Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Cronica 7:11-23:15

Muling Kinausap ng Diyos si Solomon(A)

11 Natapos ni Solomon ang Templo ni Yahweh at ang sarili niyang palasyo. Sinunod niyang lahat ang plano niya para sa mga ito. 12 Isang gabi, nagpakita sa kanya si Yahweh at sinabi sa kanya: “Narinig ko ang iyong panalangin at tinatanggap ko ang lugar na ito upang dito ninyo ako handugan. 13 Isara ko man ang langit at hindi na umulan; utusan ko man ang mga balang upang salantain ang lupaing ito; magpadala man ako ng salot sa aking bayan, 14 ngunit kung ang bayang ito na nagtataglay ng aking karangalan ay magpakumbaba, manalangin, hanapin ako at talikuran ang kanilang kasamaan, papakinggan ko sila mula sa langit. Patatawarin ko sila sa kanilang mga kasalanan at muli kong pasasaganain ang kanilang lupain. 15 Babantayan ko sila at papakinggan ko ang mga panalanging iniaalay nila rito. 16 Pinili ko at iniuukol ang Templong ito upang dito ako sambahin magpakailanman. Lagi kong babantayan at mamahalin ang Templong ito magpakailanman. 17 Kung mananatili kang tapat sa akin gaya ng iyong amang si David, kung susundin mo ang lahat kong mga utos at tuntunin, 18 patatatagin(B) ko ang iyong paghahari. Tulad ng pangako ko sa iyong amang si David, hindi siya mawawalan ng anak na lalaki na maghahari sa Israel.

19 “Ngunit kapag tinalikuran ninyo ako at sinuway ninyo ang mga batas at mga utos na ibinigay ko sa inyo, at sumamba kayo at naglingkod sa ibang mga diyos, 20 palalayasin ko kayo sa lupaing ito na ibinigay ko sa inyo. Iiwan ko ang Templong ito na inilaan ko upang dito ako sambahin. Pagtatawanan ito at lalapastanganin ng mga bansa. 21 Ang mapapadaan sa tapat ng Templong ito na ngayo'y dinadakila ay mapapailing at magtatanong: ‘Bakit kaya ganito ang ginawa ni Yahweh sa lupaing ito at sa Templong ito?’ 22 Ito naman ang isasagot sa kanila: ‘Sapagkat tinalikuran nila si Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, na naglabas sa kanila sa Egipto. Bumaling sila sa ibang mga diyos at ang mga ito ang kanilang sinamba at pinaglingkuran. Kaya pinarusahan sila ng ganito ni Yahweh.’”

Ang mga Nagawa ni Solomon(C)

Ipinatayo ni Solomon ang kanyang palasyo at ang Templo ni Yahweh sa loob ng dalawampung taon. Pagkatapos, ipinatayo niyang muli ang mga lunsod na ibinigay sa kanya ni Hiram at pinatira niya roon ang mga Israelita. Sinalakay niya at sinakop ang Hamat-Zoba. Itinayo niya ang lunsod ng Palmera na nasa disyerto, at ang mga lunsod-imbakan na itinayo niya sa Hamat. Pinaligiran niya ng pader ang mga lunsod ng Beth-horong Itaas at Beth-horong Ibaba. Nilagyan din niya ang mga ito ng mga pintuang may panghalang. Gayundin ang ginawa niya sa Baalat at sa kanyang mga lunsod-imbakan at mga lunsod-himpilan ng kanyang mga karwahe at ng kanyang mga mangangabayo. Ipinagawa ni Solomon ang bawat magustuhan niyang ipagawa sa Jerusalem, sa Lebanon at sa lahat ng sakop ng kanyang kaharian. 7-8 Sapilitan niyang pinagtrabaho hanggang sa mga panahong ito ang mga Cananeong hindi napatay ng mga Israelita noong sakupin nila ang lupain ng Canaan. Kabilang dito ang mga Heteo, Amoreo, Perezeo, Hivita at ang mga Jebuseo. Hindi isinama ni Solomon ang mga Israelita sa sapilitang paggawa. Sa halip, naglingkod ang mga ito bilang mga mandirigma: mga kawal at pinuno ng hukbo at ng kanyang mangangabayo at mga karwahe. 10 Sila rin ang ginawang tagapangasiwa ni Haring Solomon sa mga nagtatrabaho sa kanyang mga pagawaan. Ang bilang nila'y 250.

11 Ipinasundo ni Solomon mula sa lunsod ni David ang asawa niya na anak ng Faraon. Dinala niya ito sa palasyong ipinagawa niya para rito. Sinabi ni Solomon, “Hindi dapat tumira ang asawa ko sa palasyo ni David na hari ng Israel. Iyon ay banal na dako sapagkat itinuturing na banal ang lahat ng lugar na mapaglagyan ng Kaban ng Tipan.”

12 Nag-alay si Solomon kay Yahweh ng mga handog na susunugin sa altar ni Yahweh na kanyang ipinatayo sa harap ng portiko. 13 Ginawa(D) niya ang lahat ayon sa mga tuntuning ibinigay ni Moises tungkol sa paghahandog sa mga Araw ng Pamamahinga, sa Pista ng Bagong Buwan at sa tatlong taunang kapistahan: ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, ang Pista ng Pag-aani at ang Pista ng mga Tolda. 14 Sinunod niya ang kaayusang itinakda ni David tungkol sa paglilingkod ng mga pari. Gayundin sa mga Levita sa kanilang pang-araw-araw na pamumuno sa pag-awit ng papuri at pagtulong sa mga pari at sa pagbabantay sa Templo. Ginawa niya ito ayon sa utos ni David na lingkod ng Diyos. 15 Hindi sila lumabag kaunti man, maging sa gawain ng mga pari at mga Levita, at maging sa pag-iingat sa kayamanan ng Templo.

16 At natapos ang mga ipinagawa ni Solomon, mula sa paglalagay ng pundasyon ng Templo hanggang sa mayari ito.

17 Pagkatapos, pumunta si Solomon sa Ezion-geber at sa Elot na nasa baybayin ng dagat sa lupain ng Edom. 18 Pinadalhan siya ni Hiram ng mga barko at mga bihasang magdaragat na mangangasiwa niyon. Pumunta sila sa Ofir kasama ng mga tauhan ni Haring Solomon. Nang bumalik sila ay may dala silang 15,750 kilong ginto na ibinigay nila kay Solomon.

Ang Pagdalaw ng Reyna ng Seba(E)

Nabalitaan(F) ng reyna ng Seba ang katanyagan ni Haring Solomon. Kaya't nagsadya siya sa Jerusalem upang subukin ito sa pamamagitan ng mahihirap na katanungan. Marami siyang kasamang tauhan at mga kamelyong may kargang mga pabango, ginto at mamahaling bato. Nang makaharap niya si Solomon, itinanong niya rito ang lahat ng maisipan niyang itanong. Ipinaliwanag naman ni Solomon ang lahat ng ibig malaman ng reyna. Wala itong tanong na hindi niya nasagot. Napatunayan ng reyna ang karunungan ni Solomon at nakita niya ang palasyong ipinatayo nito. Nakita rin niya ang mga pagkain sa hapag ng hari at ang mga silid ng kanyang mga opisyal, gayundin ang paglilingkod ng kanyang mga utusan at mga tagadala ng inumin at ang mga kasuotan nilang lahat. Nakita rin niya ang mga handog na susunugin na iniaalay ni Solomon sa Templo ni Yahweh. Labis siyang namangha sa lahat niyang nakita.

Kaya't sinabi niya sa hari: “Totoo nga pala ang balitang nakarating sa bayan ko tungkol sa inyo at sa inyong karunungan. Noong una'y hindi ako makapaniwala. Ngunit ngayong makita ng dalawa kong mata, wala pa pala sa kalahati ang ibinalita nila sa akin. Ang karunungan pala ninyo ay higit sa nabalitaan ko. Mapalad ang inyong mga lingkod. Mapalad ang mga tauhan ninyong ito na laging nakakarinig ng inyong karunungan. Purihin ang Diyos ninyong si Yahweh na nalugod sa inyo kaya't ginawa ka niyang hari upang mamahala alang-alang sa kanya. Sapagkat tapat ang pag-ibig ni Yahweh sa Israel, at nais niyang patatagin ito magpakailanman. Ginawa niya kayong hari nila upang pairalin dito ang batas at katarungan.” At binigyan niya ang hari ng 4,200 kilong ginto, maraming pabango at mamahaling hiyas. Walang kaparis ang mga pabangong ibinigay ng reyna ng Seba kay Haring Solomon.

10 Bukod dito, ang mga tauhan ni Haring Hiram at ni Solomon na nagdadala ng ginto buhat sa Ofir ay may dala ring mamahaling bato at maraming kahoy na algum. 11 Ito ang kahoy na ginamit ng hari sa mga upuan sa Templo at sa kanyang palasyo at sa mga lira at alpa ng mga mang-aawit. Wala pang nakikitang kahoy na tulad nito nang panahong iyon sa lupain ng Juda.

12 Ipinagkaloob naman ni Haring Solomon sa reyna ng Seba ang lahat ng hiniling nito, bukod pa sa kanyang regalo bilang ganti sa pasalubong nito sa kanya. Pagkatapos, umuwi na ang reyna ng Seba at ang kanyang mga tauhan sa kanilang lupain.

Ang Kayamanan ni Solomon(G)

13 Taun-taon, 23,310 kilong ginto ang dumarating kay Solomon. 14 Hindi pa kabilang dito ang buwis ng mga mangangalakal, ang tinutubo ng kanyang mga tauhang umaangkat sa ibang bansa at ang buwis ng mga hari sa Arabia at ng mga gobernador ng lalawigan. 15 Nagpagawa siya ng 200 malalaking kalasag na may balot na pitong kilong pinitpit na ginto bawat isa. 16 Nagpagawa pa siya ng 300 maliliit na kalasag na may balot namang tatlong kilong pinitpit na ginto bawat isa. Ipinalagay ng hari ang nasabing mga kalasag sa Bulwagan ng Kagubatang Lebanon. 17 Nagpagawa rin siya ng isang malaking tronong balot sa garing na may palamuting ginto. 18 Balot din ng ginto ang anim na baytang na paakyat sa trono at ang tuntungan dito. May patungan ng kamay sa magkabilang tagiliran ng trono at may rebulto ng nakatayong leon sa magkabila. 19 Labindalawang rebultong leon naman ang nakahanay sa magkabilang dulo ng anim na baytang. 20 Walang ganitong trono na nagawa saan mang kaharian. Lantay na ginto ring lahat ang mga kopa ni Haring Solomon at ang mga kasangkapan sa Bulwagan ng Kagubatang Lebanon. Hindi gaanong pinahahalagahan ang pilak noon. 21 May mga malalaking barko siyang nagbibiyahe sa Tarsis kasama ng mga tauhan ni Hiram at tuwing ikatlong taon ay dumarating na maraming dalang ginto, pilak, garing, mga gorilya at pabo real.[a]

22 Si Haring Solomon ang pinakamarunong at pinakamayaman sa lahat ng mga hari sa buong mundo. 23 Kaya't pinupuntahan siya ng mga hari buhat sa iba't ibang panig ng daigdig upang makinig sa karunungang ibinigay sa kanya ng Diyos. 24 Bawat isa'y may dalang regalo: mga kasangkapang ginto at pilak, mga damit, mira, mga pabango, mga kabayo at mola. Nagpapatuloy ito taun-taon. 25 Si(H) Solomon ay may 4,000 kuwadra para sa kanyang mga kabayo at karwahe. Mayroon rin siyang 12,000 na mangangabayo. Ang mga ito'y inilagay niya sa mga lunsod-himpilan ng mga karwahe at ang iba nama'y pinapaalagaan sa Jerusalem. 26 Sakop(I) niya ang lahat ng mga hari ng mga lupain buhat sa Ilog Eufrates hanggang sa lupain ng mga Filisteo at sa may hangganan ng Egipto. 27 Nang panahon ni Haring Solomon, ang pilak sa Jerusalem ay naging pangkaraniwan lamang na parang bato, at ang kahoy na sedar ay naging sindami ng sikamoro sa mga paanan ng mga burol. 28 Ang(J) mga kabayo ni Solomon ay galing sa Egipto at sa iba't ibang bansa.

Ang Buod ng Kasaysayan ni Solomon(K)

29 Ang iba pang mga pangyayari sa paghahari ni Solomon buhat sa simula hanggang wakas ay nakasulat sa Kasaysayan ni Propeta Natan at sa Pahayag ni Ahias na Taga-Shilo. Mababasa rin iyon sa Mga Pangitain ni Propeta Iddo na nagsasaad din ng paghahari ni Jeroboam na anak ni Nebat. 30 Apatnapung taóng naghari si Solomon sa buong Israel mula sa Jerusalem. 31 Nang siya'y mamatay, inilibing siya sa Lunsod ni David. Humalili sa kanya bilang hari ang anak niyang si Rehoboam.

Nahati ang Kaharian(L)

10 Pumunta sa Shekem si Rehoboam sapagkat nagtipun-tipon doon ang buong Israel upang gawin siyang hari. Nang mabalitaan iyon ni Jeroboam, anak ni Nebat na pumunta sa Egipto upang tumakas kay Haring Solomon, ay umuwi na ito. Ipinasundo siya ng mga lipi sa hilaga at sama-sama silang pumunta kay Rehoboam. Sinabi nila: “Binigyan po kami ng mabigat na pasanin ng inyong ama. Kung pagagaanin po ninyo ang pasanin na aming dinadala, paglilingkuran namin kayo.”

Sinagot sila ni Rehoboam: “Bigyan ninyo ako ng tatlong araw upang pag-isipan ang inyong kahilingan, saka kayo bumalik.” At umalis nga ang mga tao.

Sumangguni si Rehoboam sa matatandang tagapayo na naglingkod sa kanyang ama nang ito'y nabubuhay pa. Itinanong niya kung ano ang dapat niyang sabihin sa mga tao. Ganito ang sabi ng matatanda: “Kapag magiging mabait kayo sa mga taong ito, at pagbibigyan ninyo sila sa kanilang kahilingan, paglilingkuran nila kayo nang tapat habang panahon.”

Ngunit binaliwala ni Rehoboam ang payo ng matatanda. Sa halip, sumangguni siya sa kanyang mga kababata na ngayo'y mga tagapayo niya. Tinanong niya ang mga ito kung ano ang dapat niyang isagot sa mga taong humihiling na pagaanin ang pasaning ipinataw sa kanila ng kanyang ama.

10 Ganito naman ang sagot ng mga kabataan: “Sabihin mo sa kanila na ang iyong ama ay naging mahina. 11 Dagdagan mo pa ang pahirap sa kanila. Kung latigo ang panghampas sa kanila noon ng iyong ama, ngayon ay gawin mong tinik na bakal.”

12 Nang ikatlong araw, bumalik nga si Jeroboam at ang mga taong-bayan ayon sa sinabi sa kanila ni Rehoboam. 13 Taliwas sa payo ng matatanda, mabagsik ang sagot niya sa mga tao. 14 Ang sinunod niya'y ang payo ng mga kabataan. Sinabi niya, “Kung mabigat ang ipinapasan sa inyo ng aking ama, daragdagan ko pa iyan. Kung hinagupit niya kayo ng latigo, may tinik na bakal naman ang ihahagupit ko sa inyo.” 15 Hindi nga dininig ng hari ang karaingan ng bayan. Pinahintulutan iyon ng Diyos na si Yahweh upang matupad ang kanyang sinabi sa pamamagitan ni Ahias na taga-Shilo, tungkol kay Jeroboam na anak ni Nebat.

16 Nang(M) hindi sila pakinggan ng hari, sinabi nila: “Umuwi na tayo, O Israel! Ano bang mapapala natin kay David? Ano bang nagawa para sa atin ng anak ni Jesse? Bahala ka na sa buhay mo, Rehoboam!” At umuwi na ang mga mamamayan ng Israel. 17 Ngunit naghari si Rehoboam sa mga Israelitang naninirahan sa mga bayan ng Juda. 18 Sinugo ni Haring Rehoboam si Adoram, ang tagapangasiwa ng sapilitang paggawa sa sampung lipi ng Israel. Ngunit binato siya ng mga ito hanggang mamatay. Kaya't nagmamadaling sumakay sa karwahe si Rehoboam upang tumakas patungong Jerusalem. 19 Magmula noon, patuloy na naghimagsik sa paghahari ng angkan ni David ang sampung lipi ng Israel na nasa hilaga.

Ang Propesiya ni Semaias(N)

11 Pagdating ni Rehoboam sa Jerusalem, tinipon niya ang mga lipi ng Juda at Benjamin. Pumili siya ng 180,000 mahuhusay na mandirigma upang salakayin ang sampung lipi ng Israel at ibalik sila sa kanyang kapangyarihan. Ngunit sinabi ni Yahweh kay propeta Semaias: “Sabihin mo kay Rehoboam na anak ni Solomon at hari ng Juda at sa lahat ng mga Israelitang taga-Juda at Benjamin, na ganito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Huwag na ninyong salakayin ang inyong mga kapatid. Hayaan na ninyo silang makauwi sa kani-kanilang tahanan. Ako ang may kagustuhan nito.’” Sinunod nga nila ang ipinasabi ni Yahweh. Nag-uwian na sila at hindi na nila dinigma si Jeroboam.

Pinaligiran ng Pader ang mga Lunsod

Sa Jerusalem tumira si Rehoboam at pinalagyan niya ng mga pader ang mga lunsod na ito sa Juda at Benjamin: 6-10 Bethlehem, Etam, Tekoa, Beth-sur, Soco, Adullam, Gat, Maresa, Zif, Adoraim, Laquis, Azeka, Zora, Aijalon, at Hebron. 11 Pinatibay niya ang kuta ng mga ito, nilagyan ng kani-kanilang pinuno at mga imbakan ng pagkain, langis at alak. 12 Naglagay rin siya ng mga sibat at mga panangga sa mga nasabing lunsod. Pinatibay niyang mabuti ang mga lunsod na ito. Sa ganitong paraan, napanatili niya sa ilalim ng kanyang kapangyarihan ang Juda at Benjamin.

Pumunta sa Juda ang mga Pari at Levita

13 Nagdatingan ang mga pari at ang mga Levita mula sa lahat ng panig ng Israel upang maglingkod kay Rehoboam. 14 Iniwan nila ang kanilang mga pastulan at mga ari-arian upang manirahan sa Juda at sa Jerusalem sapagkat inalis sila ni Jeroboam at ng mga anak nito bilang mga pari ni Yahweh. 15 Sa(O) halip, naglagay si Jeroboam ng kanyang mga sariling pari para sa mga sagradong burol, sa mga satiro at sa mga rebultong guya na ipinagawa niya. 16 Subalit mula sa lahat ng lipi, may mga tapat na lingkod si Yahweh, ang Diyos ng Israel. Sila ay sumunod sa mga pari at mga Levitang pumupunta sa Jerusalem upang maghandog kay Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno. 17 Dahil dito, pinatatag nila ang kaharian ng Juda at pinatibay ang kapangyarihan ni Rehoboam na anak ni Solomon sa loob ng tatlong taon, sapagkat sumusunod sila sa magagandang halimbawa ni David at ni Solomon.

Ang Sambahayan ni Rehoboam

18 Napangasawa ni Rehoboam si Mahalat na anak ni Jerimot at ni Abihail. Anak ni David si Jerimot at si Abihail naman ay anak ni Eliab na anak ni Jesse. 19 Sina Jeus, Semarias at Zaham ang mga anak na lalaki ni Rehoboam kay Mahalat. 20 Napangasawa rin ni Rehoboam si Maaca na anak ni Absalom at ang mga anak nila'y sina Abias, Atai, Ziza at Selomit. 21 Mahal na mahal ni Rehoboam si Maaca na anak ni Absalom higit sa iba niyang mga asawa at asawang-lingkod. Labingwalo ang asawa niya at animnapu ang kanyang asawang-lingkod. Dalawampu't walo ang naging anak niyang lalaki at animnapu naman ang mga babae. 22 Sapagkat gusto ni Rehoboam na si Abias ang maging hari pagkamatay niya, inilagay niya itong pinuno at pangunahin sa kanyang mga kapatid. 23 Ipinadala ni Rehoboam ang kanyang mga anak na lalaki sa iba't ibang lugar sa lupain ng Juda at Benjamin, sa mga lunsod na napapaligiran ng pader. Binigyan niya sila ng lahat nilang kailangan at inihanap ng mga asawa.

Nilusob ng Egipto ang Juda(P)

12 Nang maging matatag na ang paghahari ni Rehoboam, tinalikuran niya at ng buong Israel ang Kautusan ni Yahweh. Subalit nang ikalimang taon ng paghahari ni Rehoboam, sapagkat hindi sila naging tapat kay Yahweh, sinalakay ni Shishak, hari ng Egipto, ang Jerusalem. Ang hukbo ni Shishak ay binubuo ng 1,200 karwahe, 60,000 mangangabayo at di mabilang na mga tauhan pati mga taga-Libya, taga-Sukuim at taga-Etiopia. Nakuha niya ang mga may pader na lunsod ng Juda at nakaabot siya hanggang Jerusalem.

Dahil sa pananalakay ni Shishak, ang mga pinuno ng Israel ay nagtipon sa Jerusalem kasama ni Rehoboam. Dumating naman ang propetang si Semaias at sinabi sa kanila: “Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Pinabayaan ninyo ako, kaya pinabayaan ko rin kayong mahulog sa kamay ni Shishak.’”

Pagkarinig niyon, nagpakumbaba ang hari at ang mga pinuno ng Israel at sinabi nila: “Makatarungan si Yahweh.”

Nakita ni Yahweh ang kanilang pagpapakumbaba, kaya sinabi niya kay Semaias: “Nagpakumbaba na sila, kaya hindi ko na sila lilipulin. Ililigtas ko sila sa lubos na kapahamakan at hindi ko na ibubuhos ang aking galit sa Jerusalem sa pamamagitan ni Shishak. Gayunman, sila'y masasakop nito upang malaman nila kung alin ang higit na mabuti: ang maglingkod sa akin o ang maglingkod sa mga hari sa lupa.”

Sinalakay(Q) ni Haring Shishak ng Egipto ang Lunsod ng Jerusalem at sinamsam ang mga kayamanan sa Templo ni Yahweh at sa palasyo ng hari. Kinuha niya ang lahat, pati ang mga gintong kalasag na ipinagawa ni Solomon. 10 Pinapalitan ni Rehoboam ang mga iyon ng kalasag na tanso. Pinaingatan niya ang nasabing mga panangga sa pinuno ng mga bantay ng palasyo. 11 Tuwing pupunta sa Templo ang hari, inilalabas nila ang mga kalasag at pagkatapos ay ipinababalik sa silid ng mga bantay. 12 Sapagkat nagpakumbaba si Rehoboam, hindi ganap na ibinuhos ng Diyos ang galit nito sa kanya. Hindi sila nalipol nang tuluyan at naging matiwasay na ang kalagayan ng Juda.

Ang Buod ng Kasaysayan ng Paghahari ni Rehoboam

13 Naging matatag ang paghahari ni Rehoboam sa Jerusalem. Apatnapu't isang taóng gulang siya nang magsimulang maghari at labimpitong taon siyang naghari sa Jerusalem, ang lunsod na pinili ni Yahweh sa lahat ng lipi ng Israel upang doon siya sambahin. Ang kanyang ina ay si Naama, na isang Ammonita. 14 Naging masama siya sapagkat hindi niya sinunod ang kalooban ni Yahweh.

15 Ang mga ginawa ni Rehoboam buhat sa simula hanggang sa wakas, ay nakasulat sa Kasaysayan ng propetang si Semaias at sa Kasaysayan ng propetang si Iddo. Patuloy ang digmaan nina Jeroboam at Rehoboam sa buong panahon ng paghahari nila. 16 Nang mamatay si Rehoboam, inilibing siya sa Lunsod ni David at si Abias na anak niya ang humalili sa kanya bilang hari.

Ang Digmaan nina Abias at Jeroboam(R)

13 Nang ikalabing walong taon ng paghahari ni Jeroboam, si Abias ay nagsimulang maghari sa Juda. Tatlong taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang kanyang ina ay si Micaias na anak ni Uriel na taga-Gibea.

Nagkaroon ng digmaan sina Jeroboam at Abias. Ang hukbo ni Abias ay binubuo ng 400,000 kawal, samantalang ang kay Jeroboam naman ay 800,000. Humanay ang hukbo ni Abias sa may bulubundukin ng Efraim, sa taluktok ng Bundok Zemaraim. Mula roo'y sumigaw siya: “Makinig kayo, Jeroboam at buong bayang Israel! Hindi ba ninyo alam na pinagtibay ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, sa isang kasunduang hindi maaaring sirain, na si David at ang kanyang mga anak ang maghahari sa Israel magpakailanman? Ngunit si Jeroboam na anak ni Nebat at dating alipin ni Solomon na anak ni David ay naghimagsik laban sa kanyang haring si Solomon. Mga walang-hiya at tampalasang tao ang sumama sa kanya. Hindi nila kinilala si Rehoboam na anak ni Solomon. Palibhasa'y bata pa noon at walang karanasan si Rehoboam, kaya't wala siyang nagawa.

“Ngayo'y ibig ninyong labanan ang kaharian ni Yahweh na ibinigay niya sa mga anak ni David, palibhasa'y marami kayo at mayroon kayong mga guyang ginto na ipinagawa ni Jeroboam para sambahin ninyo. Hindi ba't pinalayas ninyo ang mga pari ni Yahweh, ang mga anak ni Aaron at ang mga Levita? At gumaya kayo sa ibang mga bansa sa pagpili ng mga pari? Ngayon, sinumang lumapit na may dalang handog na isang batang toro at pitong lalaking tupa ay pinapayagan na ninyong maging pari ng mga diyus-diyosan. 10 Ngunit para sa amin, si Yahweh pa rin ang aming Diyos at hindi namin siya itinakwil. Ang aming mga pari ay pawang mga anak ni Aaron at ang mga katulong nila sa paglilingkod kay Yahweh ay ang mga Levita. 11 Araw-gabi ay nag-aalay sila kay Yahweh ng mga handog na susunugin at insenso. Nag-aalay sila ng handog na tinapay sa harapan niya sa ibabaw ng inihandang mesang yari sa lantay na ginto. At gabi-gabi'y nagsisindi sila ng mga ilawang nasa gintong patungan. Sinusunod namin ang utos ni Yahweh, subalit itinakwil ninyo siya. 12 Kaya kasama namin siya sa labanang ito. Siya ang aming pinuno at kasama rin namin ang kanyang mga pari na dala ang kanilang mga trumpeta na handang hipan sa pakikipaglaban sa inyo. Bayang Israel, huwag ninyong kalabanin si Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno, sapagkat hindi kayo magtatagumpay.”

13 Nagsugo si Jeroboam ng pangkat sa likuran ng kalaban upang lihim na sumalakay roon. Samantala, ang karamihan ng hukbo niya ay kaharap ng hukbo ng Juda. 14 Nang lumingon ang mga ito, nakita nilang may kalaban sila sa harapan at sa likuran. Humingi sila ng tulong kay Yahweh at hinipan ng mga pari ang kanilang mga trumpeta. 15 Sumigaw ang hukbo ng Juda at sa sandaling iyon, tinalo ng Diyos si Jeroboam at ang buong hukbo ng Israel sa harap ni Abias at ng Juda. 16 Tumakas ang hukbo ng Israel sa Juda at itinulot ng Diyos na masakop sila ng Juda. 17 Nagtagumpay sina Abias. May 500,000 mahuhusay na kawal ng Israel ang napatay. 18 Mula noon, ang Israel ay nasakop ng Juda. Ito'y dahil sa pagtitiwala ng Juda kay Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno. 19 Tinugis ni Abias si Jeroboam, at nasakop niya ang mga lunsod ng Bethel, Jesana at Efron, pati ang mga nayon nito. 20 Sa panahon ng paghahari ni Abias, hindi na nakabawi si Jeroboam hanggang sa patayin siya ni Yahweh. 21 Naging makapangyarihan si Abias. Labing-apat ang kanyang asawa, at ang mga naging anak niya'y dalawampu't dalawang lalaki at labing-anim na babae. 22 Ang iba pang ginawa at sinabi ni Abias ay nakasulat sa Kasaysayan ng propetang si Iddo.

Ang Tagumpay ni Asa Laban sa mga Taga-Etiopia

14 Namatay si Abias at inilibing sa libingan ng kanyang mga ninuno sa Lunsod ni David. Humalili sa kanya bilang hari ang anak niyang si Asa. Sampung taon itong naghari at sa panahong iyon ay naging mapayapa ang Juda. Ginawa ni Asa ang mabuti at kalugud-lugod sa paningin ni Yahweh na kanyang Diyos. Ipinagiba niya ang mga altar ng mga diyus-diyosan at ang mga bahay-sambahan ng mga pagano; ibinuwal niya ang mga sinasambang haligi at winasak ang mga rebulto ng diyosang si Ashera. Iniutos niya sa mga taga-Juda na sumunod sa kagustuhan ni Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno at tuparin ang kanyang kautusan at mga tuntunin. Sapagkat ipinaalis niya ang mga bahay-sambahan ng mga pagano at ang mga altar ng insenso sa mga lunsod ng Juda, naging mapayapa ang kaharian sa ilalim ng kanyang pamamahala. Pinalagyan niya ng mga pader ang mga lunsod sa Juda. At sa loob ng ilang taon ay hindi sila nagkaroon ng digmaan sapagkat binigyan siya ni Yahweh ng kapayapaan. Sinabi niya sa mga taga-Juda, “Patibayin natin ang mga lunsod na ito at paligiran natin ng mga pader na may mga tore at matitibay na pintuan. Sarili natin ang lupain sapagkat umaasa tayo kay Yahweh na ating Diyos. Hinanap natin siya at sa lahat ng dako'y binigyan niya tayo ng katiwasayan.” Ganoon nga ang kanilang ginawa at sila'y naging maunlad. Ang hukbo ni Asa ay binubuo ng 300,000 kawal mula sa Juda, na may mga sandatang panangga at sibat, at ang 280,000 naman mula sa Benjamin, na may mga pana at panangga.

Dumating ang panahon na nilusob sila ni Zera na isang taga-Etiopia. Ang hukbo nito na umabot hanggang sa Maresa ay binubuo ng isang milyong kawal at tatlong daang karwahe. 10 Pagdating doo'y hinarap sila ng hukbo ni Asa at ang hanay ng labanan ay ang libis ng Sefata sa Maresa. 11 Bago siya lumaban, nanalangin si Asa kay Yahweh na kanyang Diyos, “Wala kang katulad, O Yahweh, sa pagtulong maging sa malakas at mahina. Kaya tulungan ninyo kami, O Yahweh na aming Diyos, sapagkat sa inyo lamang kami umaasa. Sa inyong pangalan, nakaharap kami ngayon sa ganito karaming kaaway. O Yahweh, kayo ang aming Diyos; huwag ninyong hayaang matalo kayo ng tao.”

12 Sa tulong ni Yahweh, natalo ni Asa ang mga taga-Etiopia at tumakas ang mga ito. 13 Hinabol sila ni Asa at ng kanyang mga kawal hanggang Gerar. Sa tulong ni Yahweh, naubos ang kanilang mga kaaway, at napakarami nilang nasamsam. 14 Winasak nila ang lahat ng lunsod sa palibot ng Gerar sapagkat pinagharian ng takot kay Yahweh ang mga mamamayan doon. Pinasok nila ang lahat ng lunsod at napakaraming nasamsam doon. 15 Sinalakay din nila ang mga kampo ng mga pastol ng kawan at bumalik sila sa Jerusalem na dala ang napakaraming tupa at kamelyo.

Ang mga Repormang Isinagawa ni Asa

15 Si Azarias na anak ni Oded ay nilukuban ng Espiritu[b] ng Diyos. Pinuntahan niya si Asa at sinabi, “Pakinggan mo ako, Asa, at kayong mga taga-Juda at Benjamin: Nasa panig ninyo si Yahweh habang kayo'y nasa panig niya. Matatagpuan ninyo siya kung siya'y inyong hahanapin, ngunit kung itatakwil ninyo siya, itatakwil din niya kayo. Matagal nang hindi sumasamba sa tunay na Diyos ang Israel, walang paring nagtuturo at wala ring kautusan. Ngunit nang dumating sila sa kagipitan, humingi sila ng tulong kay Yahweh, ang Diyos ng Israel. Siya'y kanilang hinanap at kanilang natagpuan. Mapanganib noon ang maglakbay at mangalakal sapagkat magulo kahit saang lugar. Naglalaban-laban ang mga bansa, at ang mga lunsod sa kapwa lunsod, sapagkat ginugulo at pinahihirapan sila ng Diyos. Ngunit magpakatatag kayo at huwag masiraan ng loob. Gagantimpalaan kayo dahil sa inyong mga ginagawa.”

Nang marinig ni Asa ang pahayag na ito ni Azarias na anak ni Oded, lumakas ang kanyang loob. Inalis ni Asa ang lahat ng kasuklam-suklam na diyus-diyosan sa buong Juda, sa Benjamin at sa lahat ng bayang nasakop niya sa Kaburulan ng Efraim. Ipinaayos niya ang altar ni Yahweh na nasa harap ng bulwagan ng Templo. Pagkatapos, tinipon niya ang mga taga-Juda at Benjamin at ang mga nanggaling sa Efraim, Manases at Simeon na nakikipanirahan sa kanila. Maraming taga-Israel ang sumama kay Asa nang malaman nilang kasama niya ang Diyos niyang si Yahweh. 10 Naganap ang pagtitipong ito sa Jerusalem noong ikatlong buwan ng ikalabing limang taon ng paghahari ni Asa. 11 Nang araw na iyon, naghandog sila kay Yahweh ng pitong daang toro at pitong libong tupa buhat sa mga nasamsam nila. 12 Gumawa sila ng kasunduan na buong puso at kaluluwa nilang sasambahin si Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, 13 at papatayin ang sinumang hindi sasamba sa kanya, maging lalaki o babae, matanda o bata. 14 Pasigaw na nanumpa sila kay Yahweh. Nagsigawan sila kasabay ng pag-ihip sa mga trumpeta at tambuli. 15 Masayang-masaya ang buong Juda sa kanilang pagkakaisa sapagkat buong puso silang nangakong sasamba kay Yahweh. At ang kanilang masayang pagsamba ay tinanggap ni Yahweh; nalugod siya sa kanila kaya binigyan sila ni Yahweh ng kapayapaan sa lahat ng panig.

16 Inalis ni Haring Asa sa pagiging inang-reyna ang lola[c] niyang si Maaca sapagkat nagtayo ito ng malaswang rebulto ng diyosang si Ashera. Winasak niya iyon at sinunog sa Libis ng Kidron. 17 Kahit hindi naalis ni Asa sa Israel ang lahat ng mga bahay-sambahan ng mga pagano, naging tapat siya kay Yahweh sa buong buhay niya. 18 Dinala niya sa Templo ang lahat ng kagamitang yari sa pilak at ginto na inilaan niya at ng kanyang ama sa Diyos. 19 Hindi nagkaroon ng digmaan sa loob ng tatlumpu't limang taóng paghahari ni Asa.

Pagputol ng Pakikipagkaibigan sa Israel(S)

16 Nang ikatatlumpu't anim na taon ng paghahari ni Asa, nilusob ni Haring Baasa ng Israel ang Juda. Pinalibutan niya ng pader ang Rama upang walang makaalis o kaya'y makapunta kay Asa sa Juda. Dahil dito, nakipag-ugnay si Asa kay Ben-hadad na hari ng Siria at nakatira sa Damasco. Nagpadala siya ng pilak at ginto na kinuha niya sa kabang-yaman ng Templo ni Yahweh at sa kanyang palasyo. Ganito ang sinabi niya, “Pinadadalhan kita ng pilak at ginto. Ibig kong magtulungan tayo tulad nang ginawa ng ating mga magulang. Sirain mo na ang kasunduan ninyo ni Baasa na hari ng Israel upang hindi na niya ako guluhin.” Sumang-ayon naman si Ben-hadad at pinasalakay niya ang mga pinuno ng kanyang hukbo sa mga lunsod ng Israel. Napasok ng mga ito ang Ijon, Dan, Abelmain at ang mga lunsod-imbakan sa Neftali. Nang mabalitaan ito ni Baasa, ipinatigil niya ang pagpapader sa Rama. Dahil dito, tinawag ni Haring Asa ang mga taga-Juda at ipinahakot ang lahat ng bato at kahoy na naiwan sa itinatayong pader at ginamit niya ang mga ito sa pagpapader sa Geba at Mizpa.

Si Propeta Hanani

Nagpunta noon kay Asa si Hanani na isang propeta at sinabi, “Dahil nagtiwala ka sa hari ng Siria, sa halip na kay Yahweh na iyong Diyos, natakasan ka ng hukbo ng hari ng Siria.[d] Mas malaki ang mga hukbo ng mga taga-Etiopia at mga taga-Libya. Napakarami nilang karwahe at mga mangangabayo ngunit ibinigay sila sa iyo ni Yahweh sapagkat sa kanya ka nagtiwala. Nagmamasid si Yahweh sa buong daigdig upang tumulong sa lahat ng tapat sa kanya. Dahil sa kahangalan mong ito, mula ngayo'y lagi kang magkakaroon ng digmaan.” 10 Sa sinabing ito, nagalit si Asa kay Hanani at ito'y ikinadena sa bilangguan. Mula noo'y naging malupit si Asa sa mga tao.

Ang Buod ng Kasaysayan ni Asa(T)

11 Lahat ng ginawa ni Asa mula sa simula hanggang wakas ay nakatala sa Aklat ng Kasaysayan ng mga Hari ng Juda at Israel. 12 Noong ikatatlumpu't siyam na taon ng kanyang paghahari, nagkaroon siya ng malubhang sakit sa paa. Sa halip na kay Yahweh humingi ng tulong, sa mga manggagamot siya sumangguni. 13 Namatay siya nang ikaapatnapu't isang taon ng kanyang paghahari. 14 Inilibing siya sa Lunsod ni David sa isang libingang yungib na ipinasadya niya para sa kanyang sarili. Inilagay siya sa isang kabaong na nilagyan ng lahat ng uri ng pabango. Bilang pagpaparangal sa kanya, gumawa ang mga tao ng napakalaking siga.

Ang Paghahari ni Jehoshafat

17 Ang humalili kay Asa bilang hari ay ang anak niyang si Jehoshafat, at pinalakas nito ang kanyang paghahari laban sa Israel. Naglagay siya ng mga kawal sa lahat ng mga lunsod na may pader sa Juda at nagtayo ng mga kampo sa buong bansa, pati sa mga lunsod ng Efraim na nasakop ng kanyang amang si Asa. Pinatnubayan si Jehoshafat ni Yahweh sapagkat tinularan niya ang mabuting pamumuhay ng kanyang ama noong una. Hindi siya sumamba sa mga Baal. Nanalig siya sa patnubay ng Diyos ng kanyang ama. Sinunod niya ang Kautusan ng Diyos at hindi tinularan ang ginawa ng mga naging hari ng Israel. Kaya, pinatatag ni Yahweh ang kaharian ni Jehoshafat at ang buong Juda ay nagbuwis sa kanya. Nagkaroon siya ng maraming kayamanan at malaking karangalan. Masigla siyang naglingkod kay Yahweh. Inalis niya sa buong Juda ang mga bahay-sambahan ng mga pagano at ang mga rebulto ni Ashera.

Nang ikatlong taon ng kanyang paghahari, inutusan niya ang kanyang mga opisyal na sina Benhayil, Obadias, Zacarias, Netanel, at Micaias na magturo sa mga lunsod ng Juda. Kasama rin nila ang mga Levitang sina Semaias, Netanias, Zebadias, Asahel, Semiramot, Jehonatan, Adonijas, Tobias, Tobadonijas at ang mga paring sina Elisama at Jehoram. Nagturo sila sa mga lunsod sa buong Juda na dala ang aklat ng Kautusan ni Yahweh.

Ang Kapangyarihan ni Jehoshafat

10 Ang mga kaharian sa palibot ng Juda ay pinagharian ng takot kay Yahweh kaya't hindi nila dinigma si Jehoshafat. 11 Nagpadala sa kanya ng mga pilak ang mga Filisteo bilang buwis. Nagbigay naman ang mga Arabo ng pitong libo't pitong daang lalaking tupa at gayundin karaming kambing na lalaki. 12 Lalong naging makapangyarihan si Jehoshafat. Pinaderan niya ang mga lunsod sa Juda at nagpatayo ng mga lunsod-imbakan. 13 Napakarami ng kanyang inipong kayamanan sa mga lunsod ng Juda. Naglagay siya ng matatapang na kawal sa Jerusalem. 14 Ganito ang kanilang mga pangkat ayon sa kanilang mga angkan—sa lipi ni Juda: tatlong daang libong kawal. Si Adna ang pinakamataas nilang pinuno. 15 Pangalawa si Jehohanan na namahala sa pangkat na binubuo ng dalawandaan at walumpung libo. 16 Ang pangatlo ay si Amazias na anak ni Zicri na kusang-loob na naghandog ng paglilingkod kay Yahweh. Ang pinamahalaan naman niya'y dalawandaang libong matatapang na kawal. 17 Sa lipi ni Benjamin: si Eliada, isang mahusay na kawal, ang namahala sa pangkat na may dalawandaang libong may sandatang mga pana at panangga. 18 Ang pangalawa sa kanya ay si Jehosabad na namahala naman sa sandaan at walumpung libong kawal na handa sa pakikipaglaban. 19 Ang mga pangkat na ito ang naglingkod sa hari, bukod sa nakapuwesto sa mga may pader na lunsod sa buong Juda.

Ang Babala ni Propeta Micaias kay Ahab(U)

18 Nang si Jehoshafat ay yumaman at naging tanyag, nakipagkaibigan siya kay Ahab. Ipinakasal ni Jehoshafat ang isang kabilang sa kanyang pamilya sa isang kabilang sa pamilya ni Ahab. Lumipas ang ilang taon at dinalaw niya si Ahab sa Samaria. Nagpapatay si Ahab ng maraming tupa at baka para sa kanyang mga panauhin. Sa pagkakataong iyon, hinikayat ni Ahab si Jehoshafat na salakayin nila ang Ramot-gilead. Nang tanungin ni Ahab na hari ng Israel si Jehoshafat na hari ng Juda tungkol dito, ganito ang sagot niya, “Handa ako at ang aking mga tauhan. Sasama kami sa inyo sa digmaan. Ngunit bago natin gawin ito, sumangguni muna tayo kay Yahweh.”

Tinipon ng hari ng Israel ang apatnaraang propeta at tinanong kung dapat bang salakayin ang Ramot-gilead o hindi. “Sumalakay kayo,” ang nagkakaisang tugon nila, “ibibigay iyon ng Diyos sa inyong mga kamay.” Ngunit nagtanong si Jehoshafat kung wala na bang ibang propeta si Yahweh na maaari nilang mapagtanungan.

Sumagot ang hari ng Israel, “Mayroon pang isa. Si Micaias na anak ni Imla. Kaya lang, galit ako sa taong iyon sapagkat wala na siyang mabuting propesiya tungkol sa akin, puro na lang masama.”

“Huwag kayong magsalita nang ganyan, mahal na hari,” sabi ni Jehoshafat.

Ipinatawag agad ng hari ng Israel ang isa sa mga opisyal niya upang ipasundo si Micaias. Nakaupo ang dalawang hari sa kani-kanilang trono sa gitna ng giikan sa may pintuan ng Samaria. Nakasuot sila ng mariringal na damit at nasa harapan nila ang mga propeta na nagpapahayag. 10 Naroon din si Zedekias na anak ni Quenaana. May dala itong mga sungay na bakal na ginawa niya at ang sabi, “Ito ang sinasabi ni Yahweh: ‘Sa pamamagitan ng mga sungay na ito, maitataboy ninyo ang mga taga-Siria hanggang sa sila'y malipol.’” 11 Ganito rin ang sinabi ng mga propetang naroon. Iisa ang payo nila, “Salakayin ninyo ang Ramot-gilead at magtatagumpay kayo, sapagkat ibibigay ito ni Yahweh sa kamay ng hari.”

12 Samantala, nakita si Micaias ng sugo ng hari. Sinabi niya, “Ang ibang mga propeta'y nagkaisang magpahayag nang kasiya-siya sa hari. Makakabuting kasiya-siya rin ang ipahayag mo.”

13 Ngunit sinabi ni Micaias, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[e] kung ano ang sasabihin niya sa akin iyon din ang aking sasabihin.”

14 Pagdating ni Micaias, tinanong siya ng hari, “Dapat ba o hindi dapat na salakayin namin ang Ramot-gilead?”

Ang tugon niya, “Humayo kayo at magtagumpay. Tiyak na ibibigay sila ni Yahweh sa inyong mga kamay.”

15 Ngunit sinabi ng hari, “Hanggang kailan ko ba sasabihin sa iyo na sa pangalan ni Yahweh ay pawang katotohanan lamang ang iyong sasabihin sa akin?”

16 At(V) sumagot si Micaias,

“Nakita kong nagkawatak-watak ang hukbo ng Israel,
Nagkalat sa kabundukan parang tupang walang pastol!

Narinig kong sinabi ni Yahweh, ‘Sila'y walang tagapanguna kaya't pauwiin na silang mapayapa.’”

17 Sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “Hindi ba't sinabi ko sa iyo na ang taong iyan ay walang mabuting propesiya tungkol sa akin, at puro na lang masama?”

18 “Makinig kayo sa sinasabi ni Yahweh,” sabi ni Micaias. “Nakita kong nakaupo si Yahweh sa kanyang trono at ang buong hukbo ng kalangita'y nakahanay sa magkabilang tabi niya. 19 Nagtanong si Yahweh, ‘Sino ang mag-uudyok kay Haring Ahab ng Israel na sumalakay upang mapatay siya sa Ramot-gilead?’ 20 Isa't isa'y may kanyang sinasabi, hanggang may isang espiritu na tumayo sa harapan ni Yahweh at sinabi, ‘Ako ang mag-uudyok sa kanya.’ 21 ‘Paano mo iyan gagawin?’ tanong ni Yahweh. ‘Pupunta ako at uudyukan kong magsinungaling ang lahat ng kanyang mga propeta,’ sagot niya. ‘Gawin mo iyan at magtatagumpay ka,’ sabi ni Yahweh.

22 “Ipinahintulot ni Yahweh na magsinungaling sa iyo ang mga propeta mo. Subalit itinakda na niya na mapapahamak ka!”

23 Lumapit si Zedekias kay Micaias at sinampal niya ito. Sinabi niya, “Kailan pa ako iniwan ng Espiritu ni Yahweh upang magsalita sa iyo?”

24 “Malalaman mo rin iyon kapag nagtago ka na sa loob ng isang silid,” sagot ni Micaias.

25 Iniutos ng hari ng Israel na dakpin si Micaias at ibigay sa kanyang anak na si Joas at kay Ammon na gobernador ng lunsod. 26 “Ikulong ninyo siya at bigyan ng kaunting tinapay at tubig lamang hanggang makauwi akong ligtas,” sabi niya.

27 “Kapag nakauwi kang ligtas, hindi nga ako kinausap ni Yahweh,” sagot naman ni Micaias. Sinabi pa niya, “Tandaan ninyo ang lahat ng sinabi ko.”

Ang Kamatayan ni Ahab(W)

28 Magkasamang lumusob sa Ramot-gilead ang hari ng Israel at si Jehoshafat na hari ng Juda. 29 Sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “Magbabalatkayo ako pagpunta sa labanan ngunit magsuot ka ng damit-hari.” Nakabalatkayo nga ang hari ng Israel na pumunta sa labanan.

30 Iniutos ng hari ng Siria sa kanyang mga pinuno ng mga karwahe na ang hari ng Israel ang tutukan sa pagsalakay. 31 Nang makita nila si Jehoshafat, inisip nilang ito ang hari ng Israel, kaya't dinaluhong nila ito. Nanalangin nang malakas kay Yahweh si Jehoshafat upang siya'y iligtas. Tinulungan naman siya ng Diyos na si Yahweh at itinaboy nito ang mga kaaway. 32 Nang malaman ng mga pinunong nasa karwahe na hindi siya ang hari ng Israel, hindi na nila ito hinabol. 33 Ngunit sinamang-palad naman ang hari ng Israel. Tinamaan siya ng isang ligaw na palaso buhat sa kaaway. Tumagos ang palaso sa pagitan ng kanyang baluti at siya'y nasugatan. Sinabi niya sa nagpapatakbo ng kanyang karwahe, “Umalis na tayo rito! Malubha ang tama ko.” 34 Naging mahigpit ang labanan nang araw na iyon. Nanatiling nakasandal si Ahab sa kanyang karwahe na nakaharap sa mga taga-Siria. Paglubog ng araw ay namatay siya.

Pinagsabihan ng Propeta si Jehoshafat

19 Ligtas na nakabalik sa kanyang palasyo sa Jerusalem si Jehoshafat na hari ng Juda. Sinalubong siya ng propetang si Jehu, anak ni Hanani, at sinabi sa kanya, “Dapat mo bang tulungan ang masasama at kumampi sa mga napopoot kay Yahweh? Sa ginawa mong ito ay ginalit mo si Yahweh. Gayunma'y hindi ka naman lubos na masama sapagkat inalis mo sa lupain ang mga rebulto ng diyus-diyosang si Ashera at sinikap mo ring sumunod sa Diyos.”

Ang mga Repormang Isinagawa ni Jehoshafat

Kahit na sa Jerusalem nakatira si Jehoshafat, pumupunta siya sa Beer-seba hanggang sa kaburulan ng Efraim upang hikayatin ang mga tao na magbalik-loob kay Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno. Naglagay siya ng mga hukom sa buong lupain, isa sa bawat may pader na lunsod ng Juda. Sinabi niya sa kanila, “Mag-ingat kayo sa paghatol sapagkat humahatol kayo para kay Yahweh at hindi para sa tao. Kasama ninyo siya sa inyong paghatol. Igalang at sundin ninyo si Yahweh. Mag-ingat kayo sa paghatol sapagkat hindi pinahihintulutan ng Diyos nating si Yahweh ang pandaraya, ang pagkiling sa sinuman at ang pagtanggap ng suhol.”

Naglagay rin si Jehoshafat sa Jerusalem ng mga hukom na binubuo ng mga Levita, mga pari at mga pinuno ng mga angkan ng Israel. Pinili niya ang mga ito upang humatol sa mga usapin ukol sa paglabag sa mga kautusan ni Yahweh at sa mabibigat na usapin ng mga taong-bayan. Sinabi niya sa kanila, “Gampanan ninyo ang inyong tungkulin nang may takot kay Yahweh nang buong puso, at nang buong katapatan. 10 Kapag ang inyong mga kapatid mula sa ibang lunsod ay nagsampa sa inyo ng usaping may kinalaman sa pagpatay ng tao o anumang paglabag sa kautusan, pangaralan ninyo silang mabuti upang hindi sila magkasala sa harap ni Yahweh. Sa ganitong paraan, hindi magagalit si Yahweh sa inyo at sa kanila. 11 Sa mga bagay na nauukol kay Yahweh, si Amarias na pinakapunong pari ang mamumuno sa paglilitis. Sa mga bagay namang nauukol sa hari, si Zebadias na anak ni Ismael at pinuno ng angkan ni Juda ang mamumuno. Ang mga Levita naman ang magiging mga tagapagpatupad ng hatol. Magpakatatag kayo sa inyong paghatol at pagpalain nawa ni Yahweh ang mga matuwid.”

Digmaan Laban sa Edom

20 Dumating ang panahon na nilusob ng mga Moabita, Ammonita at ilang Meunita si Jehoshafat. Nabalitaan niya na isang malaking pangkat mula sa Edom ang sumasalakay sa ibayo ng lawa at nasa Hazazon-tamar, na tinatawag ding En-gedi. Nabahala si Jehoshafat at humingi siya ng patnubay kay Yahweh. Iniutos niya na mag-ayuno ang lahat ng mamamayan ng Juda. Nagtipun-tipon ang buong Juda upang humingi ng tulong kay Yahweh. Dumating sila buhat sa iba't ibang lunsod.

Tumayo si Jehoshafat sa harap ng mga taga-Juda at Jerusalem na nagtitipon sa bagong bulwagan ng Templo. Nanalangin siya:

“O Yahweh, Diyos ng aming mga ninuno at ng buong kalangitan, kayo po ang namamahala sa lahat ng bansa at ikaw ang may lubos na kapangyarihan. Kaya walang maaaring lumaban sa inyo. O(X) Diyos namin, ikaw ang nagpalayas sa mga tagarito upang ibigay ang lupaing ito sa bayan mong Israel magpakailanman. Ginawa ninyo iyon ayon sa inyong pangako kay Abraham na inyong kaibigan. Dito nga sila tumira at itinayo nila ang Templong ito upang dito kayo sambahin. Sabi nila, ‘Kung may masamang mangyari sa amin tulad ng digmaan, baha, salot o taggutom, haharap kami sa Templong ito upang humingi ng tulong sa inyo sapagkat dito kayo sinasamba. Tatawag kami sa inyo, papakinggan ninyo kami at ililigtas sa panahon ng aming kagipitan.’

10 “Ngayo'y(Y) sinasalakay kami ng mga kawal mula sa Ammon, Moab at sa kaburulan ng Edom, mga lugar na hindi ninyo ipinahintulot na pasukin ng mga Israelita nang umalis sila sa Egipto, kaya sila'y hindi nawasak. 11 Ngayo'y ito po ang iginanti nila sa amin! Sinalakay nila kami at nais palayasin sa lupaing ito na ipinamana ninyo sa amin. 12 Ikaw po ang Diyos namin, parusahan ninyo sila. Hindi namin kayang labanan ang ganito karaming hukbo. Hindi po namin alam ang aming gagawin. Sa inyo lamang kami umaasa.”

13 Samantala, lahat ng kalalakihan ng Juda kasama ang kanilang mga asawa't anak ay dumulog kay Yahweh. 14 Ang Espiritu[f] ni Yahweh ay lumukob kay Jahaziel na anak ni Zacarias. Apo siya ni Benaias na anak ni Jeiel na apo naman ni Matanias, isa sa mga Levitang anak ni Asaf. 15 Sinabi(Z) niya, “Makinig kayo, Haring Jehoshafat, at kayong mga taga-Juda at Jerusalem. Ganito ang sinasabi sa inyo ni Yahweh: ‘Huwag kayong matakot ni masiraan ng loob dahil sa maraming kaaway. Ang Diyos ang makikipaglaban at hindi kayo. 16 Harapin ninyo sila bukas sapagkat aahon sila sa Ziz. Makakasagupa ninyo sila sa may dulo ng libis sa silangan ng ilang ng Jeruel. 17 Hindi(AA) na kayo kailangang lumaban. Manatili na lamang kayo sa inyong kinatatayuan at maghintay. Makikita ninyo ang pagtatagumpay ni Yahweh para sa inyo.’ Kaya hindi kayo dapat matakot ni masiraan ng loob. Harapin ninyo sila bukas sapagkat si Yahweh ang kasama ninyo!”

18 Si Jehoshafat at ang buong Juda at ang mga mamamayan ng Jerusalem ay nagpatirapa at sumamba kay Yahweh. 19 Tumayo naman ang mga Levita sa angkan ni Kohat at Korah at sa napakalakas na tinig ay nagpuri sila kay Yahweh, ang Diyos ng Israel.

20 Kinabukasan, maaga silang lumabas patungo sa ilang ng Tekoa. Ngunit bago sila umalis, sinabi sa kanila ni Jehoshafat, “Makinig kayo, mga taga-Juda at Jerusalem. Magtiwala kayo sa Diyos ninyong si Yahweh at magiging matatag kayo. Maniwala kayo sa kanyang mga propeta at magtatagumpay kayo.” 21 Matapos niyang paalalahanan ang mga tao, pumili siya ng mga mang-aawit na magpupuri kay Yahweh dahil sa kanyang kahanga-hangang kabanalan. Inilagay niya ang mga ito sa unahan ng hukbo at habang daa'y umaawit:

“Purihin si Yahweh,

    pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”

22 Nang marinig ng mga kaaway ang awitan, ginulo sila ni Yahweh. Dahil dito, sila-sila ang nagkagulo. 23 Ang sinalakay ng mga Ammonita at Moabita ay ang kasama nilang taga-Edom, at nilipol nila ang mga ito. Pagkatapos, sila-sila ang nagpatayan.

24 Umakyat ang mga taga-Juda sa tore na nasa disyerto at nagmanman sa mga kaaway. Wala silang nakitang nakatakas. Lahat ay patay na nakahandusay sa lupa. 25 Napakaraming nasamsam ni Jehoshafat at ng kanyang mga kasama. Halos hindi nila madala ang nasamsam nilang kawan, mga kagamitan, damit at maraming mahahalagang bagay. Tatlong araw nila itong hinakot ngunit sa sobrang dami ay hindi nila nakuhang lahat. 26 Nang ikaapat na araw, nagtipon sila sa isang libis at nagpuri kay Yahweh. Kaya, simula noo'y tinawag na Libis ng Beraca ang lugar na iyon. 27 Sa pangunguna ni Jehoshafat, umuwi na ang lahat ng mga taga-Juda at Jerusalem. Tuwang-tuwa sila dahil sa tagumpay na ipinagkaloob sa kanila ni Yahweh. 28 Pagdating nila sa Jerusalem ay tumuloy sila sa Templo, kasabay ng tugtog ng mga alpa, lira at trumpeta. 29 Mula noon, ang lahat ng kaharian at bansa ay natakot nang malaman nila kung paano tinalo ni Yahweh ang mga kaaway ng Israel. 30 Naging tahimik ang buong nasasakupan ni Jehoshafat, at binigyan siya ng Diyos ng kapayapaan sa buong kaharian.

Ang Buod ng Kasaysayan ni Jehoshafat(AB)

31 Tatlumpu't limang taóng gulang si Jehoshafat nang magsimula siyang maghari, at namahala siya sa Jerusalem sa loob ng dalawampu't limang taon. Ang ina niya'y si Azuba na anak ni Silhi. 32 Tulad ng kanyang amang si Asa, ginawa niya ang mabuti sa paningin ni Yahweh. 33 Gayunman, nanatili pa rin ang mga dambana ng mga pagano. Hindi pa lubusang nanumbalik ang mga tao sa Diyos ng kanilang mga ninuno.

34 Ang iba pang ginawa ni Jehoshafat buhat sa simula hanggang wakas ay nakasulat sa Kasaysayan ni Jehu na Anak ni Hanani na bahagi ng Aklat ng Kasaysayan ng mga Hari ng Israel.

35 Dumating ang panahong si Jehoshafat ay nakipagkasundo kay Ahazias, isang masamang hari ng Israel. 36 Nagkaisa silang magpagawa ng mga malalaking barko sa Ezion-geber. 37 Sa ginawang ito, sinabi ni Eliezer, anak ni Dodavahu na taga-Maresa, laban kay Jehoshafat, “Dahil sa pakikiisa mo kay Ahazias, wawasakin ni Yahweh ang lahat ng ginawa mo.” At lahat nang mga barkong ipinagawa nila ay winasak ng bagyo at hindi nakaalis.

Si Haring Jehoram ng Juda(AC)

21 Namatay si Jehoshafat at inilibing sa Lunsod ni David sa libingan ng kanyang mga ninuno. Pumalit sa kanya ang kanyang anak na si Jehoram. Ang iba pang mga anak na lalaki ni Haring Jehoshafat ng Juda ay sina Azarias, Jehiel, Zacarias, Azarias, Micael at Sefatias. Pinamanahan sila ng kanilang ama ng maraming pilak, ginto at iba pang mahahalagang ari-arian. Binigyan din sila ng mga may pader na lunsod sa Juda, ngunit kay Jehoram ibinigay ang paghahari sapagkat siya ang panganay. Nang matatag na ang paghahari ni Jehoram, pinatay niya ang kanyang mga kapatid at ang ilan pang pinuno sa Juda. Tatlumpu't dalawang taon siya nang magsimulang maghari at walong taóng namahala sa Juda. Sa Jerusalem siya nanirahan. Sapagkat napangasawa niya ang anak ni Ahab, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Nagpakasama rin siya tulad ng mga naging hari ng Israel, tulad ng sambahayan ni Ahab. Ngunit(AD) ayaw wasakin ni Yahweh ang paghahari ng angkan ni David alang-alang sa kanyang pangako kay David. Ipinangako ni Yahweh na ang paghahari ay hindi niya aalisin sa angkan ni David magpakailanman.

Nang(AE) panahon ng pamamahala ni Jehoram, naghimagsik ang Edom laban sa Juda at naglagay ng sariling hari. Inilabas ni Jehoram at ng kanyang mga pinuno ang lahat nilang karwahe at sinalakay ang Edom. Gabi nang sila'y sumalakay, ngunit napaligiran sila at natalo. 10 Kaya mula noon, hindi na muling nasakop ng Juda ang Edom. Naghimagsik din kay Jehoram ng Juda ang Lunsod ng Libna dahil sa pagtalikod nito kay Yahweh, ang Diyos ng kanyang mga ninuno.

11 Hindi lamang iyon, nagtayo pa siya ng mga sambahan ng mga pagano sa mga burol ng Juda at nanguna sa mga taga-Jerusalem sa pagsamba sa mga diyus-diyosan. Siya ang nanguna sa mga taga-Juda para gumawa ng kasamaan. 12 Tumanggap si Jehoram ng isang sulat mula kay Elias na isang propeta. Ang sabi sa liham:

“Ito ang mensahe ni Yahweh, ang Diyos ni David na iyong ama, ‘Hindi mo sinundan ang halimbawa ng iyong amang si Jehoshafat at ni Asa na hari sa Juda. 13 Sa halip, ang sinunod mo'y ang ginawa ng mga hari sa Israel. Inakit mo sa masamang gawain ang Juda at ang mga taga-Jerusalem gaya ng ginawa sa Israel ng sambahayan ni Ahab. Pinatay mo ang iyong mga kapatid at kasambahay na mas mabuti kaysa iyo. 14 Dahil dito, paparusahan ni Yahweh ang iyong bayan, ang iyong mga asawa't anak, at mawawasak ang lahat ng mga ari-arian mo. 15 Magkakasakit ka nang malubha at luluwa ang mga bituka mo sa tindi ng hirap na daranasin mo sa araw-araw.’”

16 Ginamit ni Yahweh ang mga Filisteo at ang mga Arabong malapit sa Etiopia laban kay Jehoram. 17 Kaya't nilusob ng mga ito ang Juda at sinamsam lahat ang ari-arian sa palasyo. Binihag nila ang lahat ng anak at asawa ng hari, maliban sa kanyang bunsong anak na lalaking si Ahazias.[g]

18 Pagkatapos niyon, si Jehoram ay pinadapuan ni Yahweh ng malubhang sakit sa bituka, isang karamdamang walang lunas. 19 Makalipas ang dalawang taon, lumuwa ang kanyang bituka at dumanas siya ng matinding hirap hanggang sa siya'y mamatay. Hindi man lamang siya ipinagluksa ng kanyang mga kababayan; di tulad ng ginawa nila sa kanyang mga ninuno. 20 Si Jehoram ay tatlumpu't dalawang taon nang magsimulang maghari, at walong taon siyang namahala. Wala isa mang nalungkot sa kanyang pagkamatay. Doon siya inilibing sa Lunsod ni David ngunit hindi isinama sa libingan ng mga hari.

Si Haring Ahazias ng Juda(AF)

22 Pagkamatay ni Jehoram, ang bunsong anak nitong si Ahazias ang iniluklok ng mga taga-Jerusalem upang maging hari. Ang ibang mga kapatid niya ay napatay ng pangkat na sumalakay sa Juda kasama ng mga Arabo, kaya siya ang ginawang hari ng Juda. Apatnapu't dalawang taon na si Ahazias nang magsimulang maghari at isang taon siyang namahala sa Juda. Sa Jerusalem siya nanirahan. Ang ina niya'y si Atalia na apo ni Omri.

Sinunod din ni Ahazias ang gawain ng mga hari sa Israel sapagkat ang kanyang ina ang naging tagapayo niya sa paggawa ng masama. Tulad sa angkan ni Ahab, hindi nalugod si Yahweh sa ginawa niya sapagkat ang mga ito ang naging tagapayo niya pagkamatay ng kanyang ama. At ito ang dahilan ng kanyang pagbagsak. Ang mga ito rin ang sinunod niya nang sumama siya kay Joram[h] na anak ni Haring Ahab ng Israel upang labanan sa Ramot-gilead si Hazael na hari ng Siria. Sa labanang iyon nasugatan si Joram.[i] Dahil sa nangyaring ito, ibinalik siya sa Jezreel upang doon magpagaling ng mga sugat. Doon siya dinalaw ni Ahazias. Kalooban ng Diyos na ang pagdalaw niyang ito ang maging pagkakataon para siya bumagsak. Sumama siya kay Joram[j] upang makipagkita kay Jehu na anak ni Namsi. Si Jehu ang pinili ni Yahweh upang lipulin ang sambahayan ni Ahab. Sa pagsasakatuparan nito, natagpuan niya ang mga pinuno ng Juda at ang mga pamangkin ni Ahazias na naglilingkod dito. Kaya't pinagpapatay niya ang mga ito. Ipinahanap nila si Ahazias at natagpuan ito sa Samaria. Dinala nila ito kay Jehu at kanyang ipinapatay. Ipinalibing niya ito at ang sabi, “Apo ito ni Jehoshafat na tapat na naglingkod kay Yahweh.” Walang natira sa sambahayan ni Ahazias na may kakayahang maghari sa Juda.

Si Reyna Atalia ng Juda(AG)

10 Nang malaman ni Atalia na ang anak niyang si Ahazias ay patay na, pinagpapatay rin niya ang sambahayan ng hari ng Juda. 11 Ngunit naitakas ni Jehosabet ang anak ni Ahazias na si Joas. Itinago niya ito sa isang silid-tulugan sa Templo kasama ng tagapag-alaga. Sa ganoong paraan iniligtas ni Jehosabet ang kanyang pamangking si Joas. Si Jehosabet ay asawa ng paring si Joiada at kapatid ni Ahazias sapagkat sila'y anak ni Haring Jehoram. 12 Si Joas ay itinago niya sa Templo kaya hindi napatay. Anim na taon siya roon, sa buong panahong namamahala si Atalia bilang reyna.

Ang Paghihimagsik Laban kay Reyna Atalia(AH)

23 Noong ikapitong taon, naglakas-loob si Joiada na makipagkasundo sa mga pinuno ng hukbo na sina Azarias na anak ni Jeroham, Ismael na anak ni Jehohanan, Azarias na anak ni Obed, Maasias na anak ni Adaya at Elisafat na anak ni Zicri. Mga pinuno sila ng mga pangkat na daan-daan. Nilibot nila ang buong Juda at tinipon sa Jerusalem ang lahat ng Levita mula sa mga lunsod at ang mga pinuno ng mga angkan ng Israel. Nagtipun-tipon(AI) sila sa bulwagan ng Templo ng Diyos at nanumpa ng katapatan sa hari. Sinabi sa kanila ni Joiada: “Narito ang anak ng yumaong hari! Dapat siyang maghari ayon sa pangako ni Yahweh tungkol sa mga anak ni David. Ito ang inyong gagawin: Ang ikatlong bahagi ng mga pari at Levita na naglilingkod kung Araw ng Pamamahinga ay magbabantay sa mga pintuan, ang isa pang ikatlo'y sa palasyo at ang natirang ikatlo'y doon naman sa Pintong Saligan. Ang buong bayan naman ay maghihintay sa mga bulwagan ng Templo ni Yahweh. Walang papasok sa Templo kundi ang mga pari at mga Levitang naglilingkod. Sila lamang ang makakapasok sapagkat sila lamang ang itinalaga ng Diyos para dito. Subalit ang mga taong-bayan ay maghihintay sa labas gaya nang ipinag-uutos ni Yahweh. Sa palibot ng hari'y magbabantay ang mga Levita na ang bawat isa'y may sandata. Papatayin ang sinumang mangahas pumasok sa Templo. Huwag ninyong hihiwalayan ang hari.”

Sinunod ng mga Levita at ng mga mamamayan ng Juda ang lahat ng utos ng paring si Joiada. Ang bawat pinuno ay laging kasama ng kanyang mga tauhan pati ang pangkat na pamalit o papalitan sa Araw ng Pamamahinga sapagkat sila'y hindi pinapauwi ni Joiada. Ibinigay niya sa mga pinuno ng hukbo ang mga sibat at ang malalaki at maliliit na panangga ni Haring David na nakatago sa Templo. 10 May sandata ang bawat isa at ang lahat ay nakabantay sa bawat sulok mula sa timog hanggang hilaga ng palasyo at sa palibot ng altar sa harapan ng Templo. 11 Nang maisagawa na ang lahat ng ito, inilabas ni Joiada ang anak ng hari at pinutungan ng korona. Ibinigay sa kanya ang isang kopya ng kasulatan tungkol sa paghahari at ipinahayag siyang hari. Lumapit si Joiada at ang kanyang mga anak at pinahiran siya ng langis. Nagsigawan ang lahat, “Mabuhay ang hari!”

12 Nang marinig ni Atalia ang ingay ng mga taong nagbubunyi sa hari, pumunta siya sa Templo. 13 Nakita niyang nakatayo ang hari sa may haligi sa may pintuan ng Templo. Lahat ay masayang umaawit at may tumutugtog ng trumpeta at ng iba pang mga instrumento. Pinunit ni Atalia ang kanyang kasuotan at sumigaw, “Ito'y isang kataksilan!”

14 “Ilabas ang babaing iyan!” utos ni Joiada sa mga pinuno ng hukbo. “Patayin ang sinumang magtangkang magligtas sa kanya. Huwag ninyo siyang patayin sa loob ng Templo ni Yahweh.”

15 Dinakip nila si Atalia at dinala sa palasyo sa may pintong daanan ng mga kabayo. Doon nila siya pinatay.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.