Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Panaghoy 3-5

Parusa, Pagsisisi at Pag-asa

Ako ang taong nakakita ng pagdadalamhati
dahil sa pamalo ng kanyang poot.
Itinaboy niya ako at dinala sa kadiliman, at hindi sa liwanag;
tunay na laban sa akin
    ay kanyang paulit-ulit na ipinihit ang kanyang kamay sa buong maghapon.

Pinapanghina niya ang aking laman at aking balat,
    at binali niya ang aking mga buto.
Sinakop at kinulong niya ako
    sa kalungkutan at paghihirap.
Pinatira niya ako sa kadiliman,
    gaya ng mga matagal nang patay.
Binakuran niya ako upang ako'y hindi makatakas;
    pinabigat niya ang aking tanikala.
Bagaman ako'y dumaraing at humihingi ng tulong,
    kanyang pinagsasarhan ang aking panalangin;
kanyang hinarangan ang aking mga daan ng tinabas na bato,
    kanyang iniliko ang mga landas ko.

10 Para sa akin ay gaya siya ng oso na nag-aabang,
    parang leon na nasa kubling dako.
11 Iniligaw niya ang aking mga lakad,
    at ako'y pinagputul-putol;
ginawa niya akong wasak.
12 Binanat niya ang kanyang busog
    at ginawa akong tudlaan para sa kanyang pana.

13 Pinatusok niya sa aking puso ang mga palaso
    mula sa kanyang lalagyan.
14 Ako'y naging katatawanan sa lahat ng aking kababayan,
    ang pasanin ng kanilang awit sa buong maghapon.
15 Pinuno niya ako ng kapanglawan,
    kanyang pinapagsawa ako ng katas ng mapait na halaman.

16 Dinurog niya ng mga bato ang ngipin ko,
    at pinamaluktot ako sa mga abo.
17 Ang aking kaluluwa ay inilayo sa kapayapaan;
    nalimutan ko na kung ano ang kaligayahan.
18 Kaya't aking sinabi, “Wala na ang aking kaluwalhatian,
    at ang aking pag-asa sa Panginoon.”

19 Alalahanin mo ang aking paghihirap at ang aking kapaitan,
    ang katas ng mapait na halaman at ng apdo.
20 Patuloy itong naaalala ng aking kaluluwa
    at yumuyuko sa loob ko.
21 Ngunit ito'y naaalala ko,
    kaya't mayroon akong pag-asa:

22 Ang tapat na pag-ibig ng Panginoon ay hindi nagmamaliw,
    ang kanyang mga habag ay hindi natatapos;
23 sariwa ang mga iyon tuwing umaga,
    dakila ang iyong katapatan.
24 “Ang Panginoon ay aking bahagi,” sabi ng aking kaluluwa;
    “kaya't ako'y aasa sa kanya.”

25 Ang Panginoon ay mabuti sa kanila na naghihintay sa kanya,
    sa kaluluwa na humahanap sa kanya.
26 Mabuti nga na ang tao ay tahimik na maghintay
    para sa pagliligtas ng Panginoon.
27 Mabuti nga sa tao na pasanin ang pamatok sa kanyang kabataan.
28 Maupo siyang mag-isa sa katahimikan
    kapag kanyang iniatang sa kanya;
29 ilagay niya ang kanyang bibig sa alabok—
    baka mayroon pang pag-asa;
30 ibigay niya ang kanyang pisngi sa mananampal,
    at mapuno siya ng pagkutya.

31 Sapagkat ang Panginoon ay hindi magtatakuwil nang walang hanggan.
32 Ngunit bagaman siya'y sanhi ng kalungkutan,
    siya'y mahahabag ayon sa kasaganaan ng kanyang tapat na pagmamahal;
33 sapagkat hindi niya kusang pinahihirapan
    o ang mga anak ng mga tao ay sinasaktan man.

34 Upang durugin sa ilalim ng paa ang lahat ng bihag sa lupa,
35 upang sikilin ang karapatan ng tao
    sa harapan ng Kataas-taasan,
36 upang ibagsak ang tao sa kanyang usapin,
    na hindi ito sinasang-ayunan ng Panginoon.

37 Sino ang nagsasalita at ito ay nangyayari,
    malibang ito ay iniutos ng Panginoon?
38 Hindi ba sa bibig ng Kataas-taasan
    nagmumula ang masama at mabuti?
39 Bakit magrereklamo ang taong may buhay,
    ang tao, tungkol sa parusa sa kanyang mga kasalanan?

40 Ating subukin at suriin ang ating mga lakad,
    at manumbalik tayo sa Panginoon!
41 Itaas natin ang ating mga puso at mga kamay
    sa Diyos sa langit:
42 “Kami ay sumuway at naghimagsik,
    at hindi ka nagpatawad.

43 “Binalot mo ng galit ang iyong sarili at hinabol mo kami;
    na pumapatay ka nang walang awa.
44 Binalot mo ng ulap ang iyong sarili
    upang walang panalanging makatagos.
45 Ginawa mo kaming patapon at basura
    sa gitna ng mga bayan.
46 “Ibinuka ng lahat naming mga kaaway
    ang kanilang bibig laban sa amin.
47 Dumating sa amin ang takot at pagkahulog, pagkasira at pagkawasak.
48 Ang mata ko'y dinadaluyan ng maraming luha
    dahil sa pagkawasak ng anak na babae ng aking bayan.

49 “Ang mata ko'y dadaluyan nang walang hinto, walang pahinga,
50 hanggang sa ang Panginoon ay tumungo at tumingin mula sa langit.
51 Pinahihirapan ng aking mga mata ang aking kaluluwa,
    dahil sa lahat na anak na babae ng aking lunsod.

52 “Ako'y tinugis na parang ibon,
    ng aking mga naging kaaway nang walang kadahilanan.
53 Pinatahimik nila ako sa hukay
    at nilagyan ng bato sa ibabaw ko.
54 Ang tubig ay lumampas sa aking ulo;
    aking sinabi, ‘Ako'y wala na.’

55 “Ako'y tumawag sa iyong pangalan, O Panginoon,
    mula sa kalaliman ng hukay;
56 pinakinggan mo ang aking pakiusap! ‘Huwag mong itago ang iyong pandinig sa saklolo,
    mula sa paghingi ko ng tulong!’
57 Ikaw ay lumapit nang ako'y tumawag sa iyo;
    iyong sinabi, ‘Huwag kang matakot.’

58 “Ipinagtanggol mo ang aking usapin, O Panginoon,
    tinubos mo ang aking buhay.
59 Nakita mo ang pagkakamaling ginawa sa akin, O Panginoon
    hatulan mo ang aking usapin.
60 Nakita mo ang lahat nilang paghihiganti,
    at ang lahat nilang pakana laban sa akin.

61 “Narinig mo ang kanilang pagtuya, O Panginoon,
    at lahat nilang pakana laban sa akin.
62 Ang mga labi at pag-iisip ng mga tumutugis sa akin
    ay laban sa akin sa buong maghapon.
63 Masdan mo ang kanilang pag-upo at ang kanilang pagtayo,
    ako ang pinatutungkulan ng kanilang mga awit.

64 “Pagbabayarin mo sila, O Panginoon,
    ayon sa gawa ng kanilang mga kamay.
65 Papagmamatigasin mo ang kanilang puso,
    ang iyong sumpa ay darating sa kanila.
66 Hahabulin mo sila sa galit at iyong lilipulin sila,
    mula sa silong ng mga langit, O Panginoon.”

Ang Parusa sa Zion

Malabo na ang ginto, nabago na ang dalisay na ginto!
Ang mga banal na bato ay nakakalat sa dulo ng bawat lansangan.

Ang mahahalagang anak ng Zion,
    na kasimbigat ng dalisay na ginto,
ano't pinapahalagahan na waring mga sisidlang lupa,
    na gawa ng mga kamay ng magpapalayok!

Maging ang mga asong-gubat ay naglalabas ng dibdib
    at nagpapasuso sa kanilang mga anak,
ngunit ang anak na babae ng aking bayan ay naging malupit,
    parang mga avestruz sa ilang.

Ang dila ng sumususong bata ay dumidikit
    sa ngalangala ng kanyang bibig dahil sa uhaw.
Ang mga bata ay humihingi ng tinapay,
    ngunit walang taong nagpuputol nito sa kanila.

Silang nagpapakasawa sa pagkain
    ay namamatay sa mga lansangan.
Silang pinalaki sa kulay-ube ay nagsisihiga sa mga tapunan ng dumi.

Sapagkat(A) ang kasamaan ng anak na babae ng aking bayan ay higit na mabigat
    kaysa parusa sa Sodoma,
na nagapi sa isang sandali,
    at walang mga kamay na humawak sa kanya.
Ang kanyang mga pangunahing tao ay higit na dalisay kaysa niyebe,
    higit na maputi kaysa gatas;
ang kanilang katawan ay higit na matipuno kaysa coral,
    ang ganda ng kanilang anyo ay parang zafiro.

Ang kanilang anyo ngayon ay higit na maitim kaysa uling;
    sila'y hindi makilala sa mga lansangan.
Ang kanilang balat ay naninikit sa kanilang mga buto;
    ito'y naging gaya ng tuyong kahoy.

Mabuti pa ang mga pinatay sa tabak
    kaysa sa mga pinatay sa gutom,
sapagkat ang mga ito ay nanghihina at nagkakasakit
    dahil sa kawalan ng mga bunga ng lupain.

10 Niluto(B) ng mga kamay ng mga mahabaging babae
    ang kanilang sariling mga anak;
sila'y naging mga pagkain nila, dahil sa pagkawasak ng anak na babae ng aking bayan.

11 Nilubos ng Panginoon ang kanyang poot,
    ibinuhos niya ang kanyang matinding galit.
At siya'y nagpaningas ng apoy sa Zion,
    na tumupok sa mga pundasyon nito.

12 Ang mga hari sa lupa ay hindi naniwala,
    o sinuman sa mga naninirahan sa sanlibutan,
na ang kaaway at ang kalaban ay makakapasok
    sa mga pintuan ng Jerusalem.

13 Ito'y dahil sa mga kasalanan ng kanyang mga propeta,
    at sa mga kasamaan ng kanyang mga pari,
na nagpadanak sa gitna niya ng dugo ng mga matuwid.

14 Sila'y nagpagala-gala na mga bulag sa mga lansangan,
    na lubhang nadungisan ng dugo
kaya't walang makahawak sa kanilang kasuotan.

15 “Lumayo kayo, Marurumi!” ang sigaw ng mga tao sa kanila;
    “Lumayo kayo! Lumayo kayo! Huwag ninyo kaming hahawakan!”
Kaya't sila'y naging mga takas at pagala-gala;
    sinabi ng mga tao sa gitna ng mga bansa,
    “Hindi na sila mamamalaging kasama natin.”

16 Pinangalat sila ng Panginoon, sila ay hindi na niya pahahalagahan
Hindi nila iginalang ang mga pari
    hindi nila nilingap ang matatanda.

17 Nanlabo na ang aming mga mata
    sa paghihintay ng tulong na hindi naman dumating,
sa aming pagbabantay ay naghihintay kami
    sa isang bansang hindi makapagliligtas.

18 Inaabangan nila ang aming mga hakbang,
    upang huwag kaming makalakad sa aming mga lansangan,
malapit na ang aming wakas, tapos na ang aming mga araw;
    sapagkat dumating na ang aming wakas.

19 Ang mga humahabol sa amin ay higit na mabibilis
    kaysa mga buwitre sa himpapawid:
hinabol nila kami sa mga bundok,
    inabangan nila kami sa ilang.

20 Ang hininga ng mga butas ng aming ilong, ang pinahiran ng Panginoon
    ay kinuha sa kanilang mga hukay;
na tungkol sa kanya ay aming sinasabi, “Sa kanyang mga lilim
    ay mabubuhay kami na kasama ng mga bansa.”

21 Magalak at matuwa ka, O anak na babae ng Edom,
    na naninirahan sa lupain ng Uz.
Ngunit ang kopa ay darating din sa iyo;
    ikaw ay malalasing at maghuhubad.

22 Ang parusa sa iyong kasamaan ay naganap na, O anak na babae ng Zion,
    hindi ka na niya pananatilihin pa sa pagkabihag.
Ngunit ang iyong kasamaan, O anak na babae ng Edom; ay kanyang parurusahan,
    ilalantad niya ang iyong mga kasalanan.

Paghingi ng Awa

Alalahanin mo, O Panginoon, kung ano ang nangyari sa amin.
    Iyong masdan, at tingnan ang aming kahihiyan!
Ang aming mana ay ibinigay sa mga dayuhan,
    ang aming mga bahay ay sa mga taga-ibang bayan.
Kami ay naging mga ulila at walang ama;
    gaya ng mga balo ang aming mga ina.
Dapat kaming magbayad sa tubig na aming iniinom,
    dapat naming bilhin ang kinukuha naming kahoy.
Ang mga humahabol sa amin ay nasa aming leeg;
    kami ay pagod na, wala kaming kapahingahan.
Sa mga taga-Ehipto, kami ay nakipagkamay,
    at sa mga taga-Asiria upang makakuha ng sapat na tinapay.
Ang aming mga ninuno ay nagkasala at wala na;
    at kami ay nagpapasan ng mga kasamaan nila.
Mga alipin ang namumuno sa amin,
    walang magliligtas sa amin sa kanilang kamay.
Nalalagay sa panganib ang aming buhay
    upang makakuha ng tinapay, dahil sa tabak sa ilang.
10 Ang aming balat ay kasing-init ng pugon,
    dahil sa nagniningas na init ng taggutom.
11 Ang mga babae sa Zion ay ginahasa nila,
    ang mga dalaga sa mga bayan ng Juda.
12 Ang mga pinuno ay ibinitin sa kamay nila,
    hindi iginagalang ang matatanda.
13 Ang mga binata ay pinagtrabaho sa gilingan,
    at sa bigat ng kahoy ang mga bata ay nagpasuray-suray.
14 Iniwan na ng matatanda ang pintuang-bayan,
    at ng mga binata ang kanilang mga tugtugan.
15 Ang kagalakan ng aming puso ay huminto na,
    ang aming pagsasayaw ay napalitan ng pagluluksa.
16 Nahulog mula sa aming ulo ang korona;
    kahabag-habag kami, sapagkat kami'y nagkasala!
17 Dahil dito ay nagkasakit ang aming puso,
    dahil sa mga bagay na ito ang mga mata nami'y lumabo;
18 dahil sa bundok ng Zion na nawasak,
    ang mga asong-gubat ay pagala-gala roon.

19 Ikaw, O Panginoon, magpakailanman ay naghahari,
    ang iyong trono ay nananatili sa lahat ng salinlahi.
20 Bakit mo kami nililimot magpakailanman,
    bakit mo kami pinababayaan nang kaytagal?
21 Ibalik mo kami sa iyo, O Panginoon, upang kami ay makapanumbalik!
    Ibalik mo ang aming mga araw na gaya nang una.
22 Talaga bang kami'y iyo nang itinakuwil?
    Ikaw ba ay lubhang galit na galit sa amin?

Mga Hebreo 10:19-39

Lumapit Tayo sa Diyos

19 Kaya, mga kapatid, yamang mayroon tayong pagtitiwala na pumasok sa santuwaryo sa pamamagitan ng dugo ni Jesus,

20 na kanyang binuksan para sa atin ang isang bago at buháy na daan, sa pamamagitan ng tabing, samakatuwid ay sa kanyang laman,

21 at yamang mayroon tayong isang pinakapunong pari sa bahay ng Diyos,

22 tayo'y(A) lumapit na may tapat na puso sa lubos na katiyakan ng pananampalataya, na ang mga puso ay winisikang malinis mula sa isang masamang budhi at nahugasan ang ating katawan ng dalisay na tubig.

23 Panghawakan nating matatag ang pagpapahayag ng ating pag-asa nang walang pag-aalinlangan, sapagkat siya na nangako ay tapat.

24 At ating isaalang-alang kung papaano gigisingin ang isa't isa sa pag-ibig at sa mabubuting gawa,

25 na huwag nating pabayaan ang ating pagtitipon, gaya ng ugali ng iba, kundi palakasin ang loob ng isa't isa, lalung-lalo na kapag inyong nakikita na papalapit na ang Araw.

26 Sapagkat kung sinasadya nating magkasala, matapos nating tanggapin ang lubos na pagkakilala sa katotohanan, ay wala ng natitira pang alay para sa mga kasalanan,

27 kundi(B) isang kakilakilabot na paghihintay sa paghuhukom, at isang naglalagablab na apoy na tutupok sa mga kaaway.

28 Ang(C) sumuway sa kautusan ni Moises, sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi, ay walang awang namamatay.

29 Gaano(D) pa kayang higpit na parusa sa akala ninyo, ang nararapat sa kanila na yumurak sa Anak ng Diyos at lumapastangan sa dugo ng tipan na nagpabanal sa kanila, at umalipusta sa Espiritu ng biyaya?

30 Sapagkat(E) kilala natin ang nagsabi, “Akin ang paghihiganti, ako ang gaganti.” At muli, “Huhukuman ng Panginoon ang kanyang bayan.”

31 Isang kakilakilabot na bagay ang mahulog sa mga kamay ng Diyos na buháy.

32 Subalit alalahanin ninyo ang mga nakaraang araw, na pagkatapos na kayo'y maliwanagan, ay nagtiis kayo ng matinding pakikipaglaban na may pagdurusa,

33 na kung minsan ay hayagang inilalantad sa pag-alipusta at pag-uusig, at kung minsan ay nagiging mga kabahagi ng mga nagdaranas ng gayon.

34 Sapagkat kayo'y nahabag sa mga bilanggo, at tinanggap ninyo nang buong galak ang pagkasamsam sa inyong mga ari-arian, palibhasa'y inyong nalalamang mayroon kayong isang pag-aaring higit na mabuti at tumatagal.

35 Kaya't huwag ninyong itakuwil ang inyong pagtitiwala na may dakilang gantimpala.

36 Sapagkat kailangan ninyo ng pagtitiis, upang kapag inyong nagampanan ang kalooban ng Diyos ay tanggapin ninyo ang pangako.

37 Sapagkat(F) “sa sandaling panahon,
    ang siyang dumarating ay darating, at hindi maaantala.
38 Ngunit ang aking matuwid na lingkod ay mabubuhay sa pananampalataya.
    Ngunit kung siya'y tumalikod, ang aking kaluluwa ay hindi malulugod sa kanya.”

39 Ngunit tayo'y hindi kabilang sa mga umuurong kaya't sila'y napapahamak, kundi kabilang sa mga may pananampalataya kaya't naliligtas.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001