Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Ezekiel 23:40-35:15

40 “Paulit-ulit pa silang nagpasundo ng mga lalaki mula sa malalayong dako. Nagpaayos pa silang mabuti para sa mga iyon: naglinis sila, nagkulay ng mata, at naglagay ng mga hiyas. 41 Nagpagawa pa sila ng isang magarang pahingahan, at ng isang mesang ubod ng ganda at doon inilagay ang kamanyang at langis na ibinigay ko sa kanila. 42 Napapaligiran sila ng mga taong nagkakaingay sa tuwa. Naroon din ang mga karaniwang tao mula sa ilang. Ang mga babae ay sinuotan nila ng pulseras at pinutungan ng magagandang korona.

43 “Nasabi ko sa aking sarili: Ang babaing iyon ay tumanda na sa pakikiapid. Gayunpaman, marami pa ring nakikipagtalik sa kanya 44 sapagkat ang paglapit sa kanya'y tulad ng paglapit ng isang lalaki sa isang babaing mahalay. Ganoon sila lumalapit kina Ohola at Oholiba para isagawa ang kanilang kahalayan. 45 Ngunit hahatulan sila ng mga taong matuwid dahil sa kanilang pangangalunya at pagpatay, sapagkat mapakiapid sila at ang mga kamay nila'y tigmak ng dugo.”

46 Kaya nga, ito ang ipinapasabi ni Yahweh: “Ipapalusob na sila sa naghihintay na hukbo upang sila'y takutin at pagnakawan. 47 Sila'y babatuhin ng malaking hukbong yaon at gagamitan ng tabak. Papatayin sila pati kanilang mga anak, at susunugin ang kanilang mga tirahan. 48 Sa ganitong paraan ko wawakasan ang kahalayan sa lupaing iyon upang magsilbing babala sa mga kababaihan, at nang walang sumunod sa kanilang hakbang. 49 Pagbabayaran ninyong magkapatid ang inyong kahalayan, at daranasin ang bigat ng parusa sa pagsamba sa diyus-diyosan. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.”

Ang Talinghaga ng Kumukulong Palayok

24 Nang ikasampung araw ng ikasampung buwan ng ikasiyam na taon ng aming pagkabihag, sinabi sa akin ni Yahweh: “Ezekiel,(A) anak ng tao, isulat mo ang araw na ito, sapagkat ngayon ay pasisimulan ng hari ng Babilonia ang pagkubkob sa Jerusalem. Ilahad mo ang isang talinghaga tungkol sa mapaghimagsik na bayan ng Israel. Sabihin mong ito ang ipinapasabi ni Yahweh:

Magsalang ka ng palayok at punuin ng tubig.
Ilagay rito ang mga piling bahagi,
    ang hita at pitso,
    at punuin din ng maiinam na butong lagain.
Kunin ang karneng ito sa piling tupa;
    isalang at gatungan.
Pakuluan nang pakuluan ang mga laman at butong ito.”

Ito ang ipinapasabi ni Yahweh: “Kawawa ka, lunsod na mamamatay-tao, kalderong puno ng kalawang na hindi na matatanggal. Pira-piraso mo itong hanguing lahat. Sariwa pa ang dugong kanyang pinadanak sa lunsod. Ito'y sa bato pinatulo at di sa tuyong lupa upang matabunan sana ng alikabok. Iniwan ko ang dugo sa ibabaw ng malaking bato upang hindi maitago. Sa gayon, madali akong makapaghihiganti.”

Kaya nga, ipinapasabi pa ni Yahweh: “Kawawa ka, lunsod na mga mamamatay-tao! Ako ma'y magbubunton ng kahoy na panggatong. 10 Dagdagan ninyo ito ng kahoy at sindihan upang pakuluang mabuti ang lahat ng laman hanggang matuyo ang sabaw at masunog pati mga buto. 11 Pagkatapos, ang kaldero ay ipapatong ko sa maraming baga hanggang sa magbaga rin ito. Sa gayon, malulusaw ang dumi nito, kung masusunog ang kalawang. 12 Gayunman, ang lahat ng kalawang ay di rin maaalis ng apoy. 13 Ang kalawang mo ay ang iyong kahalayan, Jerusalem. Nililinis kita ngunit ayaw mo. Kaya, hindi ka na lilinis hanggang hindi ko naibubuhos sa iyo ang aking matinding galit. 14 Akong si Yahweh ang maysabi nito at ito'y tiyak na gagawin ko. Hindi ko ito iuurong, wala akong paliligtasin. Hindi ko kayo panghihinayangan. Paparusahan ko kayo ayon sa inyong masamang gawa.”

Ang Kamatayan ng Asawa ng Propeta

15 Sinabi sa akin ni Yahweh, 16 “Ezekiel, anak ng tao, sa isang iglap ay kukunin ko ang taong pinakamamahal mo ngunit huwag mong itatangis ni iluluha. 17 Maaari mong daanin sa buntong-hininga ngunit tibayan mo ang iyong loob. Manahimik ka at huwag iparirinig ang iyong pagtangis. Huwag kang lalakad nang walang sapin sa paa at lambong sa ulo, na tanda ng pagluluksa. Huwag mong tatakpan ang iyong mukha ni kakain ng pagkain ng mga upahang taga-iyak.”

18 Umaga nang ako'y magsalita sa mga Israelita. Kinagabihan, namatay ang aking asawa. Kinaumagahan, ginawa ko ang iniutos sa akin ni Yahweh.

19 Tinanong ako ng mga tao, “Ano ang ibig mong sabihin sa ginagawa mong ito?” 20 Sinabi ko sa kanila, “Sinabi sa akin ni Yahweh na 21 sabihin ko sa sambahayan ng Israel ang ganito: ‘Ang aking Templo na siyang sagisag ng inyong kapangyarihan at kasiyahan ay sasalaulain ko, at papatayin sa tabak ang inyong mga anak. 22 Tularan ninyo ang ginagawa ko: huwag kayong magluluksa ni malulungkot. 23 Mag-ayos kayong tulad ng dati, nakaturbante at panyapak. Huwag kayong tatangis o luluha. Dahil sa inyong kasamaan, mangangayayat sa matinding himutok ang bawat isa sa inyo. 24 Sinabi ni Yahweh na ang mangyayari kay Ezekiel ang magiging babala sa inyo. Kung mangyari na ang lahat, tularan ninyo ang kanyang ginagawa. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.’

25 “Ezekiel, anak ng tao, aalisin ko sa kanila ang matibay nilang Templo na siya nilang ipinagmamalaki at kasiyahan, gayon din ang kanilang mga anak. 26 Sa araw na iyon, isang takas ang magbabalita sa iyo ng mga pangyayari. 27 Sa araw na yaon, makapagsasalita ka na muli; makakausap mo na ang takas na iyon. Ikaw nga ang magiging pinakababala sa kanila. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.”

Ang Pahayag Laban sa mga Ammonita

25 Sinabi(B) sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, humarap ka sa mga anak ni Ammon at magpahayag laban sa kanila. Sabihin mo sa kanila na dinggin ang salita ni Yahweh: Natuwa kayo nang makita ninyong nilapastangan ang aking Templo, nang wasakin ang lupain ng Israel, at pangalatin ang mga taga-Juda. Dahil dito, kayo ay ipapasakop ko sa mga taga-silangan, at sila'y maninirahang kasama ninyo. Sila'y makakahati ninyo sa inyong pagkain at inumin. Ang Rabba ay gagawin kong pastulan ng mga kamelyo, at ang mga lunsod ng mga anak ni Ammon ay pastulan ng mga tupa. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.” Ipinapasabi nga ni Yahweh: “Ikaw ay pumalakpak at lumundag sa kagalakan, bilang pagkutya sa Israel. Dahil diyan, paparusahan kita. Pababayaan kong lusubin ka at looban ng ibang bansa. Ikaw ay ganap na mawawasak, anupa't hindi ka na kikilanling isang bansa. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.”

Ang Pahayag Laban sa Moab

Ito(C) naman ang ipinapasabi ni Yahweh sa Moab: “Sinabi mong ang Juda ay karaniwan lamang, tulad ng ibang bansa. Dahil dito, wawasakin ko ang Beth-jesimot, Baal-meon, at Kiryataim, ang mga lunsod na ipinagmamalaki mo sa iyong hangganan. 10 Kasama ito ng mga anak ni Ammon na ipapasakop ko sa mga taga-silangan hanggang sa ganap na malimutan ng daigdig. 11 Paparusahan ko rin ang buong Moab. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.”

Ang Pahayag Laban sa Edom

12 Ito(D) ang ipinapasabi ni Yahweh sa Edom: “Pinaghigantihan mo ang Juda at ito'y kasalanan mong hindi mapapawi kailanman. 13 Dahil dito, paparusahan kita. Papatayin ko ang iyong mga mamamayan at mga hayop hanggang sa ikaw ay maging pook ng kapanglawan. Mula sa Teman hanggang Dedan, lahat ay papatayin ko sa tabak. 14 Paghihigantihan kita sa pamamagitan ng bayan kong Israel. Sila ang gagawa sa iyo ng dapat kong gawin dahil sa matinding poot ko sa iyo. Sa gayon, malalaman mo kung gaano katindi akong maghiganti.”

Ang Pahayag Laban sa mga Filisteo

15 Ito(E) naman ang ipinapasabi ni Yahweh sa mga Filisteo: “Pinaghigantihan mo ang Israel at ibig mong lipulin dahil sa matagal na ninyong alitan. 16 Dahil dito, paparusahan ko kayo. Lilipulin ko ang mga taga-Creta pati ang naninirahan sa baybay-dagat. 17 Paparusahan ko sila nang mabigat bilang paghihiganti, at madarama nila ang tindi ng aking galit. Sa gayon, malalaman nilang ako si Yahweh.”

Ang Pahayag Laban sa Tiro

26 Noong(F) unang araw ng buwan,[a] ng ika-11 taon ng aming pagkabihag, sinabi sa akin ni Yahweh: “Ezekiel, anak ng tao, nang mawasak ang Jerusalem, sinabi ng Tiro: ‘Ngayong bagsak na ang pangunahing bansa, ako naman ang uunlad.’ Dahil dito, sabihin mo sa kanyang ito ang ipinapasabi ko: Tiro, ako'y laban sa iyo. Ipapalusob kita sa maraming bansa, tulad ng paghampas ng maraming alon sa dagat. Iguguho nila ang iyong kuta at ibabagsak ang iyong mga toreng bantayan. Kakalkalin ko ang iyong lupa hanggang sa bato ang matira. Magiging bilaran ka na lamang ng lambat sa gitna ng dagat at hahamakin ka ng kapwa mo bansa. Akong si Yahweh ang maysabi nito. Ang mga mamamayan sa kalakhan ng bansa ay papatayin sa tabak. Sa gayon, makikilala mong ako si Yahweh.”

Ipinapasabi nga ni Yahweh: “Ang Tiro ay ipasasalakay kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia, ang pinakamakapangyarihang hari. Mula sa hilaga, darating siya kasama ang isang malaking hukbo at maraming karwahe at mangangabayo. Mapapatay sa digmaan ang mga nakatira sa kalakhang bahagi ng bansa. Gagawa sila ng mga hukay na pagkukublihan at iba pang kanlungan. Kukubkubin ka ng mga kawal na ang mga kalasag ay parang matibay na pader. Ang iyong pader ay iguguho sa pamamagitan ng malalaking pambayo at ang toreng bantayan ay ibubuwal sa pamamagitan ng kagamitang bakal. 10 Hindi ka makikita sa kapal ng alikabok dahil sa dami ng kanyang kabayong gagamitin sa pagsalakay sa iyo. Mayayanig ang iyong pader sa yabag ng mga kabayo, karwahe at kawal. 11 Ang mga lansangan mo'y mapupuno ng kanyang mga kabayo, at papatayin sa tabak ang iyong mga mamamayan. Anupa't mabubuwal pati ang pinakamalalaki mong haligi. 12 Sasamsamin niya ang iyong ari-arian. Iguguho niya ang iyong mga tanggulan, gigibain ang iyong magagarang bahay, at itatambak sa dagat ang mga bato at kahoy na gumuho. 13 Dahil(G) diyan, matitigil na ang iyong masasayang awitan gayon din ang pagtugtog mo sa iyong mga lira. 14 Mag-iiwan lamang ako ng malapad na batong bilaran ng mga lambat, at hindi ka na muling itatayo bilang isang lunsod. Akong si Yahweh ang maysabi nito.”

15 Ipinapasabi ni Yahweh sa Tiro: “Ang mga lupain sa baybayin ay mayayanig sa balita ng iyong pagbagsak, sa nakakapangilabot na daing ng mga sugatan, at sa dami ng mamamatay sa iyong mamamayan. 16 Dahil(H) dito, ang mga hari ng mga pulo sa karagatan ay aalis sa kanilang luklukan, maghuhubad ng magagara nilang kasuotan, maglulupasay na nanginginig, at masisindak sa nangyari sa iyo. 17 Aawitin nila para sa iyo ang panaghoy na ito:

‘Ang bantog na lunsod ay nawasak,
pinalubog sa karagatan ang kanyang mga sasakyang-dagat.
Dati, ang mga mamamayan niya ang kinasisindakan sa karagatan.
Sila ay naghasik ng takot sa mga bayan sa baybay-dagat.
18 Ngayon, ang lahat ng pulo ay nangingilabot dahil sa kanyang sinapit.
Oo, ang mga mamamayan nito'y pawang natatakot dahil sa balita ng kanyang pagkawasak.’”

19 Sapagkat sabi ni Yahweh: “Gagawin kitang pook na mapanglaw, tulad ng isang lugar na walang nakatira. 20 Palulubugin kita sa tubig, tulad ng itinapon sa pusod ng dagat, tulad ng mga namatay noong unang panahon. Pananatilihin kita sa walang hanggang kalaliman para hindi na mapanahanan ninuman. 21 Daranasin(I) mo ang kakila-kilabot na wakas at ganap kang mawawala. Hahanapin ka ngunit hindi na matatagpuan.”

Ang Panaghoy para sa Tiro

27 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, awitan mo ng panaghoy ang Tiro. Sabihin mo sa kanya: Lunsod ng Tiro, lunsod na nasa bunganga ng dagat, at nakikipagkalakalan sa mga bansa sa malalayong dako. Ito ang ipinapasabi sa iyo ni Yahweh:

‘Tiro, ipinagmamalaki mo ang iyong kagandahan at sinasabing wala kang kapintasan.’
Ang tahanan mo ay ang karagatan.
Ikaw ay ginawang tila isang magandang sasakyang-dagat.
Mga piling kahoy buhat sa Bundok Hermon ang tablang ginamit,
at ang palo ay kahoy buhat sa Lebanon.
Ang mga sagwan mo ay ensina buhat pa sa Bashan.
Mga tablang sedar buhat pa sa Cyprus
ang matibay mong kubyerta at may disenyo pang garing.
Hinabing lino buhat sa Egipto ang iyong layag
at siya mo ring bandila;
telang kulay ube na yari sa Cyprus ang bubong mo.
Mga taga-Sidon at Arvad ang iyong tagasagwan,
ang mga tripulante'y mga dalubhasa mong tauhan.
Ang mga karpintero mo'y sinanay pa sa Biblos.
Ang nakipagkalakalan sa iyo ay mga tripulante ng iba't ibang barko.

10 “Mga taga-Persia, Lydia at Libya ang bumubuo ng iyong hukbo. Mga kalasag at helmet nila'y nakapalamuti sa iyong mga dingding. 11 Mga taga-Arvad ang nakapaligid sa iyo, at mga taga-Gamad ang nasa iyong bantayan. Ang kanilang mga kalasag at helmet ang lumulubos sa iyong kagandahan.

12 “Ang Tarsis ay nakipagkalakalan sa iyo. Ang kanyang minang pilak, bakal, lata, at tingga ay ipinagpalit niya sa mga pangunahing paninda mo. 13 Ang Javan, Tubal at Meshec ay nagdala sa iyo ng mga alipin at kagamitang tanso bilang kapalit ng iyong mga produkto. 14 Kabayo at asno naman ang ibiniyahe sa iyo ng Beth-togarma. 15 Nakipagkalakalan din sa iyo ang mga taga-Rodes. Maraming lugar sa baybayin ang dinalhan mo ng paninda; garing at pangil naman ng elepante ang kanilang ipinalit. 16 Nakipagkalakalan din sa iyo ang Siria; esmeralda, purpurang pinong lino na nabuburdahan nang maganda, batong koral, at pulang rubi ang ipinalit niya sa mga pangunahin mong produkto. 17 Trigo naman, olibo, pulot-pukyutan, langis, at balsamo ang ipinalit ng Juda at Israel sa mga kalakal mo. 18 Ang Damasco ay nagdadala sa iyo ng inumin na yaring Helbon, puting lana, 19 inuming yaring Uzal na siyang pamalit sa kinuha niya sa iyo; mga kagamitang yaring bakal, akasya at kalamo ang iyong inaangkat. 20 Magagaspang na lanang panapin naman ang dinala sa iyo ng Dedan. 21 Ang Arabia naman at ang mga pangunahin ng Kedar ang pinanggalingan ng kailangan mong kordero, tupang lalaki, at mga kambing. 22 Nakipagkalakalan din sa iyo ang Seba at Raama; ang dala nila'y lahat ng uri ng piling pabango, mamahaling bato, at mga ginto. 23 Nakipagkalakalan din sa iyo ang Haran, Cane, Eden, Assur, at Kilmad. 24 Mamahaling damit na asul at burdado, alpombrang magaganda at iba't ibang kulay at natataliang mabuti ng kurdon. Ang mga ito ang ibinibiyahe nila sa iyo. 25 Mga(J) malalaking barko ang pambiyahe mo ng iyong mga produkto.

“Ikaw ay punung-puno ng mabigat na kalakal
sa gitna ng karagatan.
26 Dinadala ka ng mga tagasagwan mo sa iba't ibang lugar,
ngunit binayo ka ng hanging mula sa silangan, at nawasak sa gitna ng dagat.
27 Ang iyong kayamanan, kalakal,
mga marinero, kapitan,
tagakumpuni, mangangalakal, at mga kawal
ay kasama mong nalubog sa dagat nang ikaw ay mawasak.
28 Mga lugar sa baybayin ay nayanig
sa sigaw ng mga tagasagwan mong nalulunod sa gitna ng tubig.

29 “Wala nang tao isa man sa mga barko;
nag-alisan na ang mga tripulante.
30 Tinangisan ka nila nang buong kapaitan.
Nilagyan nila ng alabok ang kanilang ulo saka gumulong sa bunton ng abo.
31 Nag-ahit sila ng ulo.
Pagkatapos, nagbihis ng damit-panluksa
at nanangis nang kapait-paitan.
32 Ang panaghoy nila'y hinaluan pa ng panaghoy:
‘Sino ang nawasak sa gitna ng dagat na tulad ng Tiro?’ tanong nila.
33 Ang mga kalakal mo
ay pantugon sa pangangailangan ng marami.
Dahil sa yaman mo at paninda
ay bumuti ang buhay ng mga hari.
34 Ngayon, ikaw ay wasak na sa gitna ng karagatan.
Lumubog na kasama mo ang iyong mga produkto at mga tauhan.
35 Ang lahat sa baybay-dagat, pati nasa katihan,
ay nagtatakang natatakot sa iyong sinapit.
36 Katapusan mo na, mawawala ka na nang lubusan.
Lahat ng mangangalakal sa daigdig ay takot na takot at baka matulad sila sa iyong sinapit.”

Ang Pahayag Laban sa Hari ng Tiro

28 Sinabi sa akin ni Yahweh: “Ezekiel, anak ng tao, sabihin mo sa pinuno ng Tiro na ito ang ipinapasabi ko sa kanila: Sa iyong kapalaluan ay sinabi mong isa kang diyos. Nakaluklok kang parang diyos sa gitna ng karagatan bagama't ang totoo'y hindi ka diyos kundi tao lamang. Pinipilit mong abutin ang isipan ng isang diyos. Akala mo'y matalino ka pa kay Daniel. Akala mo'y alam mo ang lahat ng bagay kahit pa anong lihim. Sa dunong mo't kaalaman ay nagkamal ka at nakapagbunton ng pilak at ginto. Sa iyo ngang nalalaman sa larangan ng kalakal, patuloy na lumaki ang iyong kayamanan. Dahil dito, naging palalo ka. Kaya naman ito ang ipinapasabi ng Diyos na si Yahweh: Pagkat pilit mong ipinapantay sa Diyos ang sarili, ipapalusob kita sa pinakamalupit na kaaway sa daigdig. Wawasakin nila ang lahat ng ari-arian mo na pawang kinamtan sa tusong pamamaraan. Ihuhulog ka niya sa walang hanggang kalaliman, papatayin at ihahagis sa pusod ng dagat. Sa harap kaya ng mga papatay sa iyo ay masabi mo pang ikaw ay diyos? Doon mo malalamang ikaw pala ay tao lang at may kamatayan. 10 Parang aso kang papatayin ng mga dayuhan. Akong si Yahweh ang maysabi nito.”

Ang Pagbagsak ng Hari ng Tiro

11 Sinabi sa akin ni Yahweh: 12 “Ezekiel, anak ng tao, tangisan mo ang sasapitin ng hari ng Tiro. Sabihin mong ito ang ipinapasabi ko: Ikaw ay larawan ng kasakdalan. Puspos ng kaalaman. Ang ganda mo'y walang kapintasan. 13 Tulad mo'y nasa paraiso ng Diyos, sa hardin ng Eden. Nababalot ka ng iba't ibang uri ng batong mamahalin: sardiyo, topaz at diyamanteng nagniningning; berilo, onise at jasper na walang kahambing; safiro, esmeralda at karbungko. Ginto ang iyong enggasto. At ang pagkaukit dito ay inihanda noong una pa, nang isilang ka sa mundo. 14 Kerubin ang itinalaga kong magbabantay sa iyo. Nasa ituktok ka ng aking banal na bundok. Ang nilalakaran mo'y mga batong kumikinang. 15 Wala kang kapintasan mula pa nang isilang hanggang sa maisipan mong mamuhay sa kasamaan. 16 Nang lumakas ang kalakal mo, natuto kang sumuway at namuhay sa kasalanan. Kaya, ipinagtabuyan ka mula sa aking banal na bundok. Pinalayas ka ng kerubin sa kinatatayuan mong mga batong kumikinang. 17 Naging palalo ka dahil sa iyong kagandahan. Ginamit mo sa kasamaan ang iyong karunungan para mapatatag ang iyong katayuan. Kaya ibinagsak kita sa lupa upang maging babala sa ibang mga bansa. 18 Dahil sa masamang pamamaraan ng iyong pangangalakal, nasalaula ang Templo at nadumihan. Kaya ipinatupok kita sa apoy. Nilamon ka nga nito at nakita ng lahat na ikaw ay naging abo. 19 Katapusan mo na. Mawawala ka na nang lubusan. Lahat ng bansang nakakakilala sa iyo ay takot na takot na matulad sila sa iyong sinapit.”

Ang Pahayag Laban sa Sidon

20 Sinabi(K) sa akin ni Yahweh, 21 “Ezekiel, anak ng tao, humarap ka sa Sidon at magpahayag laban sa kanya. 22 Sabihin mong ito ang ipinapasabi ko: Sidon, ako ay kaaway mo. Pupurihin ako ng mga tao dahil sa gagawin ko sa iyo. Pagkatapos kong parusahan ang lahat ng naninirahan sa iyo, makikilala nilang ako si Yahweh at ipapakita ko na ako ay banal. 23 Padadalhan kita ng mga sakit. Ang mga lansangan mo ay matitigmak ng dugo. Sa kabi-kabila, patay ang makikita dahil sa pagkumpay ng tabak nang walang pakundangan at makikilala ninyong ako si Yahweh.”

Pagpapalain ang Israel

24 Sinabi ni Yahweh, “Alinman sa mga bansang humahamak noon sa Israel ay hindi na magiging tinik na magpapahirap sa kanya. Kung magkagayon, makikilala nilang ako si Yahweh.”

25 Ipinapasabi pa ng Panginoong Yahweh: “Kapag natipon ko nang muli ang Israel mula sa iba't ibang panig ng daigdig, malalaman ng lahat ng bansa na ako ay banal. Sila'y maninirahan na sa kanilang tunay na lupain, sa lupaing itinalaga ko sa aking lingkod na si Jacob. 26 Doon, magtatayo sila ng kanilang tahanan at magtatanim ng mga halaman. Payapa silang makakapanirahan doon matapos kong parusahan ang mga karatig-bansa na humamak sa kanila. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.”

Ang Pahayag Laban sa Egipto

29 Noong(L) ikalabindalawang araw ng ikasampung buwan ng ikasampung taon ng aming pagkakabihag, sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, harapin mo ang hari ng Egipto. Magpahayag ka laban sa kanya at sa buong Egipto. Sabihin mong ito ang ipinapasabi ko: Ako'y laban sa iyo, hari ng Egipto. Ikaw na malaking buwayang nagbabad sa tubig. Ikaw na nagsasabing ang Ilog Nilo ay iyo pagkat ikaw ang gumawa nito. Kakawitin ko ang panga mo. Kakapit sa kaliskis mo ang mga isdang kasama mo, at iaahon kita sa tubig, kasama ang mga isdang nakakabit sa iyo. Ihahagis kita sa ilang, pati ang mga isdang kasama mo sa batis. Ihahagis ko nga kayo sa gitna ng bukid. At hindi kayo titipunin, ni ililibing. Hahayaan kitang kainin ng mga hayop sa parang at ibon sa himpapawid.

“Sa(M) gayon, makikilala ng lahat ng Egipcio na ako si Yahweh. Mas mabuti pa ang tambo kaysa tulong na ginawa mo sa Israel. Nabali ito nang kanyang hawakan, at tuluyan siyang napilay. Ikaw ay bumagsak nang sumandal sa iyo ang Israel kaya nabali ang balakang nito. Kaya padadalhan kita ng tabak upang puksain ang mga mamamayan mo't mga hayop. Ang buong Egipto ay matitiwangwang at mawawalan ng kabuluhan. Sa gayon makikilala ninyong ako si Yahweh.

“Sinabi mong iyo ang Ilog Nilo sapagkat ikaw ang gumawa niyon. 10 Dahil diyan, laban ako sa iyo at sa iyong Ilog Nilo. Ititiwangwang ko ang buong Egipto at gagawin kong walang kabuluhan, mula sa Migdal hanggang Sevene at sa mga hangganan sa Etiopia.[b] 11 Sa loob ng apatnapung taon, walang tao o hayop na tutuntong dito ni titira. 12 Gagawin ko itong pinakamapanglaw sa lahat ng lupain at ang mga lunsod ay apatnapung taon kong pananatilihing isang lugar na pinabayaan. Ang mga Egipcio'y pangangalatin ko sa iba't ibang bansa.”

13 Ipinapasabi ni Yahweh: “Pagkaraan ng apatnapung taon, titipunin ko ang mga Egipcio mula sa lugar na pinagtapunan ko sa kanila. 14 Ibabalik ko sa kanila ang dati nilang kabuhayan, pati ang dati nilang lupain sa katimugan. Doon, sila'y magiging isang mahinang kaharian. 15 Siya'y magiging pinakamahina sa lahat ng kaharian, at kailanma'y hindi siya makahihigit sa iba, pagkat pananatilihin ko silang kakaunti. 16 Hindi na muling aasa sa kanya ang Israel sapagkat maaalala niya na masama ang ginawa niyang paghingi ng tulong sa Egipto. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.”

Masasakop ang Egipto

17 Noong unang araw ng unang buwan ng ikadalawampu't pitong taon ng aming pagkakabihag, sinabi ni Yahweh sa akin: 18 “Ezekiel, anak ng tao, ang mga kawal-Babilonia ay pinahirapang mabuti ng hari nilang si Nebucadnezar laban sa Tiro. Nakalbo na silang lahat sa kabubuhat sa ulo ng mga kagamitan at nagkalyo ang kanilang mga balikat sa kapapasan ngunit wala ring napala. 19 Kaya, ipapasakop ko sa kanya ang Egipto upang samsamin ang kayamanan nito bilang sweldo ng kanyang mga kawal. 20 Ibibigay ko sa kanya ang Egipto bilang kabayaran ng kanyang pagod sa paglilingkod niya sa akin. 21 Kapag nangyari na ang mga ito, palalakasin ko ang Israel, at ikaw, Ezekiel, ang gagawin kong tagapagsalita. Papakinggan ka ng lahat at sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.”

Ang Magiging Wakas ng Egipto

30 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, magpahayag ka. Sabihin mo sa kanilang ito ang ipinapasabi ko:

Matinding kapighatian sa araw na iyon ang darating,
sapagkat malapit na ang araw, ang araw ni Yahweh.
Magdidilim ang ulap sa araw na iyon, araw ng paghuhukom sa lahat ng bansa.
Sisiklab ang digmaan sa Egipto.
Maghahari sa Etiopia[c] ang matinding dalamhati
kapag namatay na sa Egipto ang maraming tao,
sasamsamin ang kayamanan ng buong bansa
at iiwanan itong wasak.

“Sa digmaang iyon ay mapapatay ang mga upahang kawal ng Etiopia, Libya, Lydia, Arabia, Kub, at ng aking bayan.” Ipinapasabi nga ni Yahweh: “Mapapahamak ang lahat ng tutulong sa Egipto. Ang ipinagmamalaki niyang lakas ay ibabagsak. Mula sa Migdal hanggang Sevene lahat ay kasama niyang pupuksain sa pamamagitan ng tabak. Siya ay magiging pinakamapanglaw sa lahat ng lupain. At ang lunsod niya'y isang pook na wasak na wasak. Kapag ang Egipto ay akin nang tinupok at ang mga kakampi niya ay namatay nang lahat, makikilala nilang ako si Yahweh.

“Sa araw na iyon, ang mga tagapagbalita'y isusugo kong sakay ng mga sasakyang-dagat upang bigyang babala ang Etiopia na wala pa ring kabali-balisa. Sila'y paghaharian ng matinding kapighatian dahil sa pagkawasak na sasapitin ng Egipto; ang araw na iyon ay mabilis na dumarating.” 10 Ito ang ipinapasabi ni Yahweh: “Ang kasaganaan ng Egipto'y wawakasan ko na sa pamamagitan ng Haring Nebucadnezar. 11 Siya at ang malulupit niyang kawal ang susuguin ko upang wasakin ang Egipto. Tabak nila'y ipamumuksa sa buong lupain. Pagdating ng araw na iyon, makikitang naghambalang ang mga bangkay sa buong lupain. 12 Tutuyuin ko ang Ilog Nilo at ipapasakop ang Egipto sa masasama. Wawasakin ng mga kaaway ang buong bansa. Akong si Yahweh ang maysabi nito.” 13 Ipinapasabi ng Panginoong Yahweh: “Dudurugin ko ang mga diyus-diyosan nila. Gayon din ang gagawin ko sa mga rebulto sa Memfis. Wala nang tatayo na pinuno sa Egipto. Takot ang paghahariin ko sa buong lupain. 14 Ang dakong timog ng Egipto ay gagawin kong pook na mapanglaw. Susunugin ko ang Zoan sa hilaga at paparusahan ang punong-lunsod ng Tebez. 15 Ang galit ko'y ibubuhos sa bayan ng Pelusium na tanggulan ng Egipto. Sisirain ko ang kayamanan ng Tebez. 16 Tutupukin ko ang Egipto. Mamamahay ang Pelusium sa matinding pighati. Gigibain ang pader ng Tebez at babaha sa lupain. 17 Ang mga binata ng On at Bubastis ay papatayin sa tabak. Ang mga babae naman ay mabibihag. 18 Ang araw ng Tafnes ay magdidilim sa sandaling wakasan ko ang pananakop ng Egipto, at ang kapangyarihan niya'y putulin ko na. Matatakpan siya ng ulap, at mabibihag ang kanyang mamamayan. 19 Ganyan ang parusang igagawad ko sa Egipto. Akong si Yahweh ay makikilala nilang lahat.”

20 Noong ikapitong araw ng unang buwan ng ikalabing isang taon ng pagkakabihag sa amin, sinabi sa akin ni Yahweh, 21 “Ezekiel, anak ng tao, pipilayin ko ang braso ng hari ng Egipto. Hindi ko ito pagagalingin para hindi na makahawak ng tabak. 22 Ito ang sinasabi ko: Ako'y laban sa hari ng Egipto. Babaliin ko pa ang isa niyang kamay para mabitiwan ang kanyang tabak. 23 Ang mga Egipcio'y pangangalatin ko sa iba't ibang bayan, ipapatapon sa lahat ng panig ng daigdig. 24 Palalakasin ko ang pwersa ng hari ng Babilonia at aalisan ko naman ng kapangyarihan ang hari ng Egipto hanggang sa maging sugatan siya at umuungol na malugmok sa harapan ng hari ng Babilonia. 25 Pahihinain ko ang hari ng Egipto ngunit palalakasin ko naman ang hari ng Babilonia. Kapag itinuro niya sa Egipto ang tabak na ibibigay ko sa kanya, malalaman nilang ako si Yahweh. 26 Pangangalatin ko sa lahat ng bansa ang mga Egipcio at ipapatapon sa iba't ibang dako. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.”

Itinulad ang Egipto sa Puno ng Sedar

31 Noong unang araw ng ikatlong buwan ng ikalabing isang taon ng aming pagkakabihag, sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, sabihin mo sa hari ng Egipto at sa kanyang mga tauhan:

Ano ba ang nakakatulad mo sa iyong kapangyarihan?
Ang katulad mo ay sedar sa Lebanon.
Mayayabong ang sanga. Malago ang dahon.
Ang taas mo'y walang katulad.
Ang dulo ng iyong sanga ay abot sa ulap.
Sagana ka sa dilig;
may agos pa sa ilalim ng lupang kinatatayuan mo.
Ganoon din sa bawat punongkahoy sa gubat.
Kaya ito ay tumaas nang higit sa lahat.
Ang mga sanga'y mayayabong at mayabong ang dahon
sapagkat sagana nga sa tubig.
At doon ang mga ibo'y gumagawa ng pugad.
Sa lilim nito nagluluwal ng anak ang mga hayop.
At ang mga bansa ay sumisilong sa kanya.
Anong inam pagmasdan ang maganda niyang kaanyuan.
Marami ang sanga. Mayayabong. Malalabay.
Mga ugat nito ay abot sa masaganang bukal ng tubig.
Hindi(N) ito mahihigtan kahit ng sedar sa hardin ng Diyos,
ni maipaparis sa alinmang punongkahoy sa hardin ng Diyos.
Ito'y aking pinaganda. Pinayabong ko ang mga sanga.
Kaya, nananaghili sa kanya ang mga punongkahoy sa hardin ng Diyos, sa Eden.

10 Kaya't sinasabi ng Panginoong Yahweh, kung ano ang mangyayari sa punongkahoy na itong tumaas hanggang sa nakikipaghalikan sa mga ulap. Ngunit habang tumataas, nagiging palalo siya. 11 Kaya naman, ipapasakop ko siya sa isang makapangyarihang bansa upang maranasan niya ang pahirap na marapat sa kanya. 12 Ibubuwal siya ng mararahas na bansa, saka iiwan. Mga sanga nito ay bali-baling babagsak sa mga bundok, kapatagan at tubigan. Mag-aalisan ang mga taong sumisilong sa kanya. 13 Ang mga ibon ay hahapon sa puno nitong nakabuwal, at ang mga hayop na ilap ay lalakad sa mga sanga nitong naghambalang. 14 Mangyayari ito upang kahit na ang punongkahoy na sagana sa dilig ay hindi na makataas hanggang sa ulap. Silang lahat ay pababayaan kong mamatay tulad ng tao. Sa gayon, lahat ay makakaranas ng kamatayan sa walang hanggang kalaliman.”

15 Ipinapasabi nga ito ni Yahweh: “Kapag naihulog na ito sa daigdig ng mga patay, pababayaan ko siyang lumubog sa tubig sa ilalim ng lupa. Pipigilin ko ang agos ng mga tubig para hindi ito umagos sa ibabaw ng lupa. Dahil sa pagkamatay ng kahoy, babalutin ko ng kadiliman ang Bundok Lebanon at malalanta ang mga kahoy doon. 16 Ang mga bansa'y mayayanig sa lakas ng kanyang pagbagsak sa daigdig ng mga patay. Dahil dito, masisiyahan ang mga kahoy sa walang hanggang kalaliman, ang pinakapiling punongkahoy sa Eden at ang mga piling sedar ng Lebanon. 17 Pare-pareho silang dadalhin sa daigdig ng mga patay para doon sila magsama-sama ng mga namatay na. Anupa't ang lahat ng sumilong sa kanya ay mangangalat sa iba't ibang bansa.

18 “Alin sa mga punongkahoy ng Eden ang maitutulad sa karangalan at kapangyarihan nito? Gayunman, ihuhulog siya sa walang hanggang kalaliman, kasama ng mga punongkahoy ng Eden. Isasama siya sa mga napatay sa digmaan. Ang kahoy na ito ay ang Faraon at ang kanyang mga tauhan.”

Itinulad sa Buwaya ang Faraon

32 Noong unang araw ng ikalabindalawang buwan ng ikalabindalawang taon ng pagkakabihag sa amin, sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, managhoy ka para sa hari ng Egipto. Sabihin mo, ikaw ay batambatang leon sa gitna ng maraming bansa. Tulad ka ng buwaya sa mga batis ng Ilog Nilo. Binubulabog mo ang tubig at pinarurumi ng iyong mga paa. Kapag natipon na ang mga bansa, pahahagisan kita ng lambat at ipaaahon sa katihan. Ihahagis ka sa gitna ng parang. Pababayaan kong kainin ka ng mga ibon at hayop. Ang iyong mga laman ay ikakalat sa kabundukan. Ang mga libis ay mapupuno ng iyong bangkay. Ang lupain, kabundukan at mga batis ay matitigmak ng iyong dugo. Sa(O) pagpapaalis ko sa iyo, tatakpan ko ang kalangitan. Tatakpan ko ng makapal na ulap ang mga bituin. Gayon din ang araw; at ang buwan ay hindi na magliliwanag. Ang lahat ng tanglaw sa kalangitan ay pawang matatakpan. Sa lupain nama'y maghahari ang matinding kadiliman.

“Maraming bansa ang magugulo kapag naipamalita kong ikaw ay winasak ng mga bansang hindi mo kilala. 10 Maraming tao ang mamamangha sa nangyari sa iyo; manginginig ang mga hari kapag iwinasiwas ko sa harapan nila ang aking tabak. Ang lahat ay manginginig sa takot kapag nakita nilang ikaw ay aking ibinagsak.” 11 Ipinapasabi ng Panginoong Yahweh sa hari ng Egipto: “Lulusubin ka ng hari ng Babilonia. 12 Ang mga mamamayan mo ay ipapapatay ko sa mga kawal ng malulupit na bansa. Lilipulin nila ang iyong mamamayan at sisirain ang mga bagay na ipinagmamalaki mo. 13 Papatayin ko ang lahat ng hayop mo sa baybay tubig upang wala nang bumulabog dito. 14 Sa gayon ay lilinaw ang mga tubig nito at aagos na ito nang payapa. 15 Kapag ikaw ay ganap ko nang nawasak at napatay ko na ang lahat ng iyong mamamayan, makikilala mong ako si Yahweh. 16 Ang babalang ito ay magiging awit ng panaghoy. Aawitin ito ng kababaihan para sa buong Egipto. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.”

Ang Daigdig ng mga Patay

17 Noong ika-15 araw ng unang buwan ng ika-12 taon ng pagkabihag sa amin, sinabi sa akin ni Yahweh, 18 “Ezekiel, anak ng tao, tangisan mo ang mga mamamayan ng Egipto, kasama ng mga bansang makapangyarihan. Ihagis mo sila sa walang hanggang kalaliman upang masama sa mga naroon na. 19 Sabihin mo sa kanila,

“Hindi kayo nakahihigit sa iba.
Ihuhulog din kayo sa walang hanggang kalaliman,
    kasama ng mga makasalanan.

20 “Mamamatay ang mga Egipcio, tulad ng mga namatay sa digmaan. Handa na ang tabak na papatay sa kanila. 21 Sila ay buong galak na tatanggapin sa daigdig ng mga patay ng mga bayaning Egipcio at lahat ng nakipaglaban sa panig ng Egipto. Sasabihin nila, ‘Narito na ang mga makasalanang kawal na napatay sa labanan; mamamahinga na ring tulad natin.’

22 “Naroon ang Asiria, napapaligiran ng mga libingan ng kanyang mga tauhan na pawang namatay sa digmaan. 23 Ang puntod niya'y naroon sa kaloob-looban ng walang hanggang kalaliman, napapaligiran ng kanyang mga kawal na napatay sa labanan. Naghasik sila ng takot sa daigdig noong sila'y nabubuhay pa.

24 “Naroon ang Elam na napapaligiran ng kanyang mga kasamahan na pawang namatay sa digmaan. Dati'y kinatatakutan sila sa daigdig ngunit ngayon sila'y nasa kahiya-hiyang kalagayan sa walang hanggang kalaliman, kasama ng mga nauna na roon. 25 Siya'y kasama ng mga hindi tuli na napatay sa digmaan, napapaligiran ng puntod ng kanyang mga tauhan. Naghasik sila ng takot sa ibabaw ng daigdig at ngayo'y inilagay sila sa kahiya-hiyang kalagayan sa walang hanggang kalaliman kasama ng iba pang napatay sa digmaan.

26 “Naroon ang Meshec at Tubal na napapaligiran ng kanilang mga tauhang hindi tuli na pawang napatay sa digmaan, sapagkat nagpunla sila ng takot sa ibabaw ng daigdig. 27 Hindi sila pinarangalan tulad ng mga bayaning nauna sa kanila sa daigdig ng mga patay. Ang mga bayaning iyon ay inilibing na suot ang kanilang kagayakang pandigma at nasa ulunan ang tabak. Sila ay kinatakutan noong nabubuhay. 28 Gayon mamamatay ang mga Egipcio, kasama ng mga hindi tuli na napatay sa digmaan.

29 “Naroon ang Edom, ang mga hari nito at mga pinuno. Sa kabila ng kanilang tinaglay na kapangyarihan, naroon sila ngayon sa walang hanggang kalaliman, kasama ng mga hindi tuli na napatay sa digmaan.

30 “Naroon ang mga pinunong taga-hilaga at lahat ng taga-Sidon. Inilagay rin sila sa kahihiyan dahil sa takot na inihasik nila bunga ng kanilang kapangyarihan. Kasama sila sa walang hanggang kalaliman ng mga hindi tuli na napatay sa digmaan.

31 “Kapag nakita sila ng Faraon, makadarama siya ng kasiyahan, pagkat siya man at ang kanyang buong hukbo ay pinatay sa pamamagitan ng tabak. 32 Hinayaan ko ang hari ng Egipto na magpunla ng sindak sa mga buháy. Ngunit mamamatay din siya at ang lahat niyang kawal at masasama sa mga hindi tuli na napatay sa digmaan. Ang Panginoong Yahweh ang nagsabi nito.”

Ang Tungkulin ng Bantay

33 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, ito ang sabihin mo sa iyong mga kababayan: Kapag ipinasasalakay ko ang isang bayan, sila ay kailangang pumili ng isang bantay. Kapag natanawan nito ang sasalakay sa kanila, hihipan niya ang trumpeta bilang babala sa mga tao. Sinumang makarinig sa babala ngunit nagsawalang-bahala at napatay ng mga kaaway, walang pananagutan ang bantay sa kanilang kamatayan. Kasalanan na nila kung mamatay sila sapagkat hindi nila pinansin ang babala; maliligtas sana sila kung sila'y nakinig. Ngunit kung hindi hinipan ng bantay ang trumpeta pagkakita niya sa mga sasalakay at may napatay na kanyang kababayan, ito ay pananagutan niya.

“Ikaw, Ezekiel, ang ginagawa kong bantay ng Israel; anumang marinig mo sa akin ay sabihin mo sa kanila bilang babala. Kapag sinabi ko sa taong masama na siya'y mamamatay at di mo ito ipinaalam sa kanya upang makapagbagong-buhay, mamamatay nga siya sa kanyang kasamaan ngunit pananagutan mo ang kanyang kamatayan. Ngunit kapag binigyan mo ng babala ang masama gayunma'y hindi pa rin ito nagbagong-buhay, mamamatay siyang makasalanan ngunit wala kang dapat panagutan.”

Tungkulin ng Bawat Isa

10 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, sabihin mo sa mga Israelita ang inuulit-ulit nilang sila'y nagumon na sa kasamaan kaya hindi na sila mabubuhay. 11 Sabihin mong ipinapasabi ko na akong si Yahweh, ang buháy na Diyos, ay hindi nasisiyahan na ang sinuma'y mamatay sa kanyang kasamaan; nais kong siya'y magbagong-buhay. Sabihin mo ngang magbagong-buhay sila pagkat di sila dapat mamatay sa kanilang kasamaan. 12 Ezekiel, anak ng tao, sabihin mo rin sa iyong mga kababayan na ang dating kabutihan ng matuwid ay hindi makakapagligtas sa kanila kung magpakasama sila. Kung ang masama ay magpakabuti, hindi siya paparusahan. Ngunit kung ang mabuti ay magpakasama, paparusahan siya. 13 Sinabi ko nga na ang matuwid ay mabubuhay subalit kung magtitiwala siya sa kanyang kabutihan at nagpakasama, mawawalan ng kabuluhan ang kanyang kabutihan; mamamatay siya sa kasamaang kanyang ginawa. 14 Tungkol sa masama, sinabi kong siya ay mamamatay. Gayunman, kapag tinalikuran niya ang kasamaan at nagbagong-buhay, 15 tumupad sa kanyang pangako, isinauli ang kanyang mga ninakaw, sumunod sa mga tuntunin ng buhay, at hindi na gumawa ng anumang kasamaan, siya ay mabubuhay. 16 Hindi na aalalahanin ang dati niyang kasamaan. At dahil sa kanyang pagpapakabuti, mabubuhay siya.

17 “Ezekiel, sinasabi ng iyong mga kababayan na hindi makatarungan ang ginagawa ko gayong ang pamumuhay nila ang hindi tama. 18 Mamamatay ang matuwid na magpakasama 19 ngunit ang masamang magbagong-buhay at gumawa ng mabuti ay mabubuhay. 20 Gayunma'y sinasabi ninyong hindi matuwid ang aking ginagawa. Mga Israelita, hahatulan ko kayo ayon sa inyong mga gawa.”

Ang Pagbagsak ng Jerusalem

21 Nang(P) ikalimang araw ng ikasampung buwan ng ikalabindalawang taon ng aming pagkabihag, isang pugante mula sa Jerusalem ang nagsabi sa akin, “Wasak na ang Jerusalem.” 22 Umaga nang dumating sa akin ang balita. Noong gabi bago ito dumating, nadama ko ang kamay ni Yahweh. Hinipo niya ang aking bibig at ako'y nakapagsalita.

Ang Kasamaan ng mga Tao

23 Sinabi sa akin ni Yahweh, 24 “Ezekiel, anak ng tao, sinasabi ng mga naninirahan sa wasak na lunsod ng Israel na nag-iisa si Abraham nang ibigay sa kanya ang lupaing ito. Ngayong marami na sila ay kanila na ang lupaing iyon. 25 Sabihin mong ipinapasabi ko: Kumain kayo ng karneng may dugo, sumamba sa mga diyus-diyosan, at pumatay ng tao; sa kabila ba nito'y inaasahan pa ninyong mapapasa-inyo ang lupaing ito? 26 Nanalig kayo sa talim ng tabak, gumawa ng kasuklam-suklam na mga bagay at sinipingan ang asawa ng inyong kapwa; sa kabila ba nito'y inaasahan pa rin ninyong kamtin ang lupain? 27 Sabihin mong ipinapasabi ko na papatayin sa tabak ang lahat ng naninirahan sa wasak na lunsod. Ipalalapa naman sa mga hayop ang nasa kaparangan, at papatayin sa salot ang mga nasa tanggulan at mga taguan. 28 Sisirain ko ang buong lupain, at aalisin ang kapangyarihang ipinagmamalaki nila. Ang matataas na lugar ng Israel ay gagawin kong dakong mapanglaw anupa't ni walang magnanais dumaan doon. 29 Kung mawasak ko na ang buong lupain dahil sa kasuklam-suklam nilang gawain, makikilala nilang ako si Yahweh.”

Ang Bunga ng Pahayag ng Propeta

30 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, nagsasama-sama ang iyong mga kababayan at pinag-uusapan ka sa mga baybay pader at mga pintuan. Sinasabi nila sa isa't isa, ‘Halikayo at tingnan natin kung ano ang ipinapasabi ni Yahweh.’ 31 Sama-sama nga silang pupunta sa iyo upang pakinggan ka ngunit hindi naman nila isasagawa ang kanilang maririnig. Pupurihin nila ang iyong sinasabi ngunit kasakiman din ang maghahari sa kanila. 32 Ituturing ka lamang nilang isang mahusay na mang-aawit at batikang manunugtog. Makikinig sila sa iyo ngunit di naman isasagawa ang kanilang maririnig. 33 Kapag nangyari na ang sinasabi mo sapagkat tiyak namang mangyayari, malalaman nilang may isang propeta ngang nagsabi nito sa kanila.”

Ang Pahayag Laban sa mga Pinuno ng Israel

34 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, magpahayag ka laban sa mga pinuno ng Israel. Sabihin mong ipinapasabi ko: Nakatakda na ang parusa sa inyo, mga pinuno ng Israel. Sarili lamang ninyo ang inyong iniintindi at hindi ang mga tupa. Iniinom ninyo ang gatas, nagdaramit kayo ng lana, at nagpapatay ng mga pinatabang hayop, ngunit hindi ninyo pinapakain ang mga tupa. Bakit hindi ninyo pinapalakas ang mahihina, ni ginagamot ang mga maysakit, ni hinihilot ang mga pilay? Bakit hindi ninyo hinahanap ang nawawala, ni ibinabalik ang nalalayo? Sa halip ay ginagamitan ninyo sila ng kamay na bakal. Sila'y(Q) nangangalat, at nilalapa ng mababangis na hayop sapagkat ang mga ito'y walang pastol. Ang mga tupa ko'y nagkalat sa mga bundok, burol at sa lahat ng panig ng daigdig, ngunit walang ibig humanap sa kanila.

“Dahil dito, mga pinuno, dinggin ninyo ang aking sinasabi: Ako ang Diyos na buháy. Ang mga tupa ko'y pinipinsala at nilalapa ng mababangis na hayop sapagkat walang nangangalaga sa mga ito. Hindi hinahanap ng mga pastol ang aking mga tupa. Sa halip na alagaan nila ang mga ito, ang sarili nila ang binubusog. Kaya nga makinig kayo, mga pastol. 10 Pakinggan ninyo itong aking sinasabi: Laban ako sa inyo. Pananagutan ninyo ang nangyayari sa aking mga tupa. Hindi ko na kayo gagawing pastol upang hindi na ninyo mabusog ang inyong sarili. Ilalayo ko sa inyo ang aking mga tupa at hindi na ninyo mapapakinabangan ang mga ito.”

Si Yahweh ang Mabuting Pastol

11 Ito ang ipinapasabi ng Panginoong Yahweh: “Ako mismo ang maghahanap at mag-aalaga sa aking mga tupa. 12 Kung paanong hinahanap ng pastol ang tupa niyang nawawala, gayon ko hahanapin ang aking tupa. Kukunin ko sila saanman sila itinapon noong panahon ng kanilang kasamaan. 13 Titipunin ko sila mula sa iba't ibang dako upang ibalik sa sarili nilang bayan. Doon ko sila aalagaan sa kaparangan ng Israel, sa tabi ng mga bukal ng tubig at sa magagandang pastulan. 14 Aalagaan ko sila sa sariwang pastulan sa tahimik na kaburulan ng Israel. Mamamahinga sila sa sariwang pastulan at manginginain ng sariwang damo sa kaburulan ng Israel. 15 Ako mismo ang magpapastol sa kanila at hahanap ng kanilang pahingahan. 16 Hahanapin ko ang nawawala, ibabalik ang nalalayo, hihilutin ang napilay, palalakasin ang mahihina, ngunit pupuksain[d] ko ang mga malulusog at malalakas. Ibibigay ko sa kanila ang katarungan.

17 “Sa inyo, aking kawan, ito ang sinasabi ng inyong Diyos na si Yahweh: Ako ang magiging hukom ninyo. Hahatulan ko kayo at ibubukod ang mga tupa sa mga kambing. 18 Hindi na kayo nakuntento sa panginginain; sinisira pa ninyo ang di n'yo maubos. Bakit hindi na lang kayo uminom hanggang ibig ninyo? Bakit binubulabog pa ninyo ang tubig na natitira? 19 Ang kinakain ng aking kawan ay ang tinatapak-tapakan pa ninyo at ang iniinom ay ang binulabog ninyong tubig.”

20 “Dahil dito,” sabi ni Yahweh, “ako mismo ang magbubukod-bukod sa malulusog at mahihinang tupa. 21 Ginigitgit ninyo at sinusuwag ang mga mahihina hanggang sa sila'y mangalat kung saan-saan. 22 Dahil dito, ako ang mangangalaga sa aking kawan at hindi ko papayagang sila'y inyong apihin. Ihihiwalay ko ang mabubuti sa masasama. 23 Itatalaga(R) ko sa kanila ang isang hari, tulad ng lingkod kong si David. Siya ang magiging pastol nila. 24 Akong(S) si Yahweh ang magiging Diyos nila at ang mamamahala sa kanila ay isang haring tulad ng lingkod kong si David. Akong si Yahweh ang maysabi nito.

25 “Gagawa ako ng tipan upang mabuhay sila nang mapayapa. Paaalisin ko sa lupain ang mababangis na hayop upang ang mga tupa ko'y magkaroon ng kapanatagan maging sa kaparangan o sa kagubatan man. 26 Pagpapalain ko sila at ang lupain sa palibot ng burol na itinalaga nila sa akin. At pauulanin ko sa kapanahunan. Sila'y pauulanan ko ng pagpapala. 27 Mamumunga ang mga punongkahoy sa kabukiran. Mag-aani sila nang sagana buhat sa kanilang lupain at sila'y mamumuhay doon nang panatag. At kung mapalaya ko na sila mula sa umaalipin sa kanila, makikilala nilang ako si Yahweh. 28 Hindi na sila lolooban ng ibang bansa ni dadaluhungin ng mababangis na hayop. Mamumuhay na sila nang matiwasay at payapa. 29 Pag-aanihin ko sila nang sagana mula sa kanilang matabang lupain para hindi sila dumanas ng gutom ni kutyain ng ibang bansa. 30 Malalaman ng lahat na ako ang nag-iingat sa Israel na aking bayan. Akong si Yahweh ang nagsabi nito. 31 Kayo ang aking mga tupa sa aking pastulan; ako ang inyong Diyos.”

Ang Parusa ng Diyos sa Edom

35 Sinabi(T) sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, magpahayag ka laban sa Edom. Sabihin mong ipinapasabi ko: Ako'y laban sa iyo, Bundok ng Edom. Gagawin kitang ilang. Wawasakin ko ang iyong mga lunsod at gagawin kong lugar na mapanglaw. Sa gayon, makikilala mong ako si Yahweh. Lagi mong nilulusob ang Israel at pinuksa mo ang kanyang mamamayan sa panahon ng pagpaparusa sa kanya. Dahil dito, akong si Yahweh, ang Diyos na buháy ay nagsasabi sa iyo na ikaw ay tiyak na mamamatay. Ikaw ay pumatay kaya papatayin ka rin. Gagawin kong ilang ang iyong lupain at sinumang maglakbay roon ay papatayin. Tatambakan ng bangkay ang iyong mga bundok, libis at mga bangin. Gagawin kitang lugar na mapanglaw at ang iyong mga lunsod ay aalisan ko ng mga tao. Sa gayon, makikilala mong ako si Yahweh.

10 “Sinabi mong iyo ang Israel at Juda bagama't alam mong ako ang Diyos nila. 11 Dahil diyan, akong si Yahweh, ang buháy na Diyos, ang nagsasabi sa iyong tiyak na pagdurusahan mo ang iyong pagkagalit, pagkainggit at pagkapoot sa aking bayan. Gagawin ko sa iyo ang ginawa mo sa kanila. Makikilala ninyong ako si Yahweh kapag naparusahan ko na kayo. 12 Sa gayon, malalaman din ninyo na alam ko ang inyong kalapastanganan nang sabihin ninyong ang kaburulan ng Israel ay winasak upang inyong sakupin. 13 Kinalaban ninyo ako at pinagsalitaan nang kung anu-ano. Ito'y hindi lingid sa akin. 14 Wawasakin kita nang lubusan at ito'y ikatutuwa ng buong mundo. 15 Gagawin ko sa iyo ang ikinatuwa mong pagkawasak ng Israel na aking hinirang. Wawasakin kita, Bundok ng Seir, at ito ang magiging wakas ng buong Edom. Sa gayon, makikilala ng lahat na ako si Yahweh.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.