Bible in 90 Days
Walang Matuwid sa Paningin ng Diyos
25 Ito naman ang sagot ni Bildad na Suhita:
2 “Makapangyarihan ang Diyos dapat siyang igalang;
naghaharing mapayapa sa buong sangkalangitan.
3 Ang kanyang mga anghel ay hindi mabibilang,
lahat ay nasisikatan ng kanyang kaliwanagan.
4 Maaari bang maging matuwid ang tao sa paningin ng Diyos?
Sa harapan ng Maykapal siya ba'y dalisay nang lubos?
5 Para sa Diyos, ang buwan ay walang ningning,
at ang mga bituin ay marumi sa kanyang tingin.
6 Gaano pa ang tao na isa lamang hamak na uod,
may halaga kaya siya sa paningin ng Diyos?”
Inihayag ni Job ang Kapangyarihan ng Diyos
26 Tumugon naman si Job,
2 “Malaking tulong ka sa akin na isang mahina!
Sa palagay mo'y sumasaklolo ka sa akin na taong kawawa?
3 Ang walang nalalaman ay iyo bang tinuruan,
at ang tao bang hangal ay binigyan ng karunungan?
4 Sino kayang makikinig sa sinasabi mo?
At sino bang espiritu ang nag-udyok na sabihin ito?”
5 Ang sagot ni Bildad,
“Sa takot ay nanginginig maging ang kalaliman,
ganoon din itong dagat at ang doo'y naninirahan.
6 Ang daigdig ng mga patay, lantad sa mata ng Diyos.
Sa paningin niya'y walang maikukubling lubos.
7 Ang kalawakan sa hilaga ay kanyang inilagay,
ibinitin niya ang daigdig sa gitna ng kawalan.
8 Ang tubig ay iniipon sa balumbon ng mga ulap,
at pinipigil niya ito kahit na anong bigat.
9 Ang buwang kabilugan, sa ulap ay kanyang tinatakpan.
10 Pinaghiwalay niya ang liwanag sa kadiliman,
ng bilog na guhit sa ibabaw ng karagatan.
11 Mga haligi nitong langit ay nanginginig sa takot,
nauuga, nayayanig kapag sinaway ng Diyos.
12 Sa kanyang kapangyarihan, pinatahimik niya ang dagat;
sa kanyang karunungan, pinuksa niya ang dambuhalang si Rahab.
13 Sa pamamagitan ng hininga niya, ang langit ay umaaliwalas,
pinuksa ng kamay niya ang dambuhalang tumatakas.
14 Maliit na bahagi lang ito ng kanyang kapangyarihan,
na hindi pa rin natin lubos na maunawaan.
Sino kaya ang tatarok sa tunay niyang kadakilaan?”
Ipinaliwanag ni Job ang Bahagi ng Masama
27 Muling tumugon si Job,
2 “Isinusumpa ko sa Diyos na sa aki'y nagkait ng katarungan,
sa Makapangyarihang Diyos na nagdulot sa akin ng kapaitan.
3-4 Habang mayroon akong hininga na Diyos ang nagbibigay,
ang labi ko'y walang bibigkasing kasinungalingan,
ang aking sasabihin ay pawang katotohanan.
5 Hindi ko matatanggap na kayo ang may katuwiran,
igigiit hanggang kamatayan na ako'y walang kasalanan.
6 Hindi ko isusuko ang aking katuwiran,
budhi ko'y malinis, di ako sinusumbatan.
7 “Parusahan nawa ang lahat ng sa aki'y lumalapastangan;
ituring nawa silang lahat na makasalanan.
8 Ang makasalana'y mayroon pa bang pag-asa,
kapag binawi na ng Diyos ang buhay na taglay niya?
9 Pagsapit ng kaguluhan, papakinggan kaya ng Diyos ang kanyang panawagan?
10 Ito kaya ay mananalig sa Makapangyarihan
at sa lahat ng araw, Diyos ay tatawagan.
11 “Ang kalooban ng Diyos, sa inyo'y sasabihin
at aking ihahayag ang nais niyang gawin.
12 Ang lahat ng ito'y inyo namang nalalaman,
subalit ang salita ninyo'y pawang walang kabuluhan.”
13 Ang sagot ni Zofar:
“Sa masama ay ganito ang inihanda ng Diyos,
sa mararahas ay ito ang parusang ibubuhos:
14 Magkakaanak sila ng marami
ngunit mamamatay sa digmaan,
ang kanilang mga anak, gutom ang mararanasan.
15 Ang matitirang buháy, sa salot mamamatay,
ngunit kanilang mga biyuda, hindi sila tatangisan.
16 Kahit siya'y makaipon ng malaking kayamanan
o kaya'y magkaroon ng maraming kasuotan,
17 isa man sa mga iyon ay di niya papakinabangan,
mapupunta sa matuwid ang lahat niyang kayamanan.
18 Sapot lamang ng gagamba[a] ang katulad ng kanyang bahay,
parang kubo lamang ng mga aliping bantay.
19 Matutulog ang mayaman ngunit hanggang doon na lang;
pagmulat ng kanyang mata, ari-arian niya ay wala na.
20 Mga kasawian ay parang bahang darating,
tatangayin ng ipu-ipo pagsapit ng dilim.
21 Matinding hanging silangan, sa kanya ay tatangay, tuluyan siyang mawawala at di na makikita.
22 Patuloy siyang babayuhin nang walang pakundangan,
ang kapangyarihan nito'y sisikapin niyang matakasan.
23 Sa bandang huli, hangin ay magagalak
pagkat itong masama, tuluyan ng bumagsak.
Papuri sa Karunungan
28 “May lugar kung saan ang pilak ay mahuhukay,
at may pook kung saan ang ginto'y dinadalisay.
2 Nahuhukay ng tao ang bakal mula sa lupa,
at nilulusaw ang tanso mula sa batong nakuha.
3 Sinasaliksik ng tao ang pinakamalalim na kadiliman,
ginagalugad pati ang kailaliman
upang humukay ng batong yaman.
4 Humuhukay nang malalim sa ilang at kabundukan
na hindi pa naaabot ng sinumang manlalakbay,
nagmimina sila roon sa gitna ng kalungkutan.
5 Sa lupa tumutubo ang halamang kinakain,
ngunit parang tinupok ng apoy ang nasa ilalim.
6 Nasa mga bato ang mga safiro,
nasa alabok naman ang gintong puro.
7 Ang daang iyo'y di abot-tanaw ng lawin,
kahit mga buwitre'y hindi ito napapansin.
8 Hindi pa ito nadadaanan ng hayop na mababangis,
hindi pa nagagawi rito ang leong mabagsik.
9 “Hinuhukay ng mga tao ang batong matitigas,
pati paanan ng mga bundok ay kanilang tinitibag.
10 Sa malalaking bato'y gumagawa sila ng lagusan,
mamahaling hiyas ay kanilang natutuklasan.
11 Pinagmumulan ng ilog ay kanilang tinutunton,
at dinadala sa liwanag anumang nakatago roon.
12 Ngunit(A) saan kaya matatagpuan itong karunungan?
At ang pang-unawa, saan kaya matututunan?
13 “Hindi(B) alam ng tao ang daan tungo sa karunungan;
wala iyon sa lupain ng mga nabubuhay.
14 Ang sabi ng kalaliman, ‘Wala sa akin ang kaalaman.’
Ganito rin ang sinasabi ng buong karagatan.
15 Hindi ito mabibili kahit ginto ang ibayad,
hindi ito makukuha palitan man ng pilak.
16 Ang pinakamahal na ginto at alahas,
sa halaga ng karununga'y hindi maitutumbas.
17 Mahigit pa kaysa ginto ang timbang ng karunungan,
mas mahal kaysa sa alahas o sa gintong kayamanan.
18 Mas mahalaga ang karunungan kaysa magandang koral,
higit itong mamahalin kaysa perlas o sa kristal.
19 Kahit na ang topaz, dito'y di maipapantay,
at hindi rin mahihigitan kahit ng gintong dalisay.
20 “Kung gayo'y saan nga nagmumula ang karunungan?
At ang pang-unawa, saan kaya matututunan?
21 Hindi ito nakikita ng sinumang nilalang,
mga ibong lumilipad, hindi rin ito natatanaw.
22 Kahit ang Pagkawasak at ang Kamatayan
ay nagsasabing ang narinig nila'y mga sabi-sabi lamang.
23 “Ngunit(C) tanging ang Diyos lang ang siyang nakakaalam
kung saan naroroon ang tunay na karunungan.
24 Pagkat nakikita niya ang bawat sulok ng daigdig;
natatanaw niyang lahat ang nasa ilalim ng langit.
25 Ang hangin ay kanyang binigyan ng bigat,
ang karagatan ay itinakda niya ang sukat.
26 Ipinasya niya kung saan papatak ang ulan,
at pati ang kidlat, binigyan niya ng daraanan.
27 Dito(D) niya nakita at sinubok ang karunungan,
kanyang itinatag at binigyang kahalagahan.
28 “At(E) sinabi niya sa tao,
‘Ang pagsunod at paggalang sa Panginoon ay karunungan;
at ang paglayo sa kasamaan ay siyang tunay na kaalaman.’”
Sinariwa ni Job ang Maliligaya Niyang Araw
29 Muling nagsalita si Job,
2 “Kung maibabalik ko lang ang mga unang araw
noong ang Diyos sa akin ay palagi pang nagbabantay;
3 Nang ang liwanag niya sa akin ay gumagabay,
sa paglakad ko sa dilim, siya ang aking tanglaw.
4 Noon, ako ay sagana, maluwag ang pamumuhay,
kaibigang matalik ang Diyos na buháy, at sa buong pamilya ko, siya ang patnubay.
5 Noon ay malapit ang Makapangyarihang Diyos sa akin,
at ang mga anak ko'y lagi sa aking piling.
6 Masagana ang gatas mula sa aking kawan,
olibong nagbibigay ng langis, tumutubo kahit sa batuhan.
7 Kapag pumupunta ako noon sa mga kapulungan,
at nauupong kasama ng mga pinuno ng bayan,
8 kapag ako'y natanaw, mga kabataa'y nagbibigay-daan,
mga matatanda nama'y tumatayo at nagbibigay-galang.
9-10 Ihihinto ng pinuno, kanilang usapan,
at mga maharlika'y tatahimik na lamang.
11 “Kapag ako'y nakita at kanilang narinig,
sila'y sumasang-ayon at sa aki'y pumapanig.
12 Sapagkat tinulungan ko ang dukha sa kanilang pangangailangan,
dinamayan ko ang mga ulilang wala nang mapuntahan.
13 Pinupuri ako ng mga dumanas ng kasawian,
natulungang mga biyuda sa tuwa'y nag-aawitan.
14 At ang lagi kong adhikain, katarungan at katuwiran ay siyang pairalin.
15 Para sa mga bulag, ako'y nagsilbing mata;
at sa mga pilay, ako ang kanilang paa.
16 Nagsilbi akong ama ng mga mahihirap,
kahit di ko kilala ay aking nililingap.
17 Ang lakas ng masasama, aking sinisira
ang kanilang mga bihag, sinikap kong mapalaya.
18 “Umaasa ako noong hahaba ang aking buhay,
at sa aking tahanan payapang mamamatay.
19 Tulad ko noo'y punongkahoy na sa tubig ay sagana,
at ang mga sanga, sa hamog laging basa.
20 Pinupuri ako ng halos lahat,
at di nauubos ang aking lakas.
21 Sa mga payo ko sila'y nananabik,
sa sinasabi ko sila'y nakikinig.
22 Ang sinabi ko'y di na dapat ulitin,
pagkat sa isip agad itong naitatanim.
23 Sa mga sasabihin ko'y lagi silang naghihintay,
salita ko'y parang ulan sa panahon ng tag-araw.
24 At ang aking mga ngiti sa kanila'y pampalakas-loob,
sa saya ng aking mukha silang lahat ay nalulugod.
25 Para akong hari na sa hukbo'y nag-uutos,
at nagbibigay ng aliw kapag sila'y nalulungkot.
Idinaing ni Job ang Kanyang Kalagayan
30 “Ngayon ako'y kinukutya na ng mga kabataan,
na mga anak ng mga taong di ko pinayagan
na sumama sa mga asong nagbantay sa aking kawan.
2 Mga bisig nila ay hindi ko inasahan,
walang gawaing kanilang nakayanan.
3 Sa gitna ng gutom at kasalatan,
kanilang kinakain mga tuyong ugat sa ilang.
4 Nangunguha sila ng usbong ng halaman sa dawagan,
at ugat ng mga tambo ang panlaman nila sa tiyan.
5 Ang mga taong ito'y itinakwil ng lipunan,
at ang turing sa kanila'y mistulang mga tulisan.
6 Mga kuweba't mga kanal ang kanilang tinitirhan,
ang iba nama'y sa lungga, at ang iba'y sa batuhan.
7 Ungol nila'y naririnig mula roon sa dawagan,
sila'y nagyayakap-yakap sa gitna ng katinikan.
8 Sila'y parang mga yagit na walang kabuluhan
pagkat mula sa lupain, sila'y ipinagtatabuyan.
9 “Ngayo'y ako naman ang kanilang pinagtatawanan,
siyang laging binibiro at pinag-uusapan.
10 Kinukutya nila ako at kanilang iniiwasan,
at di nag-aatubiling ako'y kanilang duraan.
11 Pagkat inalis ng Diyos ang lakas ko at kakayahan,
kaya naman ako'y kanilang nilalapastangan.
12 Sinalakay nila ako nang walang pakundangan,
hinahabol nila ako upang tapusin nang tuluyan.
13 Pilit akong sinusukol upang ako'y pahirapan,
sa ginagawa nila'y wala man lang humadlang.
14 Isang pader na may bitak ang katulad ng aking buhay,
sinalakay nila ako at tinapak-tapakan.
15 Ang buo kong pagkatao ay nilukuban ng takot,
dangal ko'y naglaho parang bulang pumutok,
at ang aking kasaganaan, parang ulap na sumabog.
16 ‘Halos mapatid na ang aking hininga,
hindi na maibsan ang hirap kong dala.
17 Sa buong magdamag, mga buto ko ay masakit,
ginhawa'y di madama kahit isang saglit.
18 Hinablot ng Diyos ang aking kasuotan,
at ako'y kaawa-awang kanyang kinwelyuhan.
19 Pagkatapos noon, ako'y kanyang inihagis
lumubog sa putik, parang isang yagit.
20 “Di mo pinakinggan, O Diyos, ang aking pagdaing,
aking panalangin, hindi mo man lang pinansin.
21 Bakit ako'y iyong pinagmamalupitan,
at pinag-uusig ng iyong buong kapangyarihan?
22 Bakit hinayaang ang buhay kong angkin,
bayuhin ng bagyo at malalakas na hangin?
23 Alam kong dadalhin mo ako sa kamatayan,
na huling hantungan ng bawat nilalang.
24 Taong bumagsak, bakit mo pa pinahihirapan,
wala naman siyang magagawa kundi magmakaawa lamang?
25 Di ba ako ay dumamay sa mga nangangailangan,
at nagmalasakit din sa mahirap ang kabuhayan?
26 Tuwa at liwanag ang aking inaasahan;
subalit ang dumating ay hirap at kadiliman.
27 Kahirapan at sakit ang kayakap ko sa buhay,
at siyang nakakasama sa bawat araw.
28 Ang landas ko ay madilim at walang kapanatagan;
ako'y nagmamakaawa sa lahat kong kababayan.
29 Ang tinig ko'y walang sigla at namamalat,
parang boses ng uwak at ng asong gubat.
30 Ang balat ko'y nangingitim at natutuklap, sagad hanggang buto itong aking lagnat.
31 Ang dati kong naririnig ay masasayang tugtugan,
ngayo'y tunog ng pagluluksa at pag-iiyakan.
Iginiit ni Job ang Kanyang Katapatan
31 “Ako'y taimtim na nangako sa aking sarili,
na di titingin nang may pagnanasa sa ibang babae.
2 Anong ginagawa ng Makapangyarihang Diyos sa atin?
Anong gantimpala niya sa ating gawain?
3 Ibinibigay niya'y kapahamakan at pagkasira,
sa mga taong gumagawa ng mali at masama.
4 Lahat ng ginagawa ko'y kanyang nalalaman,
kitang-kita niya ang aking bawat hakbang.
5 “Pagsisinungaling ay hindi ko ginawa,
kahit isang tao'y wala akong dinaya.
6 Timbangin sana ako ng Diyos sa maayos na timbangan,
at makikita niya itong aking katapatan.
7 Kung ako'y lumihis sa landas ng katuwiran,
o kaya'y naakit gumawa ng kalikuan,
kahit na bahagya'y natukso ng kasamaan,
8 masira nawa ang aking pananim,
at ang mga halaman ko'y iba na ang kumain.
9 “Kung ako ay naakit sa asawa ng iba,
sa pintuan ng kanyang bahay ay inabangan ko siya,
10 di bale nang asawa ko'y sa iba magsilbi,
at siya'y sipingan ng ibang lalaki.
11 Ang pakikiapid ay karumal-dumal na kasalanan, kasamaang nararapat sa hatol na kamatayan.
12 Pagkat iyon ay apoy na di mamamatay,
at iyon ang tutupok sa aking buong kabuhayan.
13 “Kung sana'y may inapi ako sa aking mga utusan,
at dahil doo'y nagharap sila ng karaingan.
14 Di ako kikibo ako ma'y parusahan,
siyasatin man ako'y walang ibibigay na kasagutan.
15 Pagkat ang Diyos na sa akin ay lumalang,
siya ring lumikha sa aking mga utusan.
16 “Di(F) ako nagkait ng tulong kailanman,
sa mga biyuda at nangangailangan.
17 Di ko pinabayaan ang mga ulila, kapag ako'y kumain, kumakain din sila.
18 Sa buong buhay ko sila'y aking tinulungan,
inalagaan, mula pa sa aking kabataan.
19 “Ang makita kong walang damit
pagkat walang maibili,
20 binibigyan ko ng makapal na damit,
kaya't pasasalamat niya'y walang patid.
21 “Kung ang mga ulila'y aking inapi,
pagkat alam kong sa hukuma'y ako ang magwawagi,
22 mabuti pang mga bisig ko ay baliin,
at sa aking balikat ito ay tanggalin.
23 Sapagkat sa parusa ng Diyos ako'y natatakot,
hindi ko kayang gawin ang gayong gawaing baluktot.
24 “Kung(G) ako ay umasa sa aking kayamanan,
at gintong dalisay ang pinanaligan;
25 kung dahil sa tinatangkilik, ako ay nagyabang,
o nagpalalo dahil sa aking kayamanan;
26 kung ang araw at ang buwan ay aking sinamba;
27 kung ako'y natangay kahit na lihim lamang,
o nagpugay kaya sa sarili kong kamay;
28 ako nga'y nagkasala at dapat hatulan,
pagkat itinakwil ko ang Diyos na Makapangyarihan.
29 “Pagdurusa ng kaaway, hindi ko ikinatuwa,
ni sa kanilang kapahamakan ako ay nagsaya;
30 kahit minsa'y di ko idinalangin na sila'y mamatay.
31 Mapapatunayan ng aking mga kasamahan,
mabuti ang pagtanggap ko sa mga dayuhan.
32 Pinatutuloy ko sila sa aking tahanan,
at di sila hinayaang matulog sa lansangan.
33 Kung itinago ko ang aking kasalanan,
at kamalian ko ay aking pinagtakpan;
34 at kung dahil sa takot sa iba at sa kanilang pagkutya,
ako ay nanahimik at di na nagpakita.
35 “Mayroon sanang nakikinig sa mga sinasabi ko,
isinusumpa kong lahat ito'y pawang totoo.
Sagutin sana ako ng Diyos na Makapangyarihan,
kung isusulat ng kaaway ang kanyang mga paratang.
36 Ito'y aking ikukwintas
at isusuot na parang korona.
37 Sasabihin ko sa Diyos ang lahat ng aking ginawa,
sa paglapit sa kanya'y wala akong dapat ikahiya.
38 “Kung ang lupa kong binubungkal ay inagaw sa iba,
sa pagtutol ng may-ari'y sapilitan kong kinuha.
39 O kung sa ani nito ako'y nagpasasa,
samantalang nagugutom ang dito'y nagsaka.
40 Kung gayon ay bayaang damo't tinik ang tumubo,
sa halip na sebada o trigo ang doo'y lumago.”
Dito nagwawakas ang pagsasalita ni Job.
Ang Pananalita ni Elihu(H)
32 Hindi na nakipagtalo pa ang tatlong kausap ni Job sapagkat talagang iginigiit niyang wala siyang kasalanan. 2 Samantala, may nakikinig noon sa kanilang pag-uusap, isang lalaki na nagngangalang Elihu. Siya ay anak ni Baraquel, apo ni Bus na mula sa angkan ni Ram. Nagalit si Elihu kay Job sapagkat nagmamatuwid si Job sa kanyang sarili at sinisisi pa niya ang Diyos. 3 Nagalit din siya sa tatlong kaibigan ni Job sapagkat hindi nila masagot ang mga sinabi nito at parang lumalabas na ang Diyos ang may kasalanan. 4 Pinakabata si Elihu sa mga naroon kaya hinintay niyang makapagsalita muna ang lahat. 5-6 Nang wala nang maisagot ang tatlo, nagalit ito at sinabi,
“Bata ako at kayo'y matatanda,
kaya ako'y nag-aalangang magsalita.
7 Palagay ko'y nararapat na kayo muna ang magsalita,
at mamahagi ng karunungan ang nakatatanda.
8 Ngunit ang karunungan ay saan ba nagbubuhat?
Di ba sa Diyos na Makapangyarihan?
9 Ngunit hindi dahil matanda ay may pang-unawa,
hindi dahil may edad na'y alam na ang tama.
10 Kaya makinig kayo ngayon sa aking sasabihin,
itong aking opinyon, inyo namang dinggin.
11 “Matiyaga akong nakinig sa inyong pananalita,
at habang naghahanap kayo ng mahuhusay na kataga.
12 Ngunit sa aking narinig, ako'y tunay na nalungkot,
hindi ninyo napabulaanan ang sinabi nitong si Job.
13 Huwag ninyong sabihing natuklasan na ninyo ang karunungan,
sa sinabi nitong si Job, Diyos lang ang may kasagutan.
14 Kayo at hindi ako ang kausap nitong si Job,
kaya iba sa pahayag ninyo itong aking isasagot.
15 “Job, hindi sila makakibo at wala nang masabi,
16 sila ay natitigilan, hindi na makapagsalita,
mananatili ba akong naghihintay sa wala?
17 Hindi! Sasagutin kong lahat ang iyong binanggit,
sasabihin ko sa iyo ang aking iniisip.
18 Di na ako makapaghintay na magsalita,
di ko na mapipigilan ang aking mga kataga.
19 Kapag ang nasa loob ko ay hindi naibulalas,
ang dibdib ko ay puputok, laman nito'y sasambulat.
20 Hindi na nga maaari na ako ay maghintay pa,
di na ako makatiis kaya ako'y nangusap na.
21 Sa inyong usapan ay wala akong papanigan,
ang sinuman sa inyo'y hindi ko papupurihan.
22 Ang di tapat na papuri ay hindi ko nakaugalian,
kapag ginawa ko ito, ako'y paparusahan.
Pinagsabihan ni Elihu si Job
33 “At ngayon, Job, makinig ka sa aking sasabihin,
at mga salita ko'y bigyan mo ng pansin.
2 Sasabihin ko na ang laman ng aking isipan,
3 lahat ng ilalahad ko ay pawang katapatan,
lahat ng ihahayag ay pawang katotohanan.
4 Ang Espiritu ng Diyos ang gumawa sa akin,
buhay na taglay ko ay sa Makapangyarihang Diyos nanggaling.
5 “Kung kaya mo'y sagutin mo itong aking sasabihin,
ang iyong mga katuwiran ay ihanda mo na rin.
6 Ikaw at ako'y iisa sa harap ng Diyos natin,
parehong sa putik tayo nanggaling.
7 Kaya sa aki'y wala kang dapat alalahanin,
huwag mong isiping ika'y aking gagapiin.
8 “Ito ang narinig kong sinabi mo:
9 ‘Ako'y malinis at walang nagawang kasalanan,
ako'y walang sala at walang kasamaan.
10 Gumagawa lamang ang Diyos ng dahilan upang ako'y parusahan,
at itinuturing niya akong isang kaaway.
11 Mga(I) paa ko ay kanyang iginapos,
at binabantayan ang aking mga kilos.’
12 “Ngunit ang sagot ko nama'y nagkakamali ka, Job,
sapagkat sa sinumang tao ay mas dakila ang Diyos.
13 Bakit ang Diyos ay iyong pinagbibintangan
na di marunong makinig sa iyong karaingan?
14 Magsalita man siya sa iba't ibang paraan,
hindi pa rin natin ito lubos na mauunawaan.
15 Nagsasalita(J) siya sa panaginip at pangitain,
sa kalaliman ng gabi, kapag ang tao'y nahihimbing.
16 Ipinapaunawa niya ang kanyang saloobin,
nagbibigay ng babala sa kanilang pangitain.
17 Nagsasalita ang Diyos upang sila ay pigilan
sa paggawa ng masama at sa kapalaluan.
18 Hindi nais ng Diyos na sila'y mamatay
kaya sila'y iniligtas niya mula sa hukay.
19 Pinadadalhan niya ang tao ng iba't ibang sakit,
upang sa pamamagitan ng kirot ang tao'y maituwid.
20 Ang taong may sakit ay walang panlasa,
masarap man ang pagkain, wala pa ring gana.
21 Nauubos ang kanyang laman,
natitira'y buto't balat na lamang.
22 At parang handang handa nang pumunta sa daigdig ng mga patay.
23 “O baka siya'y tulungan ng isa sa libong mga anghel,
na nagpapaalala sa tao ng kanyang mga tungkulin.
24 Maaaring itong anghel na puspos ng kahabagan, ay magsabi ng ganito: ‘Siya ay pawalan,
hindi siya dapat humantong sa libingan,
narito ang bayad para sa kanyang kalayaan.’
25 Siya ay gagaling, muling sisigla; tataglayin muli ang lakas noong kabataan niya.
26 Mananalangin siya sa Diyos at siya'y papakinggan.
Ang pagsamba niya'y mapupuno ng kasiyahan,
muli siyang ilalagay ng Diyos sa mabuting katayuan.
27 Sasabihin niya sa madla, ‘Sa Diyos ako'y nagkasala,
walang matuwid na nagawa subalit pinatawad niya.’
28 Hindi niya itinulot na ako'y mamatay,
magpahanggang ngayon ako'y nabubuhay.
29 Hindi lang minsan na ito'y ginawa ng Diyos,
30 na iligtas ang tao sa kanyang pagkakalugmok,
at ang buhay nito'y punuin ng lugod.
31 “Job, tumahimik ka at makinig nang mabuti,
pakinggan mo't unawain itong aking sinasabi.
32 Kung mayroon ka namang nais sabihin, huwag mag-atubili't papakinggan ko rin,
at kung may katuwiran ka'y aking tatanggapin.
33 Kung wala naman, makinig ka na lang,
manahimik ka't, ika'y aking tuturuan.”
Ipinagtanggol ni Elihu ang Diyos
34 Sinabi pa ni Elihu,
2 “Makinig kayo, matatalinong tao,
itong sinasabi ko ay pakinggan ninyo.
3 Tulad ng masarap na pagkaing inyong natikman,
salita ng karunungan, nawa'y inyong pakinggan.
4 Atin ngang talakayin itong usapin,
kung ano ang tama ay ating alamin.
5 Ayon dito kay Job ay wala siyang sala,
at katarungan ay ipinagkakait daw sa kanya.
6 Bagama't matuwid itinuring na sinungaling siya,
at tinadtad ng sugat kahit na walang sala.
7 “May nakita na ba kayong tulad nitong si Job?
Kaunti man ay wala siyang paggalang sa Diyos.
8 Panay na masama ang kanyang kasamahan,
nakikisama siya sa mga makasalanan.
9 Sinabi niya na walang mabuting idudulot
ang paglakad at pagsunod sa nais ng Diyos.
10 “Makinig kayo sa akin, mga taong magagaling,
ang Makapangyarihang Diyos ba'y maaakay sa masamang gawain?
11 Ginagantimpalaan(K) niya ang tao ayon sa gawa,
ang iginagawad sa kanila ay iyon lamang tama.
12 Hindi gumagawa ng masama ang Diyos na Makapangyarihan,
hindi niya kailanman binabaluktot ang katarungan.
13 May nagbigay ba sa Diyos ng kapangyarihan?
At sinong naghabilin sa kanya nitong sanlibutan?
14-15 Kapag binawi ng Diyos ang hininga ng tao,
sila'y mamamatay at sa alabok ang kanilang tungo.
16 “Kung matalino kayo, pakinggan ninyo ito.
17 Hindi ba ang Diyos ay makatarungan,
bakit hinahatulan siya na parang makasalanan?
18 Sa mga hari, siya ang nagpaparusa,
kung sila'y masama at walang halaga.
19 Siya ang lumikha sa sangkatauhan,
kaya walang itinatangi, mahirap man o mayaman.
20 Sa isang kisap-mata, ang tao'y mamamatay,
ang hampasin ng Diyos, bigla na lamang papanaw
kahit siya'y malakas o makapangyarihan.
21 Bawat kilos ng tao'y tinitingnan niya,
ang bawat hakbang nito'y di lingid sa kanya.
22 Walang sapat na kadiliman
ang mapagtataguan ng mga makasalanan.
23 Hindi na kailangan ng Diyos na magtakda ng panahon,
upang ang tao'y lumapit sa kanya at gawaran ng hatol.
24 Hindi na rin kailangang siya'y mag-imbestiga,
upang mga pinuno'y alisin at palitan ng iba.
25 Sapagkat alam niya ang kanilang mga gawain,
sa gitna ng dilim, sila'y kanyang wawasakin.
26 Pinaparusahan niya ang masasama nang nakikita ng madla,
27 sapagkat ang kanyang mga utos ay nilalabag nila.
28 Dahil sa masasama, ang mahihirap ay humihibik
kaya't sa daing nila ang Diyos ay nakikinig.
29 “Kung ipasya ng Diyos na huwag kumibo,
walang maaaring sa kanya'y magreklamo.
Kung kanyang talikuran ang sangnilikha, ang tao kaya ay may magagawa?
30 Walang magagawa ang alinmang bansa
upang makaiwas sa pinunong masasama.
31 “Job, inamin mo na ba sa Diyos ang iyong kasalanan,
nangako ka na bang titigil sa kasamaan?
32 Hiniling mo na bang sa iyo'y ipaunawa ang lahat ng iyong masasamang gawa?
Nangako ka na bang titigil na nga sa gawang di tama?
33 Sapagkat sa Diyos ikaw ay lumalaban,
ibibigay kaya niya ang iyong kailangan?
Ikaw ang magsabi ng iyong kapasyahan,
sabihin mong lahat ang iyong nalalaman.
34 “Ang taong mayroong taglay na talino
na makarinig sa aki'y magsasabi ng ganito:
35 ‘Ang salita ni Job ay bunga ng kamangmangan,
at lahat ng sinasabi niya ay walang kabuluhan.’
36 Isipin ninyong mabuti ang mga sinasabi niya,
ang mga sagot niya ay sagot ng taong masasama.
37 Dinaragdagan pa niya ng paghihimagsik ang kanyang mga kasalanan,
hinahamak niya ang Diyos sa ating harapan.”
35 Nagpatuloy pa si Elihu,
2 “Ikaw, Job, ay wala sa katuwiran,
di mo masasabing sa harap ng Diyos, ika'y walang kasalanan.
3 Sa iyong sinasabi, ang mapapala ko'y ano?
Hindi kaya mabuti pang nagkasala na nga ako?
4 Ika'y aking sasagutin sa sinabi mong ito.
Sasagutin kita, pati mga kaibigan mo.
5 “Tumingala ka sa langit at igala ang paningin, masdan mo ang mataas na ulap sa papawirin.
6 Di(L) napipinsala ang Diyos sa mga kasalanan mo,
walang magagawa sa kanya gaano man karami ito.
7 Wala kang naitulong sa kanya sa iyong pagiging matuwid,
wala kang naibigay kahit bagay na maliit.
8 Kung nagkakasala ka'y kapwa mo ang nagdurusa,
sa paggawa ng mabuti'y natutulungan mo sila.
9 “Kapag ang mga tao'y inaapi, sila ay dumaraing,
sila'y nagmamakaawa upang ang tulong ay kamtin.
10 Ngunit hindi naman sila lumalapit sa Diyos,
na nagbibigay ng pag-asa kung dinaranas ay lungkot.
11 Ayaw nilang lumapit sa Diyos na nagbibigay sa atin ng karunungan,
higit sa taglay ng mga hayop o ibon sa kalawakan.
12 Humihibik sila sa Diyos ngunit hindi pinapakinggan,
pagkat sila'y mga palalo at puno ng kasamaan.
13 Huwag sabihing ang Makapangyarihang Diyos ay di nakikinig,
na di niya pinapansin ang kanilang sinapit.
14 “Ikaw na rin ang nagsabing ang Diyos ay hindi mo nakikita,
maghintay ka na lamang sapagkat ang kalagayan mo'y alam niya.
15 Akala mo'y hindi siya marunong magparusa,
at ang kasamaa'y ipinagwawalang-bahala niya.
16 Wala nang saysay kung magsasalita ka pa,
mga sinasabi mo nama'y walang kuwenta.”
Ipinahayag ni Elihu ang Kadakilaan ng Diyos
36 Idinagdag pa ni Elihu,
2 “Magtiyaga ka pa nang kaunti at makinig sa akin,
pagkat ayon sa Diyos itong aking sasabihin.
3 Ibubuhos kong lahat ang aking nalalaman
upang patunayang ang aking Diyos ay makatarungan.
4 Lahat ng sasabihin ko ay pawang katotohanan,
pagkat akong kausap mo'y malawak ang kaalaman.
5 “Ang Diyos ay dakila at di nagtatakwil ng sinuman,
siya ay dakila sa taglay niyang kaalaman.
6 Hindi niya pinatatagal ang buhay ng mga makasalanan,
ang mga mahihirap ay binibigyan niya ng katarungan.
7 Ang matuwid ay kanyang iniingatan,
ginagawang parang hari,
at binibigyang-karangalan sa lahat ng sandali.
8 Kung ang tao'y nagagapos o natatanikalaan
o kaya'y nagdurusa sa nagawang kasalanan,
9 ipinamumukha ng Diyos ang kanilang kasamaan,
at ang naghaharing hambog na isipan.
10 Sila'y kanyang sinasaway at binabalaan
na tumalikod sa kanilang kasamaan.
11 Kung sila ay makinig at sa Diyos ay maglingkod,
buhay na sagana at payapa, sa kanila'y idudulot.
12 Ngunit kapag sila'y di nakinig at pinairal ang kamangmangan,
tiyak na kamatayan ang kanilang hahantungan.
13 “Poot ang naghahari sa dibdib ng masama,
parusahan man ng Diyos, ayaw pa ring magmakaawa.
14 Sa kanilang kabataan sila ay namamatay,
nagwakas sa kahihiyan ang kanilang mga buhay.
15 Ang tao'y pinaghihirap ng Diyos upang bigyang-aral,
at kanyang pinagdurusa upang mabuksan ang kanilang pananaw.
16 “Inalis ka ng Diyos sa kaguluhan,
pinagtamasa ka niya ng kapayapaan,
at pinuno ng pagkain ang iyong tahanan.
17 Ngunit ngayon, ikaw ay pinaparusahan bilang katumbas ng iyong kasamaan.
18 Huwag mong pabayaang suhulan ka ng sinuman,
mag-ingat upang di mailigaw ng mga kayamanan.
19 Dumaing ka man nang dumaing ay wala nang mangyayari,
ang taglay mong lakas ngayon ay wala na ring silbi.
20 Huwag mong naising ang gabi'y dumating na,
ang oras na ang mga bansa ay mawawala na.
21 Huwag mong isipin ang magpakasama,
ito ang dahilan kaya ika'y nagdurusa.
22 “Alalahanin mong ang Diyos ay makapangyarihan,
pinakadakilang guro sa lahat ng bagay.
23 Walang makakapagsabi sa Diyos ng dapat niyang gampanan,
at walang kasamaang maaaring ibintang.
24 Lahat ay nagpupuri sa kanya dahil sa kanyang ginagawa,
kaya ikaw man ay magpuri rin at sa kanya'y dumakila.
25 Ang mga gawa niya, lahat ay namasdan,
ngunit hindi ito lubos na maunawaan.
26 Di masusukat ng tao ang kanyang kadakilaan,
at ang kanyang mga taon ay hindi rin mabibilang.
27 “Ang tubig sa lupa'y itinataas ng Diyos,
upang gawing ulan at sa daigdig ay ibuhos.
28 Ang mga ulap ay ginagawa niyang ulan,
at masaganang ibinubuhos sa sangkatauhan.
29 Sa galaw ng mga ulap ay walang nakakaalam,
at kung paano kumukulog sa kalangitan.
30 Pinagliliwanag niya ang kalawakan sa pagguhit ng kidlat,
ngunit nananatiling madilim ang kailaliman ng dagat.
31 Pinapamahalaan niya ang tao sa ganitong paraan,
at masaganang pagkain, tayo'y hindi pinagkaitan.
32 Ang kidlat ay kanyang hinahawakan,
at pinababagsak sa nais niyang matamaan.
33 Ipinapahayag ng kidlat ang kanyang kalooban,
at ang kanyang galit laban sa kasamaan.
37 Kinakabahan ako kapag bumabagyo,
at hindi ko malaman ang gagawin ko.
2 Pakinggan ninyo ang tinig ng Diyos
mula sa bibig niya'y nanggagaling ang kulog.
3 Ang kidlat ay kanyang pinaguguhit sa kalangitan,
mula sa isang panig ng daigdig hanggang sa kasuluk-sulukan.
4 Tinig niya'y umuugong, parang dagundong ng kulog,
ang pagguhit ng kidlat ay hindi malagut-lagot.
5 Sa isang salita niya'y may nangyayaring kababalaghan,
kahanga-hangang bagay na di natin mauunawaan.
6 Pinauulan niya ng yelo sa ibabaw ng daigdig,
ibinubuhos niya sa lupa ang ulang walang patid.
7 Pinahihinto niya ang tao sa kanilang gawain,
upang malaman nila kung ano'ng kaya niyang gawin.
8 Ang maiilap na hayop ay nasa kanilang mga taguan.
9 Ang malalakas na hangi'y sa timog nagmumula,
at ang malamig na simoy ay galing sa hilaga.
10 Sa hininga ng Diyos nabubuo itong tubig,
nagiging yelong matigas at napakalamig.
11 Pinabibigat niya itong mga ulap, mula rito'y pinaguguhit ang mga kidlat.
12 Ito'y bilang pagsunod sa utos ng ating Diyos,
sumusunod kahit saang panig nitong sansinukob.
13 Ang ulang ibinubuhos ng dakilang Diyos,
maaaring parusa o kagandahang-loob.
14 “Tumigil ka sandali, Job, at iyong isipin,
ang mga gawa ng Diyos na walang kahambing.
15 Alam mo ba kung paano niya inuutusan,
na maglabasan ang kidlat sa kalangitan?
16 Alam mo ba kung bakit ang ulap ay lumulutang?
Iyan ay gawa ng makapangyarihan niyang kamay. Tunay at ganap ang kanyang kaalaman.
17 Hindi mo nga alam! Sapagkat nadarama mo lamang ang matinding init,
kapag ang hanging habagat ay umiihip.
18 Tulad ng ginawa niya, ang langit ba'y iyong mailalatag
na parang metal na makinis at matigas?
19 Ituro mo sa amin ang dapat sabihin sa Diyos,
isip nami'y walang laman, pang-unawa'y kapos.
20 Ang makipag-usap sa Diyos ay di ko na hahangarin,
bakit bibigyan ko siya ng pagkakataong ako ay puksain?
21 “Ngayon ang langit ay nalinis na ng hangin,
at nakakasilaw ang kanyang luningning.
22 May malagintong kaningningan sa gawing hilaga,
iyon ay kaluwalhatian ng Diyos na dakila.
23 Ang Diyos ay tunay na makapangyarihan, kaya walang makalapit sa kanyang kinalalagyan.
Siya ay tapat at makatarungan sa pakikitungo sa sangkatauhan.
24 Di kataka-takang siya'y iginagalang ng lahat,
at di niya pinapansin ang mga nagkukunwaring mauutak.”
Ang Sagot ng Diyos kay Job
38 Pagkatapos nito, sumagot ang Diyos kay Job sa pamamagitan ng malakas na bagyo,
2 “Sino kang mag-aalinlangan sa aking kaalaman?
Lalo lamang lumilitaw ang iyong kamangmangan.
3 Tumayo ka riyan at magpakalalaki,
tanong ko'y sagutin, ikaw ay magsabi.
4 Nasaan ka nang likhain ko ang mundo?
Kung talagang may alam ka, lahat ay sabihin mo.
5 Sino ang nagpasya tungkol sa lawak nito?
Sino ang sumukat, alam mo ba ito?
6 Sino ang may hawak ng mga haligi ng mundo?
Sino ang naglagay ng mga panulukang-bato?
7 Noong(M) umagang iyon, ang mga bitui'y nag-awitan,
at mga nilalang sa langit, sa tuwa'y nagsigawan.
8 “Sino(N) ang humarang sa agos ng dagat,
nang mula sa kalaliman ito'y sumambulat?
9 Tinakpan ko ang dagat ng ulap na makapal,
at binalutan ito ng kadiliman.
10 Ang dagat ay nilagyan ko ng hangganan,
upang ito'y manatili sa likod ng mga harang.
11 Sinabi kong sila'y hanggang doon na lang,
at huwag lalampas ang alon na naglalakihan.
12 Job, nakalikha ka ba kahit isang bukang-liwayway?
13 Ang daigdig ba ay naigawa mo ng tanglaw,
upang ang masasama'y mabulabog sa taguan?
14 Malinaw na gaya ng tatak sa putik,
nang makulayan ay tumingkad gaya ng damit.
15 Masasamang tao'y nasisilaw sa liwanag ng araw,
sa paggawa ng karahasan sila'y napipigilan.
16 “Nakapunta ka na ba sa mga bukal ng karagatan?
Ang sahig ng dagat ay iyo bang nalakaran?
17 May nakapagturo na ba sa iyo sa mga pintuan
na pasukan tungo sa madilim na daigdig ng mga patay?
18 Alam mo ba kung gaano kalaki itong mundo?
Sumagot ka kung alam mo.
19 “Alam mo ba kung saan nanggagaling ang liwanag,
at ang kadiliman, saan ba ito nagbubuhat?
20 Masasabi mo ba kung hanggang saan dapat makarating,
at mula doon sila'y iyong pabalikin?
21 Ikaw ay matanda na, baka nga iyong kaya,
pagkat nang likhain ang daigdig, ikaw ay nariyan na!
22 “Napuntahan mo na ba ang aking mga imbakan
ng niyebe at ng yelong ulan?
23 Ang mga ito'y aking inilalaan,
sa panahon ng digmaan at ng kaguluhan.
24 Nakapunta ka na ba sa sikatan ng araw,
o sa pinagmumulan ng hanging silangan?
25 “Sino nga ba ang humukay ng daanan ng baha?
Ang landas ng kulog ay sino ang gumawa?
26 Sino ang nagbibigay ng ulan sa disyerto,
kahit na doo'y wala namang nakatirang tao?
27 Sino ang dumidilig sa tigang na lupa,
upang dito'y tumubo ang damong sariwa?
28 Ang ulan ba o ang hamog ay mayroong ama?
29 Ang yelong malamig, mayroon bang ina?
Sino nga kaya ang nagsilang sa kanila?
30 Sa labis na lamig, tubig ay tumitigas,
nagiging parang bato ang ibabaw ng dagat.
31 “Ang(O) Pleyades ba'y iyong matatalian,
o ang Orion kaya'y iyong makakalagan?
32 Mapapatnubayan mo ba ang mga bituin,
o maituturo ang daan ng malaki't maliit na diper?
33 Alam mo ba ang mga batas sa langit,
ito ba'y maiaangkop mo sa daigdig?
34 “Ang mga ulap ba'y iyong mauutusan
upang sa lupa ay magbuhos ng malakas na ulan?
35 Mauutusan mo ba ang kidlat na ito'y kumislap,
sumunod naman kaya sa iyong mga atas?
36 Sino ang nagsasabi sa ibong Ibis kung kailan tataas ang Ilog Nilo,
at sino ang nagpapabatid sa tandang upang ibadya ang pagdating ng bukang-liwayway?
37 Sinong makakabilang sa ulap na makapal,
o makakapagtaob nito upang bumuhos ang ulan?
38 Ang ulan na sa alabok ay babasa, kapag iyon ay natuyo, magiging matigas na lupa.
39 “Maihahanap mo ba ng pagkain ang mga leon,
upang mapawi ang kanilang gutom?
40 Habang sila'y naroon sa kanilang taguan,
at wari bang pagkai'y kanilang hinihintay?
41 Sino ang nagbibigay ng pagkain sa mga ibon,
sino ang bumubusog sa kanilang inakay na nagugutom?
39 Ang panganganak ng mga kambing, alam mo ba kung kailan,
o ang panahon na ang usa ay magsisilang?
2 Bilang mo ba ang araw ng anak niya habang nasa tiyan?
Alam mo ba kung kailan ito iluluwal?
3 Namasdan mo ba habang sila ay gumagapang
sa pagbubukas ng sinapupunan upang ang anak ay isilang?
4 Ang kanilang mga anak doon lumalaki sa parang
at kapag malaki na ay tuluyang lumilisan.
5 “Sino ba ang nagbibigay laya sa mga asno?
Sa asnong maiilap, ang nagpalaya ay sino?
6 Tirahang ibinigay ko ay ang kaparangan,
at doon sa maalat na kapatagan.
7 Sila'y lumalayo sa lunsod na maingay,
walang makapagpaamo at hindi mautusan.
8 Ang pastulan nila'y ang kaburulan,
hinahanap nila'y sariwang damuhan.
9 “Ang mailap na toro iyo kayang mapagtrabaho?
Maitali mo kaya siya isang gabi sa iyong kuwadra?
10 Matatalian mo kaya siya ng lubid upang sa pag-aararo ay magamit,
at sa paghila ng suyod sa iyong mga bukid?
11 Iyo bang maaasahan ang lakas na taglay niya?
Mabibigat mong gawai'y maipagkakatiwala ba sa kanya?
12 Umaasa ka ba na siya ay magbabalik
upang sa ani mo ay siya ang gumiik?
13 “Ang pakpak ng ostrits buong gandang kumakampay,
nagbabadya kaya iyon kahit bahagyang pagmamahal?
14 Ang kanyang mga itlog sa lupa ay iniiwan,
ito'y hinahayaang sa lupa ay mainitan.
15 Di niya iniisip na baka ito'y matapakan,
o baka madurog ng mailap na nilalang.
16 Sa mga inakay niya siya ay malupit,
hindi niya alintanang hirap niya'y di masulit,
17 sapagkat pang-unawa ay di ko siya binigyan,
di ko hinatian ng kahit kaunting katalinuhan.
18 Ngunit napakabilis kapag siya'y tumatakbo,
pinagtatawanan lang niya kahit ang kabayo.
19 “Ikaw ba ang nagbigay ng lakas sa kabayo?
Ikaw ba ang naglagay ng magandang buhok nito?
20 Ikaw ba ang nagpapalukso dito na parang balang,
at kapag humalinghing ay kinatatakutan?
21 Nagpapakitang-gilas sa pagkamot niya sa lupa,
at napakabilis tumakbo upang makidigma.
22 Siya ay nagtatawa sa gitna ng panganib,
sa tabak na nakaumang, hindi siya nanginginig.
23 Ang mga sandata ng sa kanya'y nakasakay,
sa sikat ng araw kumakalampag at kumikinang.
24 Sa bilis ng kanyang takbo, lupa'y parang nilululon,
hindi siya mapakali kapag trumpeta ay umugong.
25 Sa tunog ng trumpeta'y halinghing ang sagot niya.
Ang ingay ng digmaan, dinig nito kahit malayo pa;
maging ang utos ng kapitan sa mga kasama.
26 “Ikaw ba ang nagturo sa lawin upang ito'y makalipad,
kapag ikinakampay ang pakpak tungo sa timog ang tahak?
27 Naghihintay ba ng iyong utos ang agila,
upang sa mataas na bundok gumawa ng pugad niya?
28 Matataas na bato ang kanyang tirahan,
mga pagitan ng bato ang pinagkukutaan.
29 Ang kanyang biktima'y doon niya pinagmamasdan,
kahit malayo pa ay kanya nang natatanaw.
30 Sa(P) kanyang mga inakay, dugo ang ibinubuhay,
at tiyak na naroon siya kung saan mayroong bangkay.”
40 Sinabi ni Yahweh kay Job,
2 “Ang mapaghanap ba ng mali ay mangangatwiran,
at sa Makapangyarihan ay makikipaglaban?
Sinumang sa Diyos ay nakikipagtalo,
ay dapat sumagot sa tanong na ito.”
3 Tumugon naman si Job,
4 “Narito, ako'y hamak at walang kabuluhan,
wala akong maisasagot, bibig ay tatakpan.
5 Sa panig ko'y nasabi na ang lahat ng sasabihin,
ako'y di na kikibo, nasabi'y di na uulitin.”
Ang Kapahayagan ng Kapangyarihan ng Diyos
6 Buhat sa bagyo, sinagot ni Yahweh si Job,
7 “Tumayo ka ngayon at magpakalalaki,
tanong ko'y sagutin, ikaw ay magsabi.
8 Ako pa ba ang nais mong palabasing masama
upang iyong palitawin na ikaw ang siyang tama?
9 Ang iyong lakas ba ay katulad ng sa Diyos?
Tinig mo ba'y dumadagundong, katulad ng kulog?
10 Kung gayon, balutin mo ang sarili ng dangal at kadakilaan,
magbihis ka muna ng luwalhati't kaningningan.
11 Ibuhos mo nga ang tindi ng iyong poot,
at ang mga palalo'y iyong ilugmok.
12 Subukin mong pahiyain ang mga palalo,
at ang masasama'y tapakan sa kanilang puwesto.
13 Ibaon mo silang lahat sa ilalim ng lupa,
sa daigdig ng mga patay sila'y itanikala.
14 Kung iyan ay magawâ mo, maniniwala ako sa iyo
na kaya mong magtagumpay sa sariling kakayahan mo.
15 “Ang dambuhalang hayop ay tingnan mo,
gaya mo'y nilikha ko dito sa mundo.
Ito'y parang baka kung kumain ng damo.
16 Ang lakas niya'y naiipon sa kanyang katawan;
ang kapangyarihan, sa himaymay ng kanyang laman.
17 Ang tigas ng buntot niya ay sedar ang katulad,
ang kanyang mga hita'y siksik at matatag.
18 Parang tanso ang kanyang mga buto,
sintigas ng bakal ang kanyang mga braso.
19 “Siya ay pangunahin sa mga nilikha,
ngunit magagapi nang sa kanya'y lumikha.
20 Siya'y nanginginain doon sa mga bundok,
doon sa tirahan ng kapwa niya hayop.
21 Siya'y doon lumalagi sa ilalim ng tinikan,
nakatago sa gitna ng mga talahib sa putikan.
22 Sanga ng mga puno ang sa kanya'y tumatakip,
sa kanya'y nakapaligid sa tabi nitong batis.
23 Hindi siya natatakot lumakas man ang agos;
ang Jordan man ay lumalim, mahinahon pa rin kung kumilos.
24 Siya kaya ay mahuli sa pamamagitan ng bingwit,
makuha kaya siya sa ilong sa pamamagitan ng kawit?
41 “Mahuhuli(Q) mo ba ang Leviatan[b] sa pamamagitan ng pamingwit?
Maitatali mo ba ang dila nito sa pamamagitan ng lubid?
2 Matatalian mo kaya ng lubid ang ilong nito?
Tatagusan kaya ng kawit ang mga panga nito?
3 Siya kaya ay lumapit at lumuhod sa harap mo,
magsalita nang malumanay at magmakaawa sa iyo?
4 Siya kaya'y makiusap at ikaw ay pangakuan,
na sa habang buhay ikaw ay paglingkuran?
5 Siya kaya'y parang ibong tatalian at lalaruin
upang mga babaing lingkod mo ay aliwin?
6 Tawaran kaya siya ng mga mamimili,
paghatian kaya siya upang maipagbili?
7 Tablan kaya ang makapal niyang balat,
sa ulo kaya niya'y tumagos ang matulis na sibat?
8 Hawakan mo siya kahit na minsan lang,
hindi mo na uulitin dahil sa inyong paglalaban.
9 “Ang sinumang sa kanya'y makakakita,
sa lupa'y mabubuwal, nawawalan ng pag-asa.
10 Kapag siya'y ginambala, ubod siya ng bagsik.
Sa kanyang harapa'y walang nangangahas lumapit.
11 Sinong lulusob sa kanya at hindi mamamatay?
Walang makakagawa nito sa buong sanlibutan.
12 “Ang kanyang mga binti ay malaki at matatag,
at walang kaparis ang taglay nitong lakas.
13 Sino ang makakapag-alis sa panlabas niyang kasuotan?
May sandata na bang nakatusok sa balat niyang makapal?
14 Sa bibig niya'y sino kaya ang maaaring magbuka?
Nakakatakot na mga ngipin nakahanay sa bunganga niya.
15 Maraming kalasag, nakahanay sa kanyang likod;
sintigas ng bato at nakalagay nang maayos.
16-17 Masinsin ang pagkaayos, ito'y dikit-dikit,
walang pagitan, ni hangin ay di makasingit.
18 Kung siya ay bumahin, ang ilong ay nag-aapoy,
mata niya'y mapula parang araw sa dapit-hapon.
19 Mula sa bibig niya'y may apoy na lumalabas,
mga baga ng apoy ang doo'y sumisiklab.
20 Sa ilong niya'y nanggagaling ang makapal na usok,
parang usok na nagmumula sa kumukulong palayok at damong sinusunog.
21 Hininga niya'y nagbabaga, sa init ay nag-aalab;
naglalagablab na apoy sa bibig niya'y nagbubuhat.
22 Ang kanyang leeg nama'y puno ng kalakasan,
sinumang makakita sa kanya'y kinikilabutan.
23 Walang mahinang bahagi sa kanyang balat,
tulad ng bakal, matigas at makunat.
24 Ang tigas ng kanyang puso, bato ang katulad,
gaya ng batong gilingan sa tibay at tatag.
25 Kapag siya ay tumayo masisindak rin ang pinakamalakas,
wala silang magawâ, at sa takot ay tumatakas.
26 Pagkat siya'y di tatablan kahit na ng tabak,
maging ng palaso, ng punyal o ng sibat.
27 Sa kanya ang bakal ay parang dayaming marupok,
ang katulad nitong tanso ay kahoy na nabubulok.
28 Sa palaso'y hindi siya maaaring mapatakbo,
sa kanya'y parang dayami ang tirador at ang bato.
29 Kahoy na panghampas sa kanya'y para lamang patpat,
tumatawa lamang siya kapag siya'y sinisibat.
30 Kaliskis ng kanyang tiyan ay napakatalas,
at sa putik na daanan, nag-iiwan ng mga bakas.
31 Kaya niyang pakuluin ang malalim na tubig,
hinahalo niya ang dagat na parang palayok ng langis.
32 Ang kanyang madaana'y kumikislap sa liwanag,
ang akala mo sa tubig, puting buhok ang katulad.
33 Dito sa daigdig ay wala siyang katulad,
pagkat siya'y walang takot, hindi nasisindak.
34 Sa lahat ng mga hayop ay mababa ang tingin niya,
at sa kanilang lahat ang naghahari ay siya.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.