahat kong lingkod na mga propeta, na bumabangon akong maaga at sinusugo sila na nagsasabi, ‘Ngayon ay humiwalay ang bawat isa sa kanyang masamang lakad, baguhin ninyo ang inyong mga gawa, at huwag kayong sumunod sa mga ibang diyos upang maglingkod sa kanila. Kung gayo'y maninirahan kayo sa lupaing ibinigay ko sa inyo at sa inyong mga ninuno.’ Ngunit hindi kayo nakinig o sumunod man sa akin.

16 Tinupad ng mga anak ni Jonadab na anak ni Recab ang utos na ibinigay ng kanilang magulang sa kanila, ngunit hindi ako sinunod ng bayang ito.

17 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Narito, aking dadalhin sa Juda at sa lahat ng naninirahan sa Jerusalem ang lahat ng kasamaan na aking binigkas laban sa kanila; sapagkat ako'y nagsalita sa kanila ngunit hindi sila nakinig; ako'y tumawag sa kanila, ngunit hindi sila sumagot.”

18 Ngunit sinabi ni Jeremias sa sambahayan ng mga Recabita, “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Sapagkat inyong sinunod ang utos ni Jonadab na inyong ama, at inyong iningatan ang lahat niyang alituntunin, at inyong ginawa ang lahat ng kanyang iniutos sa inyo;

19 kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Si Jonadab na anak ni Recab ay hindi kukulangin ng anak na tatayo sa harapan ko magpakailanman.”

Binasa ni Baruc ang Balumbon sa Loob ng Templo

36 Nang(D) ikaapat na taon ni Jehoiakim na anak ni Josias, hari ng Juda, ang salitang ito ay dumating kay Jeremias mula sa Panginoon, na sinasabi,

“Kumuha ka ng isang balumbon, at isulat mo doon ang lahat ng salita na aking sinabi sa iyo laban sa Israel, laban sa Juda, at laban sa lahat ng mga bansa, mula nang araw na magsalita ako sa iyo, mula nang mga araw ni Josias hanggang sa araw na ito.

Marahil ay maririnig ng sambahayan ni Juda ang lahat ng kasamaan na aking pinanukalang gawin sa kanila, at humiwalay ang bawat isa sa kanyang masamang lakad, upang aking maipatawad ang kanilang kasamaan at kasalanan.”

Pagkatapos ay tinawag ni Jeremias si Baruc na anak ni Nerias, at sinulat ni Baruc sa isang balumbon mula sa bibig ni Jeremias ang lahat ng salita ng Panginoon na sinabi niya sa kanya.

At inutusan ni Jeremias si Baruc, na sinasabi, “Ako'y nakakulong. Hindi ako makakapasok sa bahay ng Panginoon;

kaya't pumunta ka, at sa isang araw ng pag-aayuno ay basahin mo sa pandinig ng buong bayan ang mga salita ng Panginoon mula sa balumbon na iyong pinagsulatan mula sa aking bibig. Babasahin mo rin ang mga ito sa pandinig ng lahat ng mga taga-Juda na lumalabas sa kanilang mga bayan.

Marahil ay makakarating ang kanilang karaingan sa harapan ng Panginoon, at humiwalay ang bawat isa sa kanyang masamang lakad; sapagkat malaki ang galit at poot na binigkas ng Panginoon laban sa sambayanang ito.”

Ginawa nga ni Baruc na anak ni Nerias ang ayon sa lahat ng iniutos sa kanya ni Jeremias na propeta tungkol sa pagbasa mula sa balumbon ng mga salita ng Panginoon sa bahay ng Panginoon.

Nang ikalimang taon ni Jehoiakim na anak ni Josias, hari ng Juda, nang ikasiyam na buwan, lahat ng tao sa Jerusalem, at ang lahat ng taong dumating sa Jerusalem mula sa mga bayan ng Juda ay nagpahayag ng pag-aayuno sa harapan ng Panginoon.

10 At sa pandinig ng buong bayan ay binasa ni Baruc mula sa balumbon ang mga salita ni Jeremias, sa bahay ng Panginoon, sa silid ni Gemarias na anak ni Safan na kalihim, na nasa mas mataas na bulwagan sa pasukan ng Bagong Pintuan ng bahay ng Panginoon.

Ang Balumbon ay Binasa sa mga Pinuno

11 Nang marinig ni Micaya na anak ni Gemarias, na anak ni Safan, ang lahat ng salita ng Panginoon mula sa balumbon,

12 siya'y bumaba sa bahay ng hari patungo sa silid ng kalihim. Lahat ng mga pinuno ay nakaupo roon: si Elisama na kalihim, si Delaias na anak ni Shemaya, si Elnatan na anak ni Acbor, si Gemarias na anak ni Safan, si Zedekias na anak ni Hananias, at ang lahat ng mga pinuno.

13 Sinabi sa kanila ni Micaya ang lahat ng mga salitang narinig niya nang basahin ni Baruc ang balumbon sa pandinig ng taong-bayan.

14 At sinugo ng lahat ng mga pinuno si Jehudi na anak ni Netanias, na anak ni Shelemias, na anak ni Cushi, upang sabihin kay Baruc, “Kunin mo ang balumbon na iyong binasa sa pandinig ng taong-bayan, at pumarito ka.” Kaya't kinuha ni Baruc na anak ni Nerias ang balumbon at pumaroon sa kanila.

15 Sinabi nila sa kanya, “Umupo ka at basahin mo iyan.” Binasa naman iyon ni Baruc sa kanila.

16 Nang kanilang marinig ang lahat ng mga salita, sila'y takot na humarap sa isa't isa, at sinabi nila kay Baruc, “Dapat nating iulat ang lahat ng salitang ito sa hari.”

17 At kanilang tinanong si Baruc na sinasabi, “Sabihin mo sa amin, paano mo isinulat ang lahat ng salitang ito. Mula ba sa kanyang bibig?”

18 Sumagot si Baruc sa kanila, “Binigkas niya ang lahat ng salitang ito sa akin mula sa kanyang bibig, at isinulat ko naman iyon ng tinta sa balumbon.”

19 Nang magkagayo'y sinabi ng mga pinuno kay Baruc, “Umalis ka at magtago, ikaw at si Jeremias, at huwag mong ipaalam kahit kanino ang inyong kinaroroonan.”

Sinunog ng Hari ang Balumbon

20 Kaya't sila'y pumasok sa bulwagan ng hari, pagkatapos nilang mailagay ang balumbon sa silid ni Elisama na kalihim; at kanilang iniulat ang lahat ng mga salita sa hari.

21 Pagkatapos ay sinugo ng hari si Jehudi upang kunin ang balumbon, at ito'y kanyang kinuha sa silid ni Elisama na kalihim. Ito'y binasa ni Jehudi sa hari at sa lahat ng pinuno na nakatayo sa tabi ng hari.

22 Noon ay ikasiyam na buwan at taglamig at ang hari ay nakaupo sa loob ng bahay at may apoy sa apuyan na nagniningas sa harap niya.

23 Pagkabasa ni Jehudi ng tatlo o apat na hanay, ang mga iyon ay pinuputol ng hari sa pamamagitan ng patalim at inihahagis sa apoy na nasa apuyan, hanggang sa ang buong balumbon ay natupok sa apoy na nasa apuyan.

24 Gayunman, maging ang hari o alinman sa kanyang mga lingkod na nakarinig ng lahat ng mga salitang ito ay hindi natakot o pinunit man ang kanilang mga suot.

25 Kahit nakiusap sina Elnatan, Delaias, at Gemarias sa hari na huwag sunugin ang balumbon, ay ayaw niyang makinig sa kanila.

26 At iniutos ng hari kina Jerameel na anak ng hari, kay Seraya na anak ni Azriel, at kay Shelemias na anak ni Abdeel na hulihin si Baruc na kalihim at si Jeremias na propeta. Ngunit ikinubli sila ng Panginoon.

Ang Balumbon ay muling Isinulat ni Jeremias

27 Pagkatapos na masunog ng hari ang balumbon na sinulatan ni Baruc ng mga salitang mula sa bibig ni Jeremias, ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jeremias, na sinasabi,

28 “Kumuha kang muli ng isa pang balumbon at isulat mo roon ang lahat ng dating salita na nasa unang balumbon na sinunog ni Jehoiakim na hari ng Juda.

29 At tungkol kay Jehoiakim na hari ng Juda ay iyong sasabihin, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, Sinunog mo ang balumbon na ito, na iyong sinasabi, “Bakit mo isinulat doon na ang hari ng Babilonia ay tiyak na darating at wawasakin ang lupaing ito, at pupuksain doon ang tao at ang hayop?”

30 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol kay Jehoiakim na hari ng Juda, Siya'y mawawalan ng uupo sa trono ni David, at ang kanyang bangkay ay itatapon sa labas sa kainitan ng araw at sa hamog ng gabi.

31 Parurusahan ko siya, ang kanyang binhi, at ang kanyang mga lingkod dahil sa kanilang kasamaan. At aking dadalhin sa kanila, sa mga naninirahan sa Jerusalem, at sa mga tao ng Juda, ang lahat ng kasamaan na aking binigkas laban sa kanila, ngunit ayaw nilang makinig.’”

32 Kaya't kumuha si Jeremias ng isa pang balumbon, at ibinigay ito kay Baruc na kalihim, na anak ni Nerias, na sumulat doon mula sa bibig ni Jeremias ng lahat ng mga salita na nasa balumbon na sinunog sa apoy ni Jehoiakim na hari ng Juda; at marami pang katulad na mga salita ang idinagdag doon.

Mga Hebreo 2

Ang Dakilang Kaligtasan

Kaya't dapat nating pag-ukulan ng higit pang pansin ang mga bagay na ating narinig, baka tayo'y matangay na papalayo.

Sapagkat kung ang salita na ipinahayag sa pamamagitan ng mga anghel ay may bisa, at ang bawat paglabag at pagsuway ay tumanggap ng kaukulang parusa,

paano nga tayo makakatakas, kung ating pababayaan ang ganito kadakilang kaligtasan? Ito ay ipinahayag noong una sa pamamagitan ng Panginoon, at pinatunayan sa atin ng mga nakarinig sa kanya,

na pawang pinatotohanan din ng Diyos sa pamamagitan ng mga tanda at ng mga kababalaghan at iba't ibang himala at ng mga kaloob ng Espiritu Santo, na ipinamahagi ayon sa kanyang kalooban.

Naging Dakila sa Pagiging Hamak

Sapagkat hindi ipinasakop ng Diyos[a] sa mga anghel ang sanlibutang darating, na siya naming sinasabi,

Ngunit(A) may nagpatunay sa isang dako, na sinasabi,

“Ano ang tao upang siya'y iyong alalahanin?
    O ang anak ng tao upang siya'y iyong pagmalasakitan?
Siya'y ginawa mong mababa kaysa mga anghel nang sandaling panahon;
    siya'y pinutungan mo ng kaluwalhatian at ng karangalan,
    at siya'y inilagay mo sa ibabaw ng mga gawa ng iyong mga kamay.[b]
Ipinasakop mo ang lahat ng bagay sa ilalim ng kanyang mga paa.”

Nang masakop niya ang bawat bagay, wala siyang iniwan na hindi niya nasasakop. Ngunit ngayon ay hindi pa natin nakikitang nasasakop niya ang lahat ng mga bagay,

kundi nakikita natin si Jesus, na sa sandaling panahon ay ginawang mababa kaysa mga anghel, na dahil sa pagdurusa ng kamatayan ay pinutungan ng kaluwalhatian at karangalan, upang sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos ay maranasan niya ang kamatayan alang-alang sa lahat.

10 Sapagkat nararapat na ang Diyos,[c] na para sa kanya at sa pamamagitan niya ay nagkaroon ng lahat ng mga bagay, sa pagdadala ng maraming anak tungo sa kaluwalhatian, ay gawing sakdal ang tagapagtatag ng kanilang kaligtasan sa pamamagitan ng mga pagdurusa.

11 Sapagkat ang gumagawang banal at ang mga ginawang banal ay pawang nagmula sa isa. Dahil dito'y hindi nahihiya si Jesus[d] na tawagin silang mga kapatid,

12 na(B) sinasabi,

“Ipahahayag ko ang iyong pangalan sa aking mga kapatid,
    sa gitna ng kapulungan ay aawitan kita ng mga himno.”

13 At(C) muli,

“Ilalagak ko ang aking pagtitiwala sa kanya.”

At muli,

“Narito ako at ang mga anak na ibinigay sa akin ng Diyos.”

14 Kaya, yamang ang mga anak ay nakibahagi sa laman at dugo, at siya man ay nakibahagi rin sa mga bagay na ito, upang sa pamamagitan ng kamatayan ay kanyang mapuksa ang may kapangyarihan sa kamatayan, samakatuwid ay ang diyablo,

15 at mapalaya silang lahat na dahil sa takot sa kamatayan sa buong buhay nila ay nasa ilalim ng pagkaalipin.

16 Sapagkat(D) maliwanag na hindi ang mga anghel ang kanyang tinutulungan, kundi ang kabilang sa binhi ni Abraham.

17 Kaya't kailangang siya ay maging kagaya ng kanyang mga kapatid sa lahat ng mga bagay, upang siya ay maging isang maawain at tapat na pinakapunong pari sa mga bagay na nauukol sa Diyos, upang gumawa ng handog na pantubos sa mga kasalanan ng mga tao.

18 Palibhasa'y nagtiis siya sa pagkatukso, siya'y makasasaklolo sa mga tinutukso.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001